2021
Sacrament sa Panahon ng Quarantine: Isang Sulyap sa Pagmamahal ng Diyos
Marso 2021


Digital Lamang

Sacrament sa Panahon ng Quarantine: Isang Sulyap sa Pagmamahal ng Diyos

Ang awtor ay naninirahan sa Wyoming, USA.

Ang pangangasiwa ng sacrament sa tahanan ay muling nagpaalala sa akin sa tunay na kahulugan nito.

tinapay at tubig

Kung minsan ang mga bagay na pamilyar at karaniwan nang ginagawa ay may posibilidad na alisan ang mga sagradong sandali ng buong kahulugan nito. Para sa akin, hinayaan kong mawalan ang sacrament ng ilan sa mga kahulugang nilayon para dito. Bawat linggo, nakikinig ako sa sagradong mga panalangin ng sacrament habang nakaupo sa halos dati ring upuan sa chapel ding iyon, kasama ng pamilyar na kongregasyon.

Ngunit binago ng pandemyang COVID-19 ang karaniwang tagpong ito at iniba ang aking pananaw.

Dahil hindi ako makasama sa ibang nagsisimba sa chapel, tumanggap ako ng sacrament sa isang bagong kapaligiran—nakatipon sa aming hapag-kainan kasama ang aking munting pamilya. Ang paggawa ng isang bagay na pamilyar at pangkaraniwan sa bagong kapaligirang ito ay naghatid ng bagong pananaw at, kaakibat ng bagong pananaw na iyan, ang panibagong kahulugan.

Bagama’t nakibahagi na ako sa ordenansa ng sacrament nang daan-daang beses sa buhay ko, ang gawin ito sa lugar kung saan karaniwan kong nakakasama ang aking pamilya para kumain at magkuwentuhan ay nagbigay-diin sa akin ng aspeto ng sacrament na nauugnay sa pamilya sa mga paraang hindi ko napahalagahan noon.

Isang araw ng Linggo, habang nakaluhod ako at binibigkas ang mga salitang, “Kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo” (Moroni 4:3), natuon ang aking pansin sa aking pinakamamahal na apat-na-taong-gulang na anak na lalaki na nakaupo sa tabi ko. Naroon siya’t nakaupo na nakahalukipkip ang mga kamay, nakikinig sa panalangin, nagpapakita ng kawalang-muwang at kabaitan.

Nasasaisip ang nakakaantig na tagpong ito, patuloy akong nanalangin. Nang sabihin ko ang mga salitang, “sa katawan ng inyong Anak,” may tanong na pumasok sa isip ko. Ano kaya ang pakiramdam kung kusang-loob na isakripisyo ang aking anak na walang-muwang at tulutang danasin niya ang hindi maarok na sakit at pagdurusa?

Sa isang salita, hindi mailarawan.

Sa pagninilay sa imposibleng tanong na ito, nagpatuloy ako sa panalangin. Ang mga salitang “taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak” ay nagdagdag ng isa pang tanong sa aking isipan. Ang Diyos ay isa ring Ama. Paano Niya nagawang isakripisyo ang Kanyang Anak? Nang tingnan ko ang iba ko pang kapamilya, na, tulad ko, ay labis na nangangailangan ng sacrament, ang simple ngunit malalim na sagot ay dumating: banal na pag-ibig (tingnan sa Juan 3:16).

Tila baga ang mga dungawan ng langit ay sandaling bumukas upang ihayag ang isang bahagi ng dalisay na pagmamahal ng ating Ama sa Langit—napakasidhing pag-ibig kung kaya’t isinakripisyo Niya ang Kanyang walang-sala at sakdal na Anak para sa atin, na Kanyang iba pang mga anak.

Ngayong batid na natin ang sakripisyong ito, anumang mga paghihirap at pagiging hindi patas ng buhay—pati na ang nakamamatay na pandemya, nasirang ekonomiya, kaguluhan, hindi mapagsampalatayang mundo, at kawalang-katiyakang nadarama ng karamihan—paano pa natin mapag-aalinlanganan ang Kanyang pagmamahal sa atin?

Huwag nating kalimutan, ang sacrament ay nagsisilbing paalala linggu-linggo ng malalim at walang-maliw na pagmamahal na ito. Sa pagsasaalang-alang tuwina sa walang-kapantay na kaloob ng Kanyang Anak, mapapanatag tayo at madaraig ang tukso na pagdudahan ang pagmamahal o pagmamalasakit ng Ama sa atin sa panahon ng mga pagsubok.

Kapag hindi ko isinasaalang-alang nang tama ang walang-hanggang pagiging ama ng Diyos at ang Kanyang ginagampanan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi ko na nadaramang kumpleto ang ordenansa ng sacrament. Ito ay nagsisilbing patuloy na paalala sa akin ng sakripisyo ni Jesucristo at pagpapakita ng pagmamahal sa akin ng Ama sa Langit.

At dahil sa aral na ito tungkol sa pagmamahal kaya lagi kong pahahalagahan ang pagdaraos ng sacrament sa aming tahanan.