Pagpapanatili sa Musika Bilang Sentro ng Pagsamba
Ang musika ay palaging naging—at laging magiging—nasa sentro ng pagsamba, sa simbahan at sa tahanan.
Mga ilang linggo lang matapos maorganisa ang Simbahan, inutusan ng Panginoon si Emma Smith na “gumawa ng pagtitipon ng mga banal na himno, … na kalugud-lugod para sa akin, upang magamit sa aking simbahan” (Doktrina at mga Tipan 25:11). Kailangan noon ng mga Banal ng mga paraan para matutuhan ang bagong inihayag na mga katotohanan ng ebanghelyo at magkaisa sa pagpuri sa Diyos. At ang mga himno ay magiging sentro ng kanilang pagsamba at pagkatuto.
Ilang taon na ang nakalipas, nang sumapi sa Simbahan ang pamilya ko, hinikayat kami ng mga magulang ko na pag-aralan ang musika ng bago naming relihiyon. May ilan akong malilinaw na alaala ng panahong iyon:
-
Pagkabisa sa “Panalangi’y Mithiing Tunay,” (Mga Himno, blg. 81) kasama ng aking pamilya.
-
Pakikinig sa “O My Father” (Hymns, blg. 292) at pagkaalam na mayroon akong Ama at Ina sa Langit na maaari kong makitang muli balang-araw.
-
Pagkadama sa pag-ibig ng Diyos habang kinakanta ang “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16)—kahit na nakatira ako sa disyerto at hindi pa talaga nakakita ng lilac tree!
Puntahan natin ang sacament meeting sa huling bahagi ng Pebrero 2020. Ilang miyembro ng aming ward ang maysakit na kanser, at napanatag ako nang kantahin ng ward choir ang “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47). Makalipas ang ilang linggo, nagkasunud-sunod na ang nakakatakot na mga pangyayari: mga quarantine, pagkansela ng pagsamba sa simbahan, at serye ng mga lindol at aftershock. At muling pumasok sa isipan ko ang himnong iyon:
Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba,
Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina.
Itataguyod at lakas ay iaalay,
Kamay ko ang s’yang sa inyo’y maggagabay.
Kung minsan parang halos araw-araw ay dumarami ang mga pandaigdigan at personal na hamon sa buhay. Higit kailanman, kailangan natin ang espirituwal na tulong na maibibigay ng mga himno, awitin sa Primary, at iba pang mga sagradong musika.
Walang Pagbabago sa Layunin o Kahalagahan
Gayunman, nang nagbago tayo sa dalawang oras na miting ng Simbahan, nag-isip ang ilan kung nabawasan ba ang papel ng musika sa ating pagsamba. Ang sagot ay hindi.
-
Ang mga sagradong himno ay bahagi pa rin ng bawat sacrament meeting, kabilang na ang pagtulong na ihanda ang ating mga puso para sa ordenansa ng sakramento. Ang mga pag-awit ng koro at kongregasyon at ng iba pang sagradong musika ay maaari pa ring planuhin para pagyamanin ang miting, tulad ng dati. Sa paglaganap ng COVID-19, ang sagradong musika ay mahalagang bahagi pa rin ng pinaikling mga sacrament meeting, kahit na ito ay instrumental lamang.
-
Ang ating mga anak ngayon ay nag-uukol ng kalahati ng oras nila sa Primary sa pag-aaral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng musika.
-
Sa ikalawang oras, walang mga pambungad o pangwakas na awitin para sa klase ng mga adult at kabataan. Ngunit ang musika ay maaari pa ring gamitin sa mga klase para magturo at magbigay-inspirasyon.
-
Higit kailanman ay mas madali ang makinig sa sagradong musika sa mga digital device, gamit ang Sacred Music app ng Simbahan.
Mas Kaunting Preskripsiyon, Mas Maraming Intensyon
Gayunman, may ilang hindi pagkakaunawaan. Isang Linggo ng Pagkabuhay, humingi ng paumanhin ang isang guro sa klase niya sa Doktrina ng Ebanghelyo: “Alam kong hindi kami dapat kumanta sa Sunday School, pero gusto ko talagang kantahin ang ‘Alam Ko na ang Aking Manunubos ay Buhay.” Ang gurong iyan ay malamang na hindi nag-iisa sa maling pagkaunawa.
Ang totoo, mahalaga pa rin ang musika sa ating pagsamba tulad noon. Saksihan ang kasalukuyang pag-update sa ating himno at koleksyon ng mga awit na pambata. Bilang bahagi ng gawaing iyan, nagsumite ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ng kahanga-hangang 16,000 na mga himno, awitin, at teksto.
