2021
Ang Naituro sa Akin ng Kawalan ng Kakayahang Magkaanak tungkol sa Pagpaparami at Pagpuno sa Lupa
Marso 2021


Mga Young Adult

Ang Naituro sa Akin ng Kawalan ng Kakayahang Magkaanak tungkol sa Pagpaparami at Pagpuno sa Lupa

Habang naghihintay na magkaroon ng mga anak, nalaman ko na maaari akong magpakarami at kalatan ang lupa sa iba pang mga paraan.

young woman smelling flowers

Sa simula ay nilikha ng Diyos ang lalaki at babae at binigyan sila ng kautusan: “Kayo’y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa” (Genesis 1:28; Moises 2:28). Apat at kalahating taon na kaming kasal ng aking asawa, pero wala pa kaming mga anak. Maaaring may mga nagbabasa na magsasabing (at narinig ko nang lahat ito noon):

“Eh pero, bata pa kayo!”

“Samantalahin ninyo ito habang wala pa kayong mga anak!”

“Samantalahin ninyo habang malaya pa kayo!”

Natutuhan kong huwag sumama ang loob at hayaan na lamang ang mga komento o puna dahil alam kong ang mga nagsasalita ay hindi naman nananadyang makapanakit ng damdamin. Nalaman ko na may mga taong matagal nang ikinasal pero wala pa ring mga anak. Gayunman, alam ko na kahit apat na taon pa lang, hindi pa rin ibig sabihin nito na madali ito.

May mga sandali na madali. Sa nakaraang dalawang taon, tumira kaming mag-asawa sa Europe at naglakbay sa mga lugar na hindi namin akalaing mararating namin. Nakakain kami ng masasarap na pagkain. At marami kaming naging mga kaibigan mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nagpalawak sa aming mga ideya, opinyon, at pananaw sa mundo. Sa maraming paraan kahangalan ang hindi magpasalamat para sa panahong ito. Lalong lumakas ang ugnayan naming mag-asawa, napakarami kong natutuhan, at nagkaroon kami ng magagandang pakikipagsapalaran.

Pero maraming gabi rin kaming magkasamang nakaupo sa sopa at nanonood ng mga palabas. Nakalikha kami ng mga alaalang hindi magiging bahagi ang magiging mga anak namin. Ang ward namin ay may isa lang na bata pang mag-asawa na walang mga anak, at—siyempre—kami iyon. Tila kahit ano ang gawin naming mga aktibidad, ang pag-iisip tungkol sa pagkakaroon ng mga anak ay laging naroon.

Sa masasaya at malulungkot na sandali sa aking buhay, madalas kong pag-isipan ang kautusang ibinigay kina Eva at Adan. Naniniwala kami na ang utos na ito ay ipinapatupad pa rin ngayon1 at inaasahan na susundin namin ito. Gayunman, hindi namin ito masunod ng aking asawa. Subalit gayon din sina Eva at Adan, noong una. Kaya ano ang ginawa nila? Ang tanging bagay na alam nilang gawin—inalagaan nila ang halamanan. Bagama’t hindi ako nakatira sa Halamanan ng Eden, nakatira ako sa halamanan ng mundo, sa Halamanan ng Netherlands, sa halamanan ng aking pamilya, at sa halamanan ng aking ward. Ito ang aking mga halamanan na iniutos ng Panginoon na aking paramihin at punuin. Sa mga salitang ito natuon ang aking pagninilay. Ang mga salitang ito ay nakatulong sa akin na muling ituon ang buhay ko sa paglilingkod sa iba at sa Panginoon. Madalas kong isipin:

  • Paano ko pararamihin ang mga kaloob na ibinigay ng Panginoon sa akin at sa iba?

  • Paano ko pararamihin ang pagmamahal sa mga anak ng Diyos?

  • Paano ko pararamihin ang oras at pagsisikap kong maglingkod sa iba?

  • Paano ko muling pupunuin ang aking espirituwal na balon?

  • Paano ko muling pupunuin ang nawala sa iba, temporal man ito o espirituwal?

  • Paano ko muling pupunuin ang pag-asa at pananampalataya na tila nawala sa maraming tao sa mundo?

Matapos kong mas pagtuunan ng pansin ang mga tanong na ito, nabiyayaan ako ng mga pagkakataong sagutin ang mga ito sa mabibisang paraan. Nagkaroon ako ng pagkakataong maglingkod sa organisasyon ng Young Women. Nagawa kong bitawan ang anumang ginagawa ko at tulungan ang isang tao o alagaan ang mga anak ng mga kaibigan. Nagawa kong magturo ng teatro sa mga bata sa iba’t ibang panig ng mundo. Mas maraming oras ang ginugol ko sa pag-aaral ng ebanghelyo. Mas nakakaya kong pasanin ang mga pasanin ng iba at panatagin ang mga nangangailangan ng pag-alo. At higit sa lahat, nagtamo ako ng mas maraming kaalaman, mas matibay na patotoo, at dagdag na espirituwal na pang-unawa sa ebanghelyo at tungkol sa plano ng Diyos para sa akin.

Hindi ko sinasabi na ang utos na “magpakarami at punuin” ay hindi nangangahulugang magkaroon ng mga anak. Narito tayo upang magkaroon ng mga pamilya tungo sa kabutihan, at kasama na rito ang pagkakaroon ng mga anak, kung maaari. Ngunit habang naghihintay para sa pagpapala na magkaroon ng mga anak, maisasakatuparan pa rin natin ang utos na iyon sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga halamanan sa paligid natin. Kaya kapag malungkot ako, naiinis, nagagalit, naiinggit, masama ang loob, o natatakot dahil sa kawalan ko ng kakayahang magkaanak, lagi kong sinisikap na itanong sa aking sarili: ano ang ginagawa ko para mapangalagaan ang aking mga halamanan? At gumagawa iyan ng kaibhan.

Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.