Kasaysayan ng Simbahan
26 Ang Masasamang Dulot ng Digmaan


Kabanata 26

Ang Masasamang Dulot ng Digmaan

mga eroplanong pandigma ng mga Nazi na pinupuno ang kalangitan

Noong ika-24 ng Agosto 1939, walong araw bago ang pananakop sa Poland, iniutos ng Unang Panguluhan sa 320 Hilagang Amerikano sa mga Mission sa Britanya, Pransya, Kanlurang Alemanya, Silangang Alemanya, at Czechoslovakia na lumikas patungo sa Denmark, Sweden, Norway, o Netherlands—anumang bansa sa mga ito na walang kinikilingan na pinakamalapit sa kanila.1 Si Apostol Joseph Fielding Smith, na binibisita ang mga Banal sa Europa noong tag-init na iyon kasama ang kanyang asawang si Jessie, ay nanatili sa Denmark upang pangasiwaan ang paglikas mula sa Copenhagen.2

Matapos matanggap ang utos na umalis, tiniyak ni Norman Seibold, isang dalawampu’t tatlong taong gulang na misyonero mula sa Idaho na naglilingkod sa West German Mission, na agad na lilisanin ng lahat ng misyonero na taga-Hilaganga Amerika na nasa kanyang district ang bansa. Pagkatapos, sa halip na diretsong pumunta sa Netherlands, nagpunta siya sa tahanan ng mission sa Frankfurt.

Pagdating niya, natagpuan ni Norman ang kanyang mission president na si Douglas Wood na alumpihit sa pag-aalala. Nagpadala si Pangulong Wood ng mga telegrama na nag-uutos sa lahat ng misyonero na lumikas, ngunit barado na ang mga linya ng komunikasyon sa buong Alemanya. Tanging si Norman at iilang misyonero lamang ang nakapagkumpirma na natanggap nila ang mensahe. At ang nagpalala pa, ang mga opisyal ng pamahalaan sa Netherlands ay pinagbabawalan ang sinumang hindi mamamayan na pumasok sa bansa maliban na lamang kung sila ay daraan lamang. Ngayon ay napakaraming misyonero ang maaaring maipit sa kanlurang Alemanya na tangan ang mga walang silbing tiket sa tren patungong Netherlands at wala ring salapi upang bumili ng mga bago.3

Si Pangulong Wood at ang kanyang asawang si Evelyn ay paalis na upang pamahalaan ang paglikas ng isang grupo ng mga elder na dumating na sa mission home, at kailangan nila ng isang taong mananatili sa Alemanya upang hanapin ang natitirang mga misyonero.

“Magiging misyon mo na hanapin sila at tiyakin na nakalikas sila,” sabi ni Pangulong Wood kay Norman. “Sundin nang husto ang iyong mga pahiwatig. Wala tayong ideya kung saang mga bayan matatagpuan ang tatlumpu’t isang elder na ito.”4

Noong gabing iyon, nilisan ni Norman ang Frankfurt sakay ng tren na siksikan ang mga pasahero, patungo sa hilaga sa Ilog Rhine. Mayroon siyang mga tiket patungong Denmark at pera para sa sinumang misyonero na makakasalubong niya—kung alam lamang niya kung saan matatagpuan ang mga ito. At kailangan niyang magmadali. Nagpahayag kamakailan lamang ang pamahalaan ng Alemanya na kailangan ng militar ang mga riles ng tren upang ihatid ang mga sundalo, kaya hindi magtatagal ay magiging kaunti ang mga upuan para sa sinumang sibilyan na maglalakbay sakay ng tren.

Nang tumigil ang tren sa lunsod ng Cologne, nadama ni Norman na dapat siyang bumaba, at pilit siyang umibis ng karo. Dinudumog ng mga tao ang istasyon, kaya umakyat siya sa isang kariton ng bagahe upang makita ang mga tao mula rito. Ngunit hindi niya matukoy ang sinumang misyonero. Pagkatapos ay naalala niya ang “sipol ng mga misyonero”—ang tono sa awiting “Gawin ang Tama,” na pamilyar sa lahat ng nasa mission. Halos walang talento sa musika si Norman, ngunit pinagdikit niya ang kanyang mga labi at sinipol ang unang ilang nota hangga’t kaya niya.5

Agad na napansin ito ng mga tao, at hindi nagtagal ay natagpuan ni Norman ang isang misyonero at isang lokal na Banal na Aleman na lumalapit sa kanya. Patuloy siyang sumipol, at mas maraming elder at isang pares ng mas matandang mag-asawang misyonero ang nakakita rin sa kanya. Pinapunta niya ang mga misyonero sa ligtas na lugar, at pagkatapos ay sumakay siya ng tren papunta sa ibang lunsod.

Makalipas ang ilang oras, sa lunsod ng Emmerich, natagpuan ni Norman ang iba pang mga misyonero. Habang binibigyan niya sila ng pera mula sa mission president, napansin siya ng isang pulis, na tila iniisip na sinusubukan ng mga misyonero na magtakas ng pera mula sa Alemanya. Pinilit ng opisyal na ibigay nila ang kanilang salapi at sabihin sa kanya kung ano ang ginagawa nila. Nang tumanggi si Norman na makipagtulungan, dinampot siya ng opisyal at nagbantang dadalhin siya sa mga awtoridad ng lunsod.

