Nagsasalita Ngayon
Binisita nina Elder Ballard at Elder Jensen ang mga Miyembro sa Mexico
Noong Sabado’t Linggo, Setyembre 10–11, 2011, kinausap ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Elder Jay E. Jensen ng Panguluhan ng Pitumpu ang mga miyembro at misyonero sa Cuernavaca, Mexico. Hiniling ni Elder Ballard sa mga miyembro na itanim ang ebanghelyo sa puso ng mga tao ng Mexico sa pamamagitan ng mga espirituwal na karanasan. “Napakaraming tumatanggap sa ebanghelyo na walang nararanasang espirituwal na pagtanggap,” wika niya. “Kailangang magkaroon ng matinding pananalig sa espiritu para maisapuso ng ating mga miyembro ang sinang-ayunan nila sa kanilang isipan.”
Bumisita sina Elder Oaks at Elder Andersen sa Peru at Bolivia
Noong Agosto 2011 naglakbay sina Elder Dallin H. Oaks at Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Bolivia at Peru sa South America. Kabilang sa mga mensahe ni Elder Andersen ang kanyang turo na sa buong mundo, nahihirapang pumili ang lahat ng tao sa pagitan ng mabuti at masama. “Kapareho rin ninyo kaming nahihirapan sa pagpapasiya ng mga bagay-bagay ukol sa mortalidad,” wika niya. “Narito tayo para matutong mamuhay nang may pananampalataya.”
Tumupad sa Tungkulin si Elder Bednar sa Europe
Sa unang bahagi ng Setyembre, kinausap ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga Banal sa England, Germany (kung saan siya naglingkod bilang full-time missionary halos 40 taon na ang nakararaan), at Denmark. Sa bawat lugar, itinuro ni Elder Bednar ang doktrina ni Cristo at binigyang-diin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Patuloy rin niyang itinuro ang alituntunin ng moral na kalayaan at ang responsibilidad nating kumilos. “Ang kalayaang moral ay kapangyarihan at kakayahang kumilos nang malaya,” wika niya. “At kapag kumilos tayo nang angkop at alinsunod sa mga turo ni Jesucristo, nagbabago ang mismong likas nating pag-uugali sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.”