Magiliw na Awa ng Panginoon
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2005.
Sa katapatan at pagsunod, natatanggap natin ang mahahalagang kaloob na ito at, kadalasan, tinutulungan tayo ng Panginoon na makilala ang mga ito sa Kanyang takdang panahon.
Paulit-ulit kong pinag-isipan ang talatang ito mula sa Aklat ni Mormon: “Datapwat masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” (1 Nephi 1:20).
Pinatototohanan ko na ang magiliw na awa ng Panginoon ay tunay at hindi ito basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Kadalasan, ang takdang panahon ng magiliw na awa ng Panginoon ay tumutulong sa atin na kapwa mahiwatigan at kilalanin ang mga ito.
Ano ang Magiliw na Awa ng Panginoon?
Ang magiliw na awa ng Panginoon ang siyang lubhang personal at indibiduwal na mga pagpapala, kalakasan, proteksyon, katiyakan, patnubay, mapagmahal na kabaitan, kasiyahan, suporta, at espirituwal na kaloob na natatanggap natin mula sa at dahil sa at sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo. Tunay na iniaangkop ng Panginoon ang “kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao” (D at T 46:15).
Alalahanin kung paano sinabihan ng Tagapagligtas ang kanyang mga Apostol na hindi Niya sila iiwang mag-isa. Hindi lamang Niya isusugo ang “ibang Mangaaliw” (Juan 14:16), maging ang Espiritu Santo, kundi sinabi ng Tagapagligtas na pupuntahan Niya sila (tingnan sa Juan 14:18). Imumungkahi ko na ang isa sa mga paraan para puntahan tayo ng Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng Kanyang sagana at magiliw na awa. Halimbawa, kapag naharap tayo sa mga hamon at pagsubok sa buhay, ang kaloob na pananampalataya at angkop na tiwala sa sarili na higit pa sa ating sariling kakayahan ay dalawang halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon. Ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan at kapayapaan ng budhi ay mga halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon. At ang kasigasigan at katatagan na nagbibigay sa atin ng kakayahang magpatuloy nang may kagalakan sa kabila ng mga pisikal na limitasyon at espirituwal na paghihirap ay mga halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon.
Sa isang stake conference kamakailan, kitang-kita ang magiliw na awa ng Panginoon sa nakaaantig na patotoo ng isang bata pang maybahay at ina ng apat na anak na ang asawa ay napatay sa Iraq noong Disyembre ng 2003. Naalala ng matatag na babaeng ito, matapos masabihan na namatay ang kanyang asawa, kung paano niya natanggap ang Christmas card at mensahe ng kanyang asawa. Sa gitna ng biglaang pangyayari na nagpabago sa kanyang buhay ay dumating sa butihing babaeng ito ang napapanahon at magiliw na paalala na talagang magkakasama-sama ang mga pamilya magpakailanman. May pahintulot akong magbanggit mula sa Christmas card na iyon:
“Sa pinakamabuting pamilya sa daigdig! Magkakasama kayong magsaya at tandaan ninyo ang tunay na kahulugan ng Pasko! Ginawang posible ng Panginoon na magkasama-sama tayo magpakailanman. Kaya kahit magkakalayo tayo, magkakasama-sama pa rin tayo bilang pamilya.
“Pagpalain kayo ng Diyos at panatilihin kayong ligtas at ang Pasko nawang ito ay maging regalo ng pagmamahal natin sa Kanya!!!
“Buong pagmamahal, Daddy at ang iyong nagmamahal na asawa!”
Malinaw na ang pagkawalay na tinukoy ng lalaki sa kanyang Pamaskong bati ay patungkol sa pagkawalay niya dahil sa kanyang destino sa militar. Pero sa babaeng ito, tulad ng tinig mula sa alabok ng isang pumanaw na walang-hanggang asawa at ama, ay dumating ang lubhang kailangang espirituwal na katiyakan at patotoo. Tulad ng sabi ko kanina, ang magiliw na awa ng Panginoon ay hindi basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Ang katapatan, pagsunod, at pagpapakumbaba ay nag-aanyaya ng magiliw na awa sa ating buhay, at kadalasan sa takdang panahon ng Panginoon natin nakikilala at pinakaiingatan ang mahahalagang biyayang ito.
