2012
Ito ay Inyong Gawain
Pebrero 2012


Nagsalita Sila sa Atin

Ito ay Inyong Gawain

Mula sa isang Church Educational System fireside para sa mga young adult na ibinigay noong Marso 2, 2008.

Julie B. Beck

Kayo ang natatanging inihandang henerasyon na may talento sa teknolohiya para gumawa ng family history at maglingkod sa templo.

Naranasan ng propetang si Abraham ang pagbabago ng mga panahon ng buhay, katulad ng nararanasan ng mga young adult ngayon. Mababasa natin tungkol sa kanya sa Mahalagang Perlas: “Sa lupain ng mga taga-Caldeo, sa tirahan ng aking mga ama, ako, si Abraham, ay napagtantong kinakailangan para sa akin na makakuha ng ibang lugar na matitirahan” (Abraham 1:1). Dumating na ang panahon para lisanin ni Abraham ang kanyang mga magulang at magsarili bilang isang binata. Batid niya na may “higit na kaligayahan at kapayapaan at katiwasayan” (talata 2) para sa kanya kaysa nararanasan niya noon.

Hinangad at tinanggap ni Abraham ang mga pagpapala ng higit na kaligayahan, kapayapaan, at katiwasayan, at maaari itong matanggap ng lahat ng miyembro ng Simbahan, pati na ng mga young adult. Paano kayo maghahandang matanggap ang mga ito? Magtuon tayo sa isa sa ilang aktibidad na magagawa ninyo ngayon: ang paglahok sa gawain sa templo at family history.

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nalaman na ninyo ang kahalagahan ng templo at ng mga ordenansa sa templo. Sa nakalipas na mga siglo, maraming taong nangamatay na walang alam tungkol sa ebanghelyo. Ang mga taong ito ay malalapit at malalayo ninyong kamag-anak. Hinihintay nilang gawin ninyo ang kinakailangang pagsasaliksik upang mapag-ugnay-ugnay ang inyong mga pamilya at maisagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila.

Ang kaunting kaalaman sa teknolohiya ay nakakatulong sa gawain sa templo at family history. Kayo ang natatanging inihandang henerasyon na may talento sa teknolohiya para gumawa nito. Malalim ang patotoo at pagpapahalaga ng aking Lola Bangerter sa gawain sa family history. Maraming taon na ang nakalilipas, nang magtipon siya ng 25,000 pangalan ng kanyang pamilya, kinailangan niyang isulat-kamay ang bawat pangalan sa mga form. Labis niyang pasasalamatan ang isang computer program na tutulong sa kanya na maging mas tumpak at mahusay. Ngayon ay daan-daan ang mga kabataan niyang inapo na may talento na matutulungan siya mula sa panig na ito ng lambong.

Nangako ang Panginoon na itanim sa inyong puso ang mga pangakong ibinigay sa mga ama at na ibabaling ang inyong puso sa mga ama upang ang mundo ay hindi lubusang mawasak sa Kanyang pagparito (tingnan sa D at T 2:2–3). Ang inyong kasanayan sa teknolohiya ay bahagi ng katuparan ng propesiyang ito, at sana ay madama ninyo ang kahalagahan ng gawaing ito. Kayo ay isinilang sa panahong ito upang gumawa ng gawain sa templo at family history. Kailangan ng inyong pamilya ang tulong ninyo. Kailangan ng inyong ward o branch ang tulong ninyo sa mahalagang responsibilidad na ito.

Tatanggap kayo ng mga personal na pagpapala sa paglahok ninyo sa gawain sa templo at family history. Isa sa mga ito ang pagkakataong maging karapat-dapat sa temple recommend, na nagpapakita ng inyong pagkamarapat sa harapan ng Panginoon. Ang temple recommend ay simbolo ng pagsunod.

Nilinaw ng tagubilin ng Unang Panguluhan kamakailan ang patakaran sa pagtatamo ng mga temple recommend at pagtanggap ng mga endowment. Inulit doon na ang pagtanggap ng temple endowment ng isang tao ay isang mabigat na bagay na dapat lamang ibigay sa mga yaong sapat na handa at nasa hustong gulang upang tumupad ng mga tipan na kanilang ginagawa. Pinagtibay rin ng Unang Panguluhan na ang mga miyembrong walang asawa na edad 19 hanggang 25 na wala pang mission call o hindi pa ikakasal sa templo ay hindi dapat irekomendang pumasok sa templo para sa sarili nilang endowment.1 Gayunman, bawat karapat-dapat na miyembro na 12 taon pataas ay maaaring tumanggap ng limited-use recommend upang magpabinyag para sa mga patay.

Kayo na hindi pa karapat-dapat ngayon sa pribilehiyong magkaroon ng recommend ay maaaring makipagtulungan sa inyong bishop o branch president upang maging karapat-dapat kayo para sa recommend sa lalong madaling panahon. Huwag sana ninyong hayaan na wala kayo nitong mahalagang dokumentong ito.

Pinatototohanan ko na ang Pagbabayad-sala ay tunay at ang mga kasalanan ay mapapatawad matapos magsisi nang wasto.

Makakatulong kayong panatilihing abala ang mga templo. Ang gawain sa templo at family history ay inyong gawain. Malaki ang inaasahan sa inyo! Marami kayong magagawa dahil sa inyong lakas at mga kasanayan.

Kapag nakibahagi kayo sa gawain sa templo at family history, tiyak na mapapasainyo ang Espiritu upang panatagin kayo sa inyong mga hamon at gabayan kayo sa mahahalagang desisyong ginagawa ninyo. Kapag nakibahagi kayo sa gawaing ito bilang mga indibiduwal, sa mga grupo ninyo sa ward at institute, at sa inyong Relief Society at priesthood quorum, magkakaroon kayo ng mabubuting kaibigan at makahulugang mga karanasan sa lipunan. At dahil lumalawak ang inyong pakikisama at pakikipagkaibigan at gumagana ang Espiritu sa inyo, mas malamang na makakita kayo ng mapapangasawa at makabuo ng walang-hanggang pamilya.

Kapag nakibahagi kayo bilang mga indibiduwal, kasama ang inyong mga kaibigan, at sa inyong mga korum, Relief Society, at grupo sa institute, ang mga aktibidad na ito ay magpapaibayo sa inyong pananampalataya at kaligayahan habambuhay. Ito ay mga palatandaan ng pagkadisipulo na magpapatatag sa inyong pag-aasawa at pamilya sa hinarahap at mag-aanyaya sa Espiritu sa inyong buhay.

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Dahil ito ay totoo, malaki ang inaasahan sa inyo, na lumalaking henerasyon. Sana ay maging mga alagad kayo ng kabutihan—gaya ni Abraham—na hangarin ninyo ang mga pagpapala ng mga ama sa pakikibahagi sa gawaing ito, at sa gayon ay magkaroon kayo ng mas malaking kaalaman, kaligayahan, kapayapaan, at kapahingahan.

Tala

  1. Tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Set. 7, 2007.

Kaliwa: larawan © Busath.com; kanan: paglalarawan ni Derek Israelsen