Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Ang Dakilang Plano ng Kaligtasan


Kabanata 1

Ang Dakilang Plano ng Kaligtasan

“Ang dakilang plano ng kaligtasan ay isang temang dapat ay mahigpit nating pagtuunan ng pansin, at ituring na isa sa pinakamaiinam na handog ng langit sa sangkatauhan.”

Mula sa Buhay Ni Joseph Smith

Noong Setyembre 1831, lumipat si Propetang Joseph Smith at ang kanyang pamilya sa Hiram, Ohio, 48 kilometro timogsilangan ng Kirtland, kung saan mga isang taon silang nanirahan sa bahay nina John at Alice (kilala rin bilang si Elsa) Johnson. Sa tahanang ito isinalin ng Propeta ang malaking bahagi ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.

Ang mahalagang gawaing ito, na tinawag ng Propeta na “bahagi ng aking tungkulin,”1 ay nakatulong nang malaki sa pagunawa natin sa plano ng kaligtasan. Sinimulan ng Propeta ang gawaing ito noong Hunyo 1830 nang utusan siya ng Panginoon na simulan ang paggawa ng inspiradong pagbabago sa King James Version ng Biblia. Matagal nang alam ng Propeta na hindi laging malinaw sa Biblia ang ilang mahahalagang bagay. Napansin niya na binanggit sa kanya ni Moroni ang ilang talata sa Biblia na “may kaunting pagkakaiba sa kung paano … mababasa [ang mga ito] sa ating mga Biblia” (Joseph Smith—kasaysayan 1:36). Habang isinasalin ang 1 Nephi 13:23–29, nalaman niya na “maraming bahagi na malinaw at pinakamahalaga” ang inalis sa Biblia, kabilang na ang “marami sa mga tipan ng Panginoon” (1 Nephi 13:26).

Sinabi ng Propeta kalaunan: “Naniniwala ako sa nakasaad sa Biblia kapag nagbuhat ito sa panulat ng mga orihinal na mayakda. Ang mga walang muwang na tagasalin, walang ingat na tagasulat, o mapanlinlang at tiwaling saserdote ay marami nang nagawang mali. … Tingnan ninyo [sa Mga Hebreo 6:1] ang magkakasalungat—‘Kaya’t tayo’y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan.’ Kung iiwan ng tao ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, paano siya maliligtas sa mga alituntunin? Magkasalungat ito. Hindi ako naniniwala rito. Sasabihin ko kung paano ito nararapat—‘Kaya nga hindi iniiwan ang mga alituntunin ng doktrina ni Cristo, tayo ay magpatuloy tungo sa pagiging ganap.’ ”2

Sa patnubay ng Espiritu, mga tatlong taon ang ginugol ni Joseph sa pagsusuri sa Biblia, at gumawa ng libu-libong pagtatama sa teksto at ibinalik ang maraming impormasyong nawala. Ang ibinalik na impormasyong ito ay lubhang nagbigay-liwanag sa maraming doktrinang hindi malinaw na nailahad sa Bibliang mababasa ngayon. Ang mga inspiradong pagbabagong ito sa teksto ng Biblia ay tinatawag na Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Daan-daang talata mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang kasama na ngayon sa edisyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ng King James Version ng Biblia.

Ang pagsasalin ng Propeta ng Biblia ay mahalagang bahagi ng kanyang sariling espirituwal na pagkatuto at ng pagsisimula ng pagpapanumbalik ng katotohanan ng ebanghelyo. Habang binabago niya ang Luma at Bagong Tipan, madalas siyang makatanggap ng mga paghahayag na naglilinaw o nagpapaliwanag sa mga talata sa Biblia. Sa ganitong paraan, tumatanggap ng maraming doktrina ang Propeta mula sa Panginoon, kasama na ang mga matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 74, 76, 77, 86, at 91, at sa mga parte ng maraming iba pang bahagi ng Doktrina at mga Tipan.

