Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Sino ang tumatanggap ng paghahayag para sa Simbahan?
Marso 15–21
Noong Agosto 1830, si Hiram Page, isa sa walong saksi ng Aklat ni Mormon, ay nagsabi na nakatanggap siya ng dalawang paghahayag tungkol sa magiging lokasyon at organisasyon ng Sion gamit ang isang itim na bato ng tagakita. Ang mga paghahayag na ito ay salungat sa naunang mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ngunit maraming miyembro ang naniwala sa mga ito.
Paghahayag para sa Simbahan
Nang ipagdasal ni Joseph ang mga paghahayag ni Hiram, itinuro ng Panginoon, “Walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod [ang propeta]” (Doktrina at mga Tipan 28:2). Sinabi Niya na “ang mga bagay na yaon na kanyang [Hiram] isinulat mula sa bato ay hindi sa akin at si Satanas ay nalinlang siya” (Doktrina at mga Tipan 28:11).
Kalaunan ay itinapon ni Hiram ang kanyang mga paghahayag, at nagkaisa ang lahat ng miyembro na pinagtibay na ang propeta ang tanging tagapaghayag para sa Simbahan ni Cristo.
Bakit mahalagang malaman na tanging ang buhay na propeta ang maaaring tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan? Paano tayo mapoprotektahan nito mula sa panlilinlang?
Bumaling sa Propeta at mga Apostol
Si Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagbabala:
“Ituon ang inyong mga mata sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol. Hindi namin kayo ililigaw. Hindi namin ito magagawa. …
“… Kung may nagsasabi sa inyo na natanggap nila ang paghahayag na hindi natanggap ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa, layuan ninyo ang mga ito.”1