Kabanata 22
Walang Hanggang Gantimpala
Noong umaga ng ika-17 ng Mayo 1933, nagising sina John at Leah Widtsoe at nakita ang kanilang unang sulyap sa Banal na Lupain. Mula sa bintana ng tren, nakakita sila ng isang tigang at mabatong kapatagan na may mga bukirin at taniman sa gitna ng bawat mabatong bahagi ng kapatagan. Si John, na gumugol ng maraming taon sa pag-aaral ng siyensya ng pagsasaka sa mga disyerto, ay namangha sa tanawin. “Tunay na nakatutuwa,” isinulat niya sa kanyang journal.
Matapos bumalik sa London noong taglagas ng 1931, ipinagpatuloy ng mga Widtsoe ang kanilang mga responsibilidad sa European Mission. Papunta na sila ngayon sa Haifa, isang lunsod sa silangang baybayin ng Dagat Mediterranean, upang italaga ang isang lalaking nagngangalang Badwagan Piranian at ang kanyang asawang si Bertha, upang pamunuan ang Palestine-Syrian Mission ng Simbahan.1 Ang mission, na malapit nang pangasiwaan ang apat na branch sa rehiyon, ay isa sa mga pinakamaliit sa Simbahan. Si Badwagan ay isang Armenyo, tulad ng karamihan sa mga Banal sa Gitnang Silangan, at si Bertha ay isang Suwiso. Kapwa sila sumapi sa Simbahan noong nakaraang dekada.2
Noong una, walang plano si Leah na magpunta sa Palestina kasama si John. Lumaganap sa iba’t ibang panig ng mundo ang pagbagsak ng ekonomiya, lubhang pinipilay ang mga komunidad na unti-unti pa ring bumabangon mula sa digmaang pandaigdig. Kakaunti na lamang ang pera ng mga Widtsoe, at may kamahalan ang paglalakbay papunta sa kabilang kontinente. Ngunit iginiit ni John na sumama sa kanya si Leah.
“Nagawa na natin ang lahat ng bagay sa buhay nang magkasama, at ang paglalakbay na ito ay hindi dapat maiba,” sabi niya. “Makakaahon din tayo mula sa ‘kagipitan sa pananalapi’ kahit paano.”3
Pagdating sa Haifa, nakilala ng mga Widtsoe ang mga Piranian at ang kanilang labing-anim na taong gulang na anak na babaeng si Ausdrig. Hangang-hanga si John sa bagong pangulo. Matatas sa wikang Armenyo at Aleman, si Badwagan ay may kaunting kaalaman din sa wikang Turko, Ruso, at Ingles. “Si Brother Piranian,” iniulat ni John, “ay isang matalino, masipag, at tapat na tao.”4
Gayon din ang paghanga ni Leah kay Bertha. Matibay ang patotoo nito sa ebanghelyo at sabik itong matutuhan kung paano tutulungan ang kababaihan sa mission na mas lubos na makibahagi sa kanilang mga Relief Society at YLMIA. Naniwala si Leah na mahalaga ang mga organisasyong ito sa pagtatayo ng Simbahan sa lugar. “Kung ang mga babaeng ito ay maaaring maging aktibo at masaya sa pamamagitan ng Relief Society o mga programang Bee-Hive at Gleaner Girls,” naisip niya, “mag-iibayo ang kakayahan nilang maging tagapagtaguyod ng katotohanan.”
Kung minsan ay nadarama ni Leah na napakahirap hikayatin ang mga asawa ng mga mission president na hayaan ang mga lokal na kababaihang mangasiwa ng kanilang sariling mga organisasyon. Ngunit habang nagtutulungan sina Bertha at Leah, naipakita ang hangarin ni Bertha na gawin ang tama at maging mabuting lider. Nang handa na sina John at Leah na lisanin ang Haifa, alam ni Leah na napakahusay na gawain ang magagawa ni Bertha.5
Mula sa Haifa ay naglakbay sina Leah at John patungong Tel Aviv at pagkatapos ay pumunta sa Jerusalem. Nagplano silang maglakad patungo sa Western Wall [Kanlurang Pader], ang huling labi ng sinaunang templo sa Jerusalem. Gayunman, pagdating nila sa kanilang matutuluyan, tumanggap si John ng isang bunton ng mga liham at sinimulang basahin nang tahimik ang dalawang telegrama. Ang nilalaman ng mga ito ay labis na nakakabagabag, ngunit masaya si Leah, kaya isinantabi niya ang mga liham at nilisan nila ang otel.
