Kasaysayan ng Simbahan
33 Ang Kamay ng Ating Ama


Kabanata 33

Ang Kamay ng Ating Ama

anino na nagtatago sa likod ng isang puno

Kapag ang tatlumpu’t anim na taong gulang na si Martha Toronto ay nagtutungo sa bayan upang mamili para sa kanyang pamilya at sa anim o mahigit pang mga misyonero na nakatira sa Czechoslovak Mission home, kung minsan pakiramdam niya ay minamatyagan siya. Noong tagsibol ng 1948, nakatira siya sa Prague kasama ang kanyang asawa, ang mission president na si Wallace Toronto, nang humigit-kumulang isang taon. Sa kanyang unang anim na buwan sa lunsod, nagsikap nang husto si Martha na tulungan ang mga Banal na Czech na muling itayo ang Simbahan sa isang bansang nahihirapan pa rin mula sa pitong taong pananakop ng mga Nazi. Pagkatapos, noong Pebrero 1948, ang mga komunistang nasa pamahalaan na sinusuportahan ng Unyong Sobyet ay nagsagawa ng isang kudeta, na sapilitang nag-alis sa lahat ng di-komunistang lider mula sa kapangyarihan.

Ang kudeta ay bahagi ng isang umuusbong na “malamig na digmaan” sa pagitan ng Unyong Sobyet at ng mga dating kakampi nito. Ang pamahalaang komunista sa Czechoslovakia ay karaniwang naghihinala sa mga pangkat ng relihiyon, at ang Simbahan ay sumailalim sa matinding pagmamanman dahil sa ugnayan nito sa Estados Unidos. Ang mga tiktik at mga tagasumbong na mamamayan ay nagmamanman ngayon sa mga miyembro at misyonero ng Simbahan, at maraming Czechoslovak ang tila naghihinala sa mga Toronto at iba pang mga Amerikano. Paminsan-minsan ay nakikita ni Marta ang isang kurtina sa isang kalapit na bahay na mabilis na hinahawan nang kaunti habang naglalakad siya. At minsan, sinundan ng isang lalaki ang kanyang labing-isang taong gulang na anak na babaeng si Marion pauwi mula sa paaralan nito. Nang nilingon nito ang lalaki, nagtago ito sa likod ng isang puno.1

Naranasan ni Martha ang mamuhay sa ilalim ng isang mapaghinala at nagkokontrol na rehimen. Pinamunuan nila noon ni Wallace ang Czechoslovak Mission, simula noong 1936, ilang taon matapos silang ikasal. Noong una, may kalayaan ang mga Toronto na ipangaral ang ebanghelyo. Ngunit noong mga unang taon ng 1939, nilusob ng rehimeng Nazi ang bansa at sinimulang guluhin ang mga miyembro ng Simbahan at ibinilanggo ang ilang misyonero. Nang magsimula ang digmaan kalaunan, sina Martha, Wallace, at ang mga misyonero mula sa Hilagang Amerika ay napilitang lumikas paalis ng bansa, naiwan ang mahigit isandaang mga Banal na Czechoslovak.2

Iniatang ni Wallace ang misyon sa mga balikat ng dalawampu’t isang taong gulang na si Josef Roubíček, na sumapi sa Simbahan tatlong taon pa lang ang nakararaan. Bilang mission president, nagdaos si Josef ng mga pulong at kumperensya, madalas na nagpadala ng mga liham sa mga Banal sa mission, at ginawa ang lahat ng makakaya niya upang palakasin ang kanilang katatagan at pananampalataya. Paminsan-minsan, nag-uulat siya kay Wallace ukol sa kalagayan ng mission.3

Hindi nagtagal matapos ang digmaan, tinawag ng Unang Panguluhan sina Wallace at Martha na ipagpatuloy ang kanilang mga tungkulin sa Czechoslovakia. Dahil sa mga hamon ng pamumuhay sa Europa na winasak ng digmaan, umalis si Wallace patungong Prague noong Hunyo 1946, nangangakong pasusunurin ang kanyang pamilya sa lalong madaling panahon na maging mas maayos ang mga bagay-bagay. Kung minsan, inisip ni Martha kung mas makakabuti sa kanyang mga anak kung mananatili siyang kasama ng mga ito sa Utah, ngunit ayaw niyang lumaki sila nang ilang taon nang hindi nakikita ang kanilang ama. Matapos ang isang taong paghihiwalay, sa wakas ay muling magkakasama ang pamilya Toronto.4

Bilang mission leader, pinamahalaan ni Martha ang gawain ng Relief Society, inalagaan ang mga misyonero, at nasisiyahang makitang nagtitipon ang mga bagong binyag sa mission home para sa mga aktibidad ng Mutual Improvement Association kada linggo. Ngunit sa patuloy na pagmamatyag ng pamahalaang komunista sa kanyang pamilya at sa Simbahan, marami siyang dahilan upang asahan na magiging mas mahirap ang buhay sa Czechoslovakia.

Bago umalis si Martha sa Estados Unidos, itinalaga siya ni Pangulong J. Reuben Clark ng Unang Panguluhan para sa kanyang misyon. “Ang mga problemang darating sa inyo,” sabi nito, “ay napakarami at kakaiba.” Nangako ito na magkakaroon siya ng lakas na harapin ang mga suliranin at binasbasan siya ng tiyaga, pag-ibig sa kapwa, at mahabang pagtitiis.5

Nanalig si Martha sa mga salita nito habang ginagawa niya at ng kanyang pamilya ang gawain ng Panginoon.


