Para sa mga Magulang
Sakramento at Musika
Minamahal naming mga Magulang,
Ang mga magasin ng Simbahan ay ginagawa habang iniisip kayo at ang inyong pamilya. Sa buwang ito, nakatuon ang mga magasin sa mga temang tulad ng sakramento, nagbibigay-inspirasyong musika, papel ng kababaihan sa Pagpapanumbalik, Pasko ng Pagkabuhay, at paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya. Tingnan sa ibaba ang mga ideya kung paano ninyo mapakikinabangan nang husto ang mga isyu sa buwang ito para mapalakas ang pananalig ng inyong pamilya kay Cristo gayundin ang sarili mong pananampalataya.
Mga Talakayan Tungkol sa Ebanghelyo
Ang Pagsikat ng Simbahan
Basahin ang artikulo ni Elder de Hoyos sa pahina 36 at talakayin ang mga pagpapalang natatanggap ninyo sa pagiging bahagi ng Simbahan ni Cristo, tulad ng pagkakaroon ng mga buhay na propeta, tunay na doktrina, at mga ordenansa ng priesthood.
Ang Kahalagahan ng Musika
Bakit espesyal ang musika sa Panginoon? Pakinggan, kantahin, o patugtugin ang bagong pagsasaayos ng awiting “Isinugo, Kanyang Anak” sa pahina 34; pagkatapos ay ibahagi ang iyong mga ideya tungkol sa musika o mga titik. Para sa iba pa tungkol sa kahalagahan at mga pagpapala ng musika, basahin ang artikulo sa pahina 30.
Ang Papel na Ginagampanan ng Kababaihan sa Pagpapanumbalik
Mababasa sa pahina 25 kung paano masigasig na pinangalagaan ni Emma Smith ang Aklat ni Mormon. Paano napagpala ng kababaihan ang Simbahan, at paano nila patuloy na pinagpapala ito? Maaari din ninyong basahin ang mensahe ni Pangulong Ballard sa pahina 8, at pasalamatan ang mabubuting kababaihan sa inyong buhay sa isang nakasulat na liham o mabuting gawa.
Gawing Espesyal ang Sakramento
Basahin ang kuwento tungkol sa isang pamilya sa Vietnam sa pahina 18 at isipin kung paano magiging mas espesyal ang sakramento sa inyong pamilya. Maaaring ibilang sa mga ideya ang pakikinig o pagkanta ng mga himno habang papunta sa Simbahan, pag-alaala sa mga banal na kasulatan na naglalarawan sa pagkatao ni Cristo habang iniisip ninyo Siya sa oras ng sakramento, o pinagninilayan ang mga salita ng mga panalangin ng sakramento.
Magagamit din ninyo ang pahina 6 para ituro sa inyong mga anak ang tungkol sa sakramento.
Suporta sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Tingnan sa pahina 26 ang isang pakay-aralin para sa pamilya, scripture chain, at iba pang materyal upang masuportahan ang inyong lingguhang pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
Masayang Pag-aaral ng Pamilya
Magagandang Nilikha ng Diyos
Doktrina at mga Tipan 20:17–19
Basahin sa Doktrina at mga Tipan 20:17–19 ang tungkol sa kung paano nilikha ng Diyos ang “langit at lupa, at ang lahat ng bagay na naroon sa mga yaon.”
-
Mag-ukol ng ilang sandali para dumungaw sa isang bintana o maglakad-lakad.
-
Ituro ang mga nilikha ng Diyos na nakikita ninyo.
-
Sinasabi sa atin ng talata 18 na “nilikha [ng Diyos] ang tao, lalaki at babae, ayon sa kanyang sariling larawan at sa kanyang sariling wangis, nilikha niya sila.” Kabilang din tayo sa mga nilikha ng Diyos! Mag-ukol ng ilang sandali para hangaan ang lahat ng bagay na magagawa ng iyong katawan. Ano ang iyong mga talento?
-
Sa talata 19 inutusan tayong “[mahalin at paglingkuran siya], ang tanging buhay at tunay na Diyos.” Paano mo magagamit ang iyong mga talento para mapaglingkuran Siya?
Talakayan: Paano natin sasambahin ang Diyos?
Bago at Pagkatapos
Doktrina at mga Tipan 20:11, 21–29 (Pebrero)
Sa Doktrina at mga Tipan 20, mababasa natin kung paano binigyang-inspirasyon ng Diyos si Joseph Smith na itatag ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Sinasabi sa atin ng Doktrina at mga Tipan 20:11 na “ang Diyos ay humihikayat ng mga tao at tinatawag sila para sa kanyang banal na gawain sa panahon at salinlahing ito, maging sa mga sinaunang salinlahi.”
-
Idispley ang isang larawan ni Cristo.
-
Hatiin ang pamilya sa isang “bago” na grupo at isang “pagkatapos” na grupo.
-
Ang mga miyembro ng pamilya sa bawat grupo ay makakakita ng mga salita ng isang propeta na nagpatotoo tungkol kay Cristo bago ang Kanyang buhay sa lupa o pagkatapos nito.
-
Maghalinhinan sa pagbabahagi ng inyong napag-alaman. Huhulaan ito ng iba kung ito ay nabibilang sa grupong “bago” o “pagkatapos”.
-
Matapos magbahagi, ang mga tao sa “bago” na grupo ay tatayo sa kaliwa ng larawan ni Cristo. Ang “pagkatapos” na mga tao ay tatayo sa kanan.
-
Ipaliwanag na ang dalawang grupo ay kapwa mahalaga.
Talakayan: Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:21–29. Paano nakakatulong sa atin ang makabagong patotoong ito kay Cristo na madama na mas malapit tayo sa Kanya? Anong iba pang mga patotoo kay Cristo ang matatagpuan sa mga bahagi 20–29 ng Doktrina at mga Tipan?