2012
Sa Pagsampalataya sa Diyos, Ako ay Hindi Nag-iisa Kailanman
Pebrero 2012


Sa Pagsampalataya sa Diyos, Ako ay Hindi Nag-iisa Kailanman

“Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios” (Mga Taga Roma 8:16).

“Hindi ka nag-iisa kailanman kapag sumampalataya ka kay Jesucristo at sa Ama sa Langit.” Maraming beses ko nang narinig ang mga salitang ito, pero ngayon ko lang ito naunawaan nang lubusan.

Lahat ng tao kalaunan ay nahaharap sa di-maiwasang katotohanan na balang-araw ay maaari siyang mapag-isa. Para sa akin, dahil sa diborsyo, paglipat ng tirahan ng mga anak, at maagang pagreretiro, ang araw na ito ay dumating nang mas maaga kaysa inaasahan ko. Ang pinakamahirap na hadlang na kinailangan kong daigin ay ang mamuhay sa biglaang katahimikan at kahungkagang ito pagkaraang makapiling nang maraming taon ang aking pamilya at mga kaibigan, asawa at mga anak, at mga katrabaho.

Bagaman natuwa ako sa pagbisita ng aking mga home at visiting teacher at ng iba pang mga kaibigan, kadalasan ay nadama ko na lubos akong nag-iisa, at hindi ko gusto iyon. Dahil sa nakabibinging katahimikan kalaunan ay hindi ko napigilang umiyak. Wala akong mabalingan para mapanatag maliban sa lumuhod sa panalangin.

Matapos umiyak sa Ama sa Langit nang tila ilang oras, may nadama akong pagbabago sa aking kalooban, at nadama ko ang Espiritu ng Ama sa Langit. Sandaling natigil ang aking pag-iyak nang madama kong tumagos sa aking kaluluwa ang Kanyang pagmamahal. Alam kong naunawaan Niya ang aking kalungkutan, at napanatag ako nang sapat para lalo pang umiyak, tulad ng isang anak na napahagulgol nang makita ang kanyang ina. Nang isubsob ko ang aking ulo sa wari ko ay kandungan ng Ama sa Langit, alam ko na handa Siyang panatagin ako hangga’t kailangan ko. Paminsan-minsan, naisip ko na napakatanda ko na para umakto nang ganito. Gayunman, alam ko na hindi mahalaga sa Ama sa Langit ang edad ko. Ang alam ko lang ay naunawaan Niya ako at lagi Siyang nariyan para sa akin.

Ngayon, bagama’t mas gusto ko pa ring makapag-asawa, nagustuhan ko na rin ang katahimikan. Pinakikinggan ko ang mga alon sa dagat at pinanonood ang paglubog ng araw. Talagang humihinto ako at sinasamyo ang mga rosas. Nakikinig at kumikilos ako ayon sa patnubay ng Espiritu. Hindi ako takot mapag-isa dahil hindi ako nag-iisa basta’t nanalig ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nadarama ko ang Espiritu ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa halos lahat ng aking ginagawa.

“Sa pagsampalataya kay Jesucristo at sa Ama sa Langit, hindi ka nag-iisa.” Ang mga salitang iyon ay may bago at malalim na kahulugan sa puso ko ngayon, at alam ko nang walang pag-aalinlangan na ako ay hindi nag-iisa kailanman. Ako ay Kanyang anak, at mahal Niya ako.

Paglalarawan ni Robert Casey