Samantala, malayo sa kaguluhan sa Europa, ang tatlumpu’t isang taong gulang na si John O’Donnal ay lumuhod sa tabi ng isang puno sa isang tagong sulok ng isang botanikong hardin malapit sa Tela, Honduras. Sa nakalipas na anim na taon, nagpapatakbo si John ng isang rubber station sa kalapit na bansa ng Guatemala, at nasisiyahan siya sa tuwing dadalhin siya ng kanyang gawain sa magandang halamanan. Para sa isang taong lumaki sa mga kolonya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa disyertong lupain ng hilagang Mexico, ang payapang lugar, na may pambihirang dami ng halaman at hayop, ay isang tropikal na paraiso.6

Subalit nababagabag ang isipan ni John. Siya at ang kanyang asawang si Carmen ay agad na nagkapalagayan ng loob matapos siyang magsimulang magtrabaho sa Gitnang Amerika. Dahil si Carmen ay isang Katoliko, ikinasal sila ng isang pari ng kanyang simbahan. Gayunman, noong panahong iyon, masidhing nadama ni John na balang-araw ay ibabahagi niya ang kanyang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Nais niyang mabuklod kay Carmen sa templo at madalas itong kausapin tungkol sa Simbahan, na walang opisyal na presensya sa Guatemala. Gayunman, tila hindi interesado si Carmen na baguhin ang kanyang relihiyon, at nagsikap nang husto si John na huwag itong pilitin.

“Ayokong sumapi ka sa simbahan ko dahil lang sa nais mo akong pagbigyan,” sabi nito sa kanya. “Kailangan mong pagsikapan na magkaroon ng patotoo.”

Nagustuhan ni Carmen ang karamihan sa itinuro sa kanya ni John tungkol sa Simbahan, ngunit nais niyang matiyak na tama para sa kanya ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi siya pinayagang basahin ang Biblia noong bata pa siya, at noong una ay hindi niya naunawaan ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon. “Bakit ko ba kailangan pang basahin ang aklat na ito?” tanong niya kay John. “Wala itong kabuluhan sa akin.”7

Ngunit hindi sumuko si John. Sa isang paglalakbay papuntang Estados Unidos, kinausap niya ito tungkol sa walang hanggang kasal nang bisitahin nila ang Mesa, Arizona, kung saan matatagpuan ang pinakamalapit na templo. Gayunman, gaano man niya kasigasig na ibahagi rito ang ipinanumbalik na ebanghelyo, tila hindi ito makatanggap ng patotoo.

Bahagi ng problema, alam ni John, ang oposisyon mula sa pamilya at mga kaibigan nito, na ang ilan sa kanila ay hindi maganda ang opinyon sa Simbahan. Si Carmen ay hindi debotong Katoliko, ngunit pinahahalagahan pa rin niya ang mga tradisyong kinalakhan niya. At pinagsisihan ni John na siya mismo ay pabaya kung minsan sa pamumuhay ng kanyang relihiyon, lalo na kung kasama ang kanyang mga kaibigan at kasamahan na hindi miyembro ng Simbahan. Kung minsan ay mahirap maging malayo sa anumang organisadong branch ng mga Banal. Nagpapasalamat siya sa kanyang mga unang taon sa hilagang Mexico, kung saan siya ay napaliligiran ng mabubuting halimbawa ng kanyang mga magulang at iba pang mga miyembro ng Simbahan.8

Noong huling bahagi ng 1946, binisita ni John si Pangulong George Albert Smith sa Lunsod ng Salt Lake at hinikayat itong magpadala ng mga misyonero sa Guatemala. Interesanteng nakinig si Pangulong Smith habang ikinukuwento ni John ang kahandaan ng bansa para sa ebanghelyo. Siya at ang kanyang mga tagapayo ay nakikipagsanggunian na kay Frederick S. Williams, ang dating pangulo ng Argentine Mission, tungkol sa pagpapalawak ng gawaing misyonero sa Latin America.

Hindi nagtagal matapos ang pulong, ipinahayag ng Unang Panguluhan ang desisyon nito na magpadala ng mga misyonero sa Guatemala. “Hindi kami nakatitiyak kung kailan ito magagawa,” sabi nila kay John, “ngunit nagtitiwala kami sa hindi nalalayong hinaharap.”9

Apat na misyonero ang dumating sa tahanan ng mga O’Donnal sa Lunsod ng Guatemala makalipas ang ilang buwan, matapos palawakin ang mga hangganan ng Mexican Mission upang isama ang Guatemala, Costa Rica, El Salvador, Honduras, Nicaragua, at Panama. Dalawa sa mga elder ang tumuloy sa Costa Rica, ngunit nagsimulang makipagpulong ang dalawa pa kay John, Carmen, at sa kanilang dalawang maliliit na anak na babae.

Nag-oranisa rin ang mga misyonero ng Sunday School at Primary—at kinuha pa ang kapatid ni Carmen na si Teresa bilang guro sa Primary. Bagama’t dumalo si Carmen sa mga pulong ng Simbahan kasama si John, atubili pa rin siyang magpabinyag. Sa katunayan, nang lumuhod si John sa botanikal na halamanan, ang mga misyonero ay nasa Guatemala nang halos isang taon, at wala pang sinuman sa bansa ang sumapi sa Simbahan.