Nang unang simulan ng Propeta ang kanyang pagsasalin ng Biblia noong Hunyo 1830, inihayag sa kanya ng Panginoon ang isang mahabang taludtod mula sa mga isinulat ni Moises. Ang taludtod na ito ang naging unang kabanata sa aklat ni Moises sa Mahalagang Perlas. Nakatala rito ang pangitain nang makita at makausap ni Moises ang Diyos—isang pangitaing lubhang kakaiba kaya tinawag ito ni Joseph Smith na “mahalagang piraso” at “pinagkukunan ng lakas.”3 Sa pangitaing ito, itinuro ng Diyos kay Moises ang pangunahing layunin ng dakilang plano ng kaligtasan:

“At nangusap ang Panginoong Diyos kay Moises, nagsasabing: … Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:37, 39).

Ang mga doktrina, ordenansa, at pangakong bumubuo ng plano ng kaligtasan ay inihayag sa mundo sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Bilang isang tao na malinaw na naunawaan ang kahalagahan ng planong ito, ipinahayag ng Propeta: “Ang dakilang plano ng kaligtasan ay isang temang dapat ay mahigpit nating pagtuunan ng pansin, at ituring na isa sa pinakamaiinam na handog ng langit sa sangkatauhan.”4

Mga Turo ni Joseph Smith

Sa daigdig bago tayo isinilang, si Jesucristo ang piniling maging Tagapagligtas, at pinili nating tanggapin ang plano ng kaligtasan.

“Sa unang organisasyon sa langit naroon tayong lahat at nakita natin na pinili at hinirang ang Tagapagligtas at ginawa ang plano ng kaligtasan, at sinang-ayunan natin ito.”5

“Ang Panginoon [ay] isang saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melchizedek, at siyang hinirang na Anak ng Diyos, bago pa man itinatag ang daigdig [tingnan sa Awit 110:4].”6

“Ang kaligtasan kay Jesucristo ay ginawa para sa lahat ng tao, upang magtagumpay laban sa diyablo. … Lahat ay magdurusa hangga’t hindi nila sinusunod mismo si Cristo.

“Ang pinagtatalunan sa langit ay—sinabi ni Jesus na may ilang kaluluwang hindi maliligtas; at sinabi naman ng diyablo na ililigtas niya silang lahat, at inilahad niya ang kanyang plano sa harapan ng malaking kapulungan, na bumoto ng pagsang-ayon kay Jesucristo. Kaya ang diyablo ay naghimagsik laban sa Diyos, at pinalayas, kasama ang lahat ng pumanig sa kanya.”7

Tayo ay mga walang hanggang nilalang; susulong tayo sa kadakilaan sa pagsunod sa mga batas ng Diyos.

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod na paghahayag mula sa Panginoon noong Mayo 1833, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 93:29: “Ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos. Ang katalinuhan, o ang liwanag ng katotohanan, ay hindi nilikha o ginawa, ni maaaring gawin.” Noong Abril 1844, itinuro ng Propeta: “May isang paksa pa akong tatalakayin, na ipinlanong magpadakila sa tao. … Ito ay may kinalaman sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay,—alalaong baga’y ang kaluluwa—ang isipan ng tao—ang walang kamatayang espiritu. Saan ito nagmula? Lahat ng taong may pinag-aralan at dalubhasa sa relihiyon ay nagsasabi na nilikha ito ng Diyos sa simula; ngunit hindi ito gayon: sa tingin ko ay pinabababa ng ideyang ito ang tao. Hindi ako naniniwala sa doktrina; higit pa rito ang alam ko. Makinig kayo, kayong lahat na nasa mga dulo ng mundo; sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Diyos; at kung hindi kayo maniniwala sa akin, hindi nito pawawalang-bisa ang katotohanan. …

“Ang sinasabi ko ay ang kawalang-kamatayan ng espiritu ng tao. Makatwiran bang sabihin na ang talino ng mga espiritu ay walang kamatayan, subalit may simula? Ang talino ng mga espiritu ay walang simula, ni katapusan. Iyan ay mabuting katwiran. Yaong may simula ay maaaring may katapusan. Hindi nawala ang mga espiritu kailanman. …