Naglibot sila sa mga luma at liku-likong lansangan at sa gitna ng makukulay na mga tiyangge na puno ng mga tao. Sa Western Wall, nakita nila ang mga Judio na babae at lalaking nagdarasal at nagdadalamhati dahil sa pagkawasak ng templo ilang siglo na ang nakararaan. Habang nakatingin si Leah, napansin niya ang ilang bisita na isinusuksok ang mga panalanging nakasulat sa mga piraso ng papel sa pagitan ng mga bato sa dingding.
Nang gabing iyon, pinanood nila ang paglubog ng araw mula sa Bundok ng mga Olibo, hindi kalayuan mula sa halamanan kung saan nagdusa ang Tagapagligtas para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Iniisip pa rin ni John ang mga telegrama at hindi gaanong nasisiyahan sa kanilang paglilibot, ngunit tuwang-tuwa si Leah na makarating sa sagradong lunsod.
Kalaunan, matapos bumalik sa kanilang silid, sa wakas ay sinabi na ni John kay Leah kung ano ang bumabagabag sa kanya. Ang mga telegramang kanyang natanggap ay mula kay Pangulong Heber J. Grant, na sumulat upang sabihin sa kanila na pumanaw ang ina ni Leah noong ika-27 ng Mayo, isang araw matapos nilang lisanin ang Haifa. Ipinagpaliban ni John ang pagsabi kay Leah dahil napakasaya nito nang dumating sila sa Jerusalem, at hindi niya makayanang maging sanhi ng kalungkutan nito.6
Nagulantang sa balita si Leah. Batid niyang hindi maganda ang pakiramdam ni Susa, ngunit wala siyang ideya na napakalubha na pala ng sakit nito. Bigla siyang nakadama ng matinding lungkot at galit. Bakit niya kailangang maging malayo nang pumanaw ang kanyang ina? Inasam niyang makasama itong muli at ikuwento rito ang kanyang mga karanasan sa misyon. Ngayon, lahat ay nagbago. Nawalan siya ng sigla.7
Puno ng pighati, hirap na hirap ang damdamin niya sa buong magdamag at kinabukasan. Ang tanging nakapagpapanatag sa kanya ay ang isipin ang kanyang ina, na naglaan ng napakaraming oras sa gawain sa templo, na masayang nakasamang muli ang mga mahal sa buhay nito. Naalala niya ang isang masayang tula na isinulat ni Susa ilang taon na ang nakararaan:
Kapag nilisan ko ang mortal na buhay na ito
At hindi na mamamasyal dito sa mundo
Huwag magdalamhati, huwag umiyak, huwag bumuntong-hininga, huwag humikbi
Maaaring mas maganda ang trabahong nahanap ko.
Noong ika-5 ng Hunyo, nagpadala si Leah ng liham kay Pangulong Grant, nagpapasalamat sa kabaitang lagi nitong ipinapakita kay Susa. “Ang buhay ni Ina ay siksik at liglig sa panahon at mahahalagang ambag,” isinulat niya. “Dalangin ko na ang mga anak ni Inay, bawat isa sa amin, ay magmahal at ipamuhay ang katotohanan tulad ng ginawa niya.”8
Kalaunan noong taong iyon, sa South Africa, tapat na ginagampanan ni William Daniels ang kanyang mga tungkulin bilang pangulo ng Love Branch ng Cape Town. Bagama’t hindi siya makapagsasagawa ng mga ordenansa ng priesthood, maaari siyang mamuno sa mga pulong sa Lunes ng gabi, mangasiwa sa mga gawain ng branch, payuhan ang mga Banal na nasa kanyang pangangalaga, at dumalo sa mga kumperensya ng mga pinuno ng mission kasama ang iba pang mga pangulo ng branch sa South Africa.