Habang nananalangin si John, ipinahayag niya ang kanyang pinakamahalagang hiling, nagsusumamo sa Ama sa Langit na patawarin ang kanyang mga kasalanan at pagkukulang. Pagkatapos ay ipinagdasal niya si Carmen sa pagsisikap nito na magkaroon ng patotoo. Tila nagawa ng kaaway ang lahat ng makakaya nito sa nakalipas na limang taon para hindi ito sumapi sa Simbahan. Kailan niya matatanggap ang sagot mula sa Panginoon?10


Habang nagdarasal si John O’Donnal sa Honduras, naglilingkod nang husto si Emmy Cziep bilang misyonero sa Switzerland. Bukod pa sa mga karaniwang tungkulin ng mga misyonero, tinutulungan din niya ang mission president na si Scott Taggart sa pakikipagsulatan nito sa wikang Aleman at isinalin ang mga materyal ng lesson sa Aleman mula sa Wikang Ingles. Bagama’t hindi siya matatas sa wikang Ingles bago ang kanyang misyon, nagkaroon siya ng kasanayan sa wika sa pamamagitan ng masusing pagbabasa ng mga lumang edisyon ng magasin na Improvement Era at pagdadala ng diksyunaryo saanman siya magpunta.11

Noong tag-init ng 1948, ipinabatid ng isang opisyal ng pamahalaan kay Emmy na hindi na nito maaaring panibaguhin ang kanyang visa at kakailanganin niyang bumalik sa Vienna sa loob ng tatlong buwan. Nangungulila si Emmy sa kanyang pamilya, ngunit hindi masidhi ang hangarin niyang manirahan sa Austria na nasa ilalim ng impluwensya ng Unyong Sobyet, na patuloy pa ring nasasakupan ang ilang bahagi ng kanyang lunsod at bansa. May tyansang makakuha ng pansamantalang trabaho bilang kasambahay sa Great Britain, ngunit walang nakatitiyak. Naisip niya ang kawikaan na “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.”12

Isang araw, nakilala ni Emmy ang dalawang babaeng misyonero mula sa British Mission na bumibisita sa Switzerland bago sila umuwi. Ang dalawang babae ay mula sa Canada at hindi nagsasalita ng wikang Aleman, kaya nagsalin si Emmy para sa mga ito. Habang nag-uusap sila, sinabi sa kanila ni Emmy ang tungkol sa kanyang pag-aalinlangan na bumalik sa Vienna. Si Emmy ay tinanong ng isa sa mga misyonero, si Marion Allen, kung handa siyang mandayuhan sa Canada sa halip na sa Great Britain. Bagama’t karamihan sa mga miyembro ng Simbahan sa Canada ay nakatira malapit sa templo sa Cardston, Alberta, matatagpuan ang mga branch ng mga Banal sa iba’t ibang dako ng malawak na bansa, mula sa Nova Scotia sa silangan hanggang British Columbia sa kanluran.

Inakala ni Emmy na napakaliit lang ng pagkakataon niya na mandayuhan sa Hilagang Amerika. Hindi pa nilalagdaan ng Austria ang kasunduan ng kawalang kinikilingan, at ang mga mamamayan nito ay itinuturing na mga kaaway na dayuhan sa mga Bansang Allied. Ni walang kapamilya o kaibigan si Emmy sa Canada o sa Estados Unidos na maaaring magtustos o magbigay-garantiya na magkakaroon siya ng trabaho.13

Gayunman, makalipas ang ilang linggo, tumanggap si Pangulong Taggart ng telegrama mula sa ama ni Marion na si Heber Allen, tinatanong kung magiging interesado si Emmy na lumipat sa Canada. Sinabi sa kanya ni Marion ang tungkol sa suliranin ni Emmy, at nakipag-ugnayan si Heber sa pamahalaang Canada na makatutulong dito na maaprubahan ang pandarayuhan. Handa si Heber na magbigay ng trabaho kay Emmy at isang lugar na matitirhan sa kanilang tahanan sa Raymond, isang munting bayan malapit sa Cardston.

Agad na pumayag si Emmy. Habang naghahanda siyang umalis, ang kanyang mga magulang, si Alois at Hermine, ay nakakuha ng isang araw sa pahintulot na pumunta sa hangganang Swiss upang magpaalam. Alam ni Emmy na kinailangan ng kanyang mga magulang ng pananampalataya para hayaang tumira ang kanilang dalawampung taong gulang na anak na babae kasama ang mga estranghero sa isang lupain na di-pamilyar sa kanya, na hindi nalalaman kung muli nilang makikita ang isa’t isa.

“Saanman ka man pumunta, hindi ka nag-iisa kailanman,” sabi sa kanya ng kanyang mga magulang. “Nariyan ang iyong Ama sa Langit na magbabantay sa iyo.” Hiniling nila sa kanya na maging mabuting mamamayan at manatiling malapit sa Simbahan.14

Kalaunan, sa kanyang paglalakbay patawid ng Dagat Atlantiko, lubhang nalungkot si Emmy nang maisip niya ang kanyang magkakalapit na kamag-anak, ang mga miyembro ng Vienna Branch, at ang kanyang pinakamamahal na Austria. Nagsimula siyang umiyak, iniisip na kung may kapangyarihan siyang pihiting pabalik ang barko, baka gawin na lang niya ito.

Dalawang pauwi na elder mula sa Czechoslovak Mission ang naglalayag kasama ni Emmy, at ginawa nilang mas madali para sa kanya ang paglalakbay. Sa pagitan ng mga sumpong ng pagkahilo sa barko, ang kapwa binata ay nag-alok ng kasal kay Emmy, ngunit pareho niyang tinanggihan ang mga ito. “Hindi pa ninyo nagagawang makihalubilo sa mga dalaga sa loob ng dalawang taon,” sabi niya sa kanila. “Oras na nakauwi na kayo, makakakita kayo ng mga babaeng tunay na bagay sa inyo at magsisimula ng pamilya kasama nila.”15

Nang dumating ang barko sa Nova Scotia, agad na pinahintulutan ang dalawang elder na pumasok sa bansa, ngunit si Emmy ay pinapunta sa isang silid na may bakod kasama ang maraming iba pang mga dayuhan. Ang ilan sa kanila, nalaman ni Emmy, ay mga batang naulila mula sa mga kampo ng konsentrasyon ng Alemanya.

