2012
Malugod Kitang Tinatanggap sa Aking Bahay
Pebrero 2012


Malugod Kitang Tinatanggap sa Aking Bahay

Carina Daniela Paz, Salta, Argentina

Noong Nobyembre 1997 tinawag akong maglingkod sa Chile Concepción Mission at hindi maglalaon ay matutupad ang hangarin kong pumasok sa templo at tumanggap ng higit pang kaliwanagan at kaalaman. Ngunit niligalig ako ng mga pag-aalinlangan. Dahil mahina ako at may mga pagkukulang, karapat-dapat ba talaga akong pumasok? Talaga bang tatanggapin ako ng Panginoon nang buong puso matapos ko Siyang suwayin nang ilang beses?

Sinabi ko sa aking stake president ang mga pag-aalinlangan ko, at ipinaunawa niya sa akin na kung nasa ayos ang buhay ko at talagang sinisikap kong gawin ang lahat ng naituro sa akin, karapat-dapat akong pumasok sa bahay ng Panginoon. Gumanda ang pakiramdam ko, at lumisan ako para sa missionary training center sa Santiago, Chile. Gayunman, ilang oras bago magpunta sa templo, nagbalik ang mga pag-aalinlangan ko.

Ang kagandahan at kapayapaan sa loob ng templo ay napakasagrado kaya habang nagtatagal ako roon, lalo akong nag-isip kung karapat-dapat nga ba akong maparoon. Pagkatapos sa silid-selestiyal, tila masaya at masigla ang lahat maliban sa akin. Gayunman, nang hawakan ko ang seradura ng pintuan para lumabas, nilukob ako ng kakaibang damdamin, at nadama ko na dapat akong manatili. Nadama ko rin na parang may tao sa likuran ko, at inakbayan ako sa kaliwang balikat para ipihit. Dahan-dahan akong pumihit.

Sa dingding nakita ko ang malaking larawan ni Jesucristo sa Kanyang Ikalawang Pagparito na nakalahad ang Kanyang mga kamay. Hindi ako makakilos. Pagkatapos ay malinaw kong narinig ang mga salitang ito sa aking isipan: “Malugod kitang tinatanggap sa aking bahay.”

Dumaloy ang init sa aking buong katawan, at pumatak ang luha mula sa mga mata ko. Ang tanging naisip ko ay “Salamat po.”

Ilang minutong wala akong tigil sa pag-iyak. Napuspos ng pasasalamat ang puso ko sa aking Tagapagligtas. Dama ko pa rin na mahina ako at may mga pagkukulang, ngunit alam ko na mahal Niya ako at palalakasin.

Maraming taon na ang nakalipas mula noon, ngunit tuwing pupunta ako sa templo, nagbabalik ang galak ng araw na iyon, pati na ang nakapapanatag na mga salitang ito: “Malugod kitang tinatanggap sa aking bahay.”