Isang araw, nagkasakit nang malubha si William. Nakakatiyak siyang mabilis na mawawala ang sakit, kaya hindi siya kaagad humingi ng basbas sa mga misyonero. Gayunman, lumala ang kanyang kalagayan, at nag-alala ang kanyang mga doktor. Halos pitumpung taong gulang na siya, at mahina ang kanyang puso.
Anim na linggo ang lumipas bago sa wakas ay tumawag si William sa mission home upang humingi ng basbas. Wala roon si Pangulong Dalton, kaya isa pang misyonero ang dumating upang magbasbas sa kanya. Pagkatapos ng basbas, gumaan ang pakiramdam ni William, ngunit kalaunan ay bumalik ang sakit. Sa pagkakataong ito ay nakapunta na si Pangulong Dalton at nagbasbas sa kanya.
Nag-aalala para sa buhay ni William, dinala ni Pangulong Dalton ang kanyang asawang si Geneve, at ang kanilang mga anak upang panatagin ang kanilang kaibigan. Nang makita ni Pangulong Dalton ang kalagayan ni William, nagtangis siya. Lumuhod ang pamilya sa palibot ng kama, at ang limang taong gulang na si George Dalton ay nag-alay ng panalangin. Pagkatapos ay pinahiran ni Pangulong Dalton ng langis ang ulo ni William at binasbasan ito. Ipinangako niya kay William na magagawa nitong muling sumamba kasama ang mga Banal sa Cape Town.
Makalipas ang ilang linggo, bumalik si Pangulong Dalton sa lunsod at natagpuan si William na sapat na ang lakas para maglakbay. Magkasama silang nagpunta sa Mowbray Branch Sunday School, kung saan inanyayahan ng mga Banal si William na magsalita sa kanila. Umakyat siya sa pulpito na inaalalayan at nagpatotoo tungkol sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng pananampalataya. Pagkatapos ng pulong, lahat ng nasa silid, bata at matanda, ay nakipagkamay sa kanya. At hindi nagtagal ay nagawa niyang gampanang muli ang lahat kanyang mga tungkulin sa Love Branch.
Nagalak si William sa mga misyonero at sa mga basbas ng pagpapagaling na kanyang natanggap mula sa kanila. “Nadarama kong mas pinagpala ako kaysa sa hari sampu ng lahat ng kanyang kayamanan,” minsan niyang sinabi sa branch. “Pinasasalamatan ko ang Panginoon sa pribilehiyong dalawin ako ng mabubuting taong iyon sa aking tahanan, at sa pananampalataya ko sa mga elder sa pagpapahid sa akin ng langis.”9
Matapos bumuti ang kanyang kalusugan, isinulat ni William ang kanyang patotoo para sa pahayagan ng mission, ang Cumorah’s Southern Messenger. Habang pinagninilayan niya ang kanyang mga karanasan sa Simbahan, itinala niya ang kanyang pagbabalik-loob, ang kanyang pagbisita sa Lunsod ng Salt Lake na nagpabago ng kanyang buhay, at ang kanyang kamakailan lamang na karanasan sa kapangyarihan ng priesthood.
“Pinatototohanan ko na alam ko na si Joseph Smith ay naging propeta ng Diyos sa mga huling araw,” pagpapatotoo niya, “at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay walang ibang nilalaman kundi ang mga turo ni Cristo mismo.”
“Alam ko na ang Diyos ay buhay at naririnig at sinasagot Niya ang mga panalangin,” isinulat niya. “Si Jesus ang nabuhay na mag-uling Manunubos at siyang totoong Anak ng ating tunay at buhay na Ama sa Langit.”10
Hindi nagtagal matapos ang pagpanaw ng kanyang biyenang babae, tumanggap si John Widtsoe ng liham mula kay Pangulong Grant. “Patungkol sa inyong pagbabalik, sana’y magliliham ka sa akin nang may lubos na katapatan,” sabi nito. “Huwag mag-atubiling sabihin sa akin kung nais mong umuwi upang makasama dito ang iyong mga mahal sa buhay. Natupad mo na ang isang misyon na may pinakamataas na kalidad.”