Sinimulang gamitin ng mga Nazi ang gayong mga kampo noong dekada ng 1930 upang ikulong ang mga tumiwalag sa pulitika at sinumang itinuturing nila na mas mababa o mapanganib sa kanilang rehimen. Nang magsimula ang digmaan, patuloy na dinadakip ng mga Nazi ang mga taong ito, sa huli ay pinapaslang ang daan-daang libo sa kanila. Ang kontra-Semitismo ng mga Nazi ay naging henosidyo rin habang sistematikong ibinilanggo at pinaslang ang milyun-milyong Judio sa mga kampo ng konsentrasyon. Dalawang-katlo ng mga Judio sa Europa ang namatay sa Holocaust, kabilang na sina Olga at Egon Weiss, ang mag-inang Judio na sumapi sa Simbahan at sumamba kasama ang pamilya ni Emmy sa Vienna Branch.16

Sa Canada, buong araw na naghintay si Emmy habang siya at iba pang mga nandayuhan ay pinagsama-sama ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga grupo ayon sa wika at pagkatapos ay isa-isa silang tinanong. Batid na may ilang nandarayuhan na ipinadala pabalik sa Europa dahil kulang ang kanilang mga papeles, o dahil wala silang sapat na pera, o dahil lamang sa maysakit sila, nanalangin si Emmy na sana ay makapasa siya sa inspeksyon. Nang kinuha ng opisyal ang kanyang pasaporte at tinatakan ito, halos lumundag ang kanyang puso sa dibdib niya dahil sa sobrang kagalakan.

“Malaya na ako, sa isang malayang bansa,” naisip niya.17


Sa panahon ding ito, sa Lunsod ng Guatemala, maraming dapat pag-isipan si Carmen O’Donnal. Katatanggap lamang niya ng liham mula sa kanyang asawang si John, na nasa Honduras para sa negosyo. Habang nasa malayo ito, nais nitong itanong niya sa Diyos kung Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo, kung si Joseph Smith ay isang propeta, at kung ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. “Ipagdasal mo ito,” pagsusumamo niya. “Nais kong mabuklod sa akin ang asawa ko para sa kawalang-hanggan, at gayundin ang mga anak ko.”

Maraming beses nang ipinagdasal ni Carmen ang mga bagay na ito. At ang pagdarasal ay talagang napakahirap—kung minsan ay nakayayamot—kapag malayo si John sa bahay. Isang kakila-labot na espiritu ang papalibot sa kanya, at mararanasan niya ang mga nakababahalang pagpapakita ng kapangyarihan ni Satanas. Ang ideyang magtangka pang gawin itong muli nang wala ito sa kanyang tabi ay nagbibigay ng takot sa kanya.

Gayunpaman, isang gabi nagpasiya siyang subukan itong muli. Pinatulog niya ang kanyang dalawang anak na babae at pagkatapos ay lumuhod sa kanyang kuwarto para manalangin. Agad na bumalik ang mga kapangyarihan ng kadiliman. Nadama niya na parang ang silid ay puno ng libu-libong nangungutyang mukha na nais siyang sirain. Tumakas siya sa silid at umakyat sa hagdan papunta sa ikalawang palapag, kung saan nakatira ang mga misyonero. Sinabi niya sa mga elder kung ano ang nangyari, at binasbasan nila siya.

Nang idinilat ni Carmen ang kanyang mga mata, pakiramdam niya ay mas panatag siya. “Sa kung anong dahilan, tinatangka ni Satanas na wasakin ako,” natanto niya. Malinaw na ayaw ng kaaway na magkaroon siya ng patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Bakit pa kaya ito magsisikap nang husto para sirain ang kanyang mga panalangin? Agad niyang nalaman na kailangan niyang mabinyagan.18

Naging abala ang mga O’Donnal sa sumunod na ilang buwan. Matapos bumalik si John mula sa Honduras, palagi silang magkasamang nanalangin ni Carmen. Patuloy siyang dumalo sa mga sacrament meeting at iba pang mga pagtitipon ng Simbahan, kung saan lalo niyang nauunawaan ang ebanghelyo. Sa isang pulong ng patotoo kasama si Arwell Pierce, ang pangulo ng Mexican Mission, tumayo siya at nagsabi ng ilang salita. Ang iba naman ay nagbahagi ng kanilang patotoo, at sila ay sama-samang nanangis habang inaantig at binibigyang-inspirasyon sila ng Espiritu Santo.19

Noong ika-13 ng Nobyembre 1948, nagdaos ang mga misyonero ng serbisyo sa binyag para kay Carmen, sa kanyang kapatid na si Teresa, at sa dalawa pang iba, sina Manuela Cáceres at Luis Gonzalez Batres. Dahil ang inupahang bulwagan kung saan sila nagsisimba ay walang bautismuhan, pumayag ang ilang kaibigan na hayaan si John at ang mga misyonero na isagawa ang mga pagbibinyag sa isang maliit na swimming pool sa timog ng lunsod.20

Makalipas ang isang linggo, dumating sina Mary White at Arlene Bean, dalawang misyonero mula sa Mexican Mission, upang mag-organisa ng Relief Society sa Lunsod ng Guatemala. Si Carmen ay tinawag na maging pangulo ng Relief Society, at siya at ang mga misyonero ay nagdaos ng mga pulong tuwing Huwebes ng hapon. Karamihan sa mga babaeng dumating ay hindi miyembro ng Simbahan. Isa sa kanila na isang propesor sa unibersidad na nasa katanghaliang-gulang, ang nag-alala noong una na ang isang taong kasimbata ni Carmen ang namumuno sa samahan.

