2014
Pagsunod sa Pamamagitan ng Ating Katapatan
Mayo 2014


Pagsunod sa Pamamagitan ng Ating Katapatan

Ang pagsunod ay tanda ng ating pananampalataya sa karunungan at kapangyarihan ng pinakamataas na awtoridad, maging ang Diyos.

Elder L. Tom Perry

Ang mga family home evening na idinadaos namin ni Sister Perry tuwing gabi ng Lunes ay biglang lumaki. Ang kapatid kong lalaki, ang kanyang anak na babae, ang kapatid na lalaki ni Barbara, at isang pamangkin at kanyang asawa ay lumipat sa aming condominium complex. Ngayon lamang ako nabiyayaang muli na may makatabing kapamilya. Noon, ang pamilya ko’y nakatira sa iisang block na kasama ang ilang kamag-anakan ng aking ina. Ang tahanan ni Lolo Sonne ay nasa kabilang pinto sa hilaga, at ang tahanan ni Aunt Emma ay nasa kabilang pinto sa gawing timog ng aming tahanan. Sa gawing timog ng block ay nakatira si Aunt Josephine, at sa gawing silangan naman nakatira si Uncle Alma.

Noong bata pa ako, kasalamuha namin ang aming mga kamag-anak araw-araw at palagi kaming magkakasama sa pagtatrabaho, paglalaro, at pagkukuwentuhan. Lahat ng kapilyuhan namin ay hindi maaaring hindi makarating agad sa aming mga ina. Iba na ang mundo natin ngayon—ang mga miyembro ng maraming pamilya ay nakatira sa iba’t ibang lugar. Kahit na medyo magkakalapit lang ang bahay nila, kadalasan ay hindi sila magkakapitbahay. Hanggang ngayon, naniniwala ako na ang kabataan ko at ang kasalukuyan kong situwasyon ay parang langit, dahil magkakalapit lang kaming magpapamilya. Nagsisilbi itong paalala sa akin ng kawalang-hanggan ng mga pamilya.

Sa paglaki ko, naging napakalapit ko sa lolo ko. Ako ang panganay na anak na lalaki sa pamilya. Kapag taglamig ako ang nagtatanggal ng niyebe at kapag tag-init inaalagaan ko ang bakuran ng aming tahanan, ng bahay ng Lolo ko, at ng mga bahay ng dalawa kong tiya. Karaniwang nakaupo si Lolo sa kanyang balkonahe habang nagtatabas ako ng damo. Kapag tapos na ako, umuupo ako sa mga baitang sa harap ng bahay niya at nakikipagkuwentuhan sa kanya. Ang mga sandaling iyon ay mga alaalang hinding-hindi ko malilimutan.

Isang araw tinanong ko ang lolo ko kung paano ko malalaman na tama palagi ang ginagawa ko, dahil sa dami ng mga pagpipilian. Gaya ng dating ginagawa ng lolo ko, sumagot siya gamit ang karanasan sa buhay sa bukid.

Tinuruan niya ako kung paano sanayin ang isang pares ng mga kabayo para magtulungan ang mga ito. Ipinaliwanag niya na dapat alam ng magkatuwang na kabayo kung sino ang amo. Ang isang mahalagang paraan ng pagkontrol at pag-uutos sa kabayo ay ang renda at preno nito. Kung ang isa sa magkatuwang na kabayo ay naniniwalang hindi niya kailangang sundin ang kagustuhan ng nagpapatakbo, ang mga ito ay hindi hahatak at magtutulungan para magawa nang mabuti ang trabaho.

Ngayon suriin natin ang aral na itinuro sa akin ng lolo ko gamit ang halimbawang ito. Sino ang nagpapatakbo sa magkatuwang na kabayo? Naniniwala ang lolo ko na ang Panginoon iyon. Siya ang may layunin at plano. Siya rin ang nagsasanay at bumubuo ng magkatuwang na kabayo at, gayundin sa bawat kabayo. Alam ng nagpapatakbo ang pinakamainam, at ang tanging paraan para malaman ng kabayo na palaging tama ang ginagawa niya ay sa pagiging masunurin sa utos ng nagpapatakbo.

Sa ano inihahalintulad ng aking lolo ang renda at preno? Naniwala ako noon, gaya ng paniniwala ko ngayon, na itinuturo sa akin ng lolo ko na sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Para sa kanya, ang renda at preno ay espirituwal. Ang masunuring kabayo na bahagi ng mahuhusay na magkatuwang na kabayo ay nangangailangan ng bahagyang pagbatak mula sa nagpapatakbo para magawa ang ipinagagawa niya rito. Ang bahagyang pagbatak na ito ay katumbas ng marahan at banayad na tinig na gamit sa atin ng Panginoon. Bilang paggalang sa ating kalayaan, hindi ito kailanman malakas, mapuwersang pagbatak.

