2012
Ang Doktrina ng Ama
Pebrero 2012


Ang Doktrina ng Ama

Elder Quentin L. Cook

Ang isa sa mga pinakamasaya at pinakamahalagang katotohanang inihayag bilang bahagi ng Panunumbalik ay may kinalaman sa katangian ng ating Ama sa Langit at sa Kanyang personal na kaugnayan sa lahat ng taong isinisilang sa mundo.

Kasama sa mga unang alituntuning nawala noong Apostasiya ay ang pagkaunawa tungkol sa Diyos Ama. Kaya nga hindi nakakagulat na kasama sa mga unang alituntuning inihayag sa Panunumbalik ang pagkaunawa tungkol sa Diyos Ama. Ayon sa prayoridad, ang unang pahayag ng pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1).

Nauunawaan ng mga miyembro ng Simbahan na ang Diyos Ama ang Pinakadakilang Pinuno ng sansinukob, ang Kapangyarihang nagbigay sa atin ng espirituwal na pagkatao, at ang May-akda ng planong nagbibigay sa atin ng pag-asa at potensyal. Siya ang ating Ama sa Langit, at namuhay tayo sa piling Niya bilang bahagi ng Kanyang pamilya sa buhay bago tayo isinilang sa mundo. Doon ay natuto tayo ng mga aral at naghanda para sa mortalidad (tingnan sa D at T 138:56). Nagmula tayo sa ating Ama sa Langit, at mithiin nating makabalik sa Kanya.

Sa lahat ng doktrina, paniniwala, at alituntuning inihayag sa Kanyang mga anak, ang katotohanang may kinalaman sa Kanyang katauhan at katangian ang una nating dapat pagtuunan. Kinikilala natin ang Kanyang pag-iral at tunay na katangian upang makasama natin sa tunay na pagsamba ang mga naniniwala at propeta noong araw (tingnan sa Mosias 4:9). Ang layunin ng lahat ng inihayag, iniutos, at pinasimulan ng Ama para sa sangkatauhan ay upang tulungan tayong makilala Siya, tularan Siya, at maging katulad Niya para makabalik tayo sa Kanyang banal na kinaroroonan. Ang buhay na walang hanggan ay ang makilala ang Ama at Kanyang banal na Anak na si Jesucristo (tingnan sa Juan 17:3; Jacob 4:5; Moises 5:8).

Ang Walang-Hanggang Huwaran ng Pamilya

Mahalaga sa pagkilala sa Ama ang unawain ang inihayag na huwaran ng pamilya. Ang pamilya ang pinakamahalagang yunit sa panahong ito at sa kawalang-hanggan at ito ay inorden ng Diyos.1 Ang mabuhay sa piling ng mapagmahal na pamilya ay hindi lamang nagdudulot sa atin ng malaking kaligayahan, kundi tinutulungan din tayong matuto ng mga tamang alituntunin at inihahanda tayo para sa buhay na walang hanggan.2 Bukod pa rito, ang mga ugnayan sa pamilya ay tumutulong sa atin na makilala, mahalin, at maunawaan ang Ama. Isang dahilan ito kaya laging binibigyang-diin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kahalagahan ng kasal at pamilya kapwa sa Simbahan at sa lipunan. Ang plano ng Diyos ay nagbibigay-daan upang umabot sa kabilang buhay ang mga ugnayan sa pamilya. Makababalik tayo sa piling ng Diyos, na nakabuklod nang walang-hanggan sa ating pamilya.3

Piniling hindi ihayag ng ating Ama sa Langit ang maraming detalye tungkol sa buhay natin sa piling Niya bago tayo isinilang. Marahil ay dahil marami tayong matututuhan sa pagmamasid lamang sa huwarang itinatag Niya sa lupa para sa mabubuting pamilya. Masusing pagmamasid at maingat na pamumuhay alinsunod sa mga huwaran ng mabuting pamilya sa mundo ang pinakamahalaga sa ating hangaring makilala ang Ama.

