2021
Ang Magiting na Impluwensya ng Matwid na Kababaihan
Marso 2021


Digital Lamang

Ang Magiting na Impluwensya ng Matwid na Kababaihan

Ang kababaihan ay may napakahalagang papel na ginagampanan sa ebanghelyo ni Jesucristo.

grupo ng kababaihan sa cityscape

Ilan sa paborito kong mga alaala sa pagkabata ay ang magtalukbong ng kumot, hawak ang aking flashlight habang binabasa ang mga huling pahina ng paborito kong aklat. Naipanalo ang digmaan, ligtas ang mga tauhang minahal ko, at masaya ako. Hihiga ako nakadilat ang mga mata, iniisip kung ano ang pakiramdam ng maging matagumpay na bida, at kapag ako’y tuluyan nang makatulog, makikita ang ngiti sa aking mukha.

Gustung-gusto kong ginagaya ang mga tauhan sa aking mga aklat dahil sigurado ako na ang isang ordinaryong taong tulad ko ay hindi kailanman magiging bayani.

Iyon ang paniniwala ko hanggang nitong nakaraang ilang linggo nang pagsulatin ako sa aking psychology class sa kolehiyo ng tungkol sa itinuturing kong mga bayani. Ang mga unang mukha na pumasok sa isipan ko ay ang mga babae sa aking buhay. Noong una, inayawan ko ang ideyang ito, dahil iniisip ko na maraming tao na ang nagsusulat kung bakit mga bayani nila ang kanilang mga ina o tiyahin o mga lider ng Young Women. Pero natanto ko na iyon mismo ang dahilan.

Karamihan sa mga tao na nagpabago ng buhay ko ay hindi ang mga sikat sa social media o mga bilyonaryo o kilalang mga eksperto. Ang mga bayani ko ay ang mga taong nag-ukol ng panahon upang ipakita sa akin ang pagmamahal na katulad ng kay Cristo at tinutulungan akong maunawaan kung sino ako talaga.

Ang ating lakas bilang matwid na kababaihan ay nagmumula sa pagkilala natin sa ating sariling kahalagahan, sa ating banal na pagkatao, at kakayahang maisakatuparan ang maraming bagay. Sa kabilang banda, ang pagtanto natin sa ating sariling kahalagahan ay makatutulong sa atin na maunawaan ang mga kalakasan at walang-hanggang kahalagahan ng iba.

Hinikayat tayo ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society general president, na “hanapin ang ating mga kaloob at paunlarin ang mga ito, na inaalala kung sino ang nagbigay sa atin, at gamitin ang mga ito para sa Kanyang mga layunin. Kapag ibinabahagi natin ang ating mga kaloob para mapagpala ang iba, nararanasan natin ang kapangyarihan ng priesthood sa ating buhay.”1 Napakahalaga na laging maunawaan ng kababaihan na ang mundo ay “[nangangailangan ng] inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig.”2

Bukod pa rito, kahit malakas tayo bilang mga indibiduwal, mas malakas pa rin tayo kapag nagkakasama-sama. Maaaring mabigat ang pasanin kapag naninindigan tayo o nag-iisa, ngunit maaari tayong “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” nang magkakasama sa pamamagitan ng pakikidalamhati sa “yaong mga nagdadalamhati” at pag-aliw sa “yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias18:8–9). Kailangan nating tigilan ang panghuhusga at pakikipagkumpitensya sa isa’t isa tulad ng ginagawa ng mundo. Kailangan natin ang isa’t isa sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Noong bata pa ako, inilarawan ko ang kabayanihan bilang isang taong nagliligtas sa mundo sa pamamagitan ng pambihirang sakripisyo. Ang kabayanihan ay isang bagay na makikita mo sa isang kuwento sa balita—isang matapang na bumbero na inilalabas ang isang bata mula sa nasusunog na gusali o isang matapang na asong husky na sinasagip ang kanyang amo sa matinding hagupit ng bagyo sa taglamig. Ngunit lumawak ang pakahulugan ko sa kabayanihan. Ang kabayanihan ay ang tinapay mula sa isang ministering sister dahil nahikayat siyang paglingkuran ka. Ang kabayanihan ay pagpapadala ng isang nakahihikayat na text message sa isang tao dahil nakaramdam ka ng pahiwatig na kailangan nilang marinig ang iyong mga salita. Ang kabayanihan ay pagpayag na matuluan ang balikat mo ng mga luha ng isang nagdadalamhating sister. Ang kabayanihan ay pagiging mapagpakumbaba, tahimik, at matapang. Ang kabayanihan ay tapang na gumawa ng maliliit na hakbang upang makapaglingkod at mahalin ang iba, kahit sa mga sandali ng panghihina, kawalang-katiyakan, o kawalan ng interes. Ang kabayanihan ay nagagawa sa maliliit na paraan, sapagka’t “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Bagama’t ang liwanag ng ating indibiduwal na kabayanihan ay maaaring magkaroon ng tila maliit na epekto sa lipunan, sa pagsasama-sama natin ay maaaring maabot ng liwanag ng pagmamahal ni Cristo ang bawat sulok ng mundo. Tulad ng sinabi ng ating pinakamamahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, “Mahal kong mga kapatid, wala nang mas mahalaga pa sa inyong buhay na walang-hanggan kaysa sarili ninyong pagbabalik-loob. Ang kababaihang nananalig at tumutupad sa tipan … na ang matwid na pamumuhay ay lalong mamumukod-tangi sa mundong pasama nang pasama at na maituturing na naiiba at kakaiba sa pinakamasayang paraan.”3

Katulad ng mga kamangha-manghang dragon at madyik at mga epikong labanan, balang-araw—kapag binabasa ko ang aklat ng aking buhay—gusto kong makita na matiyaga ako kahit nahihirapan, mabait kahit pinagmamalupitan, at mapagpakumbaba kahit kinapopootan. Gusto kong mabasa na nakikipag-usap ako sa mga nalulumbay at ipinagtatanggol ang mga naaapi, tinutulungan silang makita ang sarili kung paano sila nakikita ng Diyos. Gusto kong malaman na dahil tiwala ako sa aking pagkatao at alam ko ang lakas ng aking impluwensya, tumulong akong baguhin ang mundo tungo sa kabutihan, at tumulong sa paggawa ng gawain ng Panginoon (kahit sa maliliit na paraan), at tumulong sa paghahanda sa mundo para sa Kanyang pagbabalik. At kapag ginawa ko ito, titiyakin ko na nagawa ko ito sa tulong at impluwensya ng minamahal kong mga kapatid na babae at mga kababaihan na nagsilbing mga kahanga-hangang halimbawa ng pagkadisipulo.