2014
Ipakita ang Inyong Pananampalataya
Mayo 2014


Ipakita ang Inyong Pananampalataya

Sa bawat araw, sa inyong landas patungo sa inyong walang-hanggang tadhana, palakasin ang inyong pananampalataya. Ipahayag ang inyong pananampalataya! Ipakita ang inyong pananampalataya!

Elder Russell M. Nelson

Mahal kong mga kapatid, lubos ang pagmamahal at pasasalamat namin sa inyo. Nagpapasalamat kami para sa tungkuling makipagtulungan sa inyo.

Sa isang biyahe sa eroplano kamakailan, ipinahayag ng piloto na makakaramdam kami ng pag-uga habang bumababa kami at na kailangang magsuot ng seat belt ang lahat ng pasahero. Tulad ng inaasahan, nagkaroon nga ng pag-uga. Talagang malakas iyon. Sa tapat ko at ilang upuan mula sa likuran ko, isang babae ang nataranta. Sa bawat nakakatakot na biglang baba at galaw ng eroplano, malakas ang tili niya. Sinikap ng asawa ng babae na panatagin siya pero walang saysay iyon. Patuloy siyang tumili hanggang sa malagpasan namin ang pag-ugang iyon at ligtas kaming makalapag. Nang matakot siya, naawa ako sa kanya. Dahil pananampalataya ang lunas sa takot, tahimik kong naisip na sana’y napalakas ko ang kanyang pananampalataya.

Kalaunan, habang palabas ng eroplano ang mga pasahero, kinausap ako ng asawa ng babaeng ito. Sabi niya, “Pasensya na po at takot na takot ang asawa ko. Ang tanging paraan para mapanatag ko siya ay ang sabihin sa kanya na ‘Kasama natin dito si Elder Nelson, kaya huwag kang mag-alala.’”

Hindi ko tiyak kung dapat makapagbigay ng kapanatagan ang presensya ko sa eroplanong iyon, ngunit masasabi ko na ang isa sa mga katotohanan ng buhay na ito ay na susubukan at hahamunin ang ating pananampalataya. Kung minsan ang mga pagsubok na iyon ay dumarating kapag tila nasa bingit tayo ng kamatayan. Para sa takot na babaeng ito, ipinakita ng matinding pag-uga ng eroplano ang isang halimbawa ng mga sandaling iyon ng pagsubok sa lakas ng ating pananampalataya.

Kapag pinag-usapan natin ang pananampalataya—ang pananampalatayang makapagpapagalaw sa mga bundok—hindi natin pinag-uusapan ang pangkaraniwang pananampalataya kundi pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay mapapalakas kapag natuto tayo tungkol sa Kanya at ipinamuhay natin ang ating relihiyon. Ang doktrina ni Jesucristo ay nilayon ng Panginoon na makapagpalakas ng ating pananampalataya. Gayunman, sa lengguaheng karaniwang gamit ngayon, ang salitang relihiyon ay maaaring iba’t iba ang kahulugan sa iba’t ibang tao.

Ang literal na kahulugan ng salitang relihiyon ay “italing muli” o “ibigkis na muli” sa Diyos.1 Maaari nating itanong sa ating sarili, matibay kaya tayong nakabigkis sa Diyos sa paraan na nakikita ang ating pananampalataya, o nakatali pala tayo sa ibang bagay? Halimbawa, nakarinig ako ng mga pag-uusap noong Lunes ng umaga tungkol sa professional athletic games na naganap noong sinundang Linggo. Para sa ilan sa mga tagahangang ito, naisip ko kung ang itinuturing lamang nilang “relihiyon” ay yaong “itatali sila” sa gustung-gusto nilang isport.

Maitatanong natin sa ating sarili, nasaan ang ating pananampalataya? Nasa isang koponan ba? Sa isang brand? Sa isang artista? Kahit ang pinakamahuhusay na koponan ay natatalo. Ang mga artista ay nalalaos. Sa Isa lamang mananatiling ligtas ang inyong pananampalataya, at iyon ay sa Panginoong Jesucristo. At kailangan ninyong ipakita ang inyong pananampalataya!

