Mga Alituntunin ng Ministering
Pagsuporta sa Isa’t Isa sa Ating mga Pagsisikap na Gamitin ang Media sa Matalinong Paraan
Ang mga ideya at resources na ito ay makatutulong kung ang inyong mga pinaglilingkuran ay may mga tanong tungkol sa paggamit ng teknolohiya.
Ang isa sa mga pinaka-karaniwang tanong sa mga pamilya sa maraming kultura ay kung paano magagamit nang wasto ang media at teknolohiya. Ang kasalukuyang mga digital device ay mabilis na naging bahagi ng maraming kultura, at binago nito ang marami sa ating mga pinakasimpleng gawain sa araw-araw.
Dahil sa tila walang-katapusang potensyal nito para sa kabutihan at sa kasamaan, maraming indibiduwal at pamilya ang naghahanap ng magandang impormasyon kung paano magagamit nang ligtas ang media.
Nakita ni Marta (binago ang mga pangalan), isang lider ng Simbahan sa Spain, kung paano napagbuti ng kanyang smartphone ang kanyang pag-aaral ng ebanghelyo, pinadali ang pagkontak sa mga pinaglilingkuran niya, tumulong sa kanyang personal na pag-unlad sa paggamit niya ang Gospel Living app, at tinulutan siyang mas magampanan pa ang kanyang calling. Gayunman, alam niyang nahihirapan siyang ibaba ang kanyang cellphone at makihalubilo sa kanyang pamilya.
Si Kwan, isang binatilyo sa Korea, ay madalas na ginagamit ang computer ng pamilya sa pagsasaliksik sa paaralan, mga assignment, at mga proyekto. Pagkatapos gawin ang kanyang mga gawain sa paaralan, ginagamit niya ang libreng oras niya sa paglalaro sa online gaming. Nag-aalala ang kanyang mga magulang.
Araw-araw, si Declan, isang young adult sa Kenya, ay nakakakita ng mga taong hawak-hawak ang kanilang smartphone. Tila naa-access nila nang mabilis ang impormasyon na makakatulong para ang kanyang buhay ay maging mas madali at masaya, kabilang na ang pag-access sa mga banal na kasulatan, magasin, at iba pang content ng Simbahan. Ngunit, pagkatapos bayaran ang lahat ng kanyang mga gastusin, walang perang natitira na pambili ng smartphone. Pakiramdam ni Declan ay napag-iwanan na siya.
Sa ating ministering o paglilingkod, paano natin masusuportahan at mapalalakas ang ating mga kapatid sa paghahanap nila ng mga sagot sa minsa’y nakalilitong paksang ito? Narito ang ilang ideya at resources sa paggamit ng media sa matalinong paraan.
Mga Mungkahi sa Paggamit ng Media sa Matalinong Paraan
-
Humanap ng mga paraan para gamitin ang mahalagang oras nang hindi gumagamit ng teknolohiya, kabilang ang pag-minister sa ibang tao, pagpapaunlad ng mga kakayahan at talento, at pakikibahagi kasama ang iba pa sa makabuluhang mga libangan at iba pang mga aktibidad.
-
Magkaroon ng tiyak na layunin sa paggamit ng teknolohiya, at bawasan ang paggamit nito kapag ikaw ay walang magawa, malungkot, galit, o puno ng stress. Ang mga ito at iba pang mga emosyon ay maaaring maging daan para magamit mo sa hindi wastong pamamaraan ang teknolohiya. Humanap ng wastong pamamaraan para matugunan ang mga emosyon.
-
Maging disiplinado. Gumamit ng settings na tumutulong sa iyo na makita o bawasan ang oras na inuukol mo sa iyong device.
-
Maging katulad ng Tagapagligtas. Ibigay ang iyong buong atensyon sa ibang tao kapag nakikipag-usap sila sa iyo.
-
Unahin ang personal na ugnayan. Balansehin ang elektroniko at di-elektronikong pakikipag-ugnayan, lalo na kapag nagbabahagi ng taos-pusong damdamin o mahahalagang kaisipan.
-
Magkaroon ng regular na pahinga sa paggamit ng mga device. Anyayahan ang lahat sa pamilya na sadyaing magkaroon ng pahinga mula sa paggamit ng kanilang mga device.
-
Sanayin ang iyong sarili na huwag tumugon kaagad sa bawat notification at alert.
Magsimula ng Talakayan
-
Magsimula ng talakayan tungkol sa mahalagang paksa na ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga hamon o tanong na mayroon ka tungkol sa paggamit ng teknolohiya at media.
-
Itanong kung ano ang natuklasan nila na nakatutulong sa kanila. Marami kang matututuhan sa paggamit ng paraang ito. Makapagbibigay din ito ng pagkakataon na ibahagi ang ilang mga bagay na natutuhan mo.
-
Mga banal na kasulatan na maibabahagi mo: Inaanyayahan tayo ng mga propeta na maging matalino (tingnan sa Jacob 6:12), na maging mahinahon sa lahat ng bagay (tingnan sa Alma 7:23), na bantayan ang ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa (tingnan sa Mosias 4:30), at maging mabubuting halimbawa (tingnan sa I Timoteo 4:12).