Karaniwang nakikinig si Norman sa pulis, subalit ayaw niyang sumama sa opisyal sa lunsod. “Bitawan mo ako,” sabi niya, “o baka magkagulo tayo.”

Paglaon ay may nabuo nang pulutong ng maraming tao, at kinakabahang tumingin ang opisyal sa mga tao. Pinakawalan niya si Norman at dinala ito sa isang opisyal ng militar sa istasyon ng tren upang ipaliwanag kung sino at ano ang ginagawa nito. Nakinig ang opisyal sa kuwento ni Norman, at wala itong nakitang dahilan para ikulong siya, at sumulat pa ng isang liham ng paliwanag para sa kanya upang ibigay sa sinumang maaaring pumigil sa kanya sa kanyang mga paglalakbay.6

Nagpatuloy si Norman, humihimpil upang maghanap ng mga misyonero tuwing papatnubayan siya ng Espiritu. Sa isang malayong bayan, halos walang nakatayo sa istasyon ng tren, at tila nakakatawa na maghanap ng mga misyonero doon. Ngunit nadama ni Norman na kailangan niyang bumaba ng tren, kung kaya nagpasiya siyang pumunta sa bayan. Hindi nagtagal ay nakarating siya sa isang maliit na kainan at nakita niya ang dalawang elder na umiinom ng katas ng mansanas na binili gamit ang mga huling barya sa kanilang bulsa.7

Matapos ang ilang araw ng paghahanap, natagpuan ni Norman ang labimpitong misyonero. Upang makarating sa Denmark, kinailangan nila ng kanyang mga kasama na sumakay ng mga tren na inayos para sa paghahatid ng mga sundalo, inuuto ang mga konduktor at iniiwasan ang mga pulis habang nasa daan. Nang dumating si Norman sa Copenhagen, isang araw matapos ang paglusob sa Poland, ligtas ang bawat Hilagang Amerikanong misyonero na itinalaga sa mga mission sa Alemanya.

Kinabukasan, ika-3 ng Setyembre, nagpahayag ang mga bansang Pransya at Britanya ng pakikidigma laban sa Alemanya.8


“Ang matagal nang nanganib at kinatatakutang digmaan ay nagsimula na,” ibinalita ni Pangulong Heber J. Grant sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1939. Sa loob ng maraming taon, minasdan niya nang may takot at pangamba kung paano dinala ni Hitler ang Alemanya sa isang marahas at mapanganib na landas, naghahasik ng matinding paghihirap at pagdanak ng dugo sa mundo. Ngayon ang mga alyadong Axis, na pinamumunuan ng Nazi Germany, ay mahigpit na nakikipaglaban sa mga bansang Allied na pinamumunuan ng Britanya at Pransya.

“Ang Diyos ay nagdadalamhati sa digmaan,” sinabi ni Pangulong Grant sa mga Banal. “Papatawan Niya ng walang hanggang kaparusahan ng Kanyang kalooban ang mga yaong nakikipaglaban dito nang hindi matwid.” Hinikayat ng propeta ang mga pinuno ng mundo, at lahat ng tao sa lahat ng dako, na humanap ng mapayapang solusyon sa kanilang mga pagkakaiba.

“Kinokondena namin ang lahat ng masamang dulot ng digmaan—katakawan sa pera, kasakiman, paghihirap, kasalatan, sakit, kalupitan, pagkamuhi, kawalang-awa, kalupitan, kamatayan,” pahayag niya. Masakit sa kalooban ng propeta na isipin ang milyun-milyong taong nagdurusa at nagdadalamhati dahil sa mga sagupaan. Libu-libo sa kanila ay mga Banal sa mga Huling Araw, at ang ilan ay maaaring nasa kapamahakan na. Sabi niya, “Taos-puso kaming nakikiusap sa lahat ng miyembro ng Simbahan na mahalin ang kanilang mga kapatid, at lahat ng tao, sinuman at saanman sila naroon; na alisin ang poot sa kanilang buhay, na puspusin ang kanilang puso ng pagmamahal sa kapwa, pagpapasensiya, pagtitiis, at pagpapatawad.”9

Sa mga linggo at buwan matapos ang pangkalahatang kumperensya, hindi nawawala sa isipan ng propeta ang digmaan. Sumulat siya sa kanyang anak na si Rachel noong Disyembre tungkol sa walang kabuluhang pagkawala ng buhay. “Nakakasakit ito ng puso,” isinulat niya. “Tila dapat puksain ng Panginoon ang mga tao sa mundo na lumlilikha at nagsisimula ng mga digmaan, tulad ni Hitler.”10

Noong taglamig ng 1940, naglakbay si Pangulong Grant patungong Inglewood, isang pamayanan sa Los Angeles, kung saan inasam ng mga Banal na marinig siya sa kumperensya ng kanilang stake. Pagdating niya sa chapel, nahihilo siya at nahihirapang magsalita. Nang umibis siya ng kotse, nanghihina ang kanyang mga binti, at nahirapan siyang magtungo sa pintuan ng meetinghouse. Tila nawala kaagad ang pagkahilo matapos siyang umupo sa pulpito. Gayunpaman, hiniling niyang huwag munang magbigay ng kanyang mensahe.