Hindi alam ni John kung paano tutugon. Sa isang banda, nakapaglingkod na siya at si Leah sa loob ng anim na taon—dalawang beses ang tagal sa iba pang mga pangulo ng European Mission. Batid din ni John na nangungulila at kailangan sila ng kanilang pamilya sa Utah, lalo na ngayong wala na si Susa.11
Sa kabilang banda, komportable sila ni Leah sa Europa at masaya silang naglingkod bilang misyonero. Tiyak na hahanap-hanapin ni Leah ang gawain. Ang kanyang impluwensya sa Simbahan sa Europa ay makikita sa lahat ng dako. Pinalakas niya ang mga organisasyon ng kababaihan sa lugar, hinikayat ang mas tapat na pagsunod sa Word of Wisdom, at bumuo ng mga aralin sa Relief Society na angkop sa mga taga-Europa. Katatapos lamang niya ng kanyang edisyon ng hanbuk para sa Bee-Hive Girls na para sa Europa, na lubos na pinasimple at iniangkop ang programa ng MIA upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataang babae sa buong kontinente.12
Nahaharap din ang mission sa mga bagong hamon. Habang lumalaganap ang pagbagsak ng ekonomiya sa buong mundo, bumaba ang bilang ng nagbabayad ng ikapu sa Europa, at ilang branch ang nawalan ng kanilang mga pinagpupulungan dahil hindi makabayad ng upa. Nabawasan nang labis ng Depression ang bilang ng mga misyonero na may kakayahang maglingkod, at maraming pamilya ang kinailangan ang kanilang mga anak na lalaki upang tumulong sa paghahanapbuhay. Noong 1932, 399 na kalalakihan lamang ang nagawang tanggapin ang mga tawag sa misyon, kumpara sa mataas na bilang na 1,300 misyonero kada taon noong dekada ng 1920. Dahil lubhang nabawasan ang puwersa ng mga misyonero, pinakamainam ba para sa Simbahan kung sina John at Leah, na nagkaroon ng napakaraming praktikal na karanasan sa Europa, ay patuloy na mamumuno sa European Mission?
Sinabi ni John kay Pangulong Grant na tiwala sila ni Leah na ipaubaya ang bagay sa mga kamay ng propeta. “Noon pa man ay natagpuan ko na mas mainam ang paraan ng Panginoon kaysa sa akin,” isinulat niya.13
Noong ika-18 ng Hulyo, tumanggap si John ng telegrama na nagsasabing si apostol Joseph F. Merrill ay tinawag upang palitan siya bilang pangulo ng European Mission. Bagama’t mahirap umalis, maganda ang pakiramdam nina John at Leah tungkol sa desisyon. Pagsapit ng Setyembre, abala silang naghahanda para sa kanilang paglisan, kung saan si Leah ay nag-aasikaso ng mga gawain sa mission home sa London habang naglalakbay naman si John papunta sa kontinente ng Europa upang magmatyag sa mga sitwasyon sa huling pagkakataon.14
Ang huling binisita ni John ay ang mission office sa Berlin, Germany. Itinalaga si Adolf Hitler bilang tsanselor ng Germany noong unang bahagi ng taong iyon, at pinapalawak ng kanyang Partido Nazi ang impluwensya nito sa bansa. Ang Unang Panguluhan, na nag-aalala tungkol sa mga pangyayaring ito, ay humiling kay John na mag-ulat tungkol sa estado ng bansa at kung ligtas ang mga misyonero sa Germany.