Kailan lang ay nakausap ko ang isang lider ng priesthood na nahikayat na isaulo ang mga pangalan ng lahat ng kabataang edad 13 hanggang 21 sa kanyang stake. Gamit ang mga retrato ng mga kabataang lalaki at babae, gumawa siya ng mga flash card na nirebyu niya habang nasa biyahe at sa iba pang mga pagkakataon. Mabilis na naisaulo nitong lider ng priesthood ang lahat ng pangalan ng mga kabataan.
Isang gabi napanaginipan ng lider ng priesthood ang isang binatilyo na kilala lang niya sa retrato. Sa panaginip nakita niya ang binatilyo na nakasuot ng puting polo at may name tag ng misyonero. Katabi ang kanyang kompanyon, tinuturuan ng binatilyong ito ang isang pamilya. Hawak ng binatilyo ang Aklat ni Mormon, at mukhang nagpapatotoo siya tungkol sa katotohanan ng aklat. Noon nagising ang lider ng priesthood mula sa kanyang panaginip.
Sa sumunod na pagtitipon ng priesthood, nilapitan ng lider ang binatilyong nakita niya sa kanyang panaginip at tinanong kung maaari niya itong makausap sandali. Matapos ang maikling pagpapakilala, tinawag ng lider ang binatilyo sa pangalan at sinabing: “Hindi ako isang taong mapanaginip. Wala pa akong napanaginipang miyembrong walang asawa sa stake na ito, maliban sa iyo. Ikukuwento ko sa iyo ang panaginip ko, at pagkatapos ay gusto kong tulungan mo akong unawain ang kahulugan nito.”
Ikinuwento ng lider ng priesthood ang kanyang panaginip at tinanong ang binatilyo kung ano ang kahulugan nito. Sa matinding damdamin, sinabi lang ng binatilyo, “Ibig sabihin po nito ay alam ng Diyos kung sino ako.” Lubhang makabuluhan ang pag-uusap ng binatilyong ito at ng kanyang lider ng priesthood, at nagkasundo silang magkita at mag-usap paminsan-minsan sa susunod na mga buwan.
Tumanggap ang binatilyong iyon ng magiliw na awa ng Panginoon sa pamamagitan ng isang inspiradong lider ng priesthood. Uulitin ko, ang magiliw na awa ng Panginoon ay hindi basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Sa katapatan at pagsunod, natatanggap natin ang mahahalagang kaloob na ito at, kadalasan, tinutulungan tayo ng Panginoon na makilala ang mga ito sa Kanyang takdang panahon.
Hindi natin dapat maliitin o balewalain ang kapangyarihan ng magiliw na awa ng Panginoon. Malaki ang nagagawa ng kasimplihan, kabutihan, at palagiang pagdating ng magiliw na awa ng Panginoon para palakasin at protektahan tayo sa mga panahon ng kaguluhan na katulad ngayon at sa darating na panahon. Kapag hindi kayang ilarawan sa salita ang kapanatagang kailangan natin o ipahayag ang kagalakang nadarama natin, kapag walang saysay na subukang ipaliwanag ang di-maipaliwanag na bagay, kapag ang katwiran ay hindi makapagbigay ng sapat na pag-unawa tungkol sa mga kawalang-katarungan at di-pagkakapantay-pantay ng buhay, kapag hindi sapat ang karanasan sa buhay at pagsusuri upang makuha ang hangad na resulta, at kapag mukhang nag-iisa na lang tayo, tunay ngang pinagpapala tayo ng magiliw na awa ng Panginoon at ginagawang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas (tingnan sa 1 Nephi 1:20).
Sino ang Pinili ng Panginoon na Tumanggap ng Kanyang Magiliw na Awa?
Ang salitang pinili sa 1 Nephi 1:20 ay mahalaga sa pag-unawa sa konsepto ng magiliw na awa ng Panginoon. Nakasaad sa diksyunaryo na ang salitang pinili ay isang taong hinirang, mas nagustuhan, o napili. Maaari din itong gamitin para tukuyin ang hinirang o pinili ng Diyos.1
Ang ilang tao na mali ang pagkarinig o pagkabasa sa mensaheng ito ay maaaring balewalain o iwaksi sa kanilang personal na buhay ang magiliw na awa ng Panginoon, sa paniwalang “Tiyak na hindi ako ang napili o pipiliin kailanman.” Maaaring mali ang ating akala na ang gayong mga biyaya at kaloob ay para lamang sa ibang mga taong mukhang mas mabuti o mataas ang katungkulan sa Simbahan. Pinatototohanan ko na ang magiliw na awa ng Panginoon ay para sa ating lahat at nasasabik ang Manunubos ng Israel na ipagkaloob sa atin iyon.