Ipinahayag ng Diyos sa una sa Kanyang Sampung Utos, “Huwag kang magkaroon ng ibang mga dios sa harap ko.”2 Sinabi rin Niya, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip, huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”3 Subalit napakaraming tao na napapanatag lang kapag may pera sila sa bangko o ginagawa nilang huwarang tutularan ang kapwa-tao nila.

Kadalasan ay sinusubukan ang pananampalataya ng mga doktor, guro, at pulitiko. Para makamit ang kanilang mga mithiin, ipapakita ba nila ang kanilang pananampalataya o itatago ito? Nakabigkis ba sila sa Diyos o sa tao?

Nasubukan ang pananampalataya ko ilang dekada na ang nakararaan nang pagsabihan ako ng isa sa mga kasamahan kong doktor nang hindi ko maihiwalay sa mga paniniwala ko sa relihiyon ang kaalaman ko sa medisina. Iniutos niya na huwag kong pagsamahin ang dalawa. Paano ko iyon magagawa? Ang katotohanan ay katotohanan! Hindi ito nahahati, at hindi maaaring balewalain ang anumang bahagi nito.

Nagmula man ang katotohanan sa laboratoryo ng siyensya o sa pamamagitan ng paghahayag, lahat ng katotohanan ay galing sa Diyos. Lahat ng katotohanan ay bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.4 Subalit sinabihan akong itago ang aking pananampalataya. Hindi ko sinunod ang hiling ng kasamahan ko. Ipinakita ko ang aking pananampalataya!

Sa lahat ng propesyon, kailangang sumunod sa mahihigpit na pamantayan. Pinahahalagahan ng mga iskolar ang kalayaan nilang magpahayag. Ngunit ang ganap na kalayaan ay hindi mararanasan kung ang bahagi ng kaalaman ng isang tao ay “hindi tinatanggap” ng batas ng tao.

Ang espirituwal na katotohanan ay hindi maaaring balewalain—lalo na ang mga banal na utos. Ang pagsunod sa mga banal na utos ay naghahatid ng mga pagpapala, sa tuwina! Ang pagsuway sa mga banal na utos ay naghahatid ng pagkawala ng mga pagpapala, sa tuwina!5

Laganap ang mga problema sa mundong ito dahil puno ito ng mga taong hindi perpekto. Ang kanilang mga mithiin at hangarin ay lubhang naiimpluwensyahan ng kanilang pananampalataya o ng kawalan nito. Marami ang inuuna ang ibang bagay kaysa sa Diyos. Ang ilan ay sinusubok ang kahalagahan ng relihiyon sa modernong buhay. Tulad ng iba pang panahon, may mga tao pa rin ngayon na nililibak o pinupulaan ang kalayaan sa relihiyon. Sinisisi pa nga ng ilan ang relihiyon sa maraming problema ng mundo. Katunayan, may mga pagkakataon na nagagawa ang kasamaan at kalupitan na ang idinadahilan ay relihiyon. Ngunit ang pamumuhay ayon sa dalisay na relihiyon ng Panginoon, na ibig sabihin ay pagsisikap na maging tunay na disipulo ni Jesucristo, ay isang paraan ng pamumuhay at katapatan sa araw-araw na maglalaan ng banal na patnubay. Kapag ipinamuhay ninyo ang inyong relihiyon, nananampalataya kayo. Ipinapakita ninyo ang inyong pananampalataya.

Alam ng Panginoon na kailangang malaman ng Kanyang mga tao kung paano Siya hahanapin. “Sapagkat makipot ang pintuan,” wika Niya, “at makitid ang daan na patungo sa … kadakilaan … , at kakaunti ang makakasumpong noon.”6

Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng isa sa pinakamainam na paraan para mahanap ang daan at manatili rito. Ang kaalaman sa banal na kasulatan ay nagbibigay rin ng proteksyon. Halimbawa, sa lahat ng panahon, ang mga impeksyon gaya ng “childbirth fever” ang dahilan ng pagkamatay ng maraming walang-malay na mga ina at sanggol. Subalit may wastong tuntunin sa Lumang Tipan para sa pangangalaga sa nahawang pasyente, na mahigit 3,000 taon nang isinulat!7 Maraming tao ang nasawi dahil hindi sinunod ng tao ang salita ng Panginoon sa paghahanap nila ng karunungan!