Ang kalalakihan at kababaihan na nagbabalewala sa mga pahiwatig ng Espiritu ay matututo gaya ng pagkatuto ng alibughang anak, sa pamamagitan ng likas na ibubunga ng pagsuway at magulong pamumuhay. Nang maranasan ng alibughang anak ang likas na bunga ng pagsuway ay noon siya “[n]akapagisip” at narinig ang mga pagbulong ng Espiritu na nagsasabing bumalik siya sa bahay ng kanyang ama (tingnan sa Lucas 15:11–32).

Kaya ang aral na itinuro sa akin ng lolo ko ay ang palaging maging handa sa pagtanggap ng magiliw na pahiwatig ng Espiritu. Itinuro niya na palagi akong makatatanggap ng gayong mga pahiwatig kung sakali mang lumihis ako sa landas. At hindi ako kailanman makagagawa ng mabibigat na pagkakamali kung hahayaan ko ang Espiritu na gabayan ang mga desisyon ko sa buhay.

Gaya ng nakasaad sa Santiago 3:3, “Kung atin ngang inilalagay ang mga preno ng kabayo sa kanilang mga bibig, upang tayo’y talimahin, ay ibinabaling din naman natin ang kanilang buong katawan.”

Kailangan tayong maging sensitibo sa ating mga espirituwal na preno. Kahit sa pinakamarahang paghatak ng Panginoon, kailangang handa tayong baguhin ang landas na ating tinatahak. Para magtagumpay sa buhay, kailangan nating turuan ang ating espiritu at katawan na magtulungan sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Kung pakikinggan natin ang magiliw na mga pahiwatig ng Espiritu Santo, mapag-iisa nito ang ating espiritu at katawan sa layunin at magagabayan tayo pabalik sa ating walang hanggang tahanan upang mamuhay sa piling ng ating Ama sa Langit.

Ang ating ikatlong saligan ng pananampalataya ay nagtuturo sa atin ng kahalagahan ng pagsunod: “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”

Ang uri ng pagsunod na inilarawan ng lolo ko sa kanyang analohiya ng magkatuwang na kabayo ay nangangailangan din ng espesyal na pagtitiwala—ibig sabihin, lubos na pananalig sa nagpapatakbo ng mga kabayo. Ang aral na itinuro sa akin ng lolo ko, kung gayon, ay may kaugnayan sa unang alituntunin ng ebanghelyo—pananampalataya kay Jesucristo.

Itinuro ni Apostol Pablo, “Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita” (Sa Mga Hebreo 11:1). At ginamit ni Pablo ang mga halimbawa nina Abel, Enoch, Noe, at Abraham para ituro ang tungkol sa pananampalataya. Nagtuon siya sa kuwento ni Abraham, sapagkat si Abraham ang ama ng matatapat:

“Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana, at siya’y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.

“Sa pananampalataya siya’y naging manglalakbay sa lupang pangako, na gaya sa hindi niya sariling lupa. …

“Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa’y inari niyang tapat ang nangako” (Sa Mga Hebreo 11:8–9, 11).

Alam natin na sa pamamagitan ng anak nina Abraham at Sara, na si Isaac, isang pangako ang ibinigay kay Abraham—ang pangako ng mga inapo na “kasing dami ng mga bituin sa langit sa karamihan, at di mabilang na gaya ng mga buhanging nasa tabi ng dagat” (tingnan sa talata 12; tingnan din sa Genesis 17:15–16). At ang pananampalataya ni Abraham ay sinubukan sa paraan na ituturing ng marami sa atin na hindi kapani-paniwala.

Maraming beses ko nang pinag-isipan ang kuwento tungkol kina Abraham at Isaac, at hindi pa rin ako makapaniwala na lubusan kong nauunawaan ang katapatan at pagkamasunurin ni Abraham. Marahil kaya kong makinita ang matapat niyang pag-iimpake para umalis nang maaga, ngunit paano kaya niya nakayang lumakad na kasama ang kanyang anak na si Isaac sa tatlong araw na paglalakbay papunta sa paanan ng Bundok ng Moria? Paano nila dinala ang panggatong na susunugin sa tuktok ng bundok? Paano niya itinayo ang altar? Paano niya iginapos si Isaac at inihiga sa altar? Paano niya ipinaliwanag sa kanya na siya ang iaalay? At paano siya nagkaroon ng lakas ng loob na iangat ang patalim para patayin ang kanyang anak? Ang pananampalataya ni Abraham ang nagbigay sa kanya ng lakas na sundin ang tagubilin ng Diyos nang may katumpakan hanggang sa mahimalang pagtawag sa kanya ng anghel mula sa langit, na nagsabi kay Abraham na nakapasa siya sa matinding pagsubok. At pagkatapos ay inulit ng anghel ng Panginoon ang mga pangako ng tipang Abraham.