“… Huhubarin ko ang singsing sa aking daliri at ihahalintulad ito sa isipan ng tao—ang bahaging walang kamatayan, dahil wala itong simula. Halimbawa ay hinati ninyo ito sa dalawa; sa gayon ay may simula na ito at katapusan; ngunit pagsamahin ninyo itong muli, at patuloy ito sa walang hanggang pag-ikot. Ganyan din ang espiritu ng tao. Habang buhay ang Diyos, kung ito ay may simula, ito ay may katapusan. Noon pa mang simula ng paglikha ay pinatutunayan na ng lahat ng hangal at may pinag-aralan at matalinong tao, na nagsasabing may simula ang espiritu ng tao, na dapat ay may katapusan ito; at kung totoo ang doktrinang iyan, totoo rin ang doktrina ng pagkalipol. Ngunit kung tama ako, buong tapang kong ipahahayag mula sa ibabaw ng mga bubong ng bahay na ang Diyos ay hindi kailanman nagkaroon ng kapangyarihang lumikha ng espiritu ng tao. Ang Diyos mismo ay hindi kayang likhain ang kanyang sarili.

“Ang katalinuhan ay walang hanggan at umiiral sa sariling tuntunin nito. Isa itong espiritung umiiral sa bawat panahon at hindi ito nalilikha. Lahat ng isipan at espiritung pinababa ng Diyos sa mundo ay may kakayahang umunlad.

“Ang mga pangunahing tuntunin tungkol sa tao ay umiiral na kasama ng Diyos. Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya. Ang kaugnayan natin sa Diyos ay naglalagay sa atin sa isang sitwasyon na madaragdagan ang ating kaalaman. Siya ay may kapangyarihang bumuo ng mga batas para maturuan ang di gaanong matatalino, upang sila ay mapadakilang kasama niya, nang sa gayon ay magkaroon sila ng kaluwalhatian sa kaluwalhatian, at ng lahat ng kaalaman, kapangyarihan, kaluwalhatian, at katalinuhan, na kailangan upang mailigtas sila sa daigdig ng mga espiritu.”8

“Tinatanggap natin na nilikha ng Diyos ang tao na may isipang maaaring turuan, katalinuhang maaaring paunlarin ayon sa pagtalima at kasigasigang ibinigay sa kaliwanagang ipinarating ng langit sa isipan; at habang papalapit sa pagiging sakdal ang isang tao, higit na lumilinaw ang kanyang mga pananaw, at higit siyang nasisiyahan, hanggang sa madaig niya ang mga kasamaan sa kanyang buhay at mawala ang lahat ng hangaring magkasala; at tulad ng mga tao noong unang panahon, ay sumasapit ang kanyang pananampalataya sa puntong siya ay nababalot sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng kanyang Lumikha, at umaakyat sa langit upang makapiling Siya. Ngunit tinatanggap natin na ito ay isang kalagayang hindi nararating ng sinumang tao sa isang iglap.”9

Naparito tayo sa mundo upang magkaroon ng katawan, magtamo ng kaalaman, at manaig sa pamamagitan ng pananampalataya.

“Alam ng lahat ng tao na kailangan silang mamatay. At mahalagang maunawaan natin ang mga dahilan at sanhi ng pagkalantad natin sa malalaking pagbabago ng buhay at ng kamatayan, at ang mga plano at layunin ng Diyos sa pagparito natin sa mundo, ang ating mga pagdurusa rito, at ang ating paglisan mula rito. Ano ang layunin ng ating buhay rito, pagkatapos ay mamatay at lumisan, at tuluyan nang mawala sa mundo? Makatwiran lamang na ipalagay na ang Diyos ay maghahayag ng isang bagay na may kaugnayan dito, at ito ay isang paksang dapat nating pag-aralan nang higit kaysa iba. Dapat natin itong pag-aralan araw at gabi, sapagkat ang sanlibutan ay walang muwang sa tunay nilang kalagayan at kaugnayan [sa Diyos].”10

“Ang plano ng Diyos bago pa itinatag ang daigdig ay magkaroon tayo ng mga tabernakulo [katawan], nang sa pamamagitan ng ating katapatan ay manaig tayo at sa gayon ay mabuhay tayong mag-uli mula sa mga patay, at sa ganitong paraan ay magtamo ng kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan, at nasasakupan.”11

“Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan. Nasisiyahan siya kapag nakakakuha siya ng katawan ng tao, at nang palayasin ng Tagapagligtas ay hiniling niyang makapasok sa kawan ng mga baboy, na nagpapakitang mas gugustuhin pa niya ang katawan ng baboy kaysa wala. Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito.”12