Si John mismo ay mahigpit na nagmamatyag sa pag-angat sa kapangyarihan ni Hitler at sa epekto nito sa Germany. Maraming Aleman pa rin ang nagpupuyos ang damdamin matapos matalo sa digmaan labinlimang taon na ang nakararaan, at lubos nilang kinamuhian ang malupit na parusang ipinataw sa kanila ng mga nanalo. “Ang mga kaisipan sa pulitika ng mga Aleman ay malinaw at kitang-kita,” ipinaalam ni John sa Unang Panguluhan. “Umaasa ako na kapag handa nang pumutok ang pigsa, ang lason ay mawawala sa halip na kumalat pa ito sa buong istruktura ng lipunan.”15
Pagdating sa Berlin, namangha si John kung gaano kalaki ang ipinagbago nito sa loob ng maraming dekada mula nang mag-aral siya roon. Ang lunsod ay tila isa nang isang kampo ng militar, na may mga simbolo ni Hitler at ng Partido Nazi sa lahat ng dako, pati na sa tanggapan ng mission. “Nakasabit sa pader ang bandila ng mga Nazi,” ipinaalam ni John sa Unang Panguluhan, “sana ay hindi ito pagtanggap sa lahat ng ginagawa ng pamahalaan sa Germany, kundi bilang katibayan ng katotohanan na sinusuportahan namin ang batas ng pamahalaan ng bansang tinitirhan namin.”
Habang kausap ni John ang mga pangulo ng dalawang mission sa Germany, nakadama siya ng katiyakan na hindi nanganganib ang Simbahan sa bansa. Sinuri ng Gestapo—ang lihim na pulisya ng mga Nazi—ang mga talaan ng mission office sa Berlin, gayundin ang mga aklat ng ilang branch, ngunit sa ngayon ay tila nasisiyahan sila na ang Simbahan ay hindi naglalayong pabagsakin ang kanilang pamahalaan.16
Gayunpaman, natakot si John na dinadala ni Hitler ang mga Aleman sa isa pang digmaan. Naghahanda na ang mga lokal na Banal na mamahala sa mga branch at pangalagaan ang mga miyembro ng Simbahan kung magkakaroon ng problema. At pinayuhan ni John ang mga mission president na gumawa ng mga plano na ilikas ang mga misyonero palabas ng Germany sa loob ng dalawa o tatlong oras, kung kinakailangan. Naisip din niya na makabubuti na limitahan ng Unang Panguluhan ang bilang ng mga misyonero na pupunta sa Germany sa hinaharap.
Pagkaraan ng dalawang araw na pagpupulong, nilisan ni John ang tanggapan sa Berlin upang bumalik sa London. Tinahak niya ang isang pamilyar na landas sa tabi ng Unter den Linden, isang kalye sa gitna ng Berlin na pinangalanan sa mga puno ng linden na nakahanay sa mga daanan. Habang naglalakbay siya patungo sa istasyon ng tren, isang malaking grupo ng mga sundalo ang kanyang nakita, matikas na nagmamartsa sa gitna ng lunsod upang palitan ang mga sundalong kasalukuyang nakabantay.
Sa buong paligid nila, libu-libong tagasuporta ni Hitler ang nagsisiksikan sa mga lansangan, nagkakagulo sa sobrang kasabikan.17
Noong tagsibol ng 1934, sina Len at Mary Hope, ang mga Banal na African American na sumapi sa Simbahan sa Alabama, ay nakatira sa bandang dulo ng Cincinnati, Ohio. Inlipat ng mag-asawa ang kanilang pamilya sa lugar na iyon noong tag-init ng 1928 upang makahanap ng bagong trabaho, at mabilis na nakakuha si Len ng matatag na trabaho sa isang pabrika. Mayroon na sila ngayong limang anak at isa pang ipinagbubuntis.18
Ang Cincinnati ay isang lunsod sa hilaga na nasa hangganan ng isang estado sa timog, at karamihan sa mga lugar sa lunsod ay mahigpit ang paghihiwalay sa mga puti at Itim tulad ng anumang lugar sa Timog. Dahil sila ay Itim, ang mga Hope ay hindi pinahintulutang manirahan sa ilang lugar, manatili sa ilang otel, o kumain sa ilang restawran. Nagtatalaga ang mga teatro ng hiwalay na upuan para sa mga Itim na parokyano. Ang ilang paaralan, kolehiyo, at unibersidad sa lunsod ay pinagbabawalan ang mga estudyanteng Itim o lubos na nililimitahan ang kanilang mga oportunidad na makapag-aral. Maraming relihiyon ang may mga puting kongregasyon at kongregasyong Itim.19
Nang unang dumating ang mga Hope sa bayan, dumalo sila sa mga pulong ng Cincinnati Branch. Dahil walang patakaran ang buong Simbahan sa paghihiwalay ng lahi, ang mga ward at branch kung minsan ay lumilikha ng sarili nilang mga patakaran batay sa mga lokal na kalagayan. Noong una, tila malugod na tatanggapin ng Cincinnati Branch ang pamilya. Ngunit sinabi ng isang grupo ng mga miyembro sa branch president na si Charles Anderson na titigil sila sa pagdalo sa mga pulong kung patuloy na pupunta ang mga Hope.
