2021
Sa Pag-aaral tungkol sa mga Tradisyon ng Kristiyano Naging Mas Makahulugan sa Akin ang Pasko ng Pagkabuhay
Marso 2021


Digital Lamang

Sa Pag-aaral tungkol sa mga Tradisyon ng Kristiyano Naging Mas Makahulugan sa Akin ang Pasko ng Pagkabuhay

Matapos pag-aralan sa kolehiyo ang mga relihiyon ng mundo, natanto ko na mas magagawa kong makahulugan sa akin ang Pasko ng Pagkabuhay bilang Banal sa mga Huling Araw.

bato sa pintuan ng libingan

Sa isang semestre sa kolehiyo, habang nakaupo sa isang maliit na lecture hall at pinag-aaralan ang mga relihiyon sa iba’t ibang panig ng mundo, lagi akong may nakikitang bagay na nauugnay sa personal kong paglalakbay bilang disipulo ni Jesucristo, ito man ay isang ritwal, isang alituntuning gumagabay, o isang talata ng sagradong teksto.

Ang pinaka-natutuhan ko sa klase ay ang kaalaman na binibigyan ng Diyos ng inspirasyon ang Kanyang mga anak sa lahat ng dako. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ikinararangal at iginagalang namin ang mga tapat na kaluluwa sa lahat ng relihiyon, saan man o kailan man sila nabuhay, na nagmahal sa Diyos, kahit wala sa kanila ang kabuuan ng ebanghelyo. … Tinatanggap namin sila bilang mga kapatid, mga anak ng ating Ama sa Langit. …

“Nakikinig Siya sa mga dalangin ng mapagpakumbaba at matatapat na tao sa bawat bansa, wika, at lahi. Binibigyan Niya ng liwanag ang mga naghahanap at gumagalang sa Kanya at handang sundin ang Kanyang mga utos.”1

Ngayong paparating na ang Pasko ng Pagkabuhay, narito ang ilang kaugalian na makikita sa iba’t ibang panig ng mundo na nakapagbibigay ng inspirasyon sa akin. Bagama’t hindi natin ginagawa ang mga tradisyong ito bilang mga miyembro ng Simbahan, ang malaman kung paano inaalala ng ibang mga Kristiyano ang Tagapagligtas ay makakatulong sa atin na magawang mas makahulugan din ang sarili nating pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.

Kuwaresma [Mahal na Araw]

Ang kuwaresma ay tradisyong ipinagdiriwang ng ilang mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo. Ito ay panahon ng espirituwal na pagpapakumbaba at pag-unlad na nagsisimula anim na linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay kung kailan inihahanda ng mga mananampalataya ang kanilang sarili para sa pista-opisyal sa pamamagitan ng personal na sakripisyo. Kabilang dito ang mga espesyal na araw ng pag-aayuno at paglilimos. Sa panahon ng kuwaresma, hinihikayat din ang mga mananampalataya na umiwas sa mga pisikal na bagay—tulad ng paboritong pagkain, laro, palabas sa TV, o libangan—at ilaan sa espirituwal na pag-aaral at panalangin ang libreng oras na iuukol sana sa mga bagay na iyon.

Gustung-gusto ko ang ideya na ang Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring maging nakapagpapabagong karanasan sa pagitan ko at ng Tagapagligtas. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, hindi natin ginagawa ang Kuwaresma, ngunit nang malaman ko ito ay ninais ko na mas mag-ukol pa ng oras sa pag-alaala at espirituwal na paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay, sa pamamagitan man ng pag-aayuno, higit na pag-aaral tungkol sa buhay ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan, o paggawa ng family history o pag-iindex upang maipaalala sa akin kung gaano kahalaga ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa akin at sa lahat ng aking mga ninuno.

Easter Eggs

Lumaki ako sa isang tahanan na ang pagtitina ng mga nilagang itlog ay isang pinapahalagahang tradisyon. Sa ilang mga bansa sa Europa (tulad ng Ukraine at Lithuania), mas mahirap ang proseso. Sa halip na lagyan lamang ng tina ang mga nilagang itlog, ang mga itlog ay inaalisan ng laman, dinidisenyuhan ng magagandang wax pattern, at pinipinturahan. Ang kinalabasang produkto ay itlog na walang-laman na sumasagisag kapwa sa libingang walang-laman at sa magandang pag-asang dulot ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Napakadaling malimutan ang malalim na kahulugan ng mga tradisyon na mayroon tayo, ngunit mahalagang pag-isipan sandali ang ibig sabihin ng mga ito at kung paano tayo natutulungan ng mga ito. Sa susunod na magtitina ako ng mga itlog, gusto kong maglaan ng mas maraming oras upang mailarawan ko nang mas mabuti ang nilalaman ng aking isipan.

Ang Hapunan ng Panginoon

Maraming Kristiyano ang tumatanggap ng Hapunan ng Panginoon, o ng sacrament. Habang lalo kong nalalaman kung gaano kasimboliko ang sacrament at kung gaano kahalaga ito sa napakaraming relihiyon, lalo na sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, lalo kong natatanto ang madalas na pagbabalewala ko sa lingguhang kaloob na iyon.

Maraming Kristiyano ang nagtutuon sa paghahanda nang isipane at espiritu para sa sacrament bago sila makibahagi. Namangha ako sa kapangyarihang ipinadarama ng sacrament sa mga mananampalatayang ito dahil sa kanilang paghahanda. Dahil sa kanilang halimbawa, pinag-isipan ko ang sarili kong paghahanda para sa sacrament. Ngayon ay naiisip ko ang maraming paraan na ako ay espirituwal na makapaghahanda para sa sacrament tuwing linggo, at dahil dito naging makabuluhan ang ordenansa sa buhay ko habang nakatuon ako sa tunay na simbolo nito.

Natututo mula sa Iba

Sa buong mundo, iba’t iba ngunit malalim ang paraan ng pagdiriwang ng mga tao. Sa Espanya, itinitigil ang pagpapatugtog sa mga kampana ng simbahan nang ilang araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay bilang pagkilala sa pagdurusa at kamatayan ni Cristo, at pinatutugtog muli ang mga ito pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa Russia, binabati ng pamilya, mga kaibigan, at mga estranghero ang isa’t isa sa pagsasabi ng, “Siya’y nagbangon,” na sasagutin naman ng taong binati ng “Tunay ngang Siya’y nagbangon.”

Ipinagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ang pinakamasayang pangyayari sa kasaysayan ng mundo, isang pangyayaring pinagkukunan ko ng patuloy na pag-asa. Ang mga halimbawa ng mga mananampalataya at kultura sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagpapaalala sa akin na gawing makabuluhan ang aking pagdiriwang nang may masusing paghahanda at maglaan ng mas maraming oras na mapalapit sa Diyos. At higit sa lahat, ipinapaalala sa akin ng mga ito kung bakit natin ipinagdiriwang ang pista-opisyal na ito at kung paano tayo nito higit na mailalapit kay Cristo.