“Gusto Kong Mapunta sa Paraiso”
Nang magdasal ako at tanungin ang Diyos tungkol sa bagong landas na ito, lalo akong nakumbinsi sa katotohanang natagpuan ko.
Ako ay dating tapat na miyembro ng ibang simbahan, ngunit napag-aralan ko ang mga turo nito tungkol sa purgatoryo. Itinuturo ng ideyang ito na ang kaluluwa, pagkatapos ng pisikal na kamatayan, ay tinatanggap sa isang lugar na katulad ng bilangguan, kung saan ito ay kailangang mapadalisay bago makapunta sa paraiso.
Habang iniisip ko ang tungkol sa pagdurusa ng mga kaluluwa sa purgatoryo, pinag-isipan ko ang sarili kong espirituwal na hinaharap at ang relasyon ko kay Jesucristo. Sinimulan kong magdasal, “Ano ang dapat kong gawin para matakasan ang purgatoryo? Gusto kong mapunta sa paraiso.”
Ang unang pumasok sa isip ko ay ipamuhay ang Sampung Utos. Nadama ko na kung gagawin ko iyon, tutulutan ako ng biyaya ng Panginoon na maiwasan ang purgatoryo. Nangako akong susundin ang mga kautusan at sinimulan ang matinding pag-aayuno, pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagninilay.
Sa panahong ito, nadama kong itanong ang isang kakaibang tanong sa isang doktor sa klinika kung saan ako nagtrabaho bilang chief accountant.
“Dr. Thibaut,” sabi ko, “ang Panginoong Jesucristo ba ay nasa inyong simbahan?”
Sinabi niya na kabilang siya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Simula nang sandaling iyon, ginabayan ng Espiritu ang aming talakayan. Tinanong ko siya kung ano ang mga pagkakaiba ng kanyang simbahan sa aking simbahan. Sinabi niya sa akin ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Habang nag-uusap kami, napuspos ng kagalakan ang aking puso. Nadama ko na natatanggap ko ang mga sagot sa aking mga panalangin.
Makalipas ang dalawang araw binigyan ako ng mga missionary ng Aklat ni Mormon, na binasa at pinag-aralan ko kasama nila. Masaya akong matutuhan ang mga bagong bagay mula sa mga banal na kasulatan. Sinimulan kong sundin ang Word of Wisdom.
Nang matanto ko na nawalan na ako ng interes sa aking simbahan, kung saan aktibo ako noon, inisip ko kung ano ang nangyayari. Nagdasal ako at nagtanong sa Diyos tungkol sa bagong landas na ito. Nang ginawa ko ito, mas nakumbinsi ako sa katotohanang natagpuan ko. Nagpasiya akong sumapi sa Simbahan, kahit alam kong mahaharap ako sa pang-uusig.
Dumating ang pang-uusig, ngunit pinalakas ako ng Panginoon. Alam ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang sagot sa taimtim kong panalangin: “Gusto kong mapunta sa paraiso.” Alam kong makakapunta ako roon pagkatapos kong mamatay, kung mananatili akong tapat sa mga utos ng Diyos.