Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Sumisikat na Simbahan
Ang Simbahan ng Tagapagligtas ay ipinanumbalik nang may tunay na doktrina, kapangyarihan ng priesthood, at mga sagradong ordenansa.
Ilang taon na ang nakalipas, sa unang linggo ko sa trabaho sa opisina ng Public Affairs sa Mexico, nakatanggap kami ng imbitasyon mula sa isang talk show sa radyo. Ang show, na tumatalakay sa mga relihiyon ng daigdig, ay nagbigay sa amin ng 45 minuto para magsalita tungkol sa Simbahan.
“Ito ay napakagandang pagkakataon,” sabi ko sa Area President habang ibinabahagi ko ang mga detalye ng imbitasyon. “Sino ang dapat nating ipadala para katawanin ang Simbahan?”
Sagot niya, “Siyempre ikaw.”
Bago pa lang ako sa opisina at napakabata ko. Nagulat ako na hindi niya iminungkahi ang isang taong mas may karanasan. Gayunman, nagdasal ako, naghanda sa abot ng makakaya ko, at nag-imbita ng taong makakasama ko. Hindi nagtagal ay nasa istasyon na kami ng radyo.
“Kasama natin sa gabing ito ang dalawang kinatawan mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ng program director nang ipakilala niya kami. Pagkatapos ay itinanong niya, “Bakit napakahaba ng pangalan ng inyong simbahan? Bakit hindi kayo gumamit nang mas maikli o mas madaling tandaan na pangalan?”
Masaya kami ng kasama ko na sagutin ang napakagandang tanong na iyon. Ipinaliwanag namin na ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinili ng isang tao. Sa halip, ang Tagapagligtas mismo ang naghayag nito sa pamamagitan ng isang propeta sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 115:4).
Magalang na tumugon ang program director, “Kung gayon ikinalulugod naming banggiting muli nang buo ang pangalan nito.” At ginawa niya ito—nang maraming beses.
Naaalala ko pa ang magiliw na espiritu na nadama namin nang ipinaliwanag namin ang pinagmulan ng pangalan ng Simbahan at kung paano tinutukoy ng pangalang iyon ang Tagapagligtas at ang mga miyembro ng Kanyang Simbahan ngayon. Sinagot namin ng kasama ko ang maraming tanong, na karamihan ay nakasentro sa pangalan ng Simbahan. Ang karanasang iyon ay isang pagpapala para sa Simbahan sa aming lugar at sa akin.
Noong 2018, hiniling ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga Banal sa mga Huling Araw “na ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon.” Nangako siya na kung gagawin natin ang lahat para sundin ang payong iyon, “ibubuhos [ng Panginoon] ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa uluhan ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman.”1 Pinanibago ni Pangulong Nelson ang pangakong iyan sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020.2
Sa maikling panahon mula nang hilingin sa atin ni Pangulong Nelson na gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan, ang kanyang pangako ay nagsimula nang matupad. Sa milyun-milyong miyembro ngayon na nagbabahagi ng tamang pangalan ng Simbahan, mas marami pang tao ang nakakaalam na naniniwala tayo at sumasamba sa Panginoong Jesucristo. Dahil dito, naniniwala ako na ang Simbahan ay muling nagkakaroon ng impluwensya at paggalang. May mga pintuang bumubukas, at sumusulong ang Pagpapanumbalik.
Kapag naunawaan na ng mga anak ng Diyos na ang paghahayag ay nagpapatuloy pa rin at na ang Simbahan ng Tagapagligtas ay naipanumbalik nang may tunay na doktrina, kapangyarihan ng priesthood, at mga sagradong ordenansa, nanaisin nilang malaman pa ang tungkol sa Pagpapanumbalik.
Buhay na mga Propeta
Ang bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan ay nagsisimula sa mahahalagang salitang ito: “Ang pagsikat ng Simbahan ni Cristo sa mga huling araw na ito” (talata 1; idinagdag ang pagbibigay-diin). Simula nang maorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830, iniutos ng Panginoon ang pagsikat na iyon sa pamamagitan ng mga lider na Kanyang tinawag.
Ang Propetang Joseph Smith ay “binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo na itatag ang pundasyon” ng ipinanumbalik na Simbahan. Gayundin, sa ating panahon, ang Panginoon ay nagbigay-inspirasyon kay Pangulong Nelson na pamunuan ang Simbahan, “itatag ito,” at “isulong ang kapakanan ng Sion sa malakas na kapangyarihan para sa kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 21:2, 7).
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020, nakita ng mga miyembro ng Simbahan ang pagpapatibay ng patuloy na patnubay ng Panginoon at ang patuloy na pagsikat ng Kanyang Simbahan nang binasa ni Pangulong Nelson ang “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo”:
“Malugod naming ipinapahayag na ang ipinangakong Pagpapanumbalik ay sumusulong sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag,” sabi niya. “Ang mundo ay hindi na muling magiging tulad ng dati.”
Idinagdag pa ni Pangulong Nelson, “Ang kalangitan ay bukas. Ipinapahayag namin na ipinababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga minamahal na anak.”3
Nangako ang Panginoon na pagpapalain ang mga naunang miyembro ng Simbahan na nakinig sa Kanyang kalooban tulad ng inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang mga pangakong iyon ay para din sa atin kapag sinusunod natin ang mga piling lingkod ng Panginoon ngayon: “Ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (Doktrina at mga Tipan 21:6).
Tunay na Doktrina
Isa sa mga bagay na natutuhan ng batang Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan 200 taon na ang nakalipas ay na ang mga propesor ng relihiyon noong kanyang panahon ay itinuro “sa mga doktrina ang mga kautusan ng tao, na may anyo ng kabanalan, subalit kanilang itinatatwa ang kapangyarihan niyaon” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:19).
Ipinahayag kamakailan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang gayon ding “mga kakulangan sa relihiyon” sa ating panahon ay “iniiwan pa rin ng hindi natutugunang gutom at pag-asa ng ilan” at na “ang ilan sa mga kawalang-kasiyahang iyon [sa doktrina] ay nag-aakay sa ilan palayo sa mga tradisyonal na institusyon ng relihiyon.”4
Ang kailangan ng mundo, at ang iniaalok ng Panginoon, ay ang matamis at nagliligtas na mga doktrina na matatagpuan sa kanilang kapayakan at kaganapan sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Tunay na doktrina ang matatagpuan sa Aklat ni Mormon, na naglalaman ng “kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga Gentil at gayon din sa mga Judio” (Doktrina at mga Tipan 20:9). “Itinuturo nito ang layunin ng buhay at ipinapaliwanag ang doktrina ni Cristo, na siyang sentro ng layuning iyon. … Nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon na ang lahat ng tao ay anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, na Siya ay may banal na plano para sa ating buhay, at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ay nagsasalita sa atin ngayon katulad noong sinaunang panahon.”5
Tunay na doktrina ang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan, na tinawag ng isang propeta na “nag-uugnay sa Aklat ni Mormon at sa patuloy na gawain ng Pagpapanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng mga humalili sa kanya.”6
Ang tunay na doktrina ay matatagpuan din sa mga turo ng mga makabagong propeta at apostol na tinawag ng Panginoon sa ating panahon upang maprotektahan tayo laban sa panlilinlang. Alam natin na ang sinasabi nila sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo ay ang kalooban, isipan, salita, at tinig ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:4).
Ang tunay na doktrina ay nakahihikayat, nagpapalakas, at nagbibigay kapanatagan dahil inaanyayahan nito ang Espiritu Santo, inihahayag ang plano ng kaligtasan, at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Priesthood at mga Ordenansa
Inaanyayahan tayong lahat ng Panginoon na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan at tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan.7 Ang mga ordenansa ay mahalaga sa totoong Simbahan ng Panginoon, tulad ng awtoridad ng priesthood na nangangasiwa sa mga ito.
Bukod sa iba pang mga bagay, ang mga naghahanap sa totoong Simbahan ni Jesucristo ay dapat umasa na itinuro ng Panginoon ang wastong paraan ng pagbibinyag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37, 71–74) at ang mga tungkulin ng mga miyembro matapos silang mabinyagan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:68–70). Dapat silang umasa na makakita ng mga lider na mula sa mga regular na miyembro ng Simbahan at malaman ang mga tungkulin ng mga namumunong lider na iyon. At dapat asahan nila na makatanggap ng mga pagkakataong maglingkod sa paraang tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:38–67; tingnan din sa Mosias 18:8–10; Moroni 6:4.)
Dahil sa paglilingkod sa ipinanumbalik na Simbahan, tayo ay namumukod-tangi. Ang paglilingkod sa priesthood ay paglilingkod sa lahat, pati na sa mga hindi natin kamiyembro. Pinagpapala ng paglilingkod kapwa ang mga pinaglilingkuran at mga naglilingkod.
Sa huli, ang mga naghahanap sa totoong Simbahan ng Panginoon ay dapat umasa na makikita ang awtoridad at mga ordenansa ng priesthood na maaaring magbigkis sa mga pamilya sa kawalang-hanggan.
“Ano ang ibig sabihin sa inyo ng naipanumbalik sa lupa ang ebanghelyo ni Jesucristo?” tanong ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020. “Ang ibig sabihin nito ay mabubuklod na kayo at ang inyong pamilya magpakailanman! “Ang ibig sabihin nito na dahil nabinyagan kayo ng isang taong may awtoridad mula kay Jesucristo at nakumpirmang miyembro ng Kanyang Simbahan, makakasama ninyong palagi ang Espiritu Santo. … “Ang ibig sabihin nito ay mapagpapala kayo ng kapangyarihan ng priesthood kapag tumatanggap kayo ng mga kinakailangang ordenansa at gumagawa ng mga tipan sa Diyos at tinutupad ang mga iyon.”8
Kaylaking pagpapala ang maging mga miyembro ng Simbahan na sumisikat at pinamumunuan ng mga buhay na propeta at apostol! Nawa’y hindi natin kailanman balewalain ang banal na patnubay ng Panginoon, ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, ang kapangyarihan ng priesthood, at ang mga ordenansang nagpapala sa atin ngayon at sa kawalang-hanggan.