Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay puno ng Kanyang lakas, na laan sa lahat ng anak ng Diyos na masigasig na naghahangad nito.
Mahal kong mga kapatid, nabubuhay tayo sa napakahirap na dispensasyon. Naliligiran tayo ng mga hamon, kontrobersiya, at kaguluhan. Ang napakagulong panahong ito ay nakinita ng Tagapagligtas. Binalaan Niya tayo na sa ating panahon ay pupukawin ng kaaway ang galit sa puso ng mga tao at ililigaw sila ng landas.1 Subalit hindi intensyon kailanman ng ating Ama sa Langit na mag-isa tayong humarap sa nakalilitong personal na mga problema at isyu sa lipunan.
Mahal na mahal tayo ng Diyos kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak2 upang tulungan tayo.3 At ibinuwis ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang Kanyang buhay para sa atin. Ginawa Nila ang lahat ng iyon para makahugot tayo ng lakas sa Diyos—lakas na sapat sa pagharap sa mga pasanin, balakid, at tukso sa ating panahon.4 Ngayong araw na ito gusto kong magsalita tungkol sa kung paano tayo makakahugot ng lakas sa ating Panginoon at Maestro na si Jesucristo sa ating buhay.
Magsisimula tayo sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa Kanya.5 “Hindi maaari para sa [atin] na maligtas dahil sa kamangmangan.”6 Kapag mas marami tayong alam tungkol sa ministeryo at misyon ng Tagapagligtas7—mas nauunawaan natin ang Kanyang doktrina8 at ang ginawa Niya para sa atin—mas nalalaman natin na maibibigay Niya ang lakas na kailangan natin sa buhay.
Sa unang bahagi ng taong ito, hiniling ko sa mga young adult ng Simbahan na maglaan ng kaunting oras nila kada linggo sa pag-aaral ng lahat ng sinabi at ginawa ni Jesucristo na nasusulat sa ating pamantayang mga banal na kasulatan.9 Hinikayat ko sila na gawing personal na pangunahing kurikulum nila ang mga binanggit sa mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo sa Topical Guide.10
Ibinigay ko ang hamong iyon dahil tinanggap ko na mismo ang hamong ito. Binasa at ginuhitan ko ang bawat talatang bumabanggit kay Jesucristo, na nakalista sa ilalim ng main heading at ng 57 subtitle sa Topical Guide.11 Nang matapos ko ang nakatutuwang gawaing iyon, tinanong ako ng asawa ko kung ano ang naging epekto niyon sa akin. Sabi ko sa kanya, “Nagbago ako!”
Nanariwa ang katapatan ko sa Kanya nang mabasa kong muli sa Aklat ni Mormon ang sariling pahayag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang misyon sa mortalidad. Sabi Niya:
“Ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.
“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus.”12
Tinutukoy nating mga Banal sa mga Huling Araw ang Kanyang misyon bilang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kaya naging totoo ang pagkabuhay na mag-uli para sa lahat at naging posible ang buhay na walang hanggan para sa mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at tumatanggap at tumutupad ng mga kinakailangang ordenansa at tipan.
Sa doktrinal na pananalita, hindi sapat ang mga pinaikling pahayag sa pagtukoy sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon, gaya ng “Pagbabayad-sala” o “nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad sala” o “paggamit ng Pagbabayad-sala sa ating buhay” o “pinalalakas ng Pagbabayad-sala.” Nanganganib na iligaw ng mga salitang ito ang ating pananampalataya kung ituturing ang pangyayari na parang ito ay may sariling buhay at mga kakayahan na hiwalay sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Sa dakilang plano ng ating Ama sa Langit, ang Tagapagligtas ang nagdusa. Ang Tagapagligtas ang nagkalag ng mga gapos ng kamatayan. Ang Tagapagligtas ang tumubos sa ating mga kasalanan at paglabag at bumubura sa mga ito kapag nagsisi tayo. Ang Tagapagligtas ang nagpapalaya sa atin sa pisikal at espirituwal na kamatayan.