“Ang kaligtasan ay ang maligtas ang tao mula sa lahat ng kanyang kaaway; sapagkat hangga’t hindi nadadaig ng tao ang kamatayan, hindi siya maliligtas. …

“Ang mga espiritu sa daigdig na walang hanggan ay gaya ng mga espiritu sa daigdig na ito. Kapag sila ay isinilang sa mundong ito at nagkaroon ng katawan, at namatay at muling nagbangon at tumanggap ng niluwalhating katawan, lamang sila kaysa mga espiritung hindi tumanggap ng katawan, o hindi pinanatili ang kanilang unang kalagayan, gaya ng diyablo. Ang parusa sa diyablo ay hindi siya dapat magkaroon ng katawan na gaya ng tao.”13

“Ang alituntunin ng kaalaman ay alituntunin ng kaligtasan. Ang alituntuning ito ay mauunawaan ng tapat at masigasig; at bawat isa na hindi nagtamo ng sapat na kaalaman para maligtas ay susumpain. Ang alituntunin ng kaligtasan ay ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng kaalaman tungkol kay Jesucristo.

“Ang kaligtasan ay walang iba kundi ang magtagumpay laban sa lahat ng ating kaaway at mailagay sila sa ating paanan. At kapag may kapangyarihan tayong ilagay sa ating paanan ang lahat ng ating kaaway sa mundong ito, at may kaalaman tayong magtagumpay laban sa lahat ng masamang espiritu sa mundong darating, tayo ay maliligtas, tulad ng nangyari kay Jesus, na maghahari hanggang sa mailagay Niya sa Kanyang paanan ang lahat ng Kanyang kaaway, at ang huling kaaway ay kamatayan [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:25–26).

“Marahil ay may mga alituntunin dito na iilang tao lamang ang nakaisip. Walang taong magkakaroon ng kaligtasang ito kung hindi sa pamamagitan ng isang katawan.

“Ngayon, sa mundong ito, ang tao ay likas na makasarili, ambisyoso at hangad mahigitan ang iba; gayunman ang ilan ay handang palakasin ang iba at maging ang kanilang sarili. Kaya’t sa ibang daigdig may iba’t ibang espiritu. Ang ilan ay hangad manguna. At ito ang nangyari kay Lucifer nang siya ay mahulog. Naghangad siya ng mga bagay na hindi naaayon sa batas. Kaya siya ay pinalayas, at sinasabing natangay niya ang marami; at ang bigat ng parusa sa kanya ay hindi siya magkakaroon ng tabernakulo [katawan]. Ito ang parusa sa kanya.”14

Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang pumili at ng kakayahang piliin ang mabuti sa masama.

“Kung ang mga tao ay magtatamo ng kaligtasan, dapat silang pumailalim, bago nila lisanin ang daigdig na ito, sa mga partikular na patakaran at alituntunin, na pinatibay ng hindi mababagong batas bago pa nilikha ang mundo. … Ang paglikha ng espirituwal at banal na mga mundo, at ng espirituwal at banal na mga nilalang, ay naaayon sa pinakaperpektong kaayusan at pagkakasundo: ang mga limitasyon at hangganan nila ay hindi maaaring bagu-baguhin, at kusa nila mismong sinang-ayunan sa kalagayan nila sa langit, at sinang-ayunan ng una nating mga magulang sa mundo. Kaya’t mahalaga na ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan ay tanggapin at sang-ayunan ng lahat ng tao sa mundo na umaasa sa buhay na walang hanggan.”15

“Lahat ng tao ay may karapatang pumili, sapagkat ito ay inorden ng Diyos. Nilikha Niya ang sangkatauhan na may kalayaang pumili, at binigyan sila ng kakayahang piliin ang mabuti o masama; hangarin ang yaong mabuti, sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng kabanalan sa buhay na ito, na nagdudulot ng kapayapaan ng isipan, at kagalakan dito kasama ang Espiritu Santo, at ganap na kagalakan at kaligayahan sa Kanyang kanang kamay sa kabilang buhay; o tahakin ang masamang landas, patuloy na magkasala at maghimagsik sa Diyos, na maghahatid ng kapahamakan sa kanilang kaluluwa sa mundong ito, at ng walang hanggang kapahamakan sa mundong darating.”16

