Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda
“Hindi na po Ako Sanggol, Lolo”
Ang pag-uukol ng oras kasama ang aking maliit na apong babae ay nagtatampok sa kagandahan ng kasalukuyan at nagpapaalala sa nakaraan.
Kaka-apat na taong gulang pa lang ng apo kong si Lily, pero tinatawag ko pa rin siya sa palayaw sa kanya noong sanggol siya: “Baby Lils.” Kapag ginagawa ko ito, ipinapaalala niya sa akin, “Hindi na po ako sanggol, Lolo.”
Maaaring tama siya, pero sana hindi. Nagpasiya ako na kung patuloy ko siyang tatawagin na Baby Lils, baka hindi siya ganoon kabilis lumaki. Kaya tatawagin ko pa rin siyang Baby Lils, kahit hanggang sa edad lang na puwede na siyang magmaneho.
Siyempre, alam ko na hindi ko kayang pigilan ang mabilis na paglipas ng mga araw, buwan, at taon. Sinubukan ko ito sa mga anak ko mismo … pero nabigo ko. “[Lumilipas] ang taon ng [ating] buhay,” tulad ng sabi ni Jacob, “tulad ng isang panaginip” (Jacob 7:26). Bago ko pa mamalayan, ang bunso naming anak ay magiging missionary na, at maiiwan kaming mag-asawa sa isang bahay na puno ng mga silid-tulugan na walang laman at alaala ng pagkabata.
Narinig ko kamakailan ang isang tauhan sa pelikula na nagsabing, “Pinalalalim ng edad ang lahat ng damdamin.” Naniniwala akong iyan ay totoo. Kapag ang edad mo ay umabot na sa kalahating siglo o higit pa, naranasan mo na ang maraming kagalakan at kalungkutan sa buhay. Lumalago ang pagmamahal sa pagkawala ng mahal sa buhay, at alam mo na ang kaligayahan magpakailanman ay darating sa kabilang-buhay, hindi sa buhay na ito.
Habang nakatingin ako sa mukha ni Lily, iniisip ko kung anong mga disyerto ang kanyang tatawirin, anong mga pasanin ang kanyang dadalhin, at anong mga tinik sa laman ang kanyang pagdurusahan (tingnan sa II Corinto 12:7). Dalangin ko na protektahan siya ng Panginoon, kahit ilang taon man lang, mula sa mga aral na mahalaga sa ating espirituwal at emosyonal na pag-unlad. Dalangin ko na palakasin Niya si Lily kapag dumarating ang mga pagsubok na iyon, sa pagdating ng mga ito sa ating lahat.
Gayunman, sa sandaling ito, inaalis ko sa isip ko ang gayong mga ideya. Sinisikap kong huwag masyadong isipin ang mangyayari sa hinaharap. Ayokong makaligtaan ang kagandahan ng kasalukuyan.
“Habulin mo ako, Lolo,” sabi ni Lily habang tumatakbo siya palayo.
Hinabol ko siya sa bawat silid. Ang kanyang magiliw na pagtawa ay musika, at ang kanyang maningning na mukha ay sikat ng araw. Sa isang saglit, bumalik sa akin ang alaala 25 taon na ang nakalipas. Ako ay nasa nakaraan, kasama ang ina ni Lily, na aking anak. Siya ay apat na taong gulang muli. At tulad ni Lily, tawa siya nang tawa habang hinahabol ko siya sa buong bahay.
At may isa pang alaala. Ito ay taong 1974, at binibisita namin noon ng mga kapatid ko ang aming lolo-sa-tuhod na si Curtis Ellsworth. Ito na ang huling pagkakataon na makikita ko siya sa buhay na ito. Hindi magtatagal ay mamamatay na siya, sa edad na 90, habang nasa misyon ako sa Guatemala.
Sa sandaling ito ng nakaraan, naisip ko: “Ano ang iniisip ni Lolo Ellsworth, habang nakatingin siya sa amin, na kanyang mga inapo? Naalala ba niya noong maliliit pa ang mga anak niya? Nag-alala ba siya sa aming hinaharap? Ipinaalala ba namin sa kanya na ang buhay ay mabilis na lumilipas?”
Nang magpaalam kami nang sandaling iyon, naalala ko na umiyak si Lolo Ellsworth. Maraming dekada akong nagtaka kung bakit siya umiyak. Alam ko na ngayon.