Mahal kong mga kapatid, ano ang kulang sa ating buhay kung tayo ay “laging nagsisipagaral, [ngunit] kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan”?8 Magtatamo tayo ng malaking kaalaman mula sa mga banal na kasulatan at magkakaroon tayo ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagdarasal nang may pananampalataya.

Ang paggawa nito ay tutulong sa ating mga pagpapasiya bawat araw. Lalo na kapag nililikha at ipinatutupad ang mga batas ng tao, mga batas ng Diyos dapat ang lagi nating pamantayan. Kapag naharap tayo sa mahihirap na problema, dapat muna nating hangarin ang patnubay ng Diyos.

Dapat nating “ihalintulad sa atin ang lahat ng banal na kasulatan, … para sa ating kapakinabangan at kaalaman.”9 Nakaabang ang panganib kapag sinasabi natin sa ating sarili ang mga katagang “pribado kong buhay” o maging ang “pinakamaganda kong ugali.” Kapag ang isang tao ay may hayag at tagong katauhan, hindi siya kailanman magiging lubos na tapat—hindi kailanman siya magiging lubos na totoo sa kanyang sarili.

Ang tuksong maging popular ay maaaring humantong sa higit na pakikinig sa opinyon ng tao kaysa sa salita ng Diyos. Ang mga kampanya sa pulitika at istratehiya sa negosyo ay kadalasang gumagamit ng opinyon ng publiko para makabuo ng kanilang plano. Ang resulta ng mga opinyong iyon ay puno ng impormasyon. Ngunit hindi ito magagamit na dahilan para pangatwiranan ang pagsuway sa mga utos ng Diyos. Kahit “ginagawa pa iyan ng lahat,” ang mali ay hindi kailanman naging tama. Ang kasamaan, kamalian, at kadiliman ay hindi kailanman magiging katotohanan, kahit na popular pa ito. Ganito ang babala sa banal na kasulatan: “Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim.”10

Pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, isang mahalay na kanta ang naging popular. Sa pagtataguyod ng imoralidad, tiniyak nito na 50 milyong katao ang hindi magkakamali. Ngunit ang totoo, 50 milyong katao ang maaaring maging mali—talagang mali. Ang imoralidad ay imoralidad pa rin sa mata ng Diyos, na siyang hahatol balang-araw sa lahat ng ating mga gawa at hangarin.11

Ikumpara ang takot at kawalan ng pananampalataya na laganap sa mundo ngayon sa pananampalataya at katapangan ng aking mahal na anak na si Emily, na ngayon ay nasa kabilang-buhay na. Sa nalalapit niyang paglisan sa kanyang katawang puno na ng kanser, halos hindi na siya makapagsalita. Ngunit may ngiti sa kanyang labi na sinabi niya sa akin, “Itay, huwag po kayong mag-alala sa akin. Alam ko pong magiging maayos ako!” Nakita ang pananampalataya ni Emily—kitang-kita—sa nakaaantig na sandali iyon, kung kailan kailangang-kailangan namin iyon.

Ang maganda at batang inang ito na may limang anak ay lubos ang pananampalataya sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano, at walang-hanggang kapakanan ng kanyang pamilya. Siya ay matatag na nakabigkis sa Diyos. Siya ay lubos na tapat sa mga tipang ginawa niya sa Panginoon at sa kanyang asawa. Mahal niya ang kanyang mga anak ngunit panatag, sa kabila ng nalalapit na pagkahiwalay sa kanila. Tiwala siya sa kanyang bukas, at sa kanila ring kinabukasan, dahil nananampalataya siya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak.