“Hindi ko alam kung bakit tinawag mo ang dalagang ito na maging pangulo,” sabi niya sa mga misyonero.

Nalungkot si Carmen. Hindi niya magawang sumalungat sa babae. Bakit nga ba hindi ang propesor o iba pang matandang babae ang tinawag na pangulo?

“Hindi mo dapat maramdaman iyan, dahil hindi mo hiningi ang trabahong ito,” sabi sa kanya ng mga babaeng misyonero. “Ikaw ang tinawag upang gawin ito.”

Dahil walang mga manwal ang Relief Society, gumawa si Carmen ng mga lesson at aktibidad. Noong Pebrero 1949, dalawang babae, sina Antonia Morales at Alicia Cáceres, ang sumapi sa Simbahan. Makalipas ang ilang linggo, tinawag ni Carmen ang mga ito at si Gracie de Urquizú, isang babaeng interesado sa Simbahan, bilang mga miyembro ng kanyang panguluhan. Ang mga babae ay ipinakilala sa isang pulong na dinaluhan ng dalawampu’t isang babae—ang pinakamaraming bilang na nagsidalo sa kanilang pulong.

Lahat ng naroon ay masaya at handang matuto.21


Noong tagsibol ng 1949, madalas magising si Pangulong George Albert Smith sa tunog ng mga kahol ng mga seal at ritmikong alon ng Karagatang Pasipiko. Nagpunta ang propeta sa California noong Enero upang siyasatin ang lugar ng Los Angeles Temple. Naantala ng digmaan at tulong sa Europa ang proyekto, at ngayon ay nais ng mga lider ng Simbahan na isulong ang pagtatayo. Pagkaraan ng ilang abalang araw ng mga pulong, nagsimulang magkasakit si Pangulong Smith. Lalo pang lumubha ang kanyang kalagayan, at nasuri ng mga doktor na may namuong dugo sa kanyang kanang sentido.22

Napatunayan na hindi nakamamatay ang kalagayang iyon, ngunit nahirapan si Pangulong Smith na mabawi ang kanyang lakas. Nang sa wakas ay pinauwi na siya ng mga doktor mula sa ospital, nanatili siya sa California upang magpagaling malapit sa dagat. Sa papalapit na pagdating ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 1949, umaasa siyang makabalik sa Lunsod ng Salt Lake. Ngunit tuwing mauupo siya sa kama, nakakaranas siya ng matinding pagkahilo at nagmimistulang umiikot ang silid, kung kaya ay kailangan niyang mahigang muli.23

Bukod sa namuong dugo, walang makitang malinaw na dahilan ang mga doktor para sa pagkapagod ng propeta. “Ang pinakamalaking problema ko,” pagtatapos niya kamakailan sa kanyang journal, “ay ang mahina at pagod na katawan at pagtatrabaho nang labis.”24

Sa halos buong buhay niya mula noong nasa hustong gulang, nahirapan si Pangulong Smith sa kanyang mga problema sa kalusugan tulad ng malabong paningin, problema sa panunaw, at matinding pagod. Nang tawagin siya bilang apostol sa edad na tatlumpu’t tatlo, alam niya mula sa karanasan kung ano ang maaaring mangyari kung aabusuhin niya ang kanyang katawan. Ngunit kung minsan ang kanyang pag-unawa sa tungkulin at hangaring magtrabaho ang humahadlang sa kanya na maghinay-hinay.

Pagsapit ng 1909, anim na taon matapos siyang tawagin na maging apostol, nabalisa siya at nalungkot. Wala siyang lakas, at sa loob ng ilang buwan sa ilang pagkakataon ay nakaratay siya sa kanyang higaan, at wala siyang magawa. Hinahadlangan ng kanyang mahinang paningin ang pagbabasa sa anumang haba ng panahon. Pakiwari niya ay wala siyang silbi at wala siyang pag-asa, at may mga pagkakataon na nais na niyang mamatay. Sa loob ng tatlong taon, kailangan niyang tumigil sa kanyang mga regular na tungkulin sa Korum ng Labindalawang Apostol.25

Nalaman ni Pangulong Smith na ang panalangin, sariwang hangin, masustansyang pagkain, at palagiang pag-eehersisyo ay nakatulong sa kanya na makabawi ng lakas. Bagama’t hindi pa rin siya lubos na gumagaling sa kanyang mga problema sa kalusugan, ang mahihirap na taon na iyon bilang apostol ay nagpakumbinsi sa kanya na may plano ang Panginoon para sa kanyang buhay. Nakahanap siya ng kapanatagan sa isang liham mula sa kanyang ama, si apostol John Henry Smith. “Ang mapait na karanasang pinagdaraanan mo,” sabi nito, “ay nilayon lamang para dalisayin at pasiglahin ka at gawing karapat-dapat sa isa pang gawain sa buhay.”26