Gusto ni Charles sina Len at Maria, at batid niyang mali ang hilingin sa kanila na huwag magsimba. Lumipat siya sa Cincinnati mula sa Lunsod ng Salt Lake, kung saan ang maliit na populasyon ng mga Banal na Itim ay nagsisimba kasama ng kanilang mga kapitbahay na mga puti. Ngunit batid din niya na malalim ang ugat ng rasismo sa lugar ng Cincinnati, at hindi niya inisip na mababago niya ang nadarama ng mga tao.20
Ang mga hangganan ng branch ay napalitan kamakailan, na siyang nagdala ng maraming Banal mula sa katimugan sa ilalim ng pangangasiwa ni Charles. Ngunit hindi lamang mga Banal sa katimugan ang tumutol sa pagsisimba ng mga Hope. Ang ilang matagal nang mga miyembro ng branch na kilala ni Charles sa loob ng maraming taon ay nangamba rin na ang pagsasama ng mga magkakaibang lahi sa branch ay magbibigay ng bagong dahilan upang kutyain ang mga Banal.21
Nang may mabigat na puso, nagpunta si Charles sa tahanan ng mga Hope at sinabi sa kanila ang mga pagtutol ng mga miyembro ng branch. “Ito ang pinakamahirap na pagbisitang nagawa ko sa sinuman sa buhay ko,” pag-amin niya. Nangako siyang tutulungan ang pamilya na manatiling konektado sa Simbahan. “Gagawin namin ang lahat ng makakaya namin,” sabi niya. “Magsasagawa kami ng espesyal na pagbisita rito bawat buwan upang dalhin ang sakramento sa inyo at magdaos ng pagsisimba sa inyong tahanan.”
Nalungkot sa naging desisyon ni Charles, tumigil sina Len at Mary sa pagsisimba maliban sa pagdalo sa mga kumperensya ng distrito at iba pang espesyal na kaganapan. Sa unang Linggo ng bawat buwan, nagdaos sila ng pulong ng patotoo sa kanilang tahanan para sa mga misyonero at sa sinumang miyembro ng branch na nais pumunta at sumamba kasama nila. Ikinatuwa rin ng pamilya ang di-pormal na pagbisita ng mga lokal na Banal.22 Ang mga Hope ay nakatira sa isang maaliwalas na tahanang may apat na silid at may isang malaking balkon sa harapan at puting bakod na tulos. Ito ay matatagpuan sa isang distritong karamihan ng nakatira ay African American mga labing-anim na kilometro sa hilaga ng meetinghouse ng branch, at isang trambya mula sa Cincinnati ang makapagdadala ng mga bisita sa mga lugar na malalakad sa loob ng isa’t kalahating kilometro.23
Sa kanilang mga buwanang miting tuwing Linggo, tumanggap ng sakramento ang mga Hope at nagpatotoo, mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata. Kung minsan ay umaawit o tumutugtog ng piyano ang matatalinong batang babaeng Hope. Pagkatapos ng bawat miting, ang mga Hope ay naghahain ng masasarap na pagkain tulad ng inihaw na pabo, tinapay na yari sa mais, salad na gawa sa patatas, at iba pang mga putaheng lutong-bahay.24
Kabilang sa mga Banal na bumibisita sa mga Hope ay si Charles at ang kanyang mga tagapayo, sina Christian Bang at Alvin Gilliam. Kung minsan ay sumasama sa kanilang mga asawa sina Christine Anderson at Rosa Bang sa kanilang pagbisita. Nagpunta rin ang branch clerk na si Vernon Cahall, ang kanyang asawang si Edith, at mga miyembro ng branch na sina Robert Meier at Raymond Chapin, na kadalasang kasama ang kanilang mga pamilya.25 Ang mga babaeng misyonero, na nagturo ng mga klase sa Primary sa tahanan ng ilang miyembro ng branch, ay nagdaraos din ng mga klase sa Primary para sa mga batang Hope. Kung minsan ay tumutulong si Elizabeth, ang panganay na anak na babaeng Bang. Paminsan-minsan, mamamasyal ang mga Hope kasama ang mga misyonero o miyembro ng branch sa iba pang mga lugar, tulad ng Cincinnati Zoo.26