Noong 1986, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Mangyari pa mararanasan natin ang takot, pangungutya, at oposisyon. Laksan natin ang ating loob na malabanan ang maaaring pinaniniwalaan ng maraming tao, at ating ipagtanggol ang mga alituntunin. Lakas ng loob, hindi pagkompromiso, ang ikalulugod ng Diyos. … Alalahanin na lahat ng tao ay may takot, ngunit yaong hinaharap ang kanilang takot nang may [pananampalataya] ay may taglay ring tapang ng loob.”12

Ang payo ni Pangulong Monson ay totoo sa lahat ng panahon! Kaya’t nakikiusap ako sa inyo, mahal kong mga kapatid: Sa bawat araw, sa inyong landas patungo sa inyong walang hanggang tadhana, palakasin ang inyong pananampalataya. Ipahayag ang inyong pananampalataya! Ipakita ninyo ang inyong pananampalataya!13

Dalangin ko na maging matibay kayo na nakabigkis sa Diyos, upang maukit ang Kanyang walang hanggang mga katotohanan sa inyong puso magpakailanman. At dalangin ko na, sa buong buhay ninyo, ay ipakita ninyo ang inyong pananampalataya! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Sa pagsilang ng isang sanggol, ang pusod ay dobleng itinatali at pinuputol. Ang ligature ay isang tali—matibay na tali. Ang salitang relihiyon ay mula sa salitang ugat na Latin: re, na ibig sabihin ay “muli” o “bumalik sa” o ligare, na ibig sabihin ay “itali” o “ibigkis.” Kaya nga, nauunawaan natin na ang relihiyon ay “nagbibigkis sa mga nananalig sa Diyos.”

  2. Exodo 20:3. Bukod pa rito, sinabi ng Panginoon, “Magsisi, at kayo’y magsitalikod sa inyong mga diosdiosan; at [humiwalay … sa lahat ninyong kasuklamsuklam” (Ezekiel 14:6).

  3. Doktrina at mga Tipan 6:36.

  4. Tingnan sa Spencer W. Kimball, The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball (1982), 391.

  5. Tingnan sa Mosias 2:41; Doktrina at mga Tipan 58:30–33; 82:10. Ang alituntuning ito ay totoo para sa lahat, dahil “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao” (Mga Gawa 10:34; tingnan din sa Moroni 8:12).

  6. Doktrina at mga Tipan 132:22.

  7. Tingnan sa Levitico 15:13.

  8. II Kay Timoteo 3:7.

  9. 1 Nephi 19:23.

  10. Isaias 5:20.

  11. Itinuturo sa mga banal na kasulatan: “Lumapit sa Panginoon, sa yaong Banal. Pakatandaan na ang kanyang mga landas ay mabuti. Masdan, ang daan para sa tao ay makipot, ngunit ito’y nasa isang tuwid na daraanan sa harapan niya, at ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon; at walang ibang daan maliban sa pasukan; sapagkat hindi siya malilinlang, sapagkat Panginoong Diyos ang kanyang pangalan” (2 Nephi 9:41).

  12. Thomas S. Monson, “Courage Counts,” Ensign, Nob. 1986, 41. Sa isa pang okasyon, ito ang ibinigay na payo ni Pangulong Monson: “Upang mamuhay ng matwid, dapat tayong magkaroon ng kakayahang harapin ang problema nang may tapang, ang kabiguan nang may saya, at ang tagumpay nang may kababaang-loob. … Tayo ay mga anak ng buhay na Diyos, na sa kanyang larawan ay nilikha tayo. … Hindi natin lubos na mapanghahawakan ang malakas na pananalig na ito kapag hindi natin pinag-iibayo ang ating lakas at kakayahan, maging ang lakas na sundin ang mga utos ng Diyos, ang lakas na mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas” (“Yellow Canaries with Gray on Their Wings,” Ensign, Hulyo 1973, 43).

  13. “Pagkaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan” (Moroni 10:32). Huwag katakutan ang tao nang higit sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3:7; 59:5).