Mensahe sa Visiting Teaching
Mga Tagapangalaga ng Tahanan
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang kababaihan sa inyong lugar at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
“Kayo ang mga tagapangalaga ng tahanan,” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) nang pasimulan niya ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa general Relief Society meeting noong 1995. “Kayo ang nagluluwal ng mga anak. Kayo ang nangangalaga sa kanila at nagtuturo sa kanila ng mga kaugalian sa kanilang buhay. Walang ibang gawain ang napakalapit sa kabanalan na gaya ng pangangalaga sa mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos.”1
Halos 17 taon na ngayong napagtibay ng pagpapahayag na ito na ang pinakamahahalaga nating responsibilidad ay nakasentro sa pagpapalakas ng mga pamilya at tahanan—anuman ang ating kasalukuyang sitwasyon. Nasa Salt Lake Tabernacle noon si Barbara Thompson, na ngayon ay pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency, nang unang basahin ni Pangulong Hinckley ang pagpapahayag. “Napakagandang okasyon niyon,” paggunita niya. “Nadama ko ang kahalagahan ng mensahe. Naisip ko rin sa sarili ko na, ‘Magandang gabay ito para sa mga magulang. Mabigat ding responsibilidad ito para sa kanila.’ Inakala ko sandali na hindi naman talagang nauukol iyon sa akin dahil dalaga naman ako at walang mga anak. Pero kaagad ko ring naisip, ‘Pero talagang ukol iyon sa akin. Miyembro ako ng isang pamilya. Ako ay isang anak, kapatid, tita, pinsan, pamangkin, at apo. Talagang may mga responsibilidad ako—at mga pagpapala—dahil miyembro ako ng isang pamilya. Kahit ako lang ang nabubuhay na miyembro ng aking pamilya, miyembro pa rin ako ng pamilya ng Diyos, at responsibilidad kong tumulong na mapalakas ang iba pang mga pamilya.’”
Mabuti na lang, hindi tayo nag-iisa sa ating mga pagsisikap. “Ang pinakamalaking tulong sa atin,” sabi ni Sister Thompson, “sa pagpapalakas ng mga pamilya ay ang malaman at sundin ang mga doktrina ni Cristo at umasang tutulungan Niya tayo.”2
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mga Kawikaan 22:6; 1 Nephi 1:1; 2 Nephi 25:26; Alma 56:46–48; Doktrina at mga Tipan 93:40
Mula sa Ating Kasaysayan
“Nang maglingkod si Sister Bathsheba W. Smith bilang ikaapat na Relief Society general president [mula 1901 hanggang 1910], nakita niyang kailangang palakasin ang mga pamilya, kaya’t pinasimulan niya ang mga araling ukol sa mga ina para sa kababaihan ng Relief Society. Kabilang sa mga aralin ang payo sa pagsasama ng mag-asawa, pangangalaga sa sanggol na nasa sinapupunan pa lamang, at pagpapalaki ng anak. Sinuportahan ng mga araling ito ang mga turo ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa pagtulong ng Relief Society sa kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa tahanan:
“‘Saan man may kamangmangan o kaunti mang kakulangan sa kaalaman tungkol sa pamilya, mga tungkulin sa pamilya na nauukol sa mga obligasyon at umiiral sa pagitan ng mga mag-asawa at sa pagitan ng mga magulang at anak, doon may nakatatag na samahang ito at nasa malapit lamang. Sa pamamagitan ng likas na katangian at inspirasyon na nauukol sa samahan, ang mga ito ay handang magbahagi ng tagubilin kaugnay ng mga tungkulin niyon.’”3