Kalaunan, matapos umidlip, sapat ang nadarama niyang lakas upang magsalita sa sesyon ng kumperensya sa hapon. Nakatayo sa pulpito, nagsalita siya sa mga Banal nang halos apatnapung minuto. Ngunit nang gabing iyon, nang ilang ulit niyang sinubukang bumangon, muntik na siyang tumumba. Kinabukasan, namanhid ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan at hindi niya maitaas ang kanyang braso o maigalaw ang kanyang mga daliri sa kaliwang kamay. Nang sinubukan niyang tumayo, wala na ang lakas sa kanyang kaliwang binti. Pakiramdam niya ay napakakapal ng kanyang dila, at tila siya ay lasing sa alak kapag nagsasalita.

Sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan, nagpunta si Pangulong Grant sa isang kalapit na ospital, kung saan natuklasan ng mga doktor na nagkaroon siya ng stroke.11 Ginugol niya ang sumunod na ilang buwan sa California, unti-unting nagpapagaling upang manumbalik ang kanyang lakas at kakayahang gumalaw. Binalaan siya ng kanyang doktor na magpahinga pa, kumain nang mas mabuti, at iwasan ang anumang nakakapagod na aktibidad. Pagsapit ng Abril, sapat na ang lakas ng propeta para bumalik sa Lunsod ng Salt Lake.

“Ako ay naging mabait at tamad upang makasunod sa mga tagubilin ng doktor,” ipinaalam niya sa kanyang anak na si Grace pagkabalik niya. “Hindi ko alam kung gaano katagal ko itong matatagalan.”12


Noong ika-28 ng Hunyo 1940, ang digmaan sa Europa ay malayo sa isipan ng mga Banal sa Cincinnati, Ohio. Nang gabing iyon, narinig ng dalawampu’t isang taong gulang na si Connie Taylor ang mga pambungad na nota ng “Bridal Chorus,” ang kanyang pananda upang magsimulang lumakad sa pasilyo ng meetinghouse ng Cincinnati Branch. Ang kapilya ay puno ng pamilya at mga kaibigan, lahat ay nagtipon upang ipagdiwang ang kanyang kasal kay Paul Bang.13

Mahigit isang taon lamang na nakatakdang magpakasal sina Connie at Paul. Nais nilang mabuklod, ngunit tulad ng maraming mag-asawang Banal sa mga Huling Araw na malayo ang tirahan sa templo, nagpasiya silang magpakasal muna sa huwes sa kapilya ng meetinghouse.14

Habang naglalakad si Connie sa harapan ng silid, nakita niya ang kanyang ama na nakaupo sa gitna ng mga panauhin. Sa mga kasal sa Estados Unidos, tradisyon ng mga ama na ihatid ang kanilang mga anak na babae sa altar. Ngunit dahil may problema sa paglalakad ang kanyang ama, ang kanyang kapatid na si Milton ang naghatid sa kanya sa altar. Masaya na si Connie na naroon ang kanyang ama. Nakasaad sa kanyang patriarchal blessing ang pangako na balang-araw ay makakasama niya ang ama sa pagtatamasa ng mga pagpapala ng ebanghelyo. Hindi pa dumarating ang araw na iyon, ngunit minsan siyang dumalo sa sacrament meeting noong Linggo ng Pagkabuhay, at magandang palatandaan iyon.15

Matapos sumama ni Connie kay Paul sa harapan ng altar, isinagawa ng kanilang branch president na si Alvin Gilliam ang seremonya. Para sa maraming tao sa silid, minarkahan ng gabi ang katapusan ng isang yugto. Bukod pa sa mga pulong sa susunod na Linggo, ang kasal ang huling pagkakataon na magtitipon ang Cincinnati Branch sa maliit na chapel na kanilang binili labing-isang taon na ang nakararaan. Malapit nang gumuho ang lumang gusali, kaya kamakailan lamang ay ipinagbili ito ng lumalaking branch at bumili ng lupain sa hilaga ng lunsod upang magtayo ng bagong meetinghouse.16

Kinabukasan ng hapon ay umalis ang mga bagong kasal para tumungo sa Niagara Falls, New York, sakay ng trak ng ama ni Paul. Nagdala sila ng tatlong basket ng pagkain mula sa tindahan ng pamilya, ilang damit, at mga animnapung dolyar bilang baong pera.

Sa kanilang paglalakbay, binisita nina Connie at Paul ang Kirtland Temple. Ang gusali ay ginagamit na ngayon bilang meetinghouse para sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints. Nakakandado ang pintuan ng templo noong dumating sila, ngunit isang lalaking may susi ang nagbukas ng gusali at hinayaan silang gumugol ng isang oras sa paglilibot dito nang silang dalawa lamang. Ginalugad nila ang bawat bahagi ng templo, kabilang na ang tore, kung saan nila tinanaw ang munting nayon na tinirhan ng daan-daang matatapat na Banal mahigit isang siglo na ang nakararaan.17

Mula sa Kirtland, lumipat sila sa Niagara Falls. Ang bayan ng mga bakasyunan, na nasa hangganan ng Estados Unidos at Canada ay isang popular na destinasyon para sa mga nagpupulot-gata, ngunit dahil sa digmaan sa Europa, alisto ang lahat. Bagama’t hindi sumali sa digmaan ang Estados Unidos, ang Canada ay bahagi ng British Commonwealth at nagdeklara ng digmaan laban sa Alemanya matapos ang pagsalakay ng Poland. Bago makatawid sa Canada sina Connie at Paul, maingat silang sinuri ng mga inspektor ng hangganan upang matiyak na hindi sila mga espiya.