Walang entidad na walang hugis na tinatawag na “Pagbabayad-sala” na maaari nating hingan ng tulong, pagpapagaling, kapatawaran, o kapangyarihan. Si Jesucristo ang pinagmumulan nito. Ang mga sagradong salitang tulad ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ay naglalarawan sa ginawa ng Tagapagligtas, alinsunod sa plano ng Ama, upang mabuhay tayo nang may pag-asa sa buhay na ito at magtamo ng buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas—ang pinakatampok na kaganapan sa kasaysayan ng buong sangkatauhan—ay higit na mauunawaan at mapapahalagahan kapag tuwiran at malinaw natin itong iniugnay sa Kanya.
Ang kahalagahan ng misyon ng Tagapagligtas ay binigyang-diin ni Propetang Joseph Smith, na matatag na nagsabi na “ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”13
Ang mismong pahayag na ito ng Propeta ang nagganyak sa 15 propeta, tagakita, at tagapaghayag na ilathala at lagdaan ang kanilang patotoo bilang paggunita sa ika-2,000 taong anibersaryo ng pagsilang ng Panginoon. Ang makasaysayang patotoong ito ay pinamagatang “Ang Buhay na Cristo.”14 Maraming miyembro na ang nakapagsaulo ng mga katotohanang nakapaloob dito. Ang iba naman ay halos walang alam tungkol dito. Habang nagsisikap kayo na higit pang makaalam tungkol kay Jesucristo, hinihimok ko kayong pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo.”
Kapag naglaan tayo ng oras sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mahihikayat tayong makilahok sa isa pang mahalagang sangkap sa paghugot ng lakas sa Kanya: pinipili nating sumampalataya sa Kanya at tularan Siya.
Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo. Sila ay walang takot, tapat, at matapang. Nalaman ko na may ganitong mga disipulo nang papuntahin ako kamakailan sa Mexico, kung saan nakausap ko ang mga opisyal ng pamahalaan at maging ang mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon. Bawat isa ay pinasalamatan ako sa kagitingan at matagumpay na pagsisikap ng ating mga miyembro na protektahan at ipreserba ang matatag na pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya sa kanilang bansa.
Hindi madali o otomatiko ang maging gayon kalakas na mga disipulo. Kailangan tayong magtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip.15 Nguni’t kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot.16
Nalaman ko kamakailan ang tungkol sa isang walang-takot na batang Laurel. Inanyayahan siyang lumahok sa isang statewide competition para sa kanyang high school sa gabi na nakapangako rin siyang sumama sa isang stake Relief Society meeting. Nang matanto niya ang gusot na ito at maipaliwanag sa mga opisyal ng kumpetisyon na kailangan niyang lisanin nang maaga ang kumpetisyon para dumalo sa isang mahalagang pulong, sinabihan siya na aalisin siya sa paligsahan.
Ano ang ginawa ng latter-day Laurel na ito? Tinupad niya ang kanyang pangakong makilahok sa Relief Society meeting. Tulad ng ipinangako, inalis siya sa statewide competition. Nang tanungin siya tungkol sa kanyang desisyon, simple lang ang isinagot niya, “Mas mahalaga ang Simbahan, ’di po ba?”
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagtutulak sa atin na gawin ang mga bagay na kung tutuusin ay hindi natin gagawin. Ang pananampalatayang naggaganyak sa atin na kumilos ay nagbibigay-daan upang higit tayong makahugot ng lakas sa Kanya.