Mula noon ay ginugol na ni Pangulong Smith ang kanyang lakas sa pag-ibsan ng pagdurusa, kawalang-katarungan, at paghihirap. Pinangunahan niya ang unang paglilimbag ng Aklat ni Mormon sa braille at inorganisa ang unang branch ng Simbahan para sa mga bingi. Matapos malaman na si Helmuth Hübener, ang batang Banal na Aleman na pinatay ng mga Nazi, ay maling itiniwalag mula sa Simbahan, binaligtad niya at ng kanyang mga tagapayo ang aksyon at iniatas sa mga lokal na awtoridad na ilagay ang impormasyong ito sa rekord ng pagiging miyembro ni Helmuth. Bilang pangulo ng Simbahan, binigyan niya ng bagong pansin ang mga Katutubong Amerikano sa Estados Unidos, hinahangad na mapabuti ang kanilang mga kondisyon at edukasyon.27

Gayunman, ang maawaing puso ng propeta ay madalas na dumadagdag sa nadarama niya na pasanin. “Kapag normal ang mga bagay-bagay, hindi masyadong malakas ang nerbiyos ko,” sinabi niya minsan sa isang kaibigan. “At kapag nakikita ko ang ibang tao na nalulungkot at nalulumbay, madali akong naaapektuhan.”28

Hindi lubusang naunawaan ng mga doktor noong panahong iyon ang mga pangmatagalang sakit sa katawan at isipan, kadalasang gumagamit ng mga katagang tulad ng “nervous exhaustion” upang ilarawan ang mga kondisyon tulad ng paulit-ulit na pagod o pagkalumbay. Gayunpaman, ginawa ni Pangulong Smith ang lahat upang maalagaan ang kanyang kalusugan, sinamantala ang mga panahon ng dagdag na lakas at tibay at pahinga kapag kailangan. Bagama’t hindi na niya muling pinagdusahan ang pagbagsak at pagkawala ng malay na naranasan niya ilang dekada na ang nakararaan, ang katandaan at mabibigat na responsibilidad ay mahirap at lubos na nagpapapagod sa kanya.29

Noong ika-20 ng Marso, nagpadala ang propeta ng liham na inihatid ng eroplano sa kanyang mga tagapayo, nirerekomenda na magdaos sila ng pangkalahatang kumperensya nang wala siya. Kinabukasan ay tumawag sa telepono si Pangulong J. Reuben Clark, umaasa na gagaling pa rin si Pangulong Smith bago ang kumperensya. “Maghintay tayo hanggang sa susunod na Linggo at tingnan natin kung ano ang inyong nararamdaman,” sabi niya.

Nang sumunod na linggo, dumanas ng ilang ulit na pagkahilo ang propeta, ngunit nadama niya na unti-unti siyang nagkaroon ng lakas. Noong ika-27 ng Marso, sumang-ayon ang kanyang mga doktor na sapat na ang kalusugan niya para maglakbay, kaya hindi nagtagal ay sumakay siya ng tren patungo sa Lunsod ng Salt Lake. Lubos siyang nakapagpahinga sa paglalakbay, at nang dumating ang mga araw ng kumperensya, alam niya na biniyayaan siya ng Panginoon ng lakas.

Sa ikalawang araw ng kumperensya, tumayo si Pangulong Smith sa harap ng mga Banal, ang kanyang puso ay puspos ng pagmamahal at pagpapahalaga. “Maraming beses na tila handa na akong pumanaw,” sabi niya, “pinanatili ako para magsagawa ng iba pang gawain.”

Pagkatapos ay nagsalita siya ng mga salitang hindi niya binalak sabihin hanggang sa mga sandaling iyon. “Nagkaroon ako ng labis na kaligayahan sa buhay,” sabi niya. “Dalangin ko na baguhin nating lahat ang ating sarili habang dumaranas tayo ng mga karanasan sa buhay upang maabot natin at madama na hinahawakan natin ang kamay ng ating Ama.”30


Sa Prague, naghihintay ang mission president na si Wallace Toronto na marinig kung ang pitong bagong Amerikanong misyonero na tinawag na maglingkod sa Czechoslovak Mission ay tatanggap ng pahintulot na makapasok sa bansa. Noong nakaraang taon, ang bilang ng mga misyonero sa Czechoslovakia ay umabot sa tatlumpu’t siyam—ang pangalawang pinakamalaking grupo ng mga mamamayan ng Estados Unidos sa bansa, nalalampasan lamang ng mga kawani ng Embahada ng Estados Unidos. Gayunman, sampu sa mga misyonero ang nakatakdang umuwi, at kailangan silang palitan upang mapanatili ang paglago ng mission.31

Dumating ang grupo ng mga bagong misyonero sa Europa noong Pebrero 1949. Dahil hindi kaagad ibinigay ng pamahalaan ng Czechoslovakia ang kanilang mga visa, naghintay ang mga elder sa Swiss-Austrian Mission home sa Basel habang nagsusumamo si Wallace sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan na payagan ang mga misyonero na pumasok sa bansa. Pagkaraan ng ilang linggo ng paghihintay sa isang desisyon, nalaman ni Wallace na tinanggihan ang kanyang mga pagsamo.

“Pansamantala,” nakasaad sa opisyal na tugon, “wala nang mga mamamayan ng Amerika ang patutuluyin sa Czechoslovakia para sa layuning magkaroon ng permanenteng paninirahan.”

Hindi nagtagal ang mga misyonero ay itinalaga naman sa Swiss-Austrian Mission, at iniwan si Wallace na kulang ng mga misyonero habang tumitindi ang pakikialam ng pamahalaang komunista sa gawain ng Simbahan. Hinihingi na ngayon ng rehimen ang lahat ng pampublikong lesson o sermon na aaprubahan nang mas maaga ng anim na linggo, at ang mga opisyal ng komunista ay madalas dumalo sa mga pulong ng Simbahan upang masubaybayan ang mga Banal para sa di-inaprubahang pananalita. Pinawalang-saysay din ng pamahalaan ang pahintulot na ilimbag ang magasin ng mission, ang Novy Hlas, at nagbantang babawasan ang mga rasyon ng mga Banal o palalayasin sila mula sa kanilang mga trabaho kung patuloy silang magsisimba. Nadama ng ilan na napipilitan silang magtiktik sa kapwa nila mga miyembro ng Simbahan.

