2021
Inutusan Tayo ni Jesucristo na Tumanggap ng Sakramento
Marso 2021


Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo

Inutusan Tayo ni Jesucristo na Tumanggap ng Sakramento

Tayo ay nalilinis at napagagaling kapag inaalala natin ang ating Tagapagligtas sa bawat linggo.

Jesus with Apostles at Last Supper

Ang Huling Hapunan, ni Carl Heinrich Bloch; larawan ng dalagitang nagdarasal na kuha ni Angela Suitter; Panalangin sa Getsemani, ni Del Parson; Na Lagi Ninyo Akong Aalalahanin, ni Gary L. Kapp, hindi maaaring kopyahin

Bago Siya namatay, si Jesucristo ay kumain sa huling pagkakataon sa tinatawag na Huling Hapunan. Sa pagtatapos ng hapunang ito, pinasimulan Niya ang sakramento sa Kanyang mga tagasunod. Pinagpira-piraso Niya ang tinapay at binasbasan ito. “Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin,” sabi Niya (Lucas 22:19). Pagkatapos ay binasbasan at ibinahagi Niya ang isang kopa ng alak.

Bahagi ng Lingguhang Pagsamba

Nang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa, ang sakramento ay naging bahagi ng lingguhang pagsamba. Sa Simbahan, ang sakramento ay binabasbasan at ipinapasa ng mga mayhawak ng priesthood. Nagdarasal sila gamit ang mga salita mula sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79). Pagkatapos, bawat tao sa kongregasyon ay kumakain ng tinapay at umiinom ng tubig para alalahanin si Jesucristo at ang Kanyang sakripisyo para sa atin, ang paraan na hiniling Niyang gawin natin.

Paghahandang Tumanggap ng Sakramento

people taking the sacrament

Upang maging handa sa pagtanggap ng sakramento, dapat matapat nating isipin ang ating buhay at mga pagpili. Dapat nating pagsisihan ang mga pagkakamali at kasalanan sa nakaraang linggo, at humingi ng tawad sa Diyos. Hindi natin kailangang maging perpekto para tanggapin ang sakramento, ngunit dapat ay mapagpakumbaba ang ating puso.

Higit pa sa Tinapay at Tubig

Ang pagtanggap ng sakramento ay isang sagrado at banal na sandali. Ipinapaalala sa atin ng mga panalangin sa sakramento na sa pagtanggap natin ng tinapay at tubig, inaalala natin ang katawan at dugo ni Jesucristo na ibinuhos para sa atin. Nangangako tayong susundin Siya at mamumuhay bilang Kristiyano. Nangangako tayong sisikaping sundin ang mga utos ng Diyos. Bilang kapalit, tayo ay papanatagin, gagabayan, at pagagalingin ng Banal na Espiritu.

Pagpapanibago ng mga Tipan

one man baptizing another in a baptismal font

Kapag tayo na nabinyagan ay tumatanggap ng sakramento nang may dalisay na puso, pinaninibago natin ang tipang ginawa natin sa binyag. Kabilang dito ang pagtanggap sa Espiritu Santo at pagiging malinis mula sa kasalanan na para bang muli tayong nabinyagan. Ito ang pag-asa at awa na iniaalok ni Jesus sa bawat isa sa atin. Hindi magiging huli ang lahat para magsisi at mapatawad.

Ano ang Sinasabi ng mga Banal na Kasulatan Tungkol sa Sakramento?

Dapat nating suriin ang ating sarili sa espirituwal, at tapat na suriin ang ating kalooban, bago tanggapin ang sakramento (tingnan sa I Corinto 11:28).

Matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli, ipinakita ni Jesus sa Kanyang mga tao sa lupain ng Amerika kung paano makibahagi sa sakramento (tingnan sa 3 Nephi 18).

Sinabihan tayo ng mga makabagong propeta na gamitin ang tinapay at tubig para sa sakramento, ngunit hindi talaga mahalaga kung ano ang ating kinakain o iniinom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:2). Kung minsan ang mga taong may allergy ay kailangang gumamit ng ibang klase ng tinapay.