Pinalalakas din natin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay kapag gumagawa tayo ng mga sagradong tipan at ganap na tinutupad ang mga tipang ito. Ang ating mga tipan ang nagbubuklod sa atin sa Kanya at nagbibigay sa atin ng lakas mula sa Diyos. Bilang matatapat na disipulo, tayo ay nagsisisi at sumusunod sa Kanya sa mga tubig ng binyag. Tinatahak natin ang landas ng pakikipagtipan tungo sa pagtanggap ng iba pang mga kinakailangang ordenansa.17 At kay laking pasasalamat, na ayon sa plano ng Diyos ang mga pagpapalang iyon ay makararating sa ating mga ninuno na nangamatay na hindi ito natanggap sa buhay na ito.18
Ang mga lalaki at babaeng tumutupad sa tipan ay naghahanap ng mga paraan para mapanatiling walang bahid-dungis ang kanilang sarili mula sa sanlibutan para walang makahadlang sa paghugot nila ng lakas sa Tagapagligtas. Kailan lamang, isang tapat na asawa at ina ang sumulat nito: “Maligalig at mapanganib ang panahon ngayon. Napakapalad natin na higit tayong may kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan at may inspiradong patnubay mula sa mga mapagmahal na propeta, apostol, at lider na tumutulong sa ating paglalayag sa maunos na karagatang ito nang ligtas. Itinigil na natin ang nakaugaliang pagbubukas ng radyo sa umaga. Sa halip, nakakapakinig na tayo ngayon ng mensahe sa pangkalahatang kumperensiya sa ating mga mobile phone tuwing umaga habang inihahanda ang ating sarili para sa susunod na araw.”
Isa pang sangkap sa paghugot ng lakas sa Tagapagligtas sa ating buhay ang lumapit sa Kanya nang may pananampalataya. Ang ganitong uri ng paglapit ay nangangailangan ng masigasig at nakatuong pagsusumikap.
Natatandaan pa ba ninyo ang kuwento sa biblia tungkol sa isang babaing 12 taong nagdusa sa isang nakapanghihinang problema?19 Nagpakita siya ng malaking pananampalataya sa Tagapagligtas, na bumubulalas, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit, ay gagaling ako.”20
Kinailangan nitong matapat at nakatuong babae na lumapit sa abot ng kanyang makakaya upang makahugot ng lakas sa Kanya. Ang pisikal na paglapit niya ay simbolo ng kanyang espirituwal na paglapit.
Marami sa atin ang nanawagan mula sa kaibuturan ng ating puso gamit ang ibang pananalitang katumbas ng sinabi ng babaeng ito: “Kung espirituwal lang akong makakalapit nang sapat upang makahugot ng lakas sa Tagapagligtas sa buhay ko, malalaman ko kung paano harapin ang nakapanghihinang sitwasyon ko. Malalaman ko kung ano ang gagawin. At magkakaroon ako ng lakas na gawin ito.”
Kung huhugot kayo ng lakas sa Panginoon sa inyong buhay na kasingtindi ng isang taong nalulunod na nagpupumilit at nangangapos ang hininga, sasainyo ang lakas mula kay Jesucristo. Kapag alam ng Tagapagligtas na talagang gusto ninyong lumapit sa Kanya—kapag nadama Niya na pinakamimithi ng inyong puso na humugot ng lakas sa Kanya sa inyong buhay—gagabayan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano mismo ang dapat ninyong gawin.21
Kapag nagsikap kayo na espirituwal na lumapit sa Kanya nang higit pa sa dati ninyong nagawa, dadaloy ang Kanyang lakas sa inyo.22 At doon ninyo mauunawaan ang malalim na kahulugan ng mga salita sa kinakanta natin sa himno “Ang Espiritu ng Diyos”:
Ating pang-unawa’y pinalalawak ng Diyos. …
Lumalaganap ang dunong at lakas ng Diyos;
Ang tabing sa mundo’y nahahawing unti-unti.23
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay puno ng Kanyang lakas, na laan sa lahat ng anak ng Diyos na masigasig na naghahangad nito. Pinatototohanan ko na kapag humugot tayo ng lakas sa Kanya sa ating buhay, Siya at tayo man ay magagalak.24
Bilang isa sa Kanyang mga natatanging saksi, pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ang Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik na sa lupa! Ang buhay na propeta ng Diyos ngayon sa lupa ay si Pangulong Thomas S. Monson, na buong puso kong sinasang-ayunan. Pinatototohanan ko ito, nang may pagmamahal at basbas para sa bawat isa sa inyo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.