Ebanghelyo sa Aking Buhay
Ang Hamon sa Aking Family History
Si Bishop Page, ang bishop ng aming young adult ward, ay nagsimula sa pagpapaliwanag na ang gawain sa family history at templo ay hindi lamang para sa mga magulang o lolo’t lola—ito ay responsibilidad ng ating henerasyon at bahagi ng dahilan kung bakit tayo ipinadala sa mundo sa panahong ito. At narito ang hamon: FamilySearch indexing. Katunayan, iminungkahi niyang mag-index ang aming ward ng 100,000 pangalan.
Napakalaking gawain niyan. Bawat tao ay kakailanganing mag-index ng 1,000 pangalan. Subalit nang itanong ni Bishop Page kung sino ang mangangakong gawin ito, lahat kami ay nagtaas ng kamay.
Ang hamon ay naging mahalaga kaagad sa buhay ko. Nag-download ako ng FamilySearch indexing software, nagbasa ng mga tutorial, at nagsimula.
Noong una, tila mahirap ito. Hindi laging madaling mabasa ang sulat-kamay. Ngunit tuwing makakatapos ako ng isang grupo ng mga pangalan, nadaragdagan ang kumpiyansa ko.
Dahil nagmula talaga sa Chile ang pamilya ko, ipinasiya kong mag-index ng mga pangalan sa Espanyol. Marahil dahil diyan, lalong naging personal ang karanasan. Hindi ko nadama na basta lang ako nagta-type ng mga pangalan dahil alam ko na bawat isa ay isang taong maaaring tumanggap ng mga pagpapala ng templo.
Agad kong natuklasan na ang pag-iindex ay magandang gawing aktibidad tuwing Linggo. Dahil malayo ang tirahan ko sa pamilya ko, pakiramdam ko kung minsan ay walang gaanong gagawin pagkatapos magsimba. Pero tinutulungan ako ng pag-iindex na gamitin ang oras ko sa makabuluhang paraan, at maaari akong makinig sa musika o mga pananalita habang ginagawa ko ito.
Napalakas ako nang banggitin ng aming stake president ang sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Walang gawaing higit na nangangalaga sa Simbahang ito maliban sa gawain sa templo at pagsasaliksik ng kasaysayan ng pamilya na sumusuporta dito. Walang gawaing higit na nagpapadalisay sa espiritu. Walang ibang gawain na nagbibigay sa atin ng higit na kapangyarihan. … Ang ating mga paggawa sa templo ay nagsisilbing kalasag at pananggalang natin, kapwa ng bawat isa at ng grupo.”1
Maaaring tila pinupukol lalo na ang mga young adult ng “nag-aapoy na sibat ng kaaway” (1 Nephi 15:24), at narito ako at pinangangakuan ng proteksyon. Nakadama ako ng matinding hangaring tulungan ang mga kaward ko na maranasan din ang pagpapalang iyon, kaya nagbuo kami ng isang kaibigan ko ng indexing party. Maraming nagdala ng laptop. Ipinahiram ng mga taong pamilyar na sa pag-iindex ang kanilang computer at sinagot ang mga tanong ng mga nagsisimula pa lamang.
Sa sumunod na ilang buwan, nagdaos din ng mga aktibidad ang mga lider ng ward na nakatuon sa aming mithiin. Kapag may isang nahirapan, hinihikayat namin ang isa’t isa. Namangha ako sa pagkakaisang nadama namin sa paglilingkod sa Panginoon at sa isa’t isa, nang magkakasama.
Sa huli, hindi umabot ang ward namin sa mithiin naming 100,000 pangalan, kahit maraming nakakumpleto ng 1,000 pangalan. Gayunman, ang hamon ng aming bishop ay hindi tungkol sa dami; tungkol iyon sa pagtulong sa amin na magkaroon ng patotoo sa family history. At dahil kasama rito ang paglilingkod, sakripisyo, at pagliligtas sa iba, nadama namin ang nakadadalisay na epekto nito.
Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makibahagi sa gawain ng Panginoon. Sa paggawa ng Kanyang gawain, higit ko rin Siyang nakilala.