2012
Isang Panalanging Makaligtas
Pebrero 2012


Isang Panalanging Makaligtas

“Kinakausap ko ang Ama sa Langit. Sinasagot Niya ako ‘pag ako’y nagdasal nang tapat” (“I Pray in Faith,” Children’s Songbook, 14).

Mahal ko ang kalikasan! Gusto kong pakinggan ang huni ng mga ibon, ang pagaspas ng mga dahong sumasayaw sa hangin, at ang ugong ng dagat.

Kung minsan pumupunta sa dalampasigan ang aming pamilya kasama ang ibang mga pamilya. Naglalaro ng volleyball ang mga tatay, at nakaupo naman ang mga nanay sa ilalim ng payong at nilalaro ang maliliit na anak.

Isang hapon tuwang-tuwa ako pagdating namin sa dagat! Payapa ang mga alon, at may mga lawa-lawa sa baybay-dagat. Tumakbo ako papunta sa tubig. Gusto kong lumangoy na parang isda at kumuha ng mga kabibe.

“Huwag kang lalayo, Sueli!” pagtawag ng aking ina habang tinitipon ang maliliit na anak sa lilim ng malaking payong.

“Opo, Inay,” sabi ko habang ibinabaon ang mga daliri ng paa ko sa basang buhangin.

Naghanap ako ng mga kabibe at tiningnan ang maliliit na isda sa mga lawa-lawa sa baybay. Nang magtampisaw ako sa isa sa mga lawa, lumingon ako sa pamilya ko. Nakikita ko ang mga payong sa malayo. Nalaman ko na napakalayo ko na pala. Sinubukan kong lumangoy pabalik sa dalampasigan, pero mataas na ang tubig. Lalong lumalim ang lawa habang pinipilit kong makaahon.

Napapagod na ako, at alam kong nasa panganib ako. Ang tanging naisip ko ay humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Nagdasal ako sa aking isipan. Pagkatapos na pagkatapos kong magdasal, may humatak sa akin at sinagip ako. Isa iyon sa mga kaibigan ni itay. Nagpapasalamat ako na sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin at tinulungan ako sa pamamagitan ng isang tao.

Nang sumunod na pumunta kami sa dagat hindi na ako lumayo sa pamilya ko, tulad ng hindi ko paglayo sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.

Paglalarawan ni Roger Motzkus