Digital Lamang: Mga Young Adult
Ang Aking Isang Pares ng Pantalon: Isang Pananaw ng Ebanghelyo sa Simpleng Pamumuhay
Nakadama ako ng lubos na kasiyahan sa istilo ng pamumuhay na sumusuporta sa layuning pangalagaan ang mundo.
Isa lang ang pantalon ko—isang maayos na itim na pantalon na maong. Maaaring hindi ito pangkaraniwan, pero ang kakatwang katotohanang iyon ay nagpapasaya sa akin nang lubos. Pagkatapos ng kolehiyo, kinailangan ko nang umalis sa apartment ko sa Finland, at dahil nagplano akong lumagi sa Estados Unidos nang dalawang buwan, kinailangan kong isipin kung ano ang gagawin ko sa lahat ng gamit ko. Kaya inilista ko ang lahat ng gamit ko at natanto na kaunti lang pala ang talagang kailangan ko. Matapos ang masusing pag-iisip, ipinasiya kong ipagbili ang mga sobrang gamit ko bago ako lumipat. Ang saya ng pakiramdam ko, at kahit ilang taon na ang nakalipas, magaan pa rin sa pakiramdam ko hanggang ngayon na kakaunti lang ang gamit ko.
Hindi ko man masabi na isa na akong ganap na minimalist, doon na patungo ang direksyon ng aking pamumuhay. Dahil mas batid ko na kung ano at gaano karami ang nagagamit ko ay kusa ko nang napag-iisipan ang aking personal na responsibilidad sa kapaligiran, lalo na sa pananaw ng ebanghelyo.
Kasaganaan bersus Kalabisan
Sa mga banal na kasulatan, nalaman natin na ang mundo ay nilikha para matirahan natin (tingnan sa 1 Nephi 17:36) at na lahat ng bagay sa mundo ay ginawa para sa ating kapakinabangan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:16–19). Pinayuhan tayo na maging mabubuting katiwala ng mundong ito, na dahilan para itanong natin kung paano magagampanan ang mahalagang responsibilidad na iyan. Ang isang paraan ay ang alaming mabuti kung anong resources ang ginagamit natin.
Ibinigay sa atin ng Panginoon ang resources na ito upang tayo ay “managana” (Doktrina at mga Tipan 49:19). Ngunit alam din Niya ang likas na katangian ng tao, kaya binalaan Niya tayo na huwag gamitin nang labis ang resources na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:20). Anumang labis ay magpapawala ng pagpapahalaga natin sa mga bagay-bagay, na hindi lamang magpapatigas ng puso o mag-aalis ng kakayahang malaman kung kanino nanggagaling ang ating mga pagpapala, kundi magbubunga rin, sa kasong ito, ng mga problema sa kapaligiran. Madalas ko itong itinatanong: saan ang hangganan sa pagitan ng pagkakaroon ng “kasaganaan” at pagkakaroon ng labis?
Ipinabatid sa Doktrina at mga Tipan 59:18–19 na “lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa … ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso; … upang palakasin ang katawan at pasiglahin ang kaluluwa.” Mauunawaan natin na hindi lamang ibinibigay sa atin ang resources para lang manatiling buhay—layon din nito na makapagdagdag sa ating kagalakan.
Kagalakan sa Pagkakaroon ng Kaunti Lamang
Noong nagpapasiya ako kung aling mga damit ang tatanggalin at alin ang mga itatabi, itinira ko lang ang talagang kailangan ko, at ang mga bagay na pinakagusto ko. Natanto ko na sa pagkakaroon ng maraming bagay, tulad ng damit, mas nahihirapan akong pahalagahan ito. Matapos piliin ang pantalong pinakagusto ko at talagang ginagamit ko, mas masaya ako kapag suot ko ito. Gayundin ang pakiramdam ko sa iba ko pang mga gamit.
Kung minsan maaaring makatulong na suriin natin ang ating buhay at baguhin ang pagtingin natin sa resources na ito na bigay ng Diyos. Sa sitwasyon ko, naging masaya ako sa pagkakaroon ng kaunti, at nagresulta ito sa pagbabago ng aking pamumuhay na nakatulong sa akin na pangalagaan ang mundo.
Kahit tila hindi nakagagawa nang malaking kaibhan ang kani-kanya nating pagsisikap na pangalagaan ang mundo, maaari tayong magkusang turuan ang ating sarili at kumilos. Maaari nating hilingin ang patnubay ng Espiritu kapag sinusuri natin ang ating buhay at nagpapasiya tungkol sa ating mga materyal na pag-aari at mga gagawin. Tulad ng pagmamalasakit ng Panginoon sa lahat ng Kanyang mga nilikha—maging ang bawat talim ng damo—nawa ay lubos din nating inaalala ang mundong ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga kinakailangang pagbabago, paghahanap ng ikinasisiya natin tungkol dito, at pagtutuon ng ating puso sa pangangalaga nito.