2012
Pagharap sa mga Pamumuna sa Ating mga Tungkulin
Pebrero 2012


Paglilingkod sa Simbahan

Pagharap sa mga Pamumuna sa Ating mga Tungkulin

Ang isang nakatutuwang pagpapala at hamon tungkol sa isang simbahang walang suwelduhang mga pinuno ay na kailangan nating magpasensya sa isa’t isa at sa ating sarili habang natututo at lumalago tayo sa ating mga tungkulin. Nang maharap ako sa isang mahirap at sensitibong sitwasyon—na kinasangkutan ng ilang miyembro ng ward—sa aking tungkulin, hinarap ko ito sa pinakamainam na paraang alam ko at nagpatuloy sa aking gawain, sa paniniwalang tapos na ang problemang ito.

Nagkamali ako. Hindi lahat sa ward namin ay sumang-ayon sa paraan ng paglutas ko sa insidente, at naging malaking usapin ito. Sumang-ayon ang ilan sa ginawa ko. Inisip naman ng iba na nakagawa ako ng malaking pagkakamali. Sumama ang loob ko, pero dahil ginawa ko ang makakaya ko, sinikap kong huwag mag-alalang masyado tungkol dito.

Gayunman, nang hindi naglaon ay ma-release ako, labis akong nasaktan. Mangyari pa, alam ko na ang mga tungkulin sa Simbahan ay pansamantala lamang, pero dahil nataon [na ako ang bishop], pakiramdam ko ay sinisi o pinarusahan ako ng mga lider ko sa nangyari.

Tila naging mas mahigpit ang pagsusuri kaysa rati, at hindi ko tiyak kung gusto kong harapin kaagad-agad ang sinuman sa ward. Kaya buong linggo kasunod ng release ko, hindi ako nagsimba. Gayon din ang ginawa ko nang sumunod na linggo—at sumunod pang linggo. Habang tinatagalan ko ang hindi pagsisimba, mas nahirapan akong bumalik.

Pagkaraan ng ilang panahon, pinag-isipan ko ang nangyari. Natanto ko na kahit masakit ang nangyari, hindi ko dapat talikuran ang aking mga tipan. Totoo ba ang Simbahan o hindi?

Siguro ay tama ang paglutas ko sa sitwasyon noong nasa tungkulin ako; siguro ay hindi. Ang totoo ay natututo tayong lahat, at nagkakamali tayong lahat.

Masakit mang aminin, siguro ay hindi talaga mahalaga kung sino ang tama o mali kumpara sa mas mahahalagang bagay. Gayunman, ang magiging mahalaga ay kung tinupad ko ang aking mga tipan. Magiging mahalaga—kapwa sa aking pamilya at sa akin—kung nagsisimba ako, nagpapanibago ng aking mga tipan sa sacrament meeting, at patuloy na naglilingkod. At magiging mahalaga kung paano ako tumugon sa awtoridad ng priesthood.

Nagsimba akong muli. Hindi naglaon tumanggap ako ng ibang tungkulin. Sa tungkuling iyon—at mga tungkulin mula noon—ay kinailangan akong maglingkod sa ilan sa mga taong pumuna sa aking mga ginawa. Nahirapan ako roon. Pero masaya ako na hindi ko hinayaang humadlang ang mga puna nila sa pagtatamasa ko ng mga pagpapala ng pagiging aktibo sa Simbahan.