2021
Pagdanas sa Kapangyarihan ng Priesthood
Marso 2021


Pagdanas sa Kapangyarihan ng Priesthood

Ang kababaihang tumutulong sa pamumuno sa Simbahan ay tinanong kung paano naaapektuhan ng kapangyarihan ng priesthood ang kanilang buhay. Narito ang ilan sa mga ideyang ibinahagi nila.

cut-paper illustration of various flowers

Mga paglalarawan ni Matisse Hales

“Ang kalalakihan at kababaihan ay may magkakaiba ngunit mahahalagang responsibilidad sa tahanan at sa Simbahan. Ang kapangyarihan ng priesthood ay makakatulong sa bawat tao na gampanan ang mga responsibilidad na iyon para sa kapakinabangan ng lahat.

“Dahil ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ay nasa mundo ngayon, malalaking pagpapala ang makakamit ng lahat ng karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan, sila man ay matanda o bata, lalaki o babae, may-asawa man o wala.”

—President Joy D. Jones, Primary General President

“Ang paglilingkod ay nagpapalaki ng ating kaluluwa, nagpapalawak ng ating pananaw at nagtutulot sa atin na mas lalo pang makahugot ng lakas sa kapangyarihan ng Diyos. Alam ito ng Panginoon, at alam din ito ni Satanas. Sa kanyang laging pagsisikap na ilayo tayo sa kapangyarihan ng Diyos, tayo ay bibiglain ng kaaway o ipadarama sa atin na ang anumang maibibigay natin ay hindi sapat. …

“… Huwag kailanman pagdudahan ang pagpapakita ng kabaitan.

“Sa intensiyonal na paggawa sa paglilingkod sa iba na maging bahagi ng ating buhay, matutuklasan natin ang mga hiwaga ng Diyos. Matutuklasan natin ang kapayapaan, magkakaroon tayo ng lakas, at tatanggap tayo ng ibayong kapangyarihan kapag naglilingkod tayo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”

—President Bonnie H. Cordon, Young Women General President

“Kadalasan, ikinukumpara ng kababaihan ang kanilang sarili sa iba. Ngunit walang isa man sa atin ang nakadarama ng magandang pakiramdam sa paghahambing na iyon. Bawat babae ay may mga natatanging kakayahan at talento, at lahat ay mga kaloob na bigay ng Diyos. Hindi dahil sa hindi tayo magkatulad—o kahit sinuman sa kababaihan—ay mas mababa o mas mataas na tayo. Kailangan nating hanapin ang mga kaloob sa atin at paunlarin ang mga ito, na inaalala kung sino ang nagbigay sa atin ng mga ito, at pagkatapos ay gamitin ang mga ito para sa Kanyang mga layunin. Kapag ibinabahagi natin ang ating mga kaloob para mapagpala ang iba, nararanasan natin ang kapangyarihan ng priesthood sa ating buhay.”

—President Jean B. Bingham, Relief Society General President

“Madalas na maghanap ng mga pagkakataon na dagdagan ang iyong pang-unawa sa ‘doktrina ng priesthood.’ Kailangang hangarin ng bawat isa sa atin ang pang-unawang ito para sa ating sarili.

“Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at salita ng mga makabagong propeta ay maglalaan ng saganang pundasyon para umunlad ang kaalamang ito. Gayundin ang pagsunod sa mga utos ng Diyos at pagiging tapat sa mga tipang ginawa natin sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood. Ang pang-unawa ay ibinibigay sa atin nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin’ [2 Nephi 28:30]. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, ito ay ‘magpapadalisay’ sa ating mga kaluluwa ‘tulad ng hamog mula sa langit’ [Doktrina at mga Tipan 121:45].”

—Sister Lisa L. Harkness, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency

“Bawat isa sa atin ay may landas na tinatahak. … Dumaranas tayo ng mga hamon sa relasyon sa buhay, problema sa pera, at problema sa kalusugan ng isipan at katawan. Ginagawa natin ang napakaraming gawain at mga nakasulat sa araw-araw na listahan ng mga bagay na dapat nating gawin. Ang ilan sa atin ay maaaring dumaranas ng pighati, o maging ng lungkot o pagkabagot. Magkakaiba ang ating mga hamon, ngunit lahat tayo ay mayroon nito.

“Ang pagtupad sa ating mga tipan ay hindi nangangahulugang ang mga hamong ito ay maaalis, ngunit ibig sabihin nito ay nangangako ang Panginoon na makakasama natin Siya.”

—Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency

“Nakikinita ko ang kapangyarihan ng priesthood bilang isang, pino, makinis na puting sinulid na nagmumula sa Diyos at hinahabi nang paloob at palabas, pataas at paikot, na parang may sarili itong direksyon sa ating buhay. Ngunit sa paglipas ng panahon isang napakabusising pattern ang nahahayag. Tinatakpan ng disenyo na iyon ang altar ng Diyos, ang pinakabanal na lugar kung saan tayo nagbibigkis sa lupa at nagbibigkis sa langit. …

“Tuwing makikita ko ang isang tela sa altar sa loob ng banal na templo, pakiramdam ko isa ito sa mga pinakamabisang simbolo kung paano ipinahihiram ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa Kanyang matatapat na anak upang tipunin at sama-samang ibigkis ang isang mabusisi, at banal na disenyo.”

—Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency

“Sa mga karanasan ko sa buhay, alam ko na ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon, pagsampalataya, at lubos na pagtitiwala sa Kanya ay mga paraan ng pag-access natin sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood. …

“… Kapag nanatili tayong tapat, matatanggap natin ang mga kapangyarihan at pagpapalang iyon ng priesthood sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Makapagbibigay ito sa atin ng proteksyon, kapanatagan, lakas, kapayapaan, at mga pangakong umaabot sa mga kawalang-hanggan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood na iyon, tinutulungan din ako ng Espiritu Santo na maalala ang mga karanasan ko sa buhay na patuloy na nagpapatatag sa aking patotoo at pananampalataya sa Diyos.”

— Sister Cristina B. Franco, Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency

“Maraming taon na ang nakalipas mula nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, pero tandang-tanda ko pa ang karanasang iyon. …

“Ang karanasang iyon ang humubog sa maraming desisyong ginawa ko sa buong buhay ko. Nalaman ko na para makamit ang kanais-nais na mga pagpapalang iyon, kailangan kong gawin ang bahagi ko.

“Nakikita ko na ngayon na marami pang nais ang ating Ama na matanggap ko, na higit na marami kaysa sa nakasaad sa aking patriarchal blessing.”

—Sister Becky Craven, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency

“Sumapi ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa edad na 26. Kahit panatag ang puso ko habang sinusunod ko ang hangaring pagpalain ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya, alam ko na ang pagkaunawa ko sa tipang iyon ay tulad sa isang munting binhi lamang noong panahong iyon.

“Sa paglipas ng mga taon at sa pagsisikap kong tuparin ang tipan sa binyag na iyon at ang iba pang mga tipang ginawa ko sa Ama sa Langit, dama kong biniyayaan Niya ako ng mas malalim na pang-unawa tungkol sa Kanya, tungkol sa aking Tagapagligtas, at tungkol sa papel ko bilang pinagtipanang anak ng mga Magulang sa Langit.”

—Sister Reyna I. Aburto, Second Counselor sa Relief Society General Presidency