Mga Kabataan
Yakap ng mga Bisig ng Kanyang Pagmamahal
Maaaring hindi ako gaanong malapit sa tatay ko, ngunit kasama ko ang aking Ama sa Langit.
Noong anim na taong gulang ako, nagdiborsyo ang mga magulang ko. Bagama’t tumira ako kay Inay, bahagi pa rin ng buhay ko si Itay matapos silang maghiwalay. Naroon ako sa bahay niya tuwing Sabado’t Linggo at isang araw sa kalagitnaan ng linggo.
Sa kabila ng kanyang mga pagsisikap na maging mabuting ama, noong pitong taong gulang ako, sinira niya ang tiwala ko sa napakasamang paraan. Ang pagkasira ng tiwalang ito ang nagpasimula ng paglawak ng distansya sa pagitan namin. Tuwing tatawag siya sa bahay, hindi ko sinasagot ang telepono. Nang malaki na ako, iginiit ko na ako ang magpapasiya kung kailan ako pupunta sa bahay ni Itay, sa halip na mapilitan akong sundin ang utos ng korte.
Noong hayskul ako, dumalang na ang aming pagkikita. Nakipagkita lang ako sa kanya nang dalawa o tatlong beses sa isang buwan. Noong kolehiyo na ako, mas dumalang pa ang mga tawag sa telepono, hanggang sa minsan ko na lang siya kausapin sa isang semestre. Ang relasyon ko sa aking ama ay naging pormal na lang kaysa tunay na ugnayan ng mag-ama.
Noong ikalawang taon ko sa kolehiyo, ipinasiya kong kausapin siya tungkol sa isang insidente noong bata pa ako na sa tingin ko ay siyang sumira sa relasyon naming mag-ama maraming taon na ang nakararaan. Umasa akong matapos na ito, magkapatawaran na kami, at magkaroon ng pagkakataong magsimulang muli. Sinabi ko sa kanya sa e-mail ang saloobin ko at hinintay ang kanyang tugon.
Kalaunan ay natanggap ko ang sagot niya sa e-mail. Bago ko binasa ang sagot ni Itay, ipinagdasal ko muna at hiniling sa Ama sa Langit na mapasaakin ang Kanyang Espiritu kapag binasa ko ang e-mail. Napakahalagang sandali nito sa buhay ko—makikita ko na ang sasabihin ni Itay at ang patutunguhan ng relasyon naming mag-ama. Natakot ako at nadama kong nag-iisa ako.
Nag-iisa nga ako, nakaupo sa aking silid sa harap ng aking computer. Kailangan ko ng suporta. Patuloy akong nanalangin sa Ama sa Langit at nadama ko ang Kanyang Espiritu. Sa wakas ay nagkalakas-loob akong basahin ito.
Napakaikli ng tugon ni Itay sa e-mail kung saan sinabi niya na wala siyang naaalala sa sinabi ko at hindi raw iyon ang tamang oras para sa kanya na pag-usapan ang aming nakaraan.
Sa pagwawalang-bahala niya sa isang bagay na napakahalaga sa akin at sa tila kawalang-balak niyang makipagbati ay labis akong nasaktan. Damdam ko ay pinabayaan ako ng tatay ko, napuno ako ng kalungkutan sa magulong relasyon naming mag-ama na mahigit nang isang dekada.
Habang nakaupo ako at humihikbi, nadama ko ang Espiritu. Noon ko lang nadama ang lubos na presensya ng aking Ama sa Langit. Literal kong nadama na “[yakap ako] magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15). Natiyak at nadama ko na ako ay minamahal habang nakaupo ako at umiiyak.
Maaaring hindi ako gaanong malapit sa tatay ko, ngunit kasama ko ang aking Ama sa Langit. Malaki ang impluwensya Niya sa buhay ko. Alam ko na mahal Niya ako, at laging nanaising mapalapit sa akin. Alam ko na Siya ay aking Ama. At nariyan lang Siya.