2021
Ang Mahalagang Papel ng Kababaihan
Marso 2021


Ang Mahalagang Papel ng Kababaihan

Mula sa isang mensahe sa Brigham Young University Women’s Conference, “Women of Dedication, Faith, Determination, and Action,” na ibinigay noong Mayo 1, 2015.

Hindi maisasakatuparan ng gawain ng kaharian ng Diyos ang tunay na tadhana nito kung hindi nito kasama sa pagsulong ang matatapat at kahanga-hangang kababaihan ng Simbahan.

photos of women in various settings

Pambihira ang impluwensya ng kababaihan. Walang ibang makakatulong sa pagsulong ng kaharian ng ebanghelyo at magagawang mas mainam na lugar ang mundo na tulad ng makakaya nilang gawin.

Kapag nakikiisa kayong mga sister sa iba pang kababaihan ng tipan sa pagkakaisa at pagkakasundo, walang hangganan ang inyong impluwensya sa kabutihan. Nasaksihan ko ang inyong malaki at walang-hanggang impluwensya sa buhay ng bawat tao gayundin sa mga pamilya, at nakita ko ito sa napakaraming kultura at mga bansa sa buong mundo.

Nakita ko na ang magagawa ninyo sa mga branch, ward, stake, mission, templo, at sa pangkalahatang gawain sa Simbahan. Ang inyong mga kontribusyon—sa maliliit at malalaking negosyo at kawanggawa, gayundin sa mga organisasyong sibiko, pang-edukasyon, pang-kalusugan, at isports—ay hindi masusukat.

Kababaihan sa mga Council

Maraming taon na akong nagsasalita tungkol sa kapangyarihan ng mga council na nilalahukan ng matatapat na kababaihan. Ang inyong kaalaman at payo ay talagang napakahalaga. Lubos na pinagpapala ng Panginoon ang Simbahan at ang mundo dahil mas maraming sister missionary ang tapat na naglilingkod sa mga katungkulan ng pamumuno sa mission at nakikibahagi sa mga mission leadership council. Mas marami ang tumatanggap ng kanilang endowment nang mas maaga, at sa gayon ay nadaragdagan ang bilang ng mga babaeng nakipagtipan na sa templo na naglilingkod sa Simbahan. Nananalangin at nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya ang mga pinunong babae sa mga General Presidency.

Kababaihan sa mga Banal na Kasulatan

Nais ng ilang kababaihan na makakita sila ng mas marami pang kuwento ng kababaihan sa mga banal na kasulatan at sa kasaysayan ng Simbahan. Kailangan nating magkaroon ng kakayahang hanapin ang kanilang impluwensya, tulad ng ginawa ng isang dalagita. Sabi niya, “Siguro kahanga-hanga ang asawa ni Mormon na nagpalaki sa kahanga-hangang anak na tulad ni Moroni!”

Kung titingnan ninyong mabuti at sa tamang diwa, makikita ninyo ang gayon ding mga pagpapakita ng epektibong pangangalaga sa mga banal na kasulatan.

Sa loob ng ilang taon na ngayon, nagtuon ng pansin ang Simbahan sa matatapat na kababaihan sa Simbahan at sa kanilang mga kontribusyon. Halimbawa, inaanyayahan ko kayong suriin ang paksang “Women of Conviction” na matatagpuan sa history. ChurchofJesusChrist.org

Ang papel ng kababaihan na mga pioneer ay pambihira. Nang magsulat tungkol sa mga pioneer, ang isang awtor, na hindi Banal sa mga Huling Araw, ang nagsabing, “Kahanga-hanga ang kanilang kababaihan.”1

Sa paghahanap natin ng kababaihan sa ating mga banal na kasulatan at sa ating kasaysayan, mas mauunawaan natin ang kapangyarihan at impluwensya ng kababaihan sa ating pamilya, komunidad, Simbahan, at sa mundo.

Mga Opsiyon sa Pagbalanse

eye doctor examining a woman’s eyes

Sa kapanahunan ko marami na kaming nakitang kababaihang itinalaga at nahalal sa mga katungkulan sa gobyerno, naging mga CEO ng malalaking korporasyon at organisasyon, at dumarami ang kababaihang natatanggap sa mga bantog na paaralan ng negosyo, abugasya, at medisina.

Sinabi ni Joseph Smith sa Relief Society noong 1842, “Akin na ngayong inililipat sa inyo ang susi sa pangalan ng Diyos at ang samahang ito ay magagalak at ang kaalaman at katalinuhan ay dadaloy mula sa oras na ito—ito ang simula ng magagandang araw [para sa kababaihan].”2

Nakikita natin ang katuparan ng pananaw na ito ng propeta bilang mga bagong oportunidad at pagsulong ng kababaihan sa lahat ng paraan. Ang pagbalanse sa lahat ng makukuhang mga opsiyon ay maaaring isang hamon. Sa huli, karamihan sa atin ay kailangang pumili sa magkakatunggaling mga opsiyon.

Siyempre, tayo ay may banal na huwaran na susundin tulad ng nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ngunit alam natin na maaaring maging kumplikado ang mortalidad. Maraming kababaihan ang matagal nang single o walang-asawa. Ang ilang mga kababaihan ay may-asawa. Ang iba ay nagiging single kapag namatay ang asawa o kaya ay nagdiborsiyo. At maaaring hindi kailanman makasal ang ilang kababaihan.