Ang Ama sa Langit at ang pamilya ay hindi mapaghihiwalay. Kapag naunawaan natin ang maraming aspeto ng kaugnayang ito, lubos pa nating mauunawaan kung gaano kapersonal at kaespesyal ang pagmamahal at kaugnayan ng Ama sa Langit sa bawat isa sa atin. Ang maunawaan ang nadarama Niya para sa atin ay nagbibigay sa atin ng lakas na mahalin Siya nang mas dalisay at lubos. Ang madama nang personal ang katotohanan, pagmamahal, at kapangyarihan ng kaugnayang iyon ang pinagmumulan ng pinakamatitindi at pinakamasasayang damdamin at hangaring maaaring dumating sa isang lalaki o babae sa mortalidad. Ang matinding pagmamahal na ito ay maghihikayat sa atin at palalakasin tayo sa oras ng paghihirap at pagsubok upang higit na mapalapit sa ating Ama.

Mapagmahal na Pagpapasiya at Sadyang Pagkilos

Lahat ng tao ay isinilang na espiritung anak na lalaki o babae ng ating Ama sa Langit.4 Ang salitang inanak ay isang pang-uring nagmula sa pandiwang ipanganak at nangangahulugang “nagkaroon ng buhay.” Ang salitang ipanganak ay ginamit sa mga banal na kasulatan upang ilarawan ang proseso ng pagbibigay ng buhay (tingnan sa Mateo 1:1–16; Eter 10:31).

Sa inihayag ng Diyos na huwaran para sa mabubuting pamilya, ang pagsilang ng isang anak ay bunga ng maingat at mapagmahal na pagpapasiya. Ito ang mahimalang bunga ng mapagmalasakit at sadyang mga pagkilos ng mga magulang na makibahagi sa Ama sa Langit sa sagradong paglikha ng mortal na katawan para sa isa sa Kanyang mga espiritung anak. Sa pagkaalam na ang ating buhay ay bunga ng mapagmahal na pagpapasiya at sadyang pagkilos ay madarama natin ang ating kahalagahan sa mortalidad. Ang damdaming iyon ng kahalagahan ay magbibigay-katiyakan sa ating potensyal at poprotektahan tayo sa mga tukso.

Nasisiyahan si Satanas na gawing dahilan ang di-kagandahang mga sitwasyon ng pagsilang ng ilang tao para mag-alinlangan ang ilan sa atin tungkol sa ating kahalagahan at potensyal. Anuman ang sitwasyon ng pagsilang natin sa mundo, lahat tayo ay mga espiritung anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit. Ang Diyos ay isang mabuti at mapagmahal na ama. Ang ating mga espiritu ay nilikha dahil sa pagmamahal at sadyang pagpapasiyang bigyan tayo ng buhay at pagkakataon.

Isa-Isa

Hindi lamang sadyang mapagmahal na ipinapasiya ng mabubuting magulang na magsilang ng mga anak sa mundo, kundi sila ay naghahanda, nananalangin, at sabik ding naghihintay sa paglaki ng bata sa sinapupunan, at umaasam din sa pagsilang ng kanilang anak. Matapos isilang, natutuwa silang hawakan, kausapin, alagaan, at protektahan ang kanilang anak. Nalalaman nila ang mga gawi at pangangailangan ng sanggol. Mas kilala nila ang kanilang anak kaysa kilala ng anak ang kanyang sarili. Gaano man karami ang mga anak ng mga magulang, bawat isa ay natatangi sa kanila.

Ang pagkaalam sa huwarang ito ay nagpapaunawa sa atin na bilang mga espiritung anak kilala ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Kilala na Niya tayo noon pa mang tayo ay inanak na mga espiritu. Tayo ang itinatangi Niyang mga anak na lalaki at babae, na bawat isa ay Kanyang minamahal.