Matapos libutin ang Niagara Falls, ang mag-asawa ay naglakbay nang 160 kilometro pasilangan patungong Palmyra at Manchester, New York.18 Sa paglipas ng mga taon, nabili ng Simbahan ang ilang makasaysayang pook sa lugar, kabilang na ang Burol ng Cumorah, ang Sagradong Kakahuyan, at ang bahay na kuwadrado na yari sa troso nina Lucy at Joseph Smith Sr. Kinikilala ang potensyal ng mga lugar para sa gawaing misyonero, sinimulang buksan ng Simbahan ang mga lugar na ito sa mga bisita at inanunsyo sa mga karatula sa daan ang pangkasaysayan at espirituwal na kahalagahan ng mga ito. Noong mga unang taon ng dekada ng 1920, sa ilalim ng pamamahala ni B. H. Roberts, idinaos ang mga kumperensya sa buong mission sa Burol ng Cumorah, at mula noon ay naging taunang palabas na bukas sa publiko.19

Habang nasa Manchester, sina Connie at Paul ay nagpalipas ng gabi sa tahanan ng mga Smith kapalit ang maliit na bayad. Inakyat nila ang Burol ng Cumorah at pinagnilayan ang mga laminang ginto na inilibing doon nang napakatagal. Sa gitna ng burol ay isang bagong bantayog ng anghel na si Moroni, at tumigil sila upang kumuha ng mga larawan nito at pahalagahan ang napakagandang tanawin ng karatig na lugar. Kalaunan, naglakad sila sa loob ng Sagradong Kakahuyan, nasisiyahan sa kabanalan at kagandahan ng lugar. Bago umalis, magkasama silang lumuhod upang manalangin.20

Nagsagawa ang mga bagong kasal ng maikling pagbisita sa Washington, DC, kung saan ay nagsimba sila sa isang napakalaking marmol na meetinghouse na inilaan ng Simbahan noong 1933. Nakaranas ang Simbahan ng malaking paglago sa lunsod simula noong 1920, nang magtatag ng isang branch doon si apostol Reed Smoot at isang maliit na grupo ng mga Banal. Sa katunayan, bago ang pagbisita nina Paul at Connie, inorganisa ni apostol Rudger Clawson ang isang stake sa Washington, na nagtalaga sa apatnapung taong gulang na Ezra Taft Benson bilang pangulo.21

Pagkaraan ng ilang araw sa Washington, bumalik sina Connie at Pablo sa Cincinnati, kung saan sila nanirahan sa isang mahalumigmig na apartment na hindi kalayuan sa tindahan ng pamilya Bang. Halos nagastos nila ang lahat ng kanilang pera sa kanilang pulotgata, ngunit may trabaho pa rin si Paul kasama ang kanyang ama. Sa loob ng ilang taon, matapos silang makapag-ipon ng kaunting pera, maaari na silang maglakbay nang mas mahabang distansya sakay ng kotse—sa pagkakataong ito ay sa Lunsod ng Salt Lake at sa templo.22


Isang malamig na gabi ng Disyembre noong 1940, napuno ng mga nakakakilabot na eroplanong pandigma ng mga Nazi ang kalangitan ng Cheltenham, isang lunsod sa Timog Kanlurang Inglatera. Ang hukbong panghipapawid ng Alemanya, ang Luftwaffe, ay pinauulanan ang Britanya nang walang tigil na pagsalakay sa himpapawid sa loob ng anim na buwan. Ang mga pag-atake ay unang nakatuon sa mga base militar at daungan, ngunit ang mga eroplanong may dala ng mga bomba ay lumipat na sa mga lugar ng mga sibilyan sa London at sa kabilang ibayo.23 Ang Cheltenham ay isang mapayapang lugar na may magagandang parke at halamanan. Ngayon ay isang target na iyon.

Si Nellie Middleton, isang limampu’t limang taong gulang na Banal sa mga Huling Araw, ay nakatira sa lunsod kasama ang kanyang anim-na-taong-gulang na anak na si Jennifer. Upang maihanda ang kanyang tahanan laban sa mga atake ng mga eroplano ng kalaban, ginamit niya ang kanyang katamtamang sahod bilang modista upang ayusin ang isang lugar sa kanyang silong bilang kanlungan, kumpleto sa pagkain, tubig, langis, at isang maliit na kamang yari sa bakal para kay Jennifer. Alinsunod sa mga tagubilin mula sa pamahalaan, tinakpan din ni Nellie ng lambat ang kanyang mga bintana upang saluhin ang mga lumilipad na bubog ng salamin kapag nagkaroon ng pagsalakay.24

Ngayon, sa kabuuan ng Cheltenham, ang mga bomba ay dinig sa hangin at bumabagsak sa lupa na may malakas na dagundong. Ang nakakatakot na ingay ay lalo pang lumapit sa tahanan ni Nellie hanggang sa isang napakalakas na pagsabog sa kalapit na kalsada ang humampas sa kanyang mga dingding, binabasag ang mga bintana at pinupuno ang lambat ng napakatatalim na bubog.

