2012
Happy Valentine!
Pebrero 2012


Happy Valentine!

Tine O. ng Nairobi, Kenya

Sa maraming lugar sa mundo, ang Valentine’s Day—Pebrero 14—ay ipinagdiriwang bilang araw ng pag-ibig. Pero paano kung ang pangalan mo ay Valentine? Nagiging araw ba ng pag-ibig ang bawat araw?

Iyan ang nadarama ng siyam-na-taong-gulang na si Tine O. ng Nairobi, Kenya, tungkol dito. Ang tawag sa kanya ng lahat ay “Tiny,” pero ang buong pangalan niya ay Valentine.

“Pinangalanan akong Valentine dahil isinilang ako noong Pebrero 14,” paliwanag niya. At dahil tapat siya sa kanyang pangalan, sinisikap niyang ibigin ang lahat. “Nang binyagan ako, tinaglay ko ang pangalan ni Jesucristo,” wika niya. “Ibig sabihin, dapat akong magmalasakit sa lahat, tulad ng gagawin Niya.”

Paano ginagawa ni Tine ang bawat araw na araw ng pag-ibig? Maraming paraan.

“Ang una kong ginagawa ay magdasal,” wika niya. “Pinasasalamatan ko ang aking Ama sa Langit para sa Kanyang Anak dahil mahal ko si Jesucristo. Pinasasalamatan ko ang aking Ama sa Langit para sa aking pamilya at sa pagbubuklod ng templo sa mga pamilya dahil mahal ko ang aking pamilya. Pagkatapos ay hinihiling ko sa Ama sa Langit na basbasan ang mga maysakit dahil alam ko na mahal din Niya ang mga maysakit.”

Ang Pamilya ni Tine

Bunso si Tine sa pamilya at may tatlo siyang kuya at dalawang ate. “Tinutulungan niya ako kapag may kailangan ako,” sabi ng kuya ni Tine na si George. “Tulad noong mawala ang bolpen ko, binigyan niya ako ng isa.” Sabi ng ate niyang si Brenda, hindi nagagalit si Tine kapag iwinawasto siya ng iba.

Sa bahay, Swahili at Ingles ang sinasalita ng pamilya ni Tine. Gustung-gusto nilang magdaos ng family home evening. “Sama-sama kaming nag-aaral ng mga banal na kasulatan,” sabi ni Tine. “Natututo kami tungkol sa Tagapagligtas, at halinhinan kami sa pagdarasal sa pamilya.”

“Sinisikap kong tularan si Jesus sa pagiging mabait, pagsisimba, at pagsunod sa mga magulang ko,” sabi ni Tine.

Mahal ni Valentine ang kanyang pamilya. Gustung-gusto rin niyang matuto tungkol kay Jesucristo.

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney