Mga Tanong at mga Sagot
“Nagdiborsyo ang mga magulang ko. Kung minsan ay pinapayuhan ako ng isa sa kanila na kontra sa payo ng isa pa. Ano ang gagawin ko?”
Mahirap ang sitwasyong iyan. Mahirap na nga ang diborsyo sa isang pamilya. Ngayon ay may hamon kang igalang ngunit hindi bigyang-lugod ang iyong mga magulang.
Kung maaari, kausapin sila tungkol sa iyong mga problema. Baka ipasiya nilang magkaisa alang-alang sa iyo. Kung ayaw mong baguhin ang kanilang isip, masusunod mo ang payo ng magulang na matindi ang damdamin tungkol dito—huwag ka lang niyang palabagin sa mga utos.
Kung mabuti ang payo nila sa iyo pero magkaiba—gaya ng subukan mong sumali sa school choir o sa volleyball team—ipagdasal mo ang ipapasiya mo matapos mo silang pakinggan. Gagabayan ka ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung tanungin ka ng isang magulang, ipaliwanag mo nang maayos na nagdasal ka at nagpasiya ayon sa nadarama mong tama.
Kung payuhan ka ng isang magulang na gumawa ng mali, kailangan mong mag-isip ng paraan para makapagpasiya ka nang tama. Halimbawa, kung hilingin ng tatay mo na huwag kang magsimba para masamahan mo siya sa bahay, subukan mong lutasin ang sitwasyon na makakapagsimba ka at masasamahan mo siya pagkatapos. Tandaan na ang pagpili ng tama ay isang paraan ng pagbibigay-galang sa iyong mga magulang.
Magtanong sa Bishop Mo
Maaari kang humingi ng payo sa iyong bishop o branch president. Malaki ang maitutulong niya sa iyo, yamang pinagkalooban siya ng Ama sa Langit ng kapangyarihang tulungan tayo. Alam ko na napakahirap pumili sa mga pagpapasiyang ito, ngunit kailangan mong suriing mabuti ang bawat payo ng iyong mga magulang at piliin ang pinakamainam para makapagpatuloy ka at umunlad.
Joseph S., edad 17, La Libertad, Peru
Matuto ng mga Bagong Kakayahan
Mukhang mahirap, pero posibleng kayanin ang diborsyo—at magkaroon ng mabuting buhay ang pamilya. Ang isang pangyayaring nagpapabago sa buhay na tulad ng diborsyo ay maaaring ilagay sa mahihirap na sitwasyon ang mga tao, ngunit matutulungan din sila nitong malaman ang kanilang mga kalakasan at matuturuan sila ng ilang bagong kakayahan. Kung kailangan mo ng tulong na malaman kung paano ito kayanin, magtanong sa paborito mong kamag-anak o sa iyong school counselor o bishop. At kung nahihirapan kang kausapin ang iyong mga magulang, subukan silang sulatan.
James P., edad 17, Cebu, Philippines
Manalangin para sa Patnubay
Naranasan ko rin ang ganyang problema. Tuwing magkasalungat ang natanggap kong payo, lumuluhod ako at nagdarasal sa aking Ama sa Langit para malaman kung aling payo ang susundin ko, tulad ng ginawa ni Propetang Joseph Smith para malaman kung alin sa lahat ng sekta ang totoo. Sa tuwina ay malakas at malinaw ang mga sagot, at alam na alam ko ang tamang payong susundin ko.
Anita O., edad 17, Western, Ghana
Sundin ang Halimbawa ni Nephi
Bilang misyonero naharap na ako sa ganitong mga sitwasyon, at lagi akong sumasangguni sa halimbawa ng pagsunod ni Nephi. Tuwing tatanggap siya ng payo mula sa kanyang mga magulang, sinusunod niya ito dahil mabuti ito at nagmula sa Diyos. Ngunit nang mabali niya ang kanyang busog, nagreklamo ang kanyang ama at ang iba pa. Hinikayat ni Nephi, sa pamamagitan ng halimbawa, ang kanyang ama na manalangin para sa patnubay. (Tingnan sa 1 Nephi 16:18–25.) Ito ang ating halimbawa. Tanggapin ang payo ng iyong mga magulang, ngunit kung ang payo ng isa ay iba sa gustong ipagawa sa iyo ng Panginoon, lakasan ang loob na magalang na sabihin sa kanya kung bakit hindi mo susundin ang payong iyon. At ang pinakamagandang dahilan ay na gusto nating piliin ang tama.
Elder Kapila, edad 21, Democratic Republic of the Congo Kinshasa Mission
Ikaw ang Magdedesisyon
Mahirap kapag magkalaban ang dalawang taong nilalapitan mo para hingan ng payo. Magkakaiba ang opinyon ng mga tao. Ngunit sa ganitong mga sitwasyon, kailangan mo lang silang kapwa pakinggan, buksan mo ang iyong isipan, at sa huli ay magdesisyon sa sarili mo kung ano ang pinakamainam na paraan at anong paraan ang sasang-ayunan ng Panginoon. Mahirap tanggihan ang isang magulang, ngunit kailangan mong tandaan na hindi ito paligsahan. Mamahalin mo pa rin sila, at malamang na maging masaya sila na tama ang naging desisyon mo, kahit hindi iyon ang mismong desisyong iminungkahi nila.
Janiece H., edad 18, North Carolina, USA
Pagkaalam Kung Ano ang Tama
Madalas akong bigyan ng magkaibang payo ng mga magulang ko, ngunit lagi kong alam kung ano ang tama. Isinilang ako sa ebanghelyo. Alam ko ang katotohanan, kaya nalalaman ko kung aling payo ang dapat kong sundin. Sa ilang sitwasyon, kailangan nating manalangin sa Ama sa Langit at makinig lang sa marahang tinig ng Espiritu Santo o magpunta sa bishop at makinig sa kanyang sasabihin.
Erica C., edad 18, Bahia, Brazil
Lumapit sa Iyong mga Lider
Lagi mong malalapitan ang iyong mga lider. Sa pamamagitan ng mga organisasyon ng Young Women at Young Men, nagpadala ng mga lider ang Panginoon para pasiglahin ang mga kabataan. Sila ay natawag upang tulungan kayo at turuan, kaya maganda silang pagkunan ng inspirasyon at mga sagot. Makakalapit ka rin sa iyong bishop para doon. Ang mga lider na ito ay itinalaga upang tumulong lalo na sa mga kabataan.
Rebecca S., edad 15, Washington, USA
Nakakatulong ang Panalangin
Manalangin na malaman mo ang lahat ng bagay na inihingi mo ng payo sa iyong mga magulang. Kung minsan magkaiba ang mga pananaw ng mga magulang tungkol sa mga sitwasyon. Matutulungan ka ng Ama sa Langit na gumawa ng tamang desisyon. Mahalaga ang payo ng magulang, ngunit kapag magkalaban ang iyong mga magulang, lumapit sa iyong Ama sa Langit para sa payo at patnubay. Ang pagdarasal ay laging makakatulong sa iyo sa pagharap sa gantiong mga sitwasyon.
Leah H., edad 17, California, USA