Noong ika-8 ng Abril 1934, isinilang ni Mary Hope ang isang batang lalaki. Noon, laging tinitiyak ng mga Hope na nabasbasan ang kanilang mga sanggol, at hindi naiiba ang panahong ito. Dalawang buwan matapos isilang ang munting si Vernon, nagtungo si Charles Anderson at ang branch clerk sa tahanan ng mga Hope para sa isa pang sacrament meeting. Pagkatapos, binasbasan ni Charles ang bata.27
Kapag nagpapatotoo siya, madalas ikuwento ni Len ang kanyang pagbabalik-loob sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Batid niya na siya at si Mary ay labis na pinagpala mula nang magpunta sila sa Cincinnati. Bagama’t marami sa kanilang mga kapitbahay ang nawalan ng tarabaho dahil sa Depression, palagi siyang may trabahong pinagkakakitaan. Wala siyang gaanong kinikitang pera, ngunit palagi siyang nagbabayad ng buong ikapu.
Nanalig din siya na magiging mabuti ang hinaharap. “Alam ko na hindi ako magtataglay ng priesthood,” minsan niyang sinabi, “ngunit nadarama ko na sa katarungan ng Diyos, balang-araw ay ibibigay ito sa akin, at pahihintulutan akong magpatuloy sa aking walang hanggang gantimpala sa matatapat na mayhawak nito.”
Handa silang maghintay ni Mary para sa araw na iyon. Alam ng Panginoon ang laman ng kanilang mga puso.28
Samantala, sa Tilsit, Germany, hindi maiwasang mapansin ng labing-apat na taong gulang na si Helga Meiszus kung gaano kalaki ang pagbabago sa kanyang bayan mula nang malagay sa kapangyarihan ang mga Nazi. Noon ay natatakot siyang maglakad pauwi mula sa simbahan tuwing gabi dahil napakaraming tao ang nagkalat sa kalye. Masama ang lagay ng ekonomiya, at maraming tao ang walang trabaho at walang gagawin. Marahil ay hindi sila mapanganib, ngunit laging natatakot si Helga na tatangkain nilang saktan siya.
Pagkatapos ay naupo sa puwesto si Hitler at bumuti ang ekonomiya. Marami na ang trabaho, at nadama ng mga taong ligtas na ang mga lansangan. Bukod pa rito, nagsimulang ipagmalaking muli ng mga tao ang kanilang pagiging Aleman. Si Hitler ay isang magaling na mananalumpati, at ang kanyang mga marubdob na salita ay nagbigay-inspirasyon sa marami ng ideya na ang Germany ay maaaring muling maging isang makapangyarihang bansa na magtatagal nang isang libong taon. Nang magsambit siya ng maraming kasinungalingan, nagsalita tungkol sa mga pagsasabwatan, at sinisisi ang mga Judio sa mga problema ng Germany, maraming tao ang naniwala sa kanya.
Tulad ng iba pa sa kanilang bansa, ang mga Alemang Banal sa mga Huling Araw ay may iba’t ibang opinyon tungkol kay Hitler. Sinuportahan siya ng ilan, samantalang ang iba ay nag-aalangan sa kanyang pagkakaroon ng kapangyarihan at sa kanyang poot laban sa mga Judio. Ang pamilya ni Helga ay hindi gaanong sumasali sa pulitika at hindi hayagang sumalungat sa Partido Nazi. Subalit para sa kanyang mga magulang, si Hitler ang maling lider para sa Germany. Ang kanyang ama, lalo na, ay naiinis na mapilitang gamitin ang “Heil Hitler [Sa Ngalan ni Hitler]” bilang pagbati. Sa halip ay iginiit niya na gamitin ang tradisyonal na “magandang umaga” o “magandang araw”—kahit hindi inaaprubahan ng iba.
