Maninigas ang Pananim Ninyo!
Ben E. Fowler, Utah, USA
Noong naghahanda ang aming pamilya na mabuklod sa Logan Utah Temple, muli kaming nangako na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Higit sa lahat, nangako kami sa Panginoon na lagi kaming magbabayad ng ikapu. Di-nagtagal matapos kaming ibuklod, lumipat kami sa Wyoming, USA, para subukang magsaka.
Patapos na ang Abril nang simulan naming ihanda ang aming 300 akre (121 ektarya) ng lupa. Sinunog namin ang sagebrush, pinatag ang lupa, at nagbungkal kami ng mga kanal. Nang sa wakas ay magtanim kami, patapos na ang panahon ng pagtatanim. Nagpasiya akong magtanim ng barley, na tumutubo sa maikling panahon.
Natamnan ko na ang ilang akre nang lumapit ang isang rantserong tagaroon at nagsabing, “Nagsasayang ka lang ng oras, lakas, at pera sa ginagawa mo. Huling-huli ka na. Maninigas ang pananim ninyo pagsapit ng Agosto 21!”
Dumakot siya ng lupa at sinabi pa, “Natuyo ang lupa dahil sa pagkalaykay, pagsunog, at pagpapantay ninyo. Hindi tutubo ang mga binhi mo nang walang halumigmig.”
Alam ko na tuyung-tuyo ang lupa, ngunit marami na kaming ginastos sa pananim, kaya nagpasiya akong ituloy ang pagtatanim. Sumampalataya ako na dahil ginawa namin ang lahat para ihanda ang lupa at nagbabayad kami ng buong ikapu, tutulungan kami ng Ama sa Langit. Matapos maitanim ang lahat, lumuhod kami ng aking pamilya sa panalangin, at humingi kami ng tulong sa Kanya.
Kinabukasan nagsimulang umulan, isang tamang-tamang ulan na sapat para hindi maanod ang aming mga binhi o gumuho ang malambot na lupa sa kaburulan. Hindi nawalan ng saysay ang aming taimtim na panalangin at mahaba at mahirap na mga araw ng pagtatrabaho.
Sa buong tagsibol at tag-init, nagtrabaho kami nang 12 hanggang 14 na oras bawat araw, anim na araw sa isang linggo, sa pagpapatubig, pagbabakod, at paghahanda para sa anihan. Tinupad din namin ang aming mga pangako sa Panginoon sa pagbabayad ng ikapu at masigasig na paglilingkod sa aming mga tungkulin sa ward. Ang butil ay lumaking malusog at mayabong; ang mga barley ay tila mabilis na lumago. Gayunman, nang matatapos na ang tag-init, nag-alala kami na baka masyadong lumamig at mamatay ang aming mga pananim. Nanalangin kami na pangalagaan ng Diyos ang aming mga pananim, at nanalig na tutuparin Niya ang Kanyang pangako sa mga nagbabayad ng ikapu. “Aking sasawayin ang mananakmal dahil sa inyo, at hindi niya sisirain ang mga bunga sa inyong lupa” (Malakias 3:11).
Sumapit ang pinangangambahang araw, Agosto 21, at gayon din ang yelo. Ngunit nang puntahan ko ang bukid kinabukasan, nakita ko na ligtas ang aming mga pananim. Pagkaraan ng ilang linggo napuno ng inani naming barley ang maraming trak, na naibenta namin sa mataas na halaga.
Nang sumunod na tag-init ang ekta-ektaryang tanim naming alfalfa at barley ay matingkad na berde sa gitna ng maalikabok na kalupaan ng sagebrush. Isang araw nang patapos na ang Agosto, nagpapatubig ako nang makita kong paparating ang maitim at makapal na ulap. “Naku,” naisip ko, “uulan ng yelo!” Lumuhod ako sa bukid at nagdasal, batid na maaaring masira ang aming mga pananim. Mabilis na dumating ang unos. Kita ko ang pag-ulan ng yelo sa hilaga at timog ng aking bukirin. Pinuntahan ko ang hangganan ng bakod namin sa hilaga. Umabot sa loob ng hangganan ng bakod namin ang pag-ulan ng yelo pero hanggang doon lang. Agad kong pinuntahan ang hangganan ng bakod namin sa timog. Doon ay sa labas lang ng hangganan ng bakod namin umulan ng yelo. Hindi naapektuhan ang aming mga pananim!
Namangha ang aming mga kapitbahay dahil napakapalad namin, at nagunita ko ang mga salita ni Malakias na “tatawagin kayo ng lahat na bansa na mapalad” (Malakias 3:12). Talagang pinagpala kami. Nagpapasalamat ako na kapag ginagawa natin ang lahat para masunod ang mga utos ng Diyos, tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako.