2021
Pagmamadali Papuntang Sacrament Meeting
Marso 2021


Pagmamadali Papuntang Sacrament Meeting

Akala ko hindi na naman kami makakadalo ng sacrament.

loaf of bread

Larawan mula sa Getty Images

Nang lumipat kami mula sa Estados Unidos papunta sa Vietnam, determinado kaming mag-asawa na hindi kami liliban kailanman sa pagsisimba. Pagkaraan ng isang taon, hindi kami lumiban sa kahit isang miting sa araw ng Linggo, pero madalas kaming mahuli at madalas na hindi makabahagi sa sacrament. Ang aming sacrament meeting ay nagsisimula nang alas-8:30 n.u. Dahil may tatlong maliliit na anak, tila imposibleng maging handang magsimba sa takdang oras.

Bilang pamilya nagpasiya kaming kailangan kaming makarating sa tamang oras sa simbahan at makibahagi sa sacrament. Nahirapan ako, pero apat na sunud-sunod na linggo kaming dumating sa tamang oras. Napansin ko ang kaibhang nagawa ng aming mga pagsisikap. Mas marami kaming espirituwal na karanasan sa buong linggo.

Gayunman, nang sumunod na Linggo, tinanghali kami ng gising. Alas-7:30 na ng umaga. Sinabi ko sa asawa ko na wala nang pag-asa, pero naisip ko kung paano kami pagpapalain kung gagawin namin ang lahat para maging handa kahit paano. Kaya, nagmadali kami!

Nang makarating kami sa simbahan, 20 minuto na kaming huli. Nadama kong nabigo kami. Narinig namin ang kantahan nang pumasok kami, at nang buksan ko ang pinto, papunta ang isang tao sa pulpito para manalangin.

“Iyon ba ang pambungad na himno?” Bumulong ako sa missionary na nakatayo sa tabi ng pintuan.

“Oo,” sabi niya. “Medyo nahuli kami sa pagsisimula.”

Natigilan ako. Akala ko huli na naman kami, pero eksakto lang pala ang pagdating namin sa Simbahan! Naluha ako nang madama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin at sa aking munting pamilya.

Kalaunan nalaman namin na nang dumating ang mga missionary sa Simbahan noong Linggong iyon, wala palang nakapagdala ng tinapay para sa sacrament. Walang tindahan na malapit, at mahirap maghanap ng tinapay sa Vietnam. Matapos ang panandaliang pag-aalala, naalala ng mga elder na mayroon silang tinapay sa bahay.

Ilang araw bago iyon, pumunta ang mga elder sa aming tahanan para maghapunan. Noong gabing iyon, naghanda ako ng homemade na tinapay para sa kanila. Tinanghali ang pagsisimula ng simba nang umagang iyon ng Linggo dahil umuwi ang mga elder para kunin ang tinapay na ginawa ko para sa kanila!

Nakikita ng Diyos ang ating pagod habang sinisikap nating sundin ang Kanyang mga utos. Bagama’t nagkukulang tayo kung minsan, mahal Niya tayo at maghahanda Siya ng paraan para magtagumpay tayo—kahit na ito ay pagdating lang sa Simbahan sa tamang oras.