2021
Parangal sa Isang Prinsipal sa Seminary
Marso 2021


Parangal sa Isang Prinsipal sa Seminary

Madalas nating pagpalain ang buhay ng iba nang hindi ito natatanto.

young woman shaking a man’s hand

Retrato mula sa Getty Images, ginamitan ng mga modelo

Mahina ang katawan ng asawa kong si Jerry sa loob ng ilang taon nang maging prinsipal siya sa seminary para sa mga ward na nagpupulong sa aming meetinghouse. Palagay ko walang nakakaalam kung gaano kahirap para sa kanya noon ang gumising nang maaga araw-araw—lalo na sa madilim at malamig na mga buwan ng taglamig—at magpunta sa gusali ng aming meetinghouse. Kalaunan, siya ay pumanaw.

Ilang taon makalipas ang pagpanaw ni Jerry, nagulat ako na makatanggap ng nakaaantig na liham mula sa isang dalagang lumipat sa ibang bayan ilang taon na ang nakalipas. Isinama niya ito sa kanyang anunsiyo ng kasal. Sabi sa sulat:

“Talagang hinangaan ko ang inyong asawa at nalungkot akong marinig na pumanaw na siya. Siya po ang pinakamagaling na prinsipal namin sa seminary. Tuwing umaga maghihintay siya sa may pintuan at binubuksan niya ito para batiin ang bawat isa ng magandang umaga. Pagkatapos ng klase, muli niyang binubuksan ang pinto at sinasabing, ‘Sana maganda ang araw ninyo sa eskuwela!’

“Lagi kong tiniyak na nakakapagpasalamat ako at paminsan-minsan ay sinasabi namin sa kanya kung gaano kalaki ang pasasalamat namin na siya ang prinsipal namin. Nadama ko na mas ligtas ako dahil naroon siya.

“Palagi siyang mapagpakumbaba, at ang kanyang kabaitan ay kinilala ng lahat. Palagay ko mas gumanda ang attendance ko dahil ayaw kong naghihintay si Brother Bergevin sa lamig, na nag-iisip na parating na ako o huli na ako. Siya ay kahanga-hangang tao at lagi siyang maaalala.”

Sigurado ako na walang ideya si Jerry na naiisip pa rin siya ng sinuman makalipas ang maraming taon. Gayunman, iniisip pa rin siya ng dalagang ito, at sapat ang kabaitan niya para ipadala sa akin ang magiliw na sulat na ito, na masaya kong tinanggap.

Ang himnong “Bawat Buhay na Dumantay” (blg. 185) ay nagsisimula sa mga linyang ito:

Bawat buhay na dumantay

At sami’y nagpatibay,

Biyaya N’yo sa’min, O Diyos,

At saksi ng pag-ibig N’yo.

Pinili ko ang himnong ito para sa libing ni Jerry dahil naniniwala ako na madalas nating pinagpapala ang buhay ng iba nang hindi natin alam. Alam ko na maraming buhay ang napagpala ni Jerry sa kanyang kabutihang-loob, paglilingkod, at pagmamahal.