Noong umaga, puno ng mga guho ang mga kalye ng lunsod. Napatay ng mga bomba ang dalawampu’t tatlong katao at iniwang walang tahanan ang mahigit anim na daang katao.25

Ginawa ni Nellie at ng iba pang mga Banal sa Cheltenham ang lahat upang makapagtiis matapos ang pagsalakay. Nang lisanin ng British Mission president na si Hugh B. Brown at ng iba pang mga misyonero na taga-Hilagang America ang bansa halos isang taon na ang nakalipas, ang maliit na branch at iba pang tulad nito ay nahirapang gumanap ng mga tungkulin at mangasiwa ng mga programa ng Simbahan. Pagkatapos ay umalis ang mga kalalakihan sa lugar upang makidigma, at wala nang mayhawak ng priesthood na magbabasbas ng sakramento o pormal na mangangasiwa sa mga gawain ng branch. Hindi nagtagal, napilitang mabuwag ang branch.

Isang matandang lalaking nagngangalang Arthur Fletcher, na may taglay ng Melchizedek Priesthood, ay nakatira mga 32 kilometro ang layo, at nagbibisikleta gamit ang kinakalawang na bisikleta upang bisitahin ang mga Banal na Cheltenham tuwing makakaya niya. Ngunit kadalasan, si Nellie, ang dating pangulo ng Relief Society sa Cheltenham Branch, ang bumabalikat sa responsibilidad sa espirituwal at temporal na kapakanan ng mga Banal sa kanyang lugar. Ngayong sarado ang branch, hindi na makapagtitipon ang mga miyembro ng Simbahan sa inuupahang bulwagan na ginagamit nila noon tuwing Linggo, kaya ang sala ng tahanan ni Nellie ang naging lugar kung saan nagdarasal, umaawit, at nag-aaral ang Relief Society ng Jesus the Christ at ng Articles of Faith nang magkakasama.26

Tiniyak din ni Nellie na ang kanyang anak ay natututo tungkol sa ebanghelyo. Halos limampung taong gulang na siya at walang asawa nang ampunin niya si Jennifer. Ngayon ang batang babae ay sumasama na sa kababaihan kapag nagkikita-kita sila para mag-aral, at maingat nilang tinalakay ang ebanghelyo sa paraang mauunawaan ni Jennifer. Isinama rin ni Nellie at ng iba pang kababaihan ng Relief Society si Jennifer kapag binibisita nila ang maysakit o matatanda. Walang sinuman sa branch ang may telepono o kotse, kaya naglalakad sila upang bumisita, nagdadala ng isang palayok ng jam o kaunting keyk kasama ang isang mensahe.27

Ngunit oras na lumubog ang araw, tumitigil na ang lahat ng pagbisita. Upang mas mahirapan ang mga pilotong pandigma ng mga Aleman na makita ang kanilang mga patatamaan, pinutol ng mga bayan at lunsod sa buong Britanya ang kuryente ng mga ilaw sa mga lansangan at pinatay ang mga ilaw na palatandaan. Tinakpan ng mga tao ang kanilang mga bintana gamit ang maiitim na tela at inalis ang mga bombilya sa mga daanan ng kanilang mga bahay.

Sa Cheltenham, ang mga Banal ay nagmamadaling umuwi sa kanilang mga tahanan. Anumang bahagyang liwanag ay maaaring maglagay sa kanila at sa kanilang mga kapitbahay sa panganib.28


Nang sumunod na taon, natagpuan ng pangulo ng Vienna Branch na si Alois Cziep na pahirap nang pahirap ang kanyang tungkulin. Pinutol ng digmaan ang mga karaniwang daluyan ng komunikasyon sa pagitan ng punong-tanggapan at mga branch ng Simbahan sa mga lugar na okupado ng mga Axis. Ang Der Stern, ang magasin ng mission na inililimbag sa wikang Aleman, ay tumigil sa paglalathala. Ang gumaganap na mission president, isang miyembrong Aleman na nagngangalang Christian Heck, ay ginagawa ang lahat ng makakaya nito upang mapanatiling umiiral ang Simbahan sa gitna ng kaguluhan. Gayon din ang ginagawa ni Alois para sa kanyang branch.