Nagpupunta kay Wallace ang mga nababalisang Banal upang humingi ng payo, at sinabi niya sa kanila na hindi nila dapat madamang obligado silang ilagay ang kanilang sarili sa panganib. Kung pipilitin sila ng mga kinatawan ng pamahalaan na mag-ulat tungkol sa isang pulong sa Simbahan, dapat silang magbigay ng sapat na impormasyon upang masiyahan ang mga tagapagtanong.32

Sa kabila ng lahat ng problemang ito, ang ilang Czechoslovak ay sabik pa ring marinig ang mensahe ng ebanghelyo. Sa halip na limitahan ang mga pampublikong pulong, pinalawak ni Wallace ang naabot ng mission sa pamamagitan ng pagdaraos ng napakaraming lektyur sa mga bayan sa buong bansa. Naging tanyag ang mga pagtitipon, na ang kadalasang resulta ay ang pagbebenta ng maraming kopya ng Aklat ni Mormon. Isang gabi, sa lunsod ng Plzeň, halos siyam na daang tao ang dumating upang makinig.

Gayunman, ang gayong mga tagumpay ay nagdudulot ng karagdagang pagsusuri ng pamahalaan. Sa ilang lugar, kabilang na ang Prague, tinatanggihan ng mga opisyal ang mga kahilingan na magdaos ng mga lektyur. Hindi nagtagal pagkatapos ng pulong sa Plzeň, tumanggi ang pamahalaan na panibaguhin ang permiso ng apat na Amerikanong misyonero na manirahan sa bansa, na di-umano’y “banta sa kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng estado.”

Muling nagpetisyon si Wallace sa mga opisyal ng rehimen, iginigiit na walang ginawa ang mga misyonero upang ilagay sa panganib ang publiko. Nagpakita siya ng ilang positibong artikulo tungkol sa Czechoslovakia mula sa Deseret News upang patunayan na ang mga Banal ay hindi mga kaaway ng pamahalaan. Binanggit din niya ang pamamahagi ng Simbahan ng pagkain at kasuotan sa kabuuan ng bansa pagkatapos ng digmaan at ipinaliwanag na nag-aambag sa ekonomiya ng bansang Czechoslovakia ang mga misyonero.33

Walang anumang naitulong ang pagsasabi ng mga ito. Iniutos ng pamahalaan sa apat na misyonero na lisanin ang bansa pagsapit ng ika-15 ng Mayo 1949. Isinulat ni Wallace sa kanyang ulat ng mission na natatakot siya na lahat ng kilusang panrelihiyon sa Czechoslovakia ay malapit nang sumailalim sa mahigpit na kontrol ng estado.

Ngunit ayaw niyang sumuko. “Umaasa at nagdarasal tayo na patuloy na pagpapalain ng Panginoon ang Kanyang gawain sa lupaing ito,” isinulat niya, “anuman ang mangyari sa pulitika sa hinaharap.”34

  1. Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 1, 43–50; Mehr, “Czechoslovakia and the LDS Church,” 140–41; Heimann, Czechoslovakia, 171–75; Woodger, Mission President or Spy, 158, 161, 175–77; Dunbabin, Cold War, 142–59; “Historical Report of the Czechoslovak Mission,” June 30, 1949, 13–14, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL.

  2. Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 13, 15; Mehr, “Czechoslovakia and the LDS Church,” 116, 132, 134–37; “Historical Report of the Czechoslovak Mission,” Dec. 31, 1939, 8–12, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL.

  3. Mehr, “Czechoslovakia and the LDS Church,” 137–39; Hoyt Palmer, “Salt of the Earth,” Deseret News, Peb. 14, 1951, Church section, 7, 13; Wallace F. Toronto to Josef Roubíček, Sept. 21, 1939; Josef Roubíček to Wallace F. Toronto, May 1, 1940; Sept. 10, 1941, Josef and Martha Roubíček Papers, CHL; Josef Roubíček to Wallace F. Toronto, May 29, 1945; Aug. 23, 1945; Oct. 10, 1945, Czechoslovak Mission President’s Records, CHL.

  4. First Presidency to Wallace F. Toronto, May 24, 1945, First Presidency Mission Files, CHL; Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 38; Wallace Felt Toronto, Blessing, May 24, 1946, First Presidency Mission Files, CHL; Woodger, Mission President or Spy, 131; Martha Toronto to Wallace Toronto, Nov. 10, 1946; Dec. 1, 1946, Martha S. Anderson Letters to Wallace F. Toronto, CHL.

  5. Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 47–48; Woodger, Mission President or Spy, 167; Martha Sharp Toronto, Blessing, May 16, 1947, First Presidency Mission Files, CHL.

  6. O’Donnal, “Personal History,” 4–31, 43–48, 70–71; O’Donnal, Pioneer in Guatemala, 2–26, 60. Paksa: Mga Kolonya sa Mexico

  7. O’Donnal, “Personal History,” 49–53, 71; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 8–13, 19.

  8. O’Donnal, “Personal History,” 53, 71; O’Donnal, Pioneer in Guatemala, 33–34; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 11–13, 16, 19.

