Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Pagsunod: ‘Kapag Inutos ng Panginoon, Gawin Ito’


Kabanata 13

Pagsunod: “Kapag Inutos ng Panginoon, Gawin Ito”

“Mamuhay na mahigpit na sumusunod sa mga utos ng Diyos, at magpakumbaba sa Kanyang harapan.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Mula Disyembre 1827 hanggang Agosto 1830, tumira sina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania, at paminsanminsan ay naglalakbay papuntang New York ang Propeta upang asikasuhin ang mga gawain ng Simbahan. Noong Setyembre 1830, lumipat sa Fayette, New York, sina Joseph at Emma, upang sumama sa mga Banal na naninirahan sa kanluraning New York. Noong sumunod na Disyembre, tumanggap ng paghahayag ang Propeta na kailangang magsakripisyo nang husto ng mga miyembro ng Simbahan. Kailangan nilang lisanin ang kanilang mga tahanan, bukirin, at negosyo at magtipon sa Kirtland, Ohio (tingnan sa D at T 37). Doon ay makakasama nila ang mga miyembrong naninirahan sa pook na iyon upang itayo ang Simbahan at, tulad ng pangako ng Panginoon, “[mapagkalooban] ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (D at T 38:32). Kabilang sina Joseph at Emma Smith sa mga unang sumunod sa utos ng Panginoon, at nilisan ang New York noong katapusan ng Enero 1831. Naglakbay sila ng mahigit 400 kilometro sakay ng karwahe (sleigh), sa gitna ng napakatinding taglamig, at noon ay ipinagbubuntis ni Emma ang kambal.

Ayon sa kuwento ng kanyang apong si Orson F. Whitney, isa si Newel K. Whitney sa mga unang sumalubong sa Propeta: “Noong mga unang araw ng Pebrero 1831, isang karwahe na may sakay na apat na katao ang dumaan sa mga lansangan ng Kirtland at huminto sa tapat ng pintuan ng tindahan ng mga Gilbert at Whitney. … Isa sa mga kalalakihan, na may kabataan at matipunong pangangatawan, ang bumaba, umakyat sa mga baitang, at pumasok sa tindahan kung saan nakatayo ang nakababatang kasosyo.

“ ‘Newel K. Whitney! Ikaw na nga!’ sabi niyang iniaabot ang kamay na para bang matagal at dati na siyang kakilala.

“ ‘May kalamangan ka sa akin,’ sagot ng [bantay sa tindahan], habang wala sa loob na tinanggap ang nakalahad na kamay—na nakalarawan sa mukha ang pagkamangha at pagtataka—‘Hindi kita matatawag sa pangalan gaya ng ginawa mo sa akin.’

“ ‘Ako si Joseph, ang Propeta,’ sabi ng dayuhang nakangiti. ‘Nanalangin kang pumarito ako; ano ngayon ang ninanais mo mula sa akin?’

“Nagulat si Ginoong Whitney, ngunit nagagalak pa rin, at nang makabawi sa pagkagulat, ay inihatid ang grupo … patawid ng kalsada patungo sa kanyang bahay sa kanto, at ipinakilala sila sa kanyang asawa [si Elizabeth Ann]. Nagulat at natuwa rin ito tulad ng kanyang asawa. Isinalaysay ni Joseph ang nangyari doon: ‘Malugod kaming tinanggap at pinatuloy sa bahay ni Brother N. K. Whitney. Nakitira kaming mag-asawa sa pamilya ni Brother Whitney nang ilang linggo, at pinakitaan kami ng lahat ng kabaitan at pag-aasikasong maaasahan.’ [Tingnan sa History of the Church, 1:45–46.]”1

Ipinahayag ni Orson F. Whitney: “Sa pamamagitan ng anong kapangyarihan nakilala ng pambihirang taong ito, si Joseph Smith, ang isang taong hindi pa niya kailanman nakita nang harapan? Bakit hindi siya nakilala ni Newel K. Whitney? Iyon ay dahil tagakita si Joseph Smith, isang piling tagakita; totoong nakita niya si Newel K. Whitney sa pagkakaluhod nito, daan-daang kilometro ang layo mula sa kanya, na nananalangin sa kanyang pagpunta sa Kirtland. Kataka-taka—ngunit totoo!”2

