2012
Binuhay ang mga Kuwento sa Aklat ni Mormon sa mga Binagong Video
Pebrero 2012


Binuhay ang mga Kuwento sa Aklat ni Mormon sa mga Binagong Video

Binuhay ang mga kuwento sa Aklat ni Mormon sa binagong mga video ng Book of Mormon Stories, na makukuha na ngayon sa Cantonese, English, French, German, Italian, Japanese, Korean, Mandarin, Portuguese, Russian, at Spanish sa bahaging mga kuwento sa banal na kasulatan ng LDS.org.

Dating nakikita online bilang mga slide show, ang mga larawan ay animated at three-dimensional gamit ang pamamaraang tinatawag na parallax animation. Ang mga tauhan ay ginupit at pinagalaw sa canvas, at ang pag-ikot, pagpapalabo, at pag-zoom ng kamera ay nakaragdag sa ganda nito.

Tampok din sa mga video ang mga sound effect at original soundtrack.

“Ang mga kuwentong ito sa banal na kasulatan ay nagtatanim ng binhi ng patotoo sa puso ng mga bata at iba pang nanonood ng mga video na ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga katotohanan ng ebanghelyo,” sabi ni Brent Meisinger, project manager sa Scriptures Coordination Division ng Church Curriculum Department. “Ang mga video ay naglalaan ng karanasan sa pagkatuto na hihikayat na regular na basahin ang mga banal na kasulatan at nagtuturo ng mga kasanayang maghahanda sa mga nanonood na pag-aralan pang lalo ang mga banal na kasulatan.”

Mahigit tatlong oras ang palabas sa pinagandang video na pinaghiwa-hiwalay sa 54 na yugto, magmula sa “Paano Natin Nakuha ang Aklat ni Mormon” (Kabanata 1) hanggang sa “Ang Pangako ng Aklat ni Mormon” (Kabanata 54).

Ang mga larawan sa mga video ay mga paglalarawang nilikha nina Jerry Thompson at Robert T. Barrett. Ang kanilang gawang-sining na ipininta ng kamay ay sunud-sunod na inilathala sa Friend at Liahona nang halos isang dekada, simula noong 1989, pagkatapos ay sama-samang inilimbag noong 1997 bilang Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon.

Maaari ding panoorin ang mga video bilang mga podcast sa iTunes at bilang mga clip sa YouTube at Roku. Maaari ding panoorin ng mga pamilya ang programang “Scripture Stories” sa Mormon Channel, kung saan binabasa ng mga bata at isang moderator ang mga kuwento, tinatalakay ang mga ito, kinakanta ang mga awitin, at pinatototohanan ang mga aral sa mga banal na kasulatan.

Ang mga video na Mga Kuwento sa Bagong Tipan ay ginawa ring animated sa 11 wika kamakailan. Makukuha rin ang mga ito sa LDS scriptures page, iTunes, at Mormon Channel sa YouTube.

Print