Bagama’t ang pisikal na pagkawasak at pagkaluray na dulot ng digmaan ay hindi pa nakakarating sa mga hangganan ng Awstrya, batid ni Alois na sinalakay ng Maharlikang Hukbong Panghimpapawid ng Britanya ang mga lunsod ng Alemanya. Nakikidigma na rin ngayon ang Unyong Sobyet sa Ikatlong Reich. Tulad ng Britanya sa kabilang panig ng labanan, ang Awstrya ay nakararanas ng kawalan ng kuryente tuwing gabi bilang proteksyon laban sa mga eroplano ng kaaway na maaaring lumilipad sa mga himpapawid nito.29

Karamihan sa mga lalaki sa Vienna Branch ay nagpalista sa hukbong Aleman nang magsimula ang digmaan. Dahil nawalan ng isang mata si Alois dulot ng sakit ilang taon na ang nakararaan, hindi siya kabilang sa paglilingkod sa militar. At sa kabila ng mga dumaraming hamon, mapalad siyang magkaroon ng dalawang tagapayo, ilang kabataang taglay ang Aaronic Priesthood, at ang kanyang asawang si Hermine, na tumutulong sa kanya. Bilang pangulo ng Relief Society, tinulungan ni Hermine ang kababaihan sa branch sa kanilang mga emosyonal na pasanin, na madalas mapuspos ng pighati, malungkot, at matakot—lalo na kung nakatanggap sila ng balita na ang kanilang mga mahal sa buhay ay nabilanggo o napatay sa digmaan.

Hihikayatin sila ni Hermine na magtiwala sa Diyos at magpatuloy, at sinikap niyang gawin din iyon.30

Kahit pa lumiliit ang branch mula nang magsimula ang digmaan, nagpatuloy ang pagkakahati-hati sa mga miyembro nito, sa kabila ng mga pagsisikap ni Alois na iwasang pag-usapan ang pulitika sa mga pulong. Minsan, sa simula ng isang pulong sa Simbahan, isang bisita mula sa Alemanya ang nag-alay ng panalangin para kay Adolf Hitler. “Brother,” sinabi ni Alois nang matapos manalangin ang lalaki, “sa lugar na ito hindi tayo nagdarasal para kay Hitler.”

Dahil may mga miyembro ng Partido Nazi at mga nakikisimpatiya dito sa branch, madalas na kailangang maging mas maingat si Alois sa kung ano ang sasabihin niya. Ang mga tagapagsumbong at espiya ay maaaring nasa lahat ng dako, handang isuplong siya at ang kanyang pamilya sa pamahalaan. Bagama’t naniniwala sila ni Hermine na dapat igalang ang batas ng lupain, kung minsan ay masakit gawin ito.31

Dalawang miyembro ng branch, si Olga Weiss at ang kanyang nasa hustong gulang na anak na si Egon, ay mga miyembrong bininyagang Judio na naglilingkod sa branch bawat linggo gamit ang kanilang mga talento sa musika. Ngunit nang lusubin ng mga Nazi ang Awstrya, alam ng mga Weiss na kailangan nilang lisanin ang bansa o manganib na mapahamak sa marahas na galit ng rehimen sa Semitismo. Bagama’t hindi na nagsasabuhay ng Judaismo ang pamilya, itinuring sila ng mga Nazi na “mga Judio sa lahi” dahil sa kanilang mga ninuno.

Ilang buwan matapos ang pagsakop ng Alemanya sa Awstrya, sumulat ang mga Weiss ng mahahalagang liham sa Unang Panguluhan at mga dating misyonero na kilala nila, umaasang makahanap ng isang taong makatutulong sa kanila at sa ilan sa kanilang mga kamag-anak na mandayuhan sa Estados Unidos. “Ang mga kalagayan dito ay kakila-kilabot para sa aming mga Judio,” isinulat ni Egon sa kanyang liham. “Kailangan naming makalayo rito.”32

Tulad ng maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo, tumanggap si Pangulong Grant ng magkakasalungat na ulat tungkol sa pagkapoot ni Hitler sa mga Judio at ang lawak ng panganib na kanilang naranasan sa Alemanya. Tinuligsa ng propeta sa publiko at sa pribado ang gayong poot sa mga Judio.33 Subalit hindi nagawang tulungan ng mga lider ng Simbahan ang mga Weiss o iba pang mga indibiduwal sa Europa na umaasang makapagdarayuhan. Napansin nila na ang batas ng Estados Unidos ay hindi na pinahintulutan ang mga organisasyong pangrelihiyon na itaguyod ang mga nandarayuhan, at sa loob ng maraming taon tinanggihan ng Simbahan ang lahat ng kahilingan para sa gayong tulong.34 Habang umiigting ang digmaan sa Europa, madalas magpahayag ang Unang Panguluhan ng pagkadismaya dahil hindi sila pinahintulutan ng pamahalaan ng Estados Unidos na tumulong sa pandarayuhan ng mga lumikas na Judio. Nang tumanggap si Pangulong Grant at ang kanyang mga tagapayo ng mga liham tulad ng kay Egon, wala silang ibang magawa maliban sa tumugon nang may simpatiya, kung minsan ay nagrerekomenda ng mga organisasyon na inaasahan nilang makatutulong.35

Noong Setyembre 1941, nasa Vienna pa rin sina Egon at Olga. Ang mga Nazi noong panahong iyon ay inaatasan ang lahat ng Judio sa Awstrya na ipakilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng dilaw na Bituin ni David sa kanilang kasuotan. Nang matuklasan ng mga opisyal na Nazi na nagpupunta ang mga Judio sa mga pulong sa Vienna Branch, iniutos nila kay Alois na pagbawalang dumalo ang mga ito. Kapag tumanggi siya, ang mga Banal ay palalayasin mula sa kanilang lugar na pagpupulong.