Ang mapili o mahirang ay isang kalagayang hindi lamang sa atin ipinagkakaloob. Bagkus, tayo ang magpapasiya sa huli kung pinili tayo. Pansinin lamang ang gamit ng salitang napili sa sumusunod na mga talata:
“Masdan, marami ang tinawag, subalit iilan ang napili. At bakit hindi sila napili?
“Sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig, at naghahangad ng mga parangal ng tao” (D at T 121:34–35).
Naniniwala ako na ang pahiwatig ng mga talatang ito ay madaling unawain. Ang Diyos ay walang listahan ng mga paborito kung saan maaari nating asahang mairagdag ang ating pangalan balang araw. Hindi Niya nililimita “ang hinirang” sa iilang tao lang. Sa halip, ang ating puso at ating mga pangarap at ating pagsunod ang siyang magpapasiya kung mapapabilang tayo sa mga hinirang ng Diyos.
Tinuruan ng Panginoon si Enoc tungkol sa punto mismong ito ng doktrina. Pansinin lamang ang paggamit ng salitang piliin sa mga talatang ito:
“Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, at ibinigay ko sa kanila ang aking kaalaman, sa araw na aking nilalang sila; at sa Halamanan ng Eden, ibinigay ko sa tao ang kanyang kalayaang mamili;
“At sa iyong mga kapatid aking sinabi, at nagbigay rin ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama” (Moises 7:32–33; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Tulad ng nalaman natin sa mga banal na kasulatang ito, ang mga pangunahing layunin ng kaloob na kalayaang pumili ay ang mahalin ang isa’t isa at piliin ang Diyos. Sa gayon ay nagiging hinirang tayo ng Diyos at inaanyayahan natin ang Kanyang magiliw na awa kapag ginagamit natin ang ating kalayaang piliin ang Diyos.
Ang isa sa pinakatanyag at madalas banggiting mga talata sa banal na kasulatan ay matatagpuan sa Moises 1:39. Malinaw at maikling inilarawan sa talatang ito ang gawain ng Amang Walang Hanggan: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (idinagdag ang pagbibigay-diin).
Isang kasamang banal na kasulatan na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan ang naglalarawan nang gayundin kalinaw at kaikli sa ating pangunahing gawain bilang mga anak ng Amang Walang Hanggan. Ang nakakapagtaka, ang talatang ito ay parang hindi gayon katanyag at hindi gaanong nababanggit. “Masdan, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautuan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 11:20; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kung gayon, ang gawain ng Ama ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak. Ang ating gawain ay ang sundin ang kanyang mga utos nang buo nating kakayahan, pag-iisip, at lakas—at sa gayon tayo ay nagiging hinirang at, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tinatanggap at nakikilala natin ang magiliw na awa ng Panginoon sa ating pang-araw-araw na buhay.
Pinagpapala tayong tumanggap ng inspiradong payo mula sa mga pinuno ng Simbahan ng Tagapagligtas—payong akma sa ating panahon at mga sitwasyon at hamon sa buhay. Tayo ay tinuruan, pinasigla, pinalakas, tinawag na magsisi, at pinatatag. Tulad ninyo, ako rin ay sabik na kumilos ayon sa mga paalala, payo, at personal na inspirasyong tinanggap natin. Tunay ngang “ang Panginoon ay mabuti sa lahat: at ang kaniyang malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa” (Mga Awit 145:9).
Nagpapasalamat ako sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at sa kaalamang napasaatin ngayon tungkol sa magiliw na awa ng Panginoon. Ang ating mga hangarin, katapatan, at pagsunod ay nag-aanyaya at tumutulong sa atin na mahiwatigan ang Kanyang magiliw na awa sa ating buhay. Bilang isa sa Kanyang mga lingkod, pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang ating Manunubos at Tagapagligtas. Alam ko na Siya ay buhay at na ang Kanyang magiliw na awa ay para sa ating lahat. Bawat isa sa atin ay may mga mata para malinaw na makita at mga tainga para malinaw na marinig ang magiliw na awa ng Panginoon habang pinalalakas at tinutulungan tayo ng mga ito sa mga huling araw na ito. Nawa’y laging mapuspos ng pasasalamat ang ating puso sa Kanyang sagana at magiliw na awa.