Gayunman, natakot si Helga na hindi magsabi ng “Heil Hitler” o itaas ang kanyang kamay bilang pagbati ng mga Nazi. Paano kung may nakakita sa kanya na tumututol? Maaari siyang malagay sa panganib. Sa katunayan, lubos na natakot siyang mamukod-tangi, kaya kung minsan ay tinatangka niyang huwag isipin si Hitler, nag-aalala na baka mabasa ng mga Nazi ang kanyang isipan at parusahan siya.
Gayunpaman, nasiyahan siya sa pagpapakitang-gilas ng Partido Nazi. May mga sayawan ng mga Nazi at mga unipormadong kawal na nagmamartsa sa kalsada. Nais ng mga Nazi na itanim ang nasyonalismo at katapatan sa mga kabataan ng bansa, kaya madalas silang gumamit ng paglilibang, nakauudyok na musika, at iba pang uri ng propaganda upang maakit ang mga ito.29
Sa panahong ito, si Helga ay naging isang Bee-Hive Girl na kamakailan lamang ay muling pinangalanan ng Simbahan bilang Young Women‘s Mutual Improvement Association. Sa ilalim ng patnubay ng isang nakatatandang lider, ang mga miyembro ng kanyang klase ay nagtakda ng mga mithiin at nagtamo ng makukulay na tatak na ilalagay sa kanilang hanbuk ng Bee-Hive Girls na nasa wikang Aleman. Itinatangi ni Helga ang kanyang manwal, na ginagawa niyang mas personal sa pamamagitan ng pagkulay ng mga larawan nito na itim at puti at paggamit ng bolpen o lapis para markahan ng X ang kanyang nakumpletong mga mithiin.
Minarkahan ni Helga ang maraming mithiin habang ginagawa niya ang mga nakasaad sa hanbuk. Pinangalanan niya ang mga nagawa ng limang dakilang musikero, maagang natutulog at maagang bumabangon, nagpatotoo sa tatlong pulong ng pag-aayuno at pagpapatotoo, at tinukoy ang pinakamahahalagang paraan kung paano naiiba ang mga turo ng Simbahan sa iba pang mga kredong Kristiyano. Pumili rin siya ng pangalan at simbolong Bee-Hive para sa kanyang sarili. Ang pangalang pinili niya ay Edelmut, isang salitang Aleman na nangangahulugang “kadakilaan.” Ang kanyang simbolo ay ang edelweis, isang maliit at bihirang bulaklak na tumutubo sa bulubunduking Alps.30
Isang araw, tuwang-tuwang umuwi si Helga. Ang mga kinatawan mula sa kilusan ng mga kabataan ng Partido Nazi para sa mga kabataang babae—ang Bund Deutscher Mädel, o League of German Girls—ay nanghihikayat sa komunidad, at marami sa mga kaibigan ni Helga ang sumapi.
“Ah, Mutti,” sabi ni Helga sa kanyang ina. “Nais ko pong sumama at mapabilang sa grupo.” Ang liga ay nagbibigay ng lahat ng uri ng klase at aktibidad at naglalathala ng sarili nilang magasin. Mayroon pang pag-uusap tungkol sa mga paglalakbay para mag-ski, na susustentuhan ng pamahalaan. Ang mga batang babae ay nakasuot ng magagarang puting blusa at maiitim na palda.
“Helgalein, ikaw ay isang Bee-Hive Girl,” sabi ng kanyang ina. “Hindi mo kailangang mapabilang sa grupong iyon.”
Batid ni Helga na tama ang kanyang ina. Ang hindi pagsali sa League of German Girls ay gagawin siyang muli na iba mula sa kanyang mga kaibigan. Ngunit tinutulungan siya ng programang Bee-Hive na makamit ang mabubuting mithiin at maging mas mabuting Banal sa mga Huling Araw. Hindi ito magagawa ni Hitler o ng liga nito.31