Pagtuturo sa Simbahan Dapat Sundan ang Halimbawa ni Cristo
“Sinisikap nating sundan ang mga yapak ng Tagapagligtas sa pagtuturo, sabi ng bagong Sunday School general president, na si Tad R. Callister, kasunod ng pangkalahatang kumperensya.
Ibig sabihin niyan ay mga pagtatanong na nagbibigay-inspirasyon na tumutulong sa mga tao na magbalik-loob, sabi niya. Ang mithiin ay “tulungan silang maunawaan at madama ang Diwa ng ebanghelyo sa kanilang buhay.”
Hanga raw siya sa Come, Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin], ang online curriculum para sa mga kabataan na kinapapalooban ng mga pinakahuling mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya gayundin sa media na gawa ng Simbahan. Napalitan na ng partisipasyon ang mga lektyur, sabi niya, at “talagang may pagbabago mula sa pagtuturo lamang ng isang lesson na hahantong sa pagsisikap na itugma ito sa pangangailangan ng mga estudyante sa klase.”
Idinagdag pa niya na ang Come, Follow Me ay tumutulong sa lubos na pagbabalik-loob at hindi lamang para magbigay ng impormasyon. “Palagay ko ay makapagpapalaki tayo ng henerasyon ng mga kabataan na magiging pinakamagagaling na guro sa mundo, pinakamabubuting magulang sa mundo,” sabi niya, “dahil nararanasan nila ito ngayon sa kanilang kabataan at hindi na [nila] kailangang maging mga adult … upang malaman na nakatutulong ang mahusay na pagtuturo at pag-unawa.”
Si Jesucristo ang Dalubhasang Guro, sabi ni Brother Callister, at ang pagtuturo natin sa simbahan ay dapat magdala ng mga tao kay Cristo. Binibigyang-diin ang pangangailangang magturo ng doktrina nang malinaw at wasto, sinabi niya na “sa tuwing sinisikap nating tularan ang Tagapagligtas, ginagawa natin ang ipinagagawa Niya.”