2021
Iningatan ni Emma ang Banal na Kasulatan
Marso 2021


Mga Naunang Kababaihan ng Pagpapanumbalik

Iningatan ni Emma ang Banal na Kasulatan

Tulad ni Emma Smith, maaari nating igalang ang mga banal na kasulatan at buong tapang na ipagtanggol ang katotohanan.

Emma Smith on horseback

Paglalarawan ni Toni Oka

Matapos ang hatinggabi noong Setyembre 22, 1827, tahimik na dumaan sa baku-bakong lansangan ang isang karwahe sa kanayunan na malapit sa Manchester, New York, USA. Sina Joseph at Emma Smith ay papunta sa isang burol kung saan ang isang sinaunang talaan, na nakasulat sa mga laminang ginto, ay naghihintay sa kanila. Isang anghel na nagngangalang Moroni ang nagsabi kay Joseph na isama niya ang tamang tao para kunin ang talaan. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, nalaman ni Joseph na ang kanyang asawang si Emma ang taong iyon.

Naghintay si Emma habang tinatanggap ng kanyang asawang propeta ang mga lamina at pagkatapos ay itinago ang mga ito sa hungkag na troso. Pasikat na ang araw nang magsimulang umuwi ang mag-asawa.

Kinabukasan, narinig ni Emma mula kay Joseph Smith Sr. na isang grupo ng mga tao ang nagpaplanong nakawin ang mga laminang ginto. Sakay ng isang kabayo, naglakbay siya ng mahigit isang oras para balaan si Joseph, na naitago nang mabuti ang mga lamina sa isang kahon na nakakandado.

Hindi lamang ito ang pagkakataon na pinrotektahan ni Emma ang mahalagang banal na kasulatan. Sa paglalakbay ng mag-asawa patungong Pennsylvania, tumulong siya para maitago ang mga lamina sa isang bariles ng beans. Sa proseso ng pagsasalin, binigyan ni Emma si Joseph ng isang linong tela para takpan ang mga lamina habang nakaupo sila sa isang mesa sa kusina sa maghapon at bumili ng kulay pulang kahon na yari sa balat para sa mga manuskritong nakasulat sa papel. Humingi rin siya sa kanyang bayaw ng isang kahon, na itinago nila ni Joseph sa ilalim ng kama nila at kung saan nakakandado ang mga lamina gabi-gabi. Makalipas ang ilang taon, iningatan ni Emma ang manuskrito ng pagsasalin ng propeta ng Biblia, dala-dala ito sa ilalim ng kanyang palda habang tumatawid sa nagyeyelong Mississippi River.

Bukod pa sa pag-iingat sa mga banal na kasulatan, tumulong si Emma sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Siya ang unang tagasulat ni Joseph—maingat na isinulat ang mga talatang nababasa natin ngayon. Nanahi siya ng pouch o sisidlan para sa isang bato ng tagakita na ginagamit ni Joseph paminsan-minsan sa pagsasalin.

Sa huling sandali ng kanyang buhay, naalala ni Emma ang papel na ginampanan niya sa pagtulong na maibahagi ang mga banal na kasulatang ito sa mundo. “Aktibo akong nakibahagi,” sabi niya. Nagpatotoo siya na si Joseph ay propeta ng Pagpapanumbalik at ang Aklat ni Mormon ay “isang kagila-gilalas at kamangha-mangha.”1

Tala

  1. (“Last Testimony of Sister Emma,” The Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290).