Kilala sa Pangalan

Isa pang huwaran ng mga pamilya sa mundo ang nagpapaunawa sa atin na mahal ng Ama ang bawat isa sa atin. Ang isa sa mga unang hakbang sa paglikha ng identidad ng bawat isa, matapos isilang ang bata, ay bigyan ng pangalan ng mga magulang ang kanilang anak. Ang pagbibigay ng pangalan ay mahalagang bahagi ng lahat ng kultura at kadalasan ay may kaakibat na mga sagradong seremonya dahil malaki ang kahalagahan ng pangalan sa identidad ng maytaglay nito. Hindi pinipili ng mga anak ang kanilang pangalan, ang kanilang mga magulang ang nagbibigay ng pangalan nila.

Sa halos lahat ng kultura ang isang bata ay binibigyan ng una (at sa ilang pagkakataon ay ng pangalawa, o gitnang) pangalan. Karaniwan din sa iba’t ibang panig ng mundo na bigyan ang mga bata ng apelyido o pangalan na iniuugnay sila sa kanilang mga magulang, pamilya, at ninuno. Ang ilang kultura ay gumagamit ng iba pang mga pagkakakilanlan tulad ng pangalawang apelyido (apelyido ng ina sa pagkadalaga, halimbawa) upang mas makilala ang kaugnayan ng bata sa pamilya at lipunan.

Sa gayon ding paraan, alam natin na kilala ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Kilala Niya tayo sa pangalan. Sa ilang talata sa banal na kasulatan na bumabanggit sa mga tao bago sila isinilang, tinukoy sila sa pangalan sa paraang kahalintulad ng kung paano tayo tinutukoy sa mortalidad. Sa nakatalang mga pagbisita ng Ama sa mga tao sa lupa, tinatawag Niya sila sa pangalan para ipakita na kilala at tukoy Niya ang bawat isa sa atin. Tulad ng sabi ni Propetang Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain na nagpakita ang Ama, “Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan” Joseph Smith—Kasaysayan 1:17; tingnan din sa Moises 1:6; 6:27).

Kilala tayo ng Ama dahil isinilang sa Kanya ang bawat minamahal na espiritung anak na lalaki at babae, na nagbigay sa atin ng ating identidad at pagkatao. Tulad ng sinabi Niya kay Jeremias, “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita” (Jeremias 1:5).

Sa Kanyang Wangis at Taglay ang Kanyang mga Katangian

Itinuturo sa Biblia na ang lalaki at babae ay nilikha sa wangis ng Ama (tingnan sa Genesis 1:26–27). Pinatototohanan kapwa ng siyensya ng genetics at ng personal na obserbasyon ang alituntunin na minamana ng anak ang anyo, hitsura, at mga ugali ng mga magulang. Ang ilan ay ibinabatay ang kahalagahan ng kanilang sarili sa pagkukumpara ng kanilang sarili sa iba. Ang paraang iyan ay maaaring humantong sa damdamin ng kakulangan o kahigitan. Mas makabubuting umasa nang tuwiran sa ating Ama para madama natin ang ating kahalagahan.

Ang ating mga pedigree chart sa buhay sa mundo ay nagpapakita ng maraming henerasyon pabalik sa nakalipas na mga panahon. Gayunman, ang sarili nating espirituwal na pedigree chart ay may dalawang henerasyon lamang—sa ating Ama at sa atin. Kawangis natin Siya, ngunit walang kaluwalhatian. “Ngayon ay mga anak [na lalaki at babae] tayo ng Dios, at … kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya: sapagka’t siya’y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili” (I Juan 3:2; tingnan din sa D at T 130:1). Taglay ng bawat isa sa atin ang mga tagong potensyal na maging katulad ng Diyos na maaaring matupad sa pamamagitan ng Kanyang pagpapala at sa mahigpit na pagsunod na ipinakita sa atin ni Jesus. May kapangyarihan sa pagsambit o pagkanta ng mga salitang “Ako ay Anak ng Diyos.”5