Nagpasiya si Alois na kailangan niyang sumunod sa kautusan. Nahihirapan at puno ng kapighatian, nakipagkita siya sa mga Weiss at sinabi sa kanila na hindi na makadadalo sa mga miting ang mga ito. Ngunit siya at ang iba pang mga miyembro ng branch ay patuloy na tapat na binibisita ang pamilya—hanggang sa, isang araw, hindi na makita sina Olga at Egon.36

  1. First Presidency to Douglas Wood, Telegram, Aug. 24, 1939; First Presidency to Joseph Fielding Smith, Telegrams, Aug. 24, 1939; Aug. 25, 1939, First Presidency Mission Files, CHL; U.S. State Department, Memorandum, Aug. 25, 1939, U.S. State Department Correspondence regarding Mormons and Mormonism, CHL; Grant, Journal, Aug. 27, 1939; Boone, “Evacuation of the Czechoslovak and German Missions,” 123, 136; tingnan din sa Minert, Under the Gun, 27–28; at British Mission, Manuscript History and Historical Reports, Sept. 1–2, 1939. Ang mga misyonero sa British Mission ay direktang lumikas patungo sa Estados Unidos.

  2. Joseph Fielding Smith to First Presidency, May 6, 1939; Aug. 1, 1939; Joseph Fielding Smith and Jessie Evans Smith to Heber J. Grant, June 21, 1939, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Joseph Fielding Smith to First Presidency, Aug. 28, 1939, First Presidency Mission Files, CHL.

  3. Seibold, Oral History Interview, 2–3; Douglas Wood, sa One Hundred Tenth Annual Conference, 78–79; Joseph Fielding Smith to First Presidency, Telegram, Aug. 26, 1939, First Presidency Mission Files, CHL; Boone, “Evacuation of the Czechoslovak and German Missions,” 137.

  4. Douglas Wood, sa One Hundred Tenth Annual Conference, 79–81; Boone, “Evacuation of the Czechoslovak and German Missions,” 143. Ang huling bahagi ng sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “Sinabi namin sa kanya na sundin ang kanyang mga pahiwatig dahil wala kaming ideya kung saang mga bayan matatagpuan ang 31 Elder na ito.”

  5. Boone, “Evacuation of the Czechoslovak and German Missions,” 144; Douglas Wood, sa One Hundred Tenth Annual Conference, 79–80; Seibold, Oral History Interview, 3, 12; Montague, Mormon Missionary Evacuation, 83.

  6. Seibold, Oral History Interview, 4–5, 12; Montague, Mormon Missionary Evacuation, 84–86; Boone, “Evacuation of the Czechoslovak and German Missions,” 144.

  7. Seibold, Oral History Interview, 6.

  8. Boone, “Evacuation of the Czechoslovak and German Missions,” 146; Seibold, Oral History Interview, 10; Montague, Mormon Missionary Evacuation, 97–100; Overy, Third Reich, 197–98; Ellis Rasmussen at John Kest, “Border Incident,” Improvement Era, Dis. 1943, 46:793797. Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig

  9. Heber J. Grant, sa One Hundred Tenth Semi-annual Conference, 8–9; Heber J. Grant to Walter Day, Sept. 8, 1939, Letterpress Copybook, tomo 78, 99, Heber J. Grant Collection, CHL.

  10. Grant, Journal, Dec. 6, 1939; Heber J. Grant to Rachel Grant Taylor, Dec. 14, 1939, Heber J. Grant Collection, CHL.

  11. Grant, Journal, Feb. 4–5, 1940; Heber J. Grant to Charles Zimmerman, June 20, 1940, Letterpress Copybook, tomo 79, 61, Heber J. Grant Collection, CHL; Clark, Office Diary, Feb. 5, 1940; Heber J. Grant to Isaac Stewart, May 10, 1940, Letterpress Copybook, tomo 78, 962; Heber J. Grant to Henry Link, Aug. 2, 1941, Letterpress Copybook, tomo 80, 230, Heber J. Grant Collection, CHL.

  12. Grant, Journal, Apr. 27, 1940; Heber J. Grant to Grace Grant Evans, May 1, 1940; Willard [Smith] to “‘Grant’ Family,” Feb. 22, 1940, Heber J. Grant Collection, CHL. Paksa: Heber J. Grant

  13. Bang, Autobiography, 7–8; [Bang], Wedding Day Story, [1].

  14. Paul Bang, “My Life Story,” 22, 27; tingnan din sa Charles Anderson to Adeline Yarish Taylor, July 30, 1940, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL.

  15. Bang, Autobiography, 7; Cornelia Taylor, Patriarchal Blessing, Feb. 6, 1935, 1–2, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL; Taylor, Diary, Apr. 12, 1936.

  16. Bang, Autobiography, 7–8; Leo Muir to Presiding Bishopric, Apr. 15, 1940; Marvin O. Ashton, Memorandum, May 22, 1940, Presiding Bishopric General Files, 1889–1956, CHL; Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 67.