Gayunman, kung tayo ay tapat at magtitiis hanggang wakas, walang mabuting hangarin na ipagkakait, at matatanggap ang lahat ng pagpapala sa huli. Kailangang malaman ng bawat isa sa inyo kung ano ang nais ng Panginoon para sa inyo, sa mga pagpipilian na nasa harapan ninyo.

Oras na malaman ninyo ang kalooban ng Panginoon, maaari na kayong sumulong nang may pananampalataya upang tuparin ang inyong indibiduwal na layunin.

Mga Biyayang Nakalaan

Kung ang mga miyembro ng Simbahan na sumasamba sa templo ay nakaayon sa Espiritu, matatanto nila na ang Panginoon ay may kagila-gilalas na mga pagpapala para sa Kanyang matatapat na anak sa buong kawalang-hanggan.

At ano naman ang mga pagpapalang iyon? Ang pananaw na ito ng konteksto mula kay Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagpaliwanag sa mga ito: “Ang layunin ng buhay sa lupa at ang misyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kanilang tadhana—na maging katulad ng ating mga magulang sa langit.”3

Ang kuwento ng ebanghelyo ay isang kuwento ng pamilya—walang labis, walang kulang. Nagsisimula ito sa mga magulang sa langit, at nagtatapos sa mga anak na naglalakbay sa kung minsan ay napakasaya, kung minsan ay napakaraming hamon sa buhay na ito, pabalik sa kanilang tahanan sa langit, matapos matanggap ang lahat ng mahahalagang ordenansa ng walang-hanggang kadakilaan.

Iyan ang kuwento ng ating buhay. Ibinigay sa atin ng Diyos ang balangkas, ngunit ipinauubaya Niya sa atin ang paghimay sa mga detalye sa pamamagitan ng ating mga pagpili at katapatan. May pambihirang maligayang pagtatapos na nakalaan sa lahat ng naghahangad nito. Ngunit bago natin ito makamtan, kailangan tayong maging higit pa sa Kanyang mga anak—kailangan tayong maging Kanyang mga disipulo.

Kababaihan Bilang mga Disipulo ni Cristo

Ang buhay ay puno ng mga panggagambala na may potensyal na ilayo tayo sa mga pangunahing turo ng Simbahan—lalo na sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”4

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang nasa sentro ng ating mensahe! Ito ang ating pangunahing pinahahalagahan. Ito ang sentro ng ating doktrina. Ito ang puso at kaluluwa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Kung hindi pa ninyo nadama ang katotohanan at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa inyong buhay, inaanyayahan ko kayo na magtuon sa pangunahing mensahe ng Pagpapanumbalik—isang mensaheng nagpapahayag na tayo ay “magiging sakdal sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo” (Doktrina at mga Tipan 76:69).

Mga kapatid, gawin sana ninyo ang anumang kailangan para manatiling nakatuon sa simple at sentrong mensahe ng Pagpapanumbalik. Tanggapin ito. Unawain ito. Tanggapin ito. Mahalin ito. Ibahagi ito. Ipagtanggol ito.

Kababaihan at Kapangyarihan ng Tipan

woman in wheelchair teaching a class

Ngayon, hihilingin ko sa inyo na gawin din ang ipinagawa noon ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society. “Ang … Relief Society ay hindi lamang para magbigay ginhawa sa mga dukha, kundi para magligtas ng mga kaluluwa,” sabi niya.5

“Bawat kapatid na babae sa Simbahang ito na gumawa ng mga tipan sa Panginoon ay binigyan ng banal na tagubilin na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, na akayin ang kababaihan ng daigdig, patatagin ang mga tahanan sa Sion, at itayo ang kaharian ng Diyos.”6 Tulungan po sana ninyo kami na patuloy na isulong ang Simbahan sa pamamagitan ng pagtulong na magkaroon ng higit na pananampalataya sa buhay ng ating mga miyembro.

Ang mabubuti at matatapat na kababaihan ay palaging may mahalagang papel na ginagampanan sa pagliligtas ng mga kaluluwa at pagtatanggol sa kaharian ng Diyos. Gayunman, kayong mga kababaihan ng huling dispensasyong ito ay may espesyal na mahahalagang papel at responsibilidad na isasakatuparan. Kayo ay kababaihan ng determinasyon, pananampalataya, dedikasyon, at gawa.

Tulad ng matatapat na kababaihan noon, kailangang matutuhan ninyo kung paano gamitin ang awtoridad ng priesthood na ipinagkaloob sa inyo upang matamo ang bawat walang-hanggang pagpapala na mapapasainyo.

Hinihiling ko sa ating Ama sa Langit na pagpalain kayo nang sa gayon ay magkaroon kayo ng kapayapaan at panatag na katiyakan na ang ginagawa ninyo sa loob ng Simbahan ay mahalaga sa paglago at paghahanda sa mundong ito para sa araw na iyon na sasabihin ng Panginoon at Tagapagligtas, “Ito ay sapat na,” at darating para mamuno at maghari.

Ang gawain ng kaharian ng Diyos ay susulong at lalaganap, ngunit hindi nito magagampanan ang tunay na tadhana nito kung hindi kayo kasama, kayong matatapat at kahanga-hangang kababaihan ng Simbahan.

Mga Tala

  1. Wallace Stegner, The Gathering of Zion: The Story of the Mormon Trail (1964), 13.

  2. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2017), 14–15.

  3. Dallin H. Oaks, “Same-Gender Attraction,” Ensign, Okt. 1995, 7.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 58.

  5. Mga Turo: Joseph Smith,, 531.

  6. M. Russell Ballard, “Kababaihan ng Kabutihan,” Liahona, Dis. 2002, 39.