Pagsapit ng Mayo halos 200 pang mga Banal mula sa New York ang nakarating sa Kirtland—ang ilan ay sakay ng karwahe o bagon, ngunit karamihan ay sakay ng gabara na dumaan sa Erie Canal at pagkatapos ay sumakay ng lantsa o bangkang may layag patawid ng Lake Erie. Sa pagpuntang ito sa Kirtland, tulad ng maraming iba pang mapanghamong pangyayari sa kanyang buhay, pinamunuan ni Joseph Smith ang mga Banal sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, gaano man kahirap ang gawain.

Apat na taon kalaunan, sa gitna ng maraming problema tungkol sa pamumuno sa lumalaking Simbahan sa Kirtland, nagpahayag ang Propeta ng pananalig na naglalarawan ng kanyang buhay: “Nobyembre ang pinakaabala kong buwan; pero kahit puno ng mga gawain at tuluy-tuloy na mga responsibilidad ang buhay ko, ginawa ko itong panuntunan: Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito.3

Mga Turo ni Joseph Smith

Kapag hinahangad nating malaman ang kalooban ng Diyos at ginagawa ang lahat ng Kanyang ipinagagawa, ang mga pagpapala ng langit ay mapapasaatin.

Upang magtamo ng kaligtasan hindi lamang natin dapat gawin ang ilang bagay, kundi lahat ng bagay na inutos ng Diyos. Maaaring ipangaral at kagawian ng mga tao ang lahat maliban sa mga bagay na ipinagagawa sa atin ng Diyos, at maparusahan siya sa huli. Maaari tayong magbigay ng ikapung yerbabuena, at ng ruda, at lahat ng uri ng gulay, ngunit hindi pa rin natin sinusunod ang mga utos ng Diyos [tingnan sa Lucas 11:42]. Layon kong sumunod at turuan ang iba na gawin ang anumang ipinagagawa ng Diyos sa atin. Hindi mahalaga kung popular man o hindi ang alituntunin, lagi kong ipaglalaban ang isang tunay na alituntunin, kahit mag-isa lamang akong naninindigan dito.”4

“Bilang isang Simbahan at grupo kailangan at angkop na tayo ay maging matalino, at hangarin nating malaman ang kalooban ng Diyos, at maging handang gawin ito; sapagkat ‘mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito’y ginaganap,’ sabi sa mga Banal na Kasulatan. “Magbantay kayo at laging manalangin,’ sabi ng Tagapagligtas, ‘upang maging marapat kayong makatakas sa mga bagay na mangyayari sa daigdig, at upang makaharap kayo sa Anak ng Tao.’ [Tingnan sa Lucas 11:28; 21:36.] Kung sina Enoc, Abraham, Moises, at ang mga anak ni Israel, at lahat ng tao ng Diyos ay naligtas sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, tayo, kung maligtas man, ay maliligtas sa gayon ding alituntunin. Tulad ng pagpatnubay ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang mga pamilya, at sa mga anak ng Israel bilang isang bansa; tayo man, bilang isang Simbahan, ay dapat magpailalim sa Kanyang patnubay kung gusto nating umunlad, maligtas, at mapalakas. Tanging Diyos lamang ang dapat nating pagtiwalaan; sa Kanya lamang nagmula ang ating tanging talino; at Siya lamang ang dapat nating maging tagapagtanggol at tagapangalaga, sa espirituwal at sa temporal, at kung hindi ay mabibigo tayo.