Alam kong may mga hamon na kaakibat ang pananampalataya kay Jesucristo at ang pagsunod ay magiging mas mahirap para sa ilan. May sapat akong karanasan para malaman na bagamat talagang magkakaiba ang pag-uugali ng mga kabayo at, dahil dito ay maaaring mas madali o mas mahirap silang turuan, at mas maraming pagkakaiba ang mga tao. Bawat isa sa atin ay anak ng Diyos, at kakaiba ang ating kuwento sa buhay noon bago tayo isinilang at sa buhay na ito. Dahil dito, hindi ganoon karami ang mga solusyon na lalapat sa lahat. At kinikilala ko nang lubos na sadyang may pagsubok at pagkabigo sa buhay at, ang pinakamahalaga, na lagi nating kailangan ay ang ikalawang alituntunin ng ebanghelyo, maging ang pagsisisi.

Totoo rin na ang kapanahunan ng lolo ko ay mas simpleng panahon, lalo na tungkol sa mga pagpili ng tama o mali. Bagamat ang ilang napakatatalino at marurunong na tao ay maaaring maniwala na ang mas kumplikado nating panahon ay nangangailangan ng mas kumplikadong mga solusyon, hindi ako kumbinsidong tama sila. Sa halip, naniniwala ako na ang kumplikadong panahon ngayon ay nangangailangan ng mas simpleng solusyon, gaya ng sagot ng lolo ko sa tapat kong tanong kung paano malalaman ang kaibhan ng tama at mali. Alam ko na ang mungkahi ko ngayon ay simpleng pormula, ngunit mapapatotohanan ko na napakaepektibo nito sa akin. Inirerekomenda ko ito sa inyo at inaanyayahan ko kayo na subukin ito batay sa mga sinabi ko, at kung gagawin ninyo ito, nangangako ako na magiging malinaw sa inyo kung alin ang dapat piliin kapag napakarami ninyong pagpipilian, at simple ang magiging sagot ninyo sa mga tanong na nakalilito sa mga taong marurunong at sa mga nag-aakalang sila ay matalino.

Kadalasan iniisip natin na ang pagsunod ay pagiging sunud-sunuran at hindi na pinag-iisipang pagsunod sa mga utos o dikta ng isang taong mas mataas ang katungkulan. Sa katunayan, ang pagsunod ay tanda ng ating pananampalataya sa karunungan at kapangyarihan ng pinakamataas na awtoridad, maging ang Diyos. Nang magpakita si Abraham ng hindi natitinag na katapatan at pagsunod sa Diyos, maging nang utusan siyang ialay ang kanyang anak, siya ay sinagip ng Diyos. Gayundin, kapag ipinakita natin ang ating katapatan sa pagiging masunurin, palagi tayong sasagipin ng Diyos.

Ang mga umaasa lamang sa kanilang sarili at ang sinusunod ay ang sarili nilang mga hangarin at hilig ay masyadong limitado ang nagagawa kumpara sa mga sumusunod sa Diyos at umaasa sa Kanyang karunungan, kapangyarihan, at mga kaloob. Sabi nga nila, ang taong sarili lamang niya ang iniisip ay mababaw lang ang pagkatao. Ang tapat at patuloy na pagsunod ay hindi kahinaan o pagiging sunud-sunuran. Ito ang paraan ng pagpapahayag natin ng ating pananampalataya sa Diyos at pagiging karapat-dapat natin na tanggapin ang mga kapangyarihan ng langit. Ang pagsunod ay pagpili. Ito ay pagpili sa pagitan ng ating limitadong kaalaman at kakayahan at sa walang-hanggang karunungan at kapangyarihan ng Diyos. Sang-ayon sa aral na itinuro ng lolo ko, ito ay pagpili na mahiwatigan ang espirituwal na paramdam at pagsunod sa nais na pagdalhan sa atin ng nagpapatakbo.

Nawa maging mga tagapagmana tayo ng tipan at maging binhi ni Abraham sa pamamagitan ng ating katapatan at sa pagtanggap ng mga ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Nangangako ako sa inyo na ang mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan ay para sa lahat ng matatapat at masunurin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.