Ngunit sa mas kaunting oras para sa pagkanta sa ilan sa mga miting natin tuwing Linggo, kailangan nating mas pag-isipang mabuti at sadyang planuhin at gamitin ang musika.
Dalawang mahahalagang alituntunin ang makakatulong sa atin na mapanatiling nasa sentro ang musika sa ating pagsamba:
1. Hindi Matatawaran sa Pagtuturo
Maaari nating isipin ang mga mensahe at talakayan bilang pangunahing paraan ng paghahatid ng mga mensahe ng ebanghelyo sa tahanan at sa simbahan. At maaaring mas pag-ukulan natin ng oras ang mga elementong iyon. Ngunit ang musika ay hindi isang dagdag na palamuti lamang. Ito ay nasa sentro ng pagtuturo nang may kapangyarihan at Espiritu.
Tulad ng ipinayo ni Apostol Pablo sa naunang mga Banal, “Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso” (Colosas 3:16).
Agarang maihahatid ng musika ang Espiritu sa isang lesson o miting. Ang pagpili ng awiting kakantahin sa klase sa Sunday School o sa isang talakayan ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nararapat na mapanalanging pag-isipan tulad ng mga talatang pinipili nating basahin o ng bahagi ng aralin na pinipili nating ibahagi. Ang musikang pinili nang may panalangin ay makaaantig ng mga puso at mag-iiwan ng mga espirituwal na impresyon na maaaring tumagal habambuhay.
2. “Isang Panalangin sa Akin”
Sa ilang mga pagkakataon, lahat tayo ay daranas ng mga panahon ng panghihina, mga panahon na ang landas na ating tatahakin ay hindi maliwanag. Kung minsan tila paulit-ulit tayong nananalangin para sa isang agarang pangangailangan sa langit, nang walang anumang sagot o resolusyon. Sa gayong mga pagkakataon, maaaring nakakatuksong isipin na walang pakialam ang Diyos o hindi tayo nararapat sa Kanyang pangangalaga. Kung minsan parang gusto pa nating huwag nang manalangin.
Kapag may mga pagkakataon na parang wala tayong espirituwal na kaugnayan sa langit, narito ang nakapapanatag na katotohanan: Ang sagradong musika ay talagang maaaring maging isang uri ng panalangin. Ipinaliwanag ito ng Panginoon mismo nang atasan Niya si Emma na gawin ang ating unang himnaryo: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin” (Doktrina at mga Tipan 25:12; idinagdag ang pagbibigay-diin).
At kapag taos-puso nating iniaalay ang awitin ng ating puso sa Kanya, nangako ang Panginoon na laging Siyang sasagot nang may pagpapala: “At ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo. Dahil dito, pasiglahin ang iyong puso at magalak” (Doktrina at mga Tipan 25:12–13).
Sa isang mahirap na sandali sa aking buhay, hindi ko makita ang mga sagot sa taimtim kong panalangin sa loob ng mahabang panahon. Isang mahal na kaibigan ko ang dumanas din ng hirap. Ngunit habang nagpapatugtog kami at kumakanta ng mga himno at mga awitin ng ebanghelyo, madalas kaming makaranas ng matitinding damdamin ng kapanatagan at ng patotoo. Alam ko na ngayon na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang pangako. Kanyang sinasagot ang mga awitin ng aking puso, nang paulit-ulit. At talagang nakatulong iyon sa akin na lakasan ang aking loob at magpatuloy.
Anumang Araw ng Linggo
Sa anumang araw ng Linggo, matitiyak natin na ang ilang mga miyembro sa ating mga kongregasyon, sa ating mga klase, at ang ilan sa ating pamilya ay nasa malalalim na tubig ng personal na paghihirap. Ang iba ay nasa tahimik na mga lambak na may umaapaw na mga pagpapala. Mayroon ding iba na pag-aaralan pa lang ang mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo.
Kapag pinanatili natin ang musika sa wastong lugar nito sa sentro ng ating pagsamba, matutulungan natin ang lahat na magkaroon ng mga pagkakataon na madama ang Espiritu, matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at purihin ang Panginoon sa Kanyang kabutihan. At matutulungan natin ang lahat na masagot ang mga awitin ng kanilang puso sa paraan na tanging ang ating mapagmahal at Amang walang-hanggan lamang ang makagagawa.