“Pinarusahan tayo ng Diyos noong nakaraan sa hindi pagsunod sa Kanyang mga utos, bagaman wala tayong sinuway na anumang batas ng tao kailanman, o nilabag na anumang tuntunin ng tao; subalit hindi natin pinahalagahan ang Kanyang mga utos, at tinalikuran natin ang Kanyang mga ordenansa, at labis tayong pinarusahan ng Panginoon, at nadama natin ang Kanyang kapangyarihan at mapakumbabang tinanggap ang parusa; maging matalino tayo sa darating na panahon at laging alalahanin na ‘ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake.’ [I Samuel 15:22.]”5

“Kapag natagubilinan, dapat nating sundin ang tinig na iyon, sundin ang mga batas ng kaharian ng Diyos, upang ang pagpapala ng langit ay mapasaatin. Lahat ay dapat magkaisa sa pagkilos, o walang anumang magagawa, at dapat kumilos ayon sa sinaunang Priesthood; kaya ang mga Banal ay dapat maging mga taong hirang, malayo sa lahat ng kasamaan ng mundo—hinirang, marangal, at banal. Gagawin ng Panginoon na kaharian ng mga Saserdote, mga taong banal, isang lahing hirang ang Simbahan ni Cristo [tingnan sa Exodo 19:6; 1 Pedro 2:9], tulad noong panahon ni Enoc, taglay ang lahat ng kaloob na inilarawan sa Simbahan sa mga sulat ni Pablo at mga turo sa mga simbahan noong kanyang panahon.”6

“Maaaring paniwalaan ng sino man na si Jesucristo ay Anak ng Diyos, at maging masaya sa paniniwalang iyan, ngunit hindi naman sinusunod ang kanyang mga utos, at sa huli’y maparusahan dahil sa pagsuway sa matwid na mga hinihingi ng Panginoon.”7

“Maging marangal at dalisay, maging mga taong may dangal at katapatan; sundin ang mga utos ng Diyos; at nang sa gayon ay higit ninyong maunawaan ang kaibhan ng tama at mali—sa pagitan ng mga bagay ng Diyos at mga bagay ng tao; at ang inyong landas ay magiging tulad ng sa mga makatarungan, na higit na kumikinang hanggang sa sakdal na araw [tingnan sa Mga Kawikaan 4:18].”8

Habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, iniulat ni Wilford Woodruff: “Binasa ni Pangulong Joseph … ang talinghaga ng puno ng ubas at mga sanga nito [tingnan sa Juan 15:1–8], at ipinaliwanag ito, at sinabi, “Kung susundin natin ang mga utos ng Diyos, makikinabang tayo at magiging kaibigan ng Diyos, at malalaman ang ginawa ng ating Panginoon.’ ”9

Ang Diyos ay nagbibigay ng mga batas na maghahanda sa atin para sa selestiyal na kapahingahan kung susundin natin ang mga ito.

“Hindi mag-uutos ang Diyos ng anumang bagay, nang hindi iniaangkop ang kautusang iyon para [mapabuti] ang kalagayan ng bawat tao anuman ang kalagayan niya ngayon. Hindi na mahalaga kung ano mang kaharian o bansa siya naroroon.”10

“Ang batas ng langit ay inihahayag sa tao, at bilang gayon tinitiyak nito na gagantimpalaan ang lahat ng sumusunod dito nang higit pa sa anumang gantimpala sa mundo; bagaman hindi nito ipinangangako na ang sinumang naniniwala sa alinmang panahon ay maliligtas sa mga paghihirap at suliraning dulot ng masasamang tao sa mundo. Gayunpaman sa kabila ng lahat ng ito may pangako na ibinatay sa katotohanan na ang batas ng Diyos, ay mas mataas sa batas ng tao, dahil nakahihigit ang buhay na walang hanggan kaysa sa buhay sa mundo; at ang mga biyayang maibibigay ng Diyos ay higit kaysa maibibigay ng tao. Kaya, kung may obligasyon ang isang tao na sundin ang kinikilalang batas ng tao, gaano pa kaya nararapat sundin ang batas ng langit! At yamang mas perpekto ang batas ng langit kaysa batas ng tao, higit ang gantimpala kung susundin ito. … Ipinangangako ng batas ng Diyos ang buhay na walang hanggan, maging isang lugar sa mismong kanang kamay ng Diyos, ligtas sa lahat ng kapangyarihan ng masama. …

