2012
Ang Ating Pahina
Pebrero 2012


Ang Ating Pahina

Paglingkuran ang Isa’t Isa

Alam ko na hiniling sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na paglingkuran ang ibang tao. Isang Linggo ng hapon gusto kong bisitahin ang lola ko, na nag-iisa lang sa bahay niya, at samahan siya sa pagtulog sa gabing iyon. Pinayagan ako ni Inay, kaya nasorpresa at masaya ang lola ko nang makita ako. Nagkuwentuhan kami, nagmeryenda, at magkasamang nagbasa ng Liahona. Pagkatapos magdasal, natulog na kami.

Noong gabi na, sumama ang panahon—humangin, kumidlat, kumulog, at umulan ng yelo! Nagising kami, at sabi ng lola ko siguradong takot na takot na siya kung hindi ko siya sinamahan. Masaya akong mapaglingkuran siya sa ganitong paraan.

Vinício R., edad 10, Brazil

Ang Salt Lake Temple, ni Eve D., edad 4, Ukraine

Isang Misyonera sa Red Square, ni Emile D., edad 9, Ukraine

Si Mia Lynn L., edad 5, mula sa Germany, ay nag-aaral nang maging misyonera. Habang nanananghalian isang araw kasama ang kaibigan, binasbasan ni Mia ang pagkain, kaya nagtanong ang nanay ng kaibigan niya sa nanay ni Mia tungkol sa mga paniniwala ng Simbahan. Ngayon maiimbita na ni Mia ang kaibigan niya sa Primary.

Pinakikinggan ng Ama sa Langit ang Ating mga Panalangin

Malaki ang pananampalataya ko kay Jesucristo at sa Kanyang mga utos at, higit sa lahat, sa panalangin. Isang araw ng Linggo binisita namin ng lolo ko sa ama ang aking lola-sa-tuhod. Nagpasiya akong dalhin ang tuta ko. Nang pauwi na kami nabundol ng isang batang lalaking nakabisikleta ang tuta ko. Natakot ang tuta ko, at hinabol ang bata. Sinundan namin ito ng lolo ko, pero hindi namin siya nakita. Umuwi kami na hindi ito kasama. Malungkot na malungkot kami. Tumawag ang aking lola-sa-tuhod at pinahanap ako ng tahimik na lugar at ipagdasal ko raw ang tuta ko.

Kinaumagahan nakarinig kami ng tahol ng aso—umuwi ang tuta ko! Alam ko na pinakinggan ng Ama sa Langit ang panalangin ko.

Stephanie P., edad 8, Honduras