“Hindi tayo maaakit ng mga panunukso ni Satanas maliban kung payagan o pahintulutan natin ito sa ating kalooban. Ang likas nating pagkatao ay nilikhang gayon upang malabanan natin ang diyablo; kung hindi tayo nilikha nang gayon, mawawalan tayo ng layang pumili.”17

“Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung pahintulutan natin siya; sa sandaling maghimagsik tayo sa anumang bagay na nagmula sa Diyos, mananaig ang diyablo.”18

Noong Mayo 16, 1841, nagsalita ang Propeta sa mga Banal: “Naobserbahan ni Pangulong Joseph Smith … na si Satanas ang karaniwang sinisisi sa mga kasamaang ginawa natin, subalit kung siya ang sanhi ng lahat ng ating kasamaan, hindi maaaring isumpa ang tao. Hindi mapipilit ng diyablo na gumawa ng masama ang sangkatauhan; lahat ay kusa nilang ginawa. Yaong mga lumaban sa Espiritu ng Diyos, ay nanganganib na matukso, at sa gayon ay mawawala ang pagsama ng langit sa mga taong tumangging makibahagi sa napakadakilang kaluwalhatian. Hindi mamimilit ang Diyos, at hindi ito kayang gawin ng diyablo; at ang gayong mga ideyang naiisip ng marami [tungkol sa mga paksang ito] ay walang katotohanan.”19

Itinala ni Eliza R. Snow: “Sinabi [ni Joseph Smith] na wala siyang pakialam kung gaano tayo kabilis sumulong sa landas ng kabutihan. Labanan ang kasamaan, at walang panganib; hindi hahatulan ng Diyos, mga tao, at mga anghel ang mga yaong nadaraig ang lahat ng kasamaan, at hindi ito kayang gawin ng diyablo; hindi madaraig ng diyablo ang inosenteng kaluluwang nilalabanan ang lahat ng kasamaan na tulad ng pagtatangka niyang madaig si Jehova.”20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Ano ang ilang partikular na katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan at layunin ng buhay na nalaman natin dahil sa mga paghahayag kay Propetang Joseph Smith? Paano nakatulong sa inyo ang mga katotohanang ito?

  • Itinuro ni Joseph Smith na ang plano ng kaligtasan ay “isang paksang dapat nating pag-aralan nang higit kaysa iba” (pahina 245) at “isang temang dapat ay mahigpit nating pagtuunan ng pansin” (pahina 242). Sa anong mga paraan natin mapag-aaralan ang plano ng kaligtasan? Habang abala tayo sa ating pangaraw-araw na mga gawain, ano ang magagawa natin para mahigpit na mapagtuunan ng pansin ang plano ng kaligtasan? Ano ang ilang paraan para maituro natin ang plano ng kaligtasan sa iba?

  • Repasuhin ang mga turo ni Joseph Smith tungkol sa Kapulungan ng Langit at sa ating pagkataong likas na walang hanggan (mga pahina 242–44). Paano nagiging isang pagpapala sa inyong buhay sa mundo ang pagkaalam sa mga doktrinang ito?

  • Nagpatotoo si Propetang Joseph, “Lahat ng isipan at espiritung pinababa ng Diyos sa mundo ay may kakayahang umunlad” (pahina 244). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito? Paano maaaring makaimpluwensya ang katotohanang ito sa pagharap ninyo sa mga hamon? sa nadarama ninyo tungkol sa sarili ninyong kahalagahan at mga kakayahan? sa pakikitungo ninyo sa ibang tao?

  • Basahin ang huling talata sa pahina 244. Pag-isipan ang mga pagpapalang natanggap natin sa “pagtalima at kasigasigan … sa kaalamang ipinarating ng langit.”

  • Repasuhin ang mga turo ni Joseph Smith tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pisikal na katawan (mga pahina 245–47). Paano maaaring makaapekto ang kaalamang ito sa pangangalaga natin sa ating mga katawan?

  • Basahin ang unang dalawang buong talata sa pahina 248. Isipin kung ano ang kahulugan sa inyo ng mga turong ito sa paggamit ng inyