2012
Huwag Patangay
Pebrero 2012


Huwag Patangay

Isang tinedyer na Tongan ang nagsalita tungkol sa mabubuting dahilan kaya may mga barandilya.

Ang ganda at lakas ng Mapu ‘a Vaea blowholes sa Tonga ay kamangha-mangha. Kapag humampas ang mga alon sa tatlong-milyang (4.8 km) kahabaan ng baybayin sa pulo ng Tongatapu, pumapasok ito sa daan-daang butas sa bulkanikong bato na sumasalpok ang tubig na sintaas ng 60 talampakan (18 m) sa ere.

Gustung-gusto ni Saane F., edad 16, ang kagandahan ng lugar—ang pagsasanib ng sinag ng araw at salpok ng tubig sa bawat hampas ng alon.

Ngunit ang lakas ng kalikasan ay maaaring maging mapanganib at maganda rin. Ang mga bisitang napapalapit nang husto, sa pag-uusisa man o sa labis na katuwaan, ay nagugulat sa lakas ng mga alon at, hindi kaagad nakakatakas, at natatangay palaot.

Ang mapanganib na panig ng Mapu ‘a Vaea ay nagbibigay ng espirituwal na babala tungkol sa lakas ng tukso—lalo na patungkol sa kadalisayang seksuwal. Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay maganda kapag sinunod ang mga wastong hangganan, ngunit kung padadala tayo sa tukso mula sa ligtas na lugar, maaari tayong matangay.

Pag-unawa Kung Bakit Mahalaga ang Kalinisang-puri

Sa araw ng kasal ng kanyang kapatid na babae sa Nuku‘alofa Tonga Temple, nakita ni Saane ang magpapasaya sa kanya. “Gusto kong maging karapat-dapat na makasal doon balang araw dahil dito,” sabi ni Saane.

Gayunman, sisikapin ni Satanas na huwag mangyari iyon sa sinuman sa atin. Nakumbinsi na niya ang marami na katanggap-tanggap at walang masamang ibubunga ang pagtatalik nang hindi kasal. Ngunit ang maling paggamit ng kapangyarihang bigay ng Diyos para lumikha ng buhay ay mabigat na kasalanang nagiging dahilan ng espirituwal, emosyonal, at pisikal na kapahamakan.1

“Sinisikap nang husto ni Satanas na pigilan tayong makabalik sa ating Ama sa Langit,” sabi ni Saane. “Kung hindi ko maingat na susundin ang batas ng kalinisang-puri, maaaring mawala ang pagkakataon kong makasal sa templo.”

Pagsunod sa mga Barandilyang Inilaan ng Diyos

Para ligtas na masiyahan ang mga bisita sa kagandahan ng Mapu ‘a Vaea, naglagay ng mga barandilya ang pamahalaan ng Tonga sa ilang lugar.

Naniniwala si Saane na naglaan ang Ama sa Langit ng mga barandilya—o mga pamantayan—para hindi tayo mahulog sa tukso. Ang mga pinuno ng Simbahan, mga banal na kasulatan, at Para sa Lakas ng mga Kabataan ay pawang naglagay ng malinaw na mga hangganan na kung susundin ay pananatilihin tayong ligtas. Higit sa lahat, ang pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo ay magpapanatili sa atin sa ligtas na lugar.

“May mga taong nagbabalewala sa mga barandilya ng Panginoon,” wika niya. “Hindi nila nauunawaan ang mga ibubunga nito, o inaakala nilang maiiwasan nila ito. Para kang lumilipad kapag tumalon ka mula sa bangin, pero laging lupa ang bagsak mo.”

Pagtatakda ng Sarili Nating mga Barandilya

Patungkol sa kadalisayang seksuwal, siguradong mahuhulog ka kapag sinubukan mong dumukwang sa barandilya. Kapag nagpatangay tayo sa tuksong makipagtalik nang hindi kasal, mas mahihirapan tayong labanan ito.

Dahil hindi kailangang idetalye ng Simbahan kung paano kumilos sa bawat sitwasyon, lumikha si Saane ng sarili niyang mga barandilya sa pamamagitan ng pagpapasiya nang maaga kung paano iaangkop ang mga pamantayan ng ebanghelyo sa mga sitwasyong maaari niyang makaharap.

Lumikha siya ng isang poster na nakalista ang siyam na pangako sa kanyang sarili at sa kanyang Ama sa Langit na kumilos ayon sa personal niyang mga barandilya, pati na ang klase ng mga taong magdedeyt sa kanya, pananamit na isusuot niya, at pananalitang gagamitin niya. Maaaring ibilang sa iba pang mga personal na barandilya ang pagpapasiya kung paano iiwasang manood, magbasa, o makinig ng anumang pupukaw sa damdaming seksuwal.2

“Ang pagtatakda ko ng matataas na pamantayan ay pananatilihin akong ligtas,” sabi ni Saane.

Pagbalik sa Ligtas na Lugar

Gaya ng mga natangay sa malalakas na alon sa Mapu ‘a Vaea, yaong mga nagpatangay sa tukso ay nasa mapanganib na lugar. Ang malakas na kapit ng kasalanang seksuwal ay mahirap takasan—ngunit posible sa tulong ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga lingkod.

Sa huli, hindi man umalis sa ligtas na lugar ang isang tao kailanman o nahirapan ngunit nakabalik doon, ang mithiin ay manatili roon. Ang pagsunod sa mga barandilyang inilaan ng Panginoon at pag-unawa kung paano ito iaangkop sa ating mga personal na sitwasyon ay maghahanda sa atin na matamasa ang magandang kapangyarihang ipinagkaloob sa atin ng Diyos—sa tamang panahon at tamang paraan.

“Higit sa lahat, inaasam kong makasal sa templo,” sabi ni Saane. “Alam ko na kung susundin ko ang mga utos, pati na ang batas ng kalinisang-puri, magiging karapat-dapat akong tumanggap ng mga pagpapalang pinapangarap ko.”

Mga Tala

  1. Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya (2006), 53.

  2. Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya (2006), 55.

Ipinagdiwang nina Saane (kanan) at Amelia (gitna) ang araw ng kasal sa templo ng kanilang kapatid na si Manatu.

Mga larawang kuha ni Adam C. Olson