2021
Pagiging mas Mabubuting Katiwala ng Daigdig na Nilikha ng Diyos para sa Atin
Marso 2021


Mga Young Adult

Pagiging Mas Mabubuting Katiwala ng Daigdig na Nilikha ng Diyos para sa Atin

Mula sa mensaheng ibinigay sa ika-18 taunang Stegner Center Symposium sa University of Utah sa Salt Lake City noong Abril 12, 2013.

Kapag mas nagmamalasakit tayo sa mundong ito at sa lahat ng narito, mas mainam nitong maitataguyod, mabibigyang-inspirasyon, mapapalakas, mapapasigla, at mapasasaya ang ating mga puso at espiritu.

a man standing at the bottom of a Sequoia tree

Gusto kong napaliligiran ako ng kalikasan, ito man ay sa hiking, skiing, sea kayaking, pagbibisikleta, o pagpunta sa safari. Noong bata pa ako, gustung-gusto kong pumunta sa kakahuyan at madama ang tahimik at malinaw na patotoo ng mga nagtataasang evergreen na puno tungkol sa Tagapaglikha. Sa aking pagtanda, natutuhan ko sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya na kung nauunawaan natin kung sino tayo, ano ang layunin ng buhay, at kung bakit nilikha ang mundo—at laging isinasaisip ang mga bagay na ito—ituturing natin ang mundong ito, at lahat ng narito, sa mas mataas at dakilang paraan.

Ang Layunin ng Diyos sa Paglikha ng Daigdig

Ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta kapwa noon at ngayon, ay nagsisikap na tulungan tayong maunawaan at mapahalagahan ang kaloob na mabuhay sa magandang mundong ito. Sa Lumang Tipan, itinuring ni David ang maringal na mga nilikha ng Diyos at pinag-isipan nang malakas ang dahilan—sa gayong mga kababalaghan—kung bakit inaalala ng Diyos ang tao (tingnan sa Mga Awit 8:4). Sinabi pa ni David na ang sangkatauhan ay espesyal, “mababa lamang nang kaunti kaysa mga anghel” (Mga Awit 8:5).

Nakita rin ni Moises sa pangitain ang mga daigdig na hindi mabilang1 at sinabing, “Ngayon, sa kadahilanang ito, aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman” (Moises 1:10).

Sa pagpapakumbaba ni Moises sa harap ng kagila-gilalas na mga likha ng Diyos, hindi niya naunawaan ang isang dakilang katotohanan. Kaya ipinakita sa kanya muli ng Panginoon ang Kanyang walang hanggang paglikha at diretsahang sinabi na Siya—ang Diyos—ang gumawa ng mga nilikhang ito “upang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang mundong ito—ang lahat ng nilikha—ay nilayon upang tulungan tayong magkamit ng imortalidad at buhay na walang-hanggan.

Sa pagsasalitang muli tungkol sa layunin ng mundo, sinabi ng Panginoon, “Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila [ibig sabihin tayo] makapaninirahan; at susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos ”(Abraham 3:24–25; tingnan din sa talata 26). Ang buhay sa mundong ito, lakip ang kaloob na kalayaang moral, ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong piliing hangarin at balang-araw ay matanggap ang lahat ng nais ibigay ng Diyos.2

Nang matapos ang paglikha sa mundo, nalugod ang Diyos dahil nakita Niya na maisasakatuparan nito ang Kanyang layunin para sa atin, na Kanyang mga anak.3 Ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos at ang mga pamilyang binubuo nila ay hindi mga taong hindi nararapat na nasa mundong ito; bagkus, sila ang pinakamahalaga sa layunin nito.4

Dapat Tayong Maging Mabubuting Katiwala

Ang buhay sa mundong ito ay kapwa pagpapala at responsibilidad. Sinabi ng Panginoon, “Masdan, ang mga hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid, at ang mga yaong nagmumula sa lupa, ay inorden upang gamitin ng tao para sa pagkain at para sa kasuotan, at upang siya ay managana” (Doktrina at mga Tipan 49:19). Gayunman, dahil ang mundo at ang lahat ng narito ay “gawa ng [Kanyang] kamay” (Doktrina at mga Tipan 29:25), lahat ng ito ay sa Kanya.5 Bilang pansamantalang mga naninirahan sa mundong ito, tayo ay mga katiwala—hindi may-ari. Dahil dito, pananagutan natin sa Diyos—ang may-ari—kung ano ang ginagawa natin sa Kanyang nilikha: “Sapagkat kinakailangan na ako, ang Panginoon, ay dapat panagutin ang bawat tao, bilang isang katiwala sa mga makalupang pagpapala, na aking ginawa at inihanda para sa aking mga nilalang” (Doktrina at mga Tipan 104:13).

meadow grass and flowers in girl’s hand

Kung paano natin pangalagaan ang mundo, kung paano natin ito gamitin at ibahagi ang mga kasaganaan nito, at kung paano natin pakitunguhan ang lahat ng ibinigay sa atin ay bahagi ng pagsubok sa buhay na ito. Dapat tayong maging mapagpasalamat sa paggamit ng mga bagay na ibinigay ng Panginoon, iwasang sayangin ang buhay at kabuhayan, at gamitin ang kasaganaan ng lupa upang pangalagaan ang mga maralita.6 Lubos na nagmamalasakit ang Panginoon sa lahat ng buhay at lalo na sa Kanyang mga anak, at pananagutin tayo sa pinipili nating gawin (o hindi natin ginagawa) sa mga biyaya ng Kanyang likha.