  9. O’Donnal, “Personal History,” 66–68; O’Donnal, Pioneer in Guatemala, 55–57; Williams at Williams, From Acorn to Oak Tree, 201–3; Frederick S. Williams to First Presidency, Sept. 30, 1946, First Presidency Mission Files, CHL; J. Forres O’Donnal to George Albert Smith, Dec. 31, 1946; First Presidency to J. Forres O’Donnal, Jan. 13, 1947, First Presidency General Authorities Correspondence, CHL. Paksa: Guatemala

  10. O’Donnal, “Personal History,” 69–71; O’Donnal, Pioneer in Guatemala, 58–60; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 12–13, 17–19; Hansen, Journal, Apr. 3–4, 1948.

  11. Collette, Collette Family History, 261–67, 320, 324–25, 328–29.

  12. Collette, Collette Family History, 351; tingnan din sa Mga Kawikaan 3:5.

  13. Collette, Collette Family History, 351; Olsen, Plewe, at Jarvis, “Historical Geography,” 107; “Varied Church Activity during 1946,” Deseret News, Ene. 11, 1947, Church section, 6; Bader, Austria between East and West, 184–95.

  14. Collette, Collette Family History, 351–55. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “saanman ako pupunta kailanman ay hindi ako nag-iisa—na naroon ang aking Ama sa Langit upang bantayan ako.”

  15. Collette, Collette Family History, 359. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “Sinabi ko sa kanila na hindi pa sila nakakasama sa mga batang babae sa loob ng dalawang taon at pagkauwi nila ay makakahanap sila ng isang magandang babae at mag-aasawa.”

  16. Gellately at Stoltzfus, “Social Outsiders,” 3–19; Hilberg, Destruction of the European Jews, 993, 1000, 1030–44; Gilbert, Holocaust, 824; Gigliotti at Lang, “Introduction,” 1; Perry, “Fates of Olga and Egon Weiss,” 1–5. Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig

  17. Collette, Collette Family History, 359, 363–64. Mga Paksa: Pandarayuhan; Canada

  18. O’Donnal, “Personal History,” 71; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 12–13; Hansen, Reminiscence, [2].

  19. Guatemala Branch Manuscript History, July 2–Aug. 22, 1948; O’Donnal, “Personal History,” 70–71; Arwell L. Pierce to First Presidency, Aug. 4, 1948, First Presidency Mission Files, CHL; Lingard, Journal, July 9–Aug. 25, 1948; Hansen, Journal, July 9–Aug. 22, 1948.

  20. O’Donnal, “Personal History,” 71; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 12–13; Photographs of Carmen G. O’Donnal baptismal service, Nov. 13, 1948, John F. and Carmen G. O’Donnal Papers, CHL; Huber, Oral History Interview, [00:04:20]–[00:05:15].

  21. Jensen, “Faces: A Personal History,” 69–71; O’Donnal, “Personal History,” 72; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 30; Guatemala Branch Relief Society, Minutes, Dec. 2, 1948–Feb. 24, 1949; Antoni[a] Morales and Alicia de Cáceres entries, Baptisms and Confirmations, 1949, Guatemala, Combined Mission Report, Mexican Mission, 474, sa Guatemala (Country), part 1, Record of Members Collection, CHL; Bean, Journal, Nov. 20, 1948; Dec. 2, 1948; Feb. 24, 1949. Paksa: Guatemala

  22. George Albert Smith, Journal, Jan. 17–21, 1949; Mar. 9 and 19, 1949; Cowan, Los Angeles Temple, 29–36; Gibbons, George Albert Smith, 346. Paksa: George Albert Smith

  23. George Albert Smith, Journal, Feb. 7–8, 1949; Mar. 5–11 and 19–21, 1949; Apr. 3, 1949.

  24. George Albert Smith, Journal, Jan. 29, 1949.

  25. Woodger, “Cheat the Asylum,” 115–19; Gibbons, George Albert Smith, 11, 30, 60–69, 77.

  26. Gibbons, George Albert Smith, 68–74; Woodger, “Cheat the Asylum,” 144–46.

  27. James R. Kennard, “Book of Mormon Now Available for Blind,” Deseret News, Mar. 30, 1936, 1; Edwin Ross Thurston, “Salt Lake Valley Branch for the Deaf,” Improvement Era, Apr. 1949, 52:215, 244; Pusey, Builders of the Kingdom, 324; Anderson, Prophets I Have Known, 109–11; Jean Wunderlich to First Presidency, Dec. 15, 1947; First Presidency to Jean Wunderlich, Jan. 24, 1948, First Presidency General Administration Files, 1908, 1915–49, CHL. Paksa: Helmuth Hübener; Mga American Indian

  28. Woodger, “Cheat the Asylum,” 124–25.

  29. Schaffner, Exhaustion, 91, 106–7; Gibbons, George Albert Smith, 54–55, 60–61, 78; Woodger, “Cheat the Asylum,” 117–19, 125–28.

  30. George Albert Smith, Journal, Mar. 20–30, 1949; George Albert Smith, sa One Hundred Nineteenth Annual Conference, 87.

  31. “Historical Report of the Czechoslovak Mission,” June 30, 1949, 6, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL; Mehr, “Czechoslovakia and the LDS Church,” 140.

  32. “Historical Report of the Czechoslovak Mission,” June 30, 1949, 2, 6, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL; Mehr, “Czechoslovakia and the LDS Church,” 141; Anderson, Cherry Tree behind the Iron Curtain, 49–50.

  33. “Historical Report of the Czechoslovak Mission,” June 30, 1949, 2–3, 6–7, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL.

  34. Historical Report of the Czechoslovak Mission, June 30, 1949, 7, 13–14, Czechoslovak Mission, Manuscript History and Historical Reports, CHL.