“… Ang Diyos ay naglaan ng panahon, o panahong itinakda ng Kanyang sariling kalooban, kung kailan dadalhin Niya ang lahat ng Kanyang mga tao, na nakinig sa Kanyang tinig at sumunod sa Kanyang mga kautusan, sa Kanyang selestiyal na kapahingahan. Ang kapahingahang ito ay ganap at maluwalhati, kung kaya’t ayon sa mga batas ng kahariang iyon, kailangang maghanda ang tao bago siya makapasok dito at matamasa ang mga pagpapala nito. Dahil sa katotohanang ito, nagbigay ang Diyos ng mga batas sa sangkatauhan, na kung susundin, ay sapat na para maihanda sila sa pagtanggap ng kapahingahang ito. Kung gayon, masasabi natin na ito ang layunin ng Diyos sa pagbibigay ng mga batas na ito sa atin. … Lahat ng kautusang nakapaloob sa batas ng Panginoon, ay may kaakibat na tiyak na pangako na gagantimpalaan ang lahat ng sumusunod, batay sa katotohanan na ang mga ito ay tunay na ipinangako ng Nilalang na hindi nagsisinungaling, Isang may ganap na kakayahang tuparin ang bawat titik ng Kanyang salita.”11

Itinuro ni Joseph Smith ang sumusunod noong Abril 1843, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21: “May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—at kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay.”12

“Lahat ng pagpapala na inorden ng Kapulungan ng Langit para sa tao ay nakasalalay sa pagsunod sa batas na nakapaloob dito.”13

Yaong matatapat hanggang sa huli ay makatatanggap ng putong na katuwiran.

“Mamuhay na mahigpit na sumusunod sa mga utos ng Diyos, at magpakumbaba sa Kanyang harapan, at ikaw ay Kanyang dadakilain sa Kanyang itinakdang panahon.”14

“Dapat maging maingat ang mga tao sa kanilang ikinikilos sa mga huling araw, kung hindi sila ay pagkakaitan ng kanilang mga inaasahan, at sila na inaakalang magtatagumpay ay mabibigo, sapagkat hindi nila sinunod ang mga kautusan ng Panginoon; samantalang kayo, na ginagawa ang kagustuhan ng Panginoon at sinusunod ang Kanyang mga kautusan, ay may karapatang magalak sa di maibulalas na kagalakan, sapagkat kayo ay dadakilaing ganap, at matagumpay na iaangat sa lahat ng kaharian sa daigdig na ito.”15

“Sa ika-22 kabanata ng tala [ni Mateo] tungkol sa Mesiyas, mababasa natin na ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang hari na naghanda ng piging sa kasal ng kanyang anak na lalaki [tingnan sa Mateo 22:2–14]. Hindi mapag-aalinlanganan na ang anak na lalaking ito ay ang Mesiyas, dahil ang kaharian ng langit ay inilalarawan sa talinghaga; at ang mga Banal, o yaong matatapat sa Panginoon, na mga taong matatagpuang marapat na makapagmana ng lugar sa piging ng kasalan, ay malinaw na makikita sa mga sinabi ni Juan sa Apocalipsis kung saan inilalarawan niya ang tinig na kanyang narinig sa langit na tulad ng isang ‘tinig ng isang makapal na karamihan,’ o gaya ng ‘ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat. Tayo’y mangagalak at mangagsayang mainam, at siya’y ating luwalhatiin; sapagka’t dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay naghahanda na. At sa kaniya’y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay: sapagka’t ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga [B]anal’ [Apocalipsis 19:6–8].

“Na yaong sumusunod sa mga utos ng Panginoon at nagpapamuhay ng Kanyang mga panuntunan hanggang sa huli, at mga tao na tanging pinahihintulutang maupo sa maluwalhating piging na ito, ay malinaw na makikita sa nilalaman ng huling sulat ni Pablo kay Timoteo na isinulat niya bago siya mamatay,— sabi niya: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa Kaniyang pagpapakita.’ [II Kay Timoteo 4:7–8.] Walang sinuman na naniniwala sa salaysay na ito, ang magaalinlangan kahit sandali sa pahayag na ito ni Pablo, dahil alam na niya na mamamatay na siya, bago pa man niya lisanin ang mundong ito. Ayon na rin sa sarili niyang mga salita, inusig niya ang Simbahan ng Diyos at nilipol ito, ngunit matapos paniwalaan ito, walang tigil na niyang pinalaganap ang maluwalhating balita: at tulad ng tapat na kawal, nang hilingang ialay ang kanyang buhay sa layon na kanyang ipinaglalaban, ay inialay ito, tulad ng sabi niya, nang may katiyakan sa walang hanggang putong [na katuwiran].

