2017
Basahin at Ipagdasal Lamang
Setyembre 2017


Basahin at Ipagdasal Lamang

girl looking at tablet

Noong 17 taong gulang ako, sinabi sa akin ng isang kaibigan ko na Mormon siya. Wala pa akong ideya noon kung ano ang isang Mormon. Hindi ako pinagsimba ng mga magulang ko, kaya wala akong masyadong alam tungkol sa Biblia o tungkol sa Diyos, at hindi ko gustong malaman ito. Sinabi ko sa kaibigan ko, “Kung gusto kong malaman ang anumang bagay tungkol diyan, ako mismo ang aalam dito.”

Nang makita niya na hindi ko masyadong pinapansin ang Simbahan, binigyan na lamang niya ako ng kopya ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin na basahin at ipagdasal ito. Hindi siya namimilit o kaya’y nainis na ayaw kong marinig ang tungkol sa Simbahan. Ang gusto lamang niyang gawin ko ay magbasa at magdasal.

Nang buksan ko ang aklat noong gabing iyon, napansin ko ang kanyang patotoo na nakasulat sa harapan. Habang binabasa ko ang kanyang patotoo, nadama ko na dapat kong malaman ang tungkol sa aklat na ito. Kaya’t sinimulan kong basahin ang 1 Nephi. Hindi ko mailapag ang aklat. Kailangan kong malaman pa ang tungkol dito.

Kalaunan, dumalo ako sa isang family home evening kasama ang kanyang pamilya kung saan itinuro nila sa akin ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kahit wala pa akong nalalaman tungkol sa ebanghelyo, lahat ng ito ay tila may katuturan. Habang nadaragdagan ang nalalaman ko, nagbago ang saloobin ko tungkol sa simbahan, sa Diyos, at kay Jesucristo. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, gusto kong gawin ang gusto ng Diyos na ipagawa sa akin. Di nagtagal tinuruan ako ng mga missionary at bininyagan at kinumpirma bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Binago ng Aklat ni Mormon ang buhay ko. Kapag naaalala ko ang nangyari noon, nakikita ko kung paano ako tinulungan ng Espiritu Santo na naising madagdagan pa ang aking nalalaman. Tinulungan ako ng ebanghelyo na makilala kung sino ako, kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta kung magiging tapat ako. Nagpapasalamat ako sa kaibigan ko na nagbahagi nito sa akin at ipinakita sa akin na ibinabahagi ng isang tunay na kaibigan ang mga katotohanan ng ebanghelyo.