Ang Pagmamahal ng Ama

Isa sa malalaking pagbaluktot sa ebanghelyo dahil sa Apostasiya ay ang sabihin na napakahigpit ng plano ng kaligtasan ng Diyos Ama. Si Frederic Farrar, isang pinuno ng simbahang Anglican, classical scholar, nananalig, at bantog na may-akda ng Life of Christ, ay labis na nalungkot sa maling pagkaunawa ng karamihan sa mga simbahang Kristiyano tungkol sa impiyerno at kaparusahan bunga ng mga maling pagkasalin sa King James Version ng biblia sa Ingles mula sa Hebreo at Griyego.6

Tulad ng inihayag kay Propetang Joseph Smith, ang plano ng kaligtasan ng isang mapagmahal na Ama ay angkop sa lahat ng tao, pati na sa mga taong hindi nakaririnig tungkol kay Jesucristo sa buhay na ito, mga batang namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan, at yaong walang pang-unawa (tingnan sa D at T 29:46–50; 137:7–10).

Maging sa mga tao—di-tulad ni Satanas at ng kanyang mga anghel (tingnan sa Isaias 14:12–15; Lucas 10:18; Apocalipsis 12:7–9; D at T 76:32–37)—na hindi namuhay nang matwid ngunit hindi naghimagsik laban sa Diyos, ay naghanda ang mapagmahal na Ama ng mga kaharian ng kaluwalhatian na nakahihigit sa kalagayan natin sa lupa (tingnan sa D at T 76:89–92). Hindi mapag-aalinlanganan ang pagmamahal ng Ama sa Kanyang mga espiritung anak.

Kapag hinangad nating makilala ang Ama sa pamamagitan ng mga huwaran ng matwid na pamumuhay ng pamilya, mauunawaan natin ang lalim ng Kanyang pagmamahal sa atin at higit natin Siyang mamahalin. Ang mga pagsisikap na sirain at wasakin ang pamilya ay nilayon upang hindi madama ng mga anak ng Ama ang Kanyang pagmamahal na humihila sa kanila pabalik sa Kanya.

Ang mapang-abusong mga lalaki na may kapangyarihan, mga isinilang sa di-kasal na mga magulang, mga batang bunga ng di-akalaing pagbubuntis, at iba pang mga hamon ng lipunan sa ating panahon ay mas nagpapahirap pa sa mga dumaranas ng mga ito na makaunawa, umasa, at sumampalataya sa isang mabuti, mapagmahal, at mapagmalasakit na Ama. Tulad ng Ama na hangad tayong tulungan na makilala Siya, ginagamit ng kaaway ang lahat ng posibleng paraan para ihiwalay tayo sa Ama. Mabuti na lang at walang kapangyarihan, kasalanan, o kalagayang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng Ama (tingnan sa Mga Taga Roma 8:38–39). Dahil una tayong minahal ng Diyos, maaari natin Siyang makilala at mahalin (tingnan sa I Juan 4:16, 19).

Talagang namamayani ngayon ang mga problema sa lipunan kaya nga dapat nating ituro ang doktrina ng Ama at ng pamilya para maiwasto, maitama, at madaig ang mga maling ideya at gawi na laganap sa mundo. Tulad ng magilas na pahayag ni Eliza R. Snow (1804–87), maraming tao sa mundo na tinatawag na “Ama” ang Diyos ngunit “kadahilanan ay [hindi] batid.”

Salamat at naipanumbalik na ang ebanghelyo7 at ang doktrina ng Ama ay muling napasamundo!

Mga Tala

  1. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.1.1.

  2. Tingnan sa Handbook 2, 1.1.4.

  3. Tingnan sa Handbook 2, 1.3.

  4. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona at Ensign, Nob. 2010, 129.

  5. “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.

  6. Tingnan sa Frederic W. Farrar, Eternal Hope (1892), xxxvi–xlii.

  7. “Aking Ama,” Mga Himno, blg. 182.

Ang Unang Pangitain, ni Del Parson

Paglalarawan ni Christina Smith