2021
Ginabayan ng Panginoon
Marso 2021


Digital Lamang: Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ginabayan ng Panginoon

Kilala tayo ng Panginoon at alam Niya kung ano ang tama para sa atin ngayon.

man and woman working together in kitchen

Larawang kuha ni Cody Bell

Giselle

Bago kami ikinasal, sinisikap na matapos ni André ang kanyang PhD at tumanggap ng posisyon para makapagtrabaho sa University of Michigan. Ikinasal kami at lumipat sa Michigan. Kalaunan, nagsimulang mahirapan si André sa trabaho at ninais niyang magbago ng trabaho.

Bata pa kami, bagong kasal lamang, at hindi namin alam ang gagawin. Nagpasiya kaming ipagdasal ito.

André

Isang araw, nagpunta ako sa unibersidad at nakita ko ang isang board na may nakapaskil na mga trabaho. Nag-apply ako sa tatlong magkakaibang posisyon. Sa loob ng isang linggo, inalok sa akin ang tatlong trabahong iyon.

Giselle

Inisip namin kung ano ang gagawin. Muli kaming nagdasal. Ang isang posisyon ay nasa England, pero gusto naming manatili sa Estados Unidos. Ang isa ay nasa Texas, at ang isa naman ay nasa Maryland malapit sa Washington, D.C. Ang trabaho sa Maryland ay sa NASA. Si André ay isang siyentipiko, kaya parang magandang lugar para sa kanya ang NASA.

André

Sa paglipat namin sa Maryland, ako ang nagmaneho habang natutulog si Giselle. Maagang-maaga noon nang makita ko ang Washington D.C. Temple.

“Gising! Gising na! Nakikita mo ba?” sabi ko kay Gisselle. “Parang isang kastilyo!”

Giselle

Sinabi ko kay André na baka puwede kaming pumunta at bumisita isang araw. Wala kaming ideya kung ano iyon. Ilang araw matapos makarating sa Maryland, nagpunta ako sa library para gumamit ng Internet para mag-apply sa trabaho at tingnan kung may email ako.

Narinig ng isang babaeng nagtatrabaho roon ang punto ko at nagtanong kung taga-saan ako. Sinabi ko sa kanya na galing ako sa Brazil at nagsimula kaming mag-usap. Ang pangalan niya ay Edna. Sinabi ko sa kanya na kalilipat lang namin mula sa Michigan at binanggit ko kung saan kami nakatira.

“Nakatira ako sa mga apartment ding iyon,” sabi ni Edna.

Nang bumalik ako sa library kinabukasan, sinabi ni Edna, “Natutuwa ako na bumalik ka. Gusto kong imbitahin kayong mag-asawa na maghapunan sa bahay ko.”

Naisip kong kakaiba iyon dahil hindi niya ako kilala. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ipinagdasal kita dahil may nadama akong talagang espesyal na pakiramdam nang makilala kita kahapon.”

Nagpunta kami sa bahay niya at nalaman na kailan lang pumanaw ang asawa niya. Pagkatapos ng hapunan, tinugtog niya sa piyano ang, “Lord, I Would Follow Thee” (Hymns, blg. 220). Sinabi niya na iyon ang paboritong himno ng kanyang asawa at tinugtog ito sa kanyang libing. Pagkatapos ay sinabi niya sa amin ang tungkol sa plano ng kaligtasan at niyaya kaming sumama sa kanya na magsimba.

Nagsimba kami, at malugod kaming binati ng mga tao roon. Nagpasiya kaming magpunta nang sumunod na Linggo. Pumayag kaming magpaturo sa mga missionary. Nag-alok si Edna na sa bahay niya kami magpaturo. Nagsimba kami tuwing Linggo sa loob ng limang buwan. Ang aming mga puso at isipan ay inihahanda noon para sa binyag.

André

Nang ibalita ang aming binyag, mukhang nagulat ang lahat. “Wow, hindi kayo miyembro?” sabi nila. “Pero narito kayo bawat linggo!” Espesyal ang binyag namin. Halos buong ward ang dumalo.

Nabuklod kami sa Washington D.C. Temple makalipas ang isang taon. Nang magpunta kami sa templo, nalaman namin na ito ang kastilyo na nakita namin noong isang taon!

Giselle

Matapos kaming mabuklod sa templo, nagkaroon kami ng problema sa maraming bagay.

Pagkatapos ng Setyembre 11, 2001, nahirapan kaming i-renew ang aming mga visa. Nalungkot ako dahil katatapos ko lang mag-aral sa isang community college at katatapos ko lang mag-aplay sa isang full scholarship sa University of Maryland. Hindi ko nakuha ang scholarship, at magsasara noon ang lab kung saan nagtatrabaho si André.

Naisip namin na baka oras na para bumalik kami sa Brazil.

André

Sinabi ng aming bishop na marami kaming matutulungan na mga miyembro sa Brazil at maaari kaming umunlad sa mga paraan na maaaring hindi mangyari sa amin sa Estados Unidos. Pinayuhan niya kami na manatiling malapit sa Simbahan.

“Pumunta kayo sa Brazil at maglingkod sa Panginoon,” sabi niya.

Matapos manirahan sa Brazil sa loob ng ilang panahon, dumating sa bahay namin ang aming stake president at tinawag akong maglingkod bilang bishop. Sa hindi matukoy na paraan, alam ko na ako ay tatawagin. Sa loob ng dalawang gabi bago ako tinawag, hindi na ako makatulog. Ako ay nag-iisip at nag-aaral.

Giselle

Nagtaka ako kung ano ang nangyayari. Nakita kong nagbago siya bago siya tinawag.

André

Nang simulan ko ang aking calling, may 80 aktibong miyembro ang ward namin. Nang ma-release ako, mas marami na rito ang regular na nagsisimba, at 12 mga missonary ang nagmisyon mula sa aming ward. Napakaganda!

Nang ma-release na ako, na-release din si Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa Unang Panguluhan. Naaalala ko na sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na may bago at mahahalagang responsibilidad si Pangulong Uchtdorf sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Pagkaraan ng tatlong buwan, tinawag ako bilang first counselor sa mission presidency. Hindi ako nakapagmisyon, pero gustung-gusto ko ang calling ko. Gustung-gusto kong katrabaho ang mga missionary. Kilala ako ng Panginoon. Alam Niya na kailangan akong ma-release bilang bishop para makapaglingkod ako sa panahon at lugar na tama para sa akin ngayon.