Nangangako ang Panginoon sa atin na kung susundin natin Siya at gagamitin sa kabutihan ang mga kayamanan ng mundo nang may pasasalamat at paggalang, “ang kabuuan ng mundo ay [atin], ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid. … At ikinalulugod ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao; sapagkat sa ganitong hangarin ang mga ito ay ginawa upang gamitin, nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pagkuha nang sapilitan” (Doktrina at mga Tipan 59:16, 20).

Dapat nating gamitin ang mga ito nang may tamang paghatol at pasasalamat, na may layuning tulungan ang iba—kasalukuyan, nagdaan, at darating na mga henerasyon—na matanggap ang mga pagpapalang hangad ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

Pagtingin nang Lampas sa Ating Sarili

Nakalulungkot na ngayon ay nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan maaaring piliin ng mga tao na tanggihan ang Diyos at pakitunguhan ang Kanyang nilikha nang may panghahamak. Kapag nangyayari ito, ang Diyos at ang nilikha ay nasasaktan.

Itinala ni Enoc na nanangis ang Diyos dahil sa mga maling pasiya at nakamamatay na kasakiman ng Kanyang mga anak.7 Ipinropesiya ni Moroni na sa mga huling araw ay magkakaroon ng “mga sunog, at unos, at ulap ng usok … [at] malaganap na karumihan sa balat ng lupa,” at ang gayong mga kundisyon ay may kasamang “lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain; kung kailan marami ang magsasabi, Gawin ninyo ito, o gawin ninyo iyon, at walang anuman iyon” (Mormon 8:29, 31). Kapag dinudumihan ng tao ang mundong ito sa espirituwal o temporal, hindi lamang ang Diyos kundi maging ang kalikasan ay nagdurusa rin!8

Ang mahalaga, ang mga pagpapala at kapangyarihang makakamtan sa pamamagitan ng ipinanumbalik na Simbahan at ebanghelyo ng Panginoon ay may kakayahang palakihin at baguhin ang kaluluwa ng tao nang higit sa sarili nito, na naghihikayat ng pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga nilikha, at tumutulong sa atin na isipin ang kapakanan ng iba at ikonsidera ang mga pangangailangan ng darating na mga henerasyon.

Inilalapit Tayo ng Kalikasan sa Diyos

Ang mundo at lahat ng buhay ay hindi lamang mga bagay na dapat gamitin at/o pangalagaan; ang ilang bahagi nito ay dapat ding ipreserba o ingatan! Ang malinis na kalikasan at “lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa … ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, … upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso … at pasiglahin ang kaluluwa” (Doktrina at mga Tipan 59:18–19).

Ang malinis na kalikasan ay naglalapit sa atin sa Diyos, inaalis sa puso at isipan ang ingay at mga panggagambala ng materyalismo, iniaangat tayo sa mas mataas, mas dakilang lugar, at tinutulungan tayong higit na makilala ang ating Diyos: “Ang mundo ay umiinog sa kanyang mga pakpak, at ang araw ay nagbibigay ng kanyang liwanag sa umaga, at ang buwan ay nagbibigay ng kanyang liwanag sa gabi, at ang mga bituin din ay nagbibigay ng kanilang liwanag. … Sinumang tao ang makakita “ng anuman o ng pinakamaliit nito ay nakikita ang Diyos na gumagalaw sa kanyang kamahalan at kapangyarihan” (Doktrina at mga Tipan 88:45, 47).

Hilig ko pa rin ang maglakad paakyat sa mga bundok sa mariringal na malalaking bato at taluktok. Bagaman tahimik, nangungusap ang mga ito tungkol sa kapangyarihan at karingalan ng Diyos—at Kanyang walang kapantay na talino para sa kagandahan. Tulad ng pinatotohanan noon ni Alma, “Lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, … ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha” (Alma 30:44).

Gustung-gusto kong tinitingnan ang mga bituin sa gabi, sinisikap na intindihin sa aking isipan ang kawalang-hanggan ng panahon at ang kalawakan na aking namamasdan. Palagi akong namamangha sa kaalaman na dumarating sa tahimik na mga sandaling iyon, sa kabila ng malaking kalawakan, na kilala ng Panginoon ng sansinukob ang maliit na taong gaya ko. At kilala Niya ang bawat isa sa atin. Ang paglikha ay saksi ng Tagapaglikha, at kung pangangalagaan natin ang espesyal at malilinis na lugar na ito, napakainam at lubos itong magpapatotoo sa ating Diyos at bibigyang-inspirasyon tayo na sumulong.

Kapag mas nagmamalasakit tayo sa mundong ito at sa lahat ng narito, mas mainam nitong maitataguyod, mabibigyang-inspirasyon, mapapalakas, mapapasigla, at mapasasaya ang ating puso at espiritu–at ihahanda tayo na manirahan sa piling ng ating Ama kasama ang ating mga pamilya sa isang selestiyal na lugar, maging ang mismong mundong ginagalawan natin ngayon, ngunit sa mas niluwalhating kalagayan.9

Nawa ay buong pasasalamat nating pangalagaan ang mundong ito—ang ating kasalukuyan at potensiyal na tahanan sa hinaharap.