Ang Ebanghelyo ay Nagbigay sa Akin ng Kapayapaan
Sina Rogers, New Zealand
Sumapi sa Simbahan ang pamilya ko noong anim na taong gulang ako, at nabuklod kami sa templo noong walong taong gulang ako. Masigasig na itinuro sa akin ng aking mga magulang ang mga doktrina ng aming bagong relihiyon, kaya lumaki ako na alam na magdudulot ng malaking kapayapaan ang panalangin, personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at iba pang mga aspeto ng ebanghelyo.
Gayunman, sa misyon ko lang tunay na napahalagahan ang plano ng kaligtasan. Habang naglilingkod ako sa Australia, pumanaw ang aking ama. Nang sabihin sa akin ng aking mission president ang nangyari, binigyan niya ako ng basbas ng priesthood na lubos na nakatuon sa plano ng kaligtasan. Ang basbas na iyon, pati na ang personal kong pag-aaral nang mga sumunod na araw, linggo, at buwan, ay nakatulong sa akin na matutuhan at mapahalagahan ang dakilang doktrinang ito nang higit kaysa rati. Nakita ko ang aking sitwasyon sa pamamagitan ng liwanag ng plano ng kaligtasan, at naunawaan ko kung gaano ito kaganda. Mula noon lubos nang naging makahulugan sa akin ang plano ng kaligtasan.
Sa patuloy kong pag-aaral ng mga banal na kasulatan mula nang magmisyon ako, natuklasan ko na halos lahat ng salita ng Diyos ay nagpapatotoo sa Kanyang “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8). Alam ko na mayroong kabilang buhay at na muli nating makakapiling doon ang ating mga mahal sa buhay. Malaking kapanatagan ang hatid sa akin ng kaalaman na nabuklod kami nina Inay at Itay at ng mga kapatid ko.
Ang buhay na ito ay puno ng masasakit na karanasan, ngunit hindi kailangang maging mahirap ang buhay. Lubos na pinagagaan ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga bagay-bagay. Dahil diyan, alam ko na makadarama ako ng kapayapaan at kapanatagan sa lahat ng oras, anuman ang nangyayari sa buhay ko.