  17. Mga Paksa: Kirtland Temple; Iba pang Latter Day Saint Movements

  18. [Bang], Wedding Day Story, [1]; [Bang], Honeymoon Diary, 23–24; Howlett, Kirtland Temple, 53–56, 60–61; Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 2–3.

  19. Lund, “Joseph F. Smith and the Origins of the Church Historic Sites Program,” 345, 352–55; Packer, “Study of the Hill Cumorah,” 75, 92–94, 122–26, 135–38; Argetsinger, “Hill Cumorah Pageant,” 58–59. Mga Paksa: Mga Makasaysayang Lugar ng Simbahan; Palmyra at Manchester; Sagradong Kakahuyan at Sakahan ng Pamilyang Smith

  20. [Bang], Honeymoon Diary, 25; Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 3; Gerritsen, “Hill Cumorah Monument,” 133; Paul Bang and Cornelia Taylor Bang, Hill Cumorah, 1940, Photograph, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL.

  21. [Bang], Honeymoon Diary, 25; “Leaders in Church Speak at Opening of Capital Chapel,” Deseret News, Nob. 11, 1933, Church section, 1; “Will Link Parks by One Great Highway,” Deseret Evening News, Hunyo 5, 1920, section 2, 8; “Church Forms Stakes in U.S. Capital and Denver,” Deseret News, Hulyo 1, 1940, 11.

  22. [Bang], Honeymoon Diary, 25–26; Bang, “Personal History of Paul and Connie Bang—1942 Forward,” 3–5; Williams’ Cincinnati City Directory, 70.

  23. United Kingdom Air Ministry, Daily Weather Report, Ross-on-Wye, Dis. 11, 1940; “Victims Trapped in Wrecked Homes,” Cheltenham (England) Chronicle and Gloucestershire Graphic, Dis. 14, 1940, 2; Overy, Third Reich, 224–30; Donnelly, Britain in the Second World War, 92–93. Paksa: England

  24. Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 59–60; Mason, Oral History Interview, 4–7, 9–10, 17–18.

  25. “Victims Trapped in Wrecked Homes,” Cheltenham (England) Chronicle and Gloucestershire Graphic, Dis. 14, 1940, 2; Elder, Secret Cheltenham, 55; Mason, Oral History Interview, 16; Hasted, Cheltenham Book of Days, 347; “Over 600 Homeless after Raid,” Cheltenham Chronicle and Gloucestershire Graphic, Dis. 21, 1940, 3.

  26. British Mission, Manuscript History and Historical Reports, Sept. 1–2, 1939; Jan. 10 and 18, 1940; Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 59; Mason, Oral History Interview, 10–12, 21, 26–27; Arthur Fletcher entry, Stroud Branch, Bristol District, British Mission, no. 11, sa England (Country), part 42, Record of Members Collection, CHL.

  27. Mason, Oral History Interview, 4–6, 13–14, 22, 24; Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 59.

  28. “Air Raid Danger, Warning Signals, and Blackout Instructions,” file MEPO-4-489; Jennifer Middleton Mason, “Sisters of Cheltenham,” Ensign, Okt. 1996, 59; Mason, Oral History Interview, 14.

  29. Collette, Collette Family History, 205; Scharffs, Mormonism in Germany, 107; Minert, Under the Gun, 17, 465; Collette, Collette Family History, 210; Bukey, Hitler’s Austria, 188, 196–200, 206.

  30. Minert, Under the Gun, 463, 474; Hatch, Cziep Family History, 31, 64, 81, 202–3.

  31. Hatch, Cziep Family History, 81; Collette, Collette Family History, 171–72.

  32. Hatch, Cziep Family History, 81; Botz, “Jews of Vienna,” 321–22; 330, note 49; Egon Weiss to “Dear Brother,” Nov. 23, 1938, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL.

  33. Tobler, “Jews, the Mormons, and the Holocaust,” 81; Heber J. Grant, sa Ninety-First Annual Conference, 124; Heber J. Grant to Willard Smith, June 24, 1933, Letterpress Copybook, tomo 70, 788; Heber J. Grant to Wesley King, Jan. 24, 1920, Letterpress Copybook, tomo 55, 515, Heber J. Grant Collection, CHL.

  34. Tobler, “Jews, the Mormons, and the Holocaust,” 81; Egon Weiss to “Dear Brother,” Nov. 23, 1938; First Presidency to “Mrs. A. Goddard,” Nov. 23, 1920; Heber J. Grant to S. Sipkema, Jan. 29, 1926; Heber J. Grant, Anthony W. Ivins, and Charles W. Nibley to Cornelia van der Meide, Jan. 29, 1930, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; tingnan din sa Jensen at Javadi-Evans, “Senator Elbert D. Thomas,” 223–39. Paksa: Pandarayuhan

  35. Tingnan, halimbawa sa, Joseph Anderson to Paula Stemmer, Oct. 13, 1938; Joseph Anderson to Max Safran, Nov. 7, 1938; at J. Reuben Clark Jr. and David O. McKay to Richard Siebenschein, Jan. 27, 1939, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL.

  36. Botz, “Jews of Vienna,” 330; Hatch, Cziep Family History, 81, 200, 202; tingnan din sa Tobler, “Jews, the Mormons, and the Holocaust,” 85–86.