“Sundan ninyo ang mga ginawa ng Apostol na ito mula nang siya ay magbalik-loob hanggang sa mamatay, at magkakaroon kayo ng magandang halimbawa ng sipag at tiyaga sa pagpapahayag ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Nilibak, nilatigo, at binato, nang makatakas sa mga kamay ng mga nang-uusig sa kanya ay masigasig pa rin niyang ipinahayag ang doktrina ng Tagapagligtas. At sa gayo’y malaman ng lahat na hindi niya tinanggap ang paniniwalang ito para mapuri, ni magtamo ng makamundong mga bagay. Ano, kung gayon, ang naghikayat sa kanya na danasin ang lahat ng paghihirap na ito? Tulad ng kanyang sinabi, ito ay upang makamtan niya ang putong na katuwiran mula sa kamay ng Diyos. Inaasahan namin na walang sinuman na mag-aalinlangan sa katapatan ni Pablo hanggang sa huli. Walang magsasabi na hindi niya iningatan ang pananampalataya, na hindi siya nakibaka ng mabuting pakikibaka, na hindi siya nangaral at naghikayat hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. At ano ang kanyang matatanggap? Isang putong na katuwiran. …

“Pag-isipan ninyo sandali, mga kapatid, at itanong, maituturing ba ninyong karapat-dapat ang inyong sarili na magkaroon [ng] luklukan sa piging ng kasal, kasama si Pablo at ang iba pang tulad niya, kung hindi kayo naging tapat? Kung hindi kayo nakibaka ng mabuting pakikibaka, at hindi ninyo iningatan ang pananampalataya, makakaasa ba kayong makatanggap ng pagpapalang natamo ni Pablo? Kayo ba ay pinangakuang makatanggap ng putong na katuwiran mula sa kamay ng Panginoon, sa Simbahan ng Panganay? Dito ay nauunawaan natin na umasa si Pablo kay Cristo, dahil iningatan niya ang pananampalataya, at naghangad ng kanyang pagpapakita at mula sa Kanyang kamay ay pinangakuang siya ay tatanggap ng putong na katuwiran. …

“… Ang mga sinaunang tao, bagaman inusig at pinarusahan ng mga tao, ay nagtamo mula sa Diyos ng mga pangako na may gayong kahalagahan at kaluwalhatian, kung kaya’t ang ating mga puso ay malimit mapuno ng pasasalamat at tayo ay napahihintulutan pang malaman ang kanilang mga naging buhay habang pinagninilay natin na hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao, at na sa bawat bansa, yaong may takot sa Diyos at gumagawa ng katuwiran, ay kalugud-lugod sa Kanya [tingnan sa Mga Gawa 10: 34–35]. …

“Sa huli’y masasabi natin na darating ang araw na ang lahat ay hahatulan sa kanilang mga gawa, at magagantimpalaan ayon din sa kanilang mga gawa; na ang mga yaon na iningatan ang pananampalataya ay mapuputungan ng putong na katuwiran; madaramitan ng puting kasuotan; matatanggap sa piging ng kasal; mapalalaya sa lahat ng paghihirap, at maghaharing kasama ni Cristo sa mundo, kung saan, ayon sa sinaunang pangako, ay makikibahagi sila ng bunga ng bagong puno ng ubas sa maluwalhating kaharian kasama Niya; kahit paano’y nalaman natin na ipinangako ang mga iyon sa sinaunang mga Banal. At bagaman hindi natin maaangkin ang mga pangakong ito sa mga sinauna, sapagkat hindi naman atin ang mga ito, dahil ang mga ito ay ipinangako sa sinaunang mga Banal, kung tayo ay mga anak ng Kataastaasan, at natawag sa tungkuling siya ring ibinigay sa kanila, at tinanggap ang tipang kanila ring tinanggap, at tapat sa patotoo sa ating Panginoon na tulad nila, malalapitan natin ang Ama sa pangalan ni Cristo tulad ng paglapit nila sa Kanya, at matatanggap ang gayunding mga pangako.

“Ang mga pangakong ito, kung atin mang matamo, ay hindi dahil sina Pedro, Juan, at iba pang mga Apostol … ay namuhay nang may takot sa Diyos at may kapangyarihan at pananampalatayang magtagumpay at matamo ang mga ito; kundi dahil tayo mismo ay may pananampalataya at lumalapit sa Diyos sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, katulad nila; at kapag natamo ang mga pangakong ito, ito ay mga pangakong talagang atin, o ang mga ito ay mawawalan ng kabuluhan sa atin. Ibibigay ang mga ito para sa ating kapakinabangan, dahil ito ay atin (sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos), na natamo dahil sa ating kasigasigang sundin ang Kanyang mga utos, at mamuhay nang matwid sa Kanyang harapan.”16

“Ipaaalala namin sa inyo, mga kapatid, ang mga kapaguran, pagsubok, kasalatan, at pag-uusig, na tiniis ng mga sinaunang banal para lamang hikayatin ang mga tao na mabuti at wasto ang sumampalataya kay Cristo, kung sa aming palagay ay kailangan pa ito, o kung makatutulong ito sa anumang paraan na maganyak kayong magtrabaho sa ubasan ng Panginoon nang may higit na kasigasigan. Ngunit may dahilan tayo para maniwala (kung ginawa ninyong sapat na bahagi ng inyong pag-aaral ang mga banal na Kasulatan), na ang kanilang pagsusumigasig ay batid ninyong lahat; na sila man ay handa ring isakripisyo ang mga papuri at kasiyahan ng mundong ito, nang magtamo sila ng katiyakan na sila ay mapuputungan ng putong ng buhay mula sa kamay ng ating Panginoon; at ang kanilang napakagandang halimbawa sa pagtatrabaho, na ang kasiglahan ay nakikita sa adhikaing kanilang itinataguyod, ay araw-araw ninyong sinisikap na tularan. At umaasa kami na hindi lamang ang mga halimbawang ito ng mga Banal, kundi pati na ang mga utos ng ating Panginoon, ang pahahalagahan ninyo sa inyong puso, na itinuturo sa inyo, hindi lamang ang Kanyang kagustuhang ipahayag ang Ebanghelyo, kundi ang Kanyang kaamuan at sakdal na asal sa kanilang harapan, maging sa mga pagkakataong iyon ng matitinding pag-uusig at pang-aabuso na ibinunton sa Kanya ng isang henerasyong masama at mapangalunya.

“Alalahanin, mga kapatid, na kayo ay Kanyang tinawag sa kabanalan; at kailangan ba naming sabihin, na maging katulad Niya sa kadalisayan? Kung gayon kayo ay dapat maging matalino, banal; malinis ang puri, at sakdal sa Kanyang paningin; at alalahanin din, na ang Kanyang mga mata ay laging nakatuon sa inyo. Kung iisipin ang mga katotohanang ito sa wastong pag-unawa, hindi maaaring hindi ninyo ito mahiwatigan, na kung hindi ninyo mahigpit na susundin ang lahat ng banal na ipinagagawa Niya sa inyo, sa huli’y matatagpuan kayong kulang sa katuwiran; at kung mangyari iyon, tatanggapin ninyo, na ang inyong tadhana ay matutulad sa mga aliping walang pakinabang. Kung gayon, mga kapatid, isinasamo namin sa inyo na magpakahusay sa lahat ng ipinagagawa sa inyo, para hindi mawala sa inyo ang inyong gantimpala.”17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 187, na nakatuon sa panuntunang sinunod ni Joseph Smith sa kanyang buhay. Isipin ang ilang partikular na bagay na natanggap ninyo kamakailan, sa pamamagitan ng mga salita ng buhay na propeta o mga paramdam ng Espiritu Santo. Paano kayo napagpala nang sundin ninyo ang mga utos na ito nang walang pag-aatubili?

  • Repasuhin ang huling talata sa pahina 187. Bakit kailangan natin kung minsan na “mag-isang manindigan” para “maipaglaban ang isang tunay na alituntunin”? Sa anong mga paraan tayo hindi nag-iisa sa gayong mga pagkakataon? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 187–89.) Paano natin matutulungan ang mga bata at kabataan na manatiling tapat sa mga alituntunin ng ebanghelyo kahit hindi ito madaling tanggapin?

  • Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 189. Ano ang mga dahilan kaya tayo binibigyan ng Diyos ng mga utos? Bakit natin kailangang sundin ang Kanyang mga utos?

  • Repasuhin ang mga turo ni Joseph Smith tungkol sa Mateo 22:2–14 at II Kay Timoteo 4:7–8 (mga pahina 191–96). Pag-isipan kung ano ang madarama ninyo kapag natanggap kayo sa piging ng kasal. Anong klaseng mga tao tayo dapat upang maging karapat-dapat na matanggap? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makibaka ng mabuting pakikibaka at ingatan ang pananampalataya? Isipin ang isang taong kilala ninyo na nakibaka ng mabuting pakikibaka at iningatan ang pananampalataya. Ano ang matututuhan ninyo sa taong ito?

  • Hinikayat tayo ni Propetang Joseph na alalahanin na ang Panginoon ay “tinawag [tayo] sa kabanalan” (pahina 196) Ano ang kahulugan sa inyo ng matawag sa kabanalan? Paano magbibigay ng kaibhan sa ating buhay ang pag-alala sa “tungkuling” ito? sa buhay ng ating mga kapamilya at kaibigan?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Exodo 20:1–17; Juan 7:17; 1 Nephi 3:7; D at T 58:26–29; Abraham 3:25

Mga Tala

  1. Orson F. Whitney, “Newel K. Whitney,” Contributor, Ene. 1885, p. 125; ginawang makabago ang pagbabantas at gramatika.

  2. Orson F. Whitney, sa Conference Report, Abr. 1912, p. 50.

  3. History of the Church, 2:170; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book B-1, p. 558, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  4. History of the Church, 6:223; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Peb. 21, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  5. History of the Church, 5:65; mula sa “The Government of God,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hulyo 15, 1842, p. 857; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  6. History of the Church, 4:570; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 30, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  7. History of the Church, 5:426; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 11, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  8. History of the Church, 5:31; mula sa “Gift of the Holy Ghost,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Ene. 15, 1842, p. 825; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  9. History of the Church, 4:478; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Dis. 19, 1841, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  10. Mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Isaac Galland, Mar. 22, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri, inilathala sa Times and Seasons, Peb. 1840, p. 54.

  11. History of the Church, 2:7–8, 12; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Peb. 1834, pp. 135–36.

  12. Doktrina at mga Tipan 130:20–21; mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 2, 1843, sa Ramus, Illinois.

  13. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 16, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Franklin D. Richards, sa Scriptural Items, ni Franklin Dewey Richards, ca. 1841–44, Church Archives.

  14. History of the Church, 1:408; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Vienna Jacques, Set. 4, 1833, Kirtland, Ohio; kung minsan ay binabaybay din nang “Jaques” ang apelyido ni Sister Jacques, katulad sa History of the Church.

  15. History of the Church, 1:299; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay William W. Phelps, Nob. 27, 1832, Kirtland, Ohio.

  16. History of the Church, 2:19–22; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834 inilathala sa Evening and Morning Star, Mar. 1834, p. 144.

  17. History of the Church, 2:13; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Mar. 1834, p. 142.

Joseph and Newel K. Whitney

Noong Pebrero 1831, dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, lumakad papuntang tindahan ni Newel K. Whitney, at sinabi,”‘Ako si Joseph, ang Propeta. … Nanalangin kang pumarito ako; ano ngayon ang ninanais mo mula sa akin?”

child paying tithing

“Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito,” pahayag ni Joseph Smith. Ang batas ng ikapu, tulad ng lahat ng utos ng Panginoon, ay nagdudulot ng mga dakilang pagpapala sa mga sumusunod dito.

Paul testifying

Nagpapatotoo si Pablo sa harapan ni Haring Agrippa. “Walang sinuman,” sabi ni Joseph Smith, “na mag-aalinlangan sa katapatan ni Pablo hanggang sa huli. … At ano ang kanyang matatanggap? Isang putong na katuwiran.”