Digital Lamang: Mga Young Adult
Para sa Kapakanan ng Angking Kariktan ng Mundo
Ang mundo ay isang regalo o kaloob sa atin para masiyahan tayo, ngunit nais din ng Diyos na pangalagaan natin ang likhang ito.
Namasdan mo na ba ang kagandahan ng mundo kamakailan? Narinig mo ba ang tunog ng hangin na lumalagaslas sa mga puno, nasiyahan sa mabangong amoy ng mga ligaw na bulaklak, o pinagmasdan ang tila bulak na mga ulap sa kalangitan?
Lumikha ang Ama sa Langit ng magagandang bagay para sa ikasisiya ng lahat ng Kanyang mga anak, ngunit kung minsan madaling makalimutan na ipinagkatiwala sa atin na panatilihing maganda ang mundo para sa atin—at para sa lahat.
Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na “lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa … ay ginawa para sa kapakinabangan at paggamit ng tao” (Doktrina at mga Tipan 59:18) at iniutos ng Diyos sa sangkatauhan na “supilin [ang mundo], at magkaroon [sila] ng kapangyarihan … sa bawat kinapal na gumagalaw sa lupa” (Moises 2:28). Lahat tayo ay “dapat panagutin, bilang isang katiwala sa makalupang mga pagpapala” (Doktrina at mga Tipan 104:13). At palagi nating inaawit ang isang “himig papuri” “para sa angking kariktan ng mundo.”1
Tayo Ba ay Nagiging Mahusay na mga Tagapag-alaga ng Mundo?
Kung gayon paano natin pinahahalagahan at pinangangalagaan ang magandang mundong ito na nilikha para sa atin? Ang isang paraan ay ang isipin kung paano maaapektuhan ng mga pagpiling ginagawa natin ngayon tungkol sa planeta ang lahat ng anak ng Diyos, hindi lang ang ating sarili.
Tutal naman, naapektuhan tayo ng mga pagpiling ginawa ng ating mga ninuno, direkta man o hindi, nang mas mabuti o mas masahol pa. Puwede nating tanungin ang ating sarili kung pinangangalagaan ba natin ang mga nilikha ng Diyos, bukas-palad ba tayo sa iba, hindi mapag-aksaya sa likas na yaman, at mapagpasalamat sa lahat ng ibinigay Niya sa atin. Ikonsidera natin kung lumilikha ba tayo ng mundo kung saan maaaring matuto at maipamuhay ng mga susunod na henerasyon ang ebanghelyo—at kung inihahanda ba natin ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Sa isang kumperensya na kasama ang organisasyon ng LDS Earth Stewardship,2 itinanong ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Kapag inaaksaya natin ang kailangang-kailangan ng iba, ano ang masamang kahihinatnan nito sa ating pisikal na puso at pagkakaisa? Mahirap na tanong ito lalo na sa mga taong nakatira sa tinatawag nating First World o mauunlad na mga bansa dahil halos imposibleng hindi makapag-aksaya ng mga bagay. Gayon pa man ang ating Panginoon at Diyos, bilang Tagapaglikha, ay walang sinasayang; Walang sinasayang sa Kanyang sistema. Kapag sinasayang natin ang kailangang-kailangan ng iba, ano ang ginagawa nito sa mga bagay at damdaming nag-uugnay sa atin bilang mga tao?”3
Paano Mas Mahusay na Pangangalagaan ang Mundo
Ano ang magagawa natin upang mapangalagaan ang mundo at huwag sayangin ang mahahalaga nitong kayamanan? Paano natin mapapanatili at mapangangalagaan ang kariktan ng mundo? Narito ang ilang ideya na magbibigay ng inspirasyon:
-
Alalahanin ang Tagapaglikha. Madaling makita ang kagandahan at kapangyarihan sa kalikasan, ngunit kung minsan ay nalilimutan natin kung saan nagmumula ang kagandahang iyon. Huwag sambahin ang nilikha kundi sambahin ang Tagapaglikha. Ang mundo ay nagpapatotoo na may Kataas-taasang Tagapaglikha (tingnan sa Alma 30:44).
-
Ipamuhay ang lagom. Sa Swedish, ang ibig sabihin ng salitang lagom ay “sapat” o “tamang dami lamang.” Kung katamtaman ang paggamit natin sa lahat ng bagay—pagkain, damit, produkto—maiiwasan natin ang pagsasayang ng mahahalagang yaman. Ang ibig sabihin ng Lagom ay pagbabalanse nang hindi sobra ngunit hindi rin kulang.
-
Alamin ang tungkol sa inyong kapaligiran. Alamin kung anong mga hayop at mga halaman ang likas na nabubuhay sa inyong lugar. Alamin ang kanilang mga pangalan at impormasyon tungkol sa kanila (halimbawa, “hindi matakaw sa tubig ang mga halamang ito”; “ang mga hayop na ito ay sa gabi lumalabas”). Ang kaalaman tungkol sa iyong kapaligiran ay nagpapabago sa paraan ng pagturing o pakikitungo mo rito.
-
Sundin ang Word of Wisdom. Madaling makita ang koneksyon sa pagitan ng mundo at ng kinakain natin. Makakatulong tayo sa pangangalaga ng mga nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Word of Wisdom—kabilang dito ang pagkain ng mga prutas at butil, ngunit gamitin ang karne ng “paunti-unti” at nang may pasasalamat (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89).
-
Suriin ang iyong mga ginagawa. Paano naaapektuhan ng iyong mga ginagawa ang iyong kapaligiran? Kabilang sa iyong kapaligiran ang kalikasan, kalawakan, at mga tao sa paligid mo. Ang pag-alam nang mabuti sa impluwensya mo sa mundo ay makakatulong sa iyo na makakuha ng impormasyong kailangan mo upang makatanggap ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit ukol sa magagawa mo para makatulong sa pangangalaga ng mundo.
Nilikha ng Diyos ang mundo para sa atin at para tulungang matugunan ang mga pangangailangan natin, kaya sa pangangalaga sa mundo, tumutulong din tayo sa pangangalaga sa Kanyang mga anak at sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bilang mga nakikinabang sa banal na Paglikha, ano ang dapat nating gawin? Kailangang alagaan natin ang mundo, maging matatalinong katiwala nito, at ingatan ito para sa mga darating na henerasyon. At dapat na mahalin at pangalagaan natin ang isa’t isa.”4 Kapag pinakinggan natin ang payong ito at ginawa ang ating bahagi para mapangalagaan ang mundo, masisimulan na nating pahalagahan nang higit pa ang bawat “lambak at puno at bulaklak.”5 Ang ating mga pagsisikap ay magiging sulit para sa ating sarili, para sa susunod na mga henerasyon, at para sa patuloy na kariktan ng mundo.