2012
Hikayatin Silang Manalangin
Pebrero 2012


Mensahe ng Unang Panguluhan

Hikayatin Silang Manalangin

Pangulong Henry B. Eyring

Noong batang musmos pa ako, ipinakita sa akin ng aking mga magulang kung paano manalangin. Nagsimula ako sa isang larawan sa aking isipan na malayo ang Ama sa Langit. Nang malaki na ako, nagbago ang aking karanasan sa panalangin. Ang larawan sa aking isipan ay naging isang Ama sa Langit na malapit lang, na nalilibutan ng maningning na liwanag, at kilalang-kilala ako.

Dumating ang pagbabagong iyon nang magtamo ako ng tiyak na patotoo na ang pag-uulat ni Joseph Smith ng kanyang karanasan noong 1820 sa Manchester, New York, ay totoo:

“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.

“Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).

Nasa kakayuhan ang Ama sa Langit noong magandang araw ng tagsibol na iyon. Tinawag Niya sa pangalan si Joseph. At ipinakilala Niya ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ng mundo bilang Kanyang “Pinakamamahal na Anak.” Kailanman at saanman kayo manalangin, ang inyong patotoo tungkol sa katotohanan ng maluwalhating karanasang iyon ay magpapala sa inyo.

Ang Ama na pinagdarasalan natin ang maluwalhating Diyos na lumikha sa mga mundo sa pamamagitan ng Kanyang Pinakamamahal na anak. Naririnig Niya ang ating mga panalangin tulad ng pagdinig Niya sa panalangin ni Joseph—nang malinaw na para bang iniluluhog ang mga ito sa Kanyang harapan. Mahal Niya tayo nang sapat kaya ibinigay Niya ang Kanyang Anak bilang Tagapagligtas natin. Dahil sa kaloob na iyon pinapangyari Niyang magtamo tayo ng imortalidad at buhay na walang hanggan. At inaalok Niya tayo, sa pamamagitan ng pagdarasal sa pangalan ng Kanyang Anak, ng pagkakataong makipag-usap sa Kanya sa buhay na ito nang madalas kung gusto natin.

Ang mga maytaglay ng priesthood sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may sagradong tungkuling “bumisita sa bahay ng bawat miyembro, at hikayatin silang manalangin nang malakas at nang lihim” (D at T 20:47; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Maraming paraan para mahikayat ang isang tao na manalangin. Halimbawa, maaari tayong magpatotoo na inutusan tayo ng Diyos na manalangin sa tuwina, o maikukuwento natin ang mga halimbawa mula sa banal na kasulatan at sa ating sariling karanasan ng mga pagpapalang nagmumula sa mga panalangin ng pasasalamat, pagsamo, at pagtatanong. Halimbawa, maaari akong magpatotoo na alam ko na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin. Nakatanggap ako ng patnubay at kapanatagan mula sa mga salitang dumating sa aking isipan, at alam ko sa pamamagitan ng Espiritu na ang mga salitang iyon ay nagmula sa Diyos.

Naranasan ni Propetang Joseph Smith ang mga iyon, at mararanasan din ninyo iyon. Ito ang sagot sa kanyang taos-pusong panalangin:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas” (D at T 121:7–8).

Isa iyong paghahayag mula sa isang mapagmahal na Ama sa isang tapat na anak na lubhang nag-aalala. Bawat anak ng Diyos ay maaari Siyang makausap sa panalangin. Walang panghihikayat na manalangin ang nagkaroon ng malaking epekto sa akin na tulad ng mga damdamin ng pagmamahal at kaliwanagang dumating sa mga sagot sa abang mga panalangin.

Nagtatamo tayo ng patotoo tungkol sa anumang utos ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na iyon (tingnan sa Juan 7:17). Totoo ito sa utos na manalangin tayo sa tuwina nang malakas at nang lihim. Bilang inyong guro at kaibigan, ipinangangako ko na sasagutin ng Diyos ang inyong mga panalangin at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo sa inyong sarili na ang mga sagot ay nagmula sa Kanya.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

  • “Ang mga larawan ay mahahalagang kagamitan sa pagbibigay-diin sa pangunahing ideya ng aralin” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 232). Magpakita ng isang ipinintang larawan ni Joseph Smith o ng Unang Pangitain. Talakayin ang karanasan ni Joseph Smith sa panalangin. Paano magiging higit na makahulugan ang inyong mga panalangin kung ilalarawan ninyo ang “Ama sa Langit na malapit lang,” tulad ng ginawa ni Pangulong Eyring?

  • Tulad ng mungkahi ni Pangulong Eyring, isiping magpatotoo tungkol sa panalangin, na inilalarawan ang mga pagpapalang natanggap ninyo dahil dito, o magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan tungkol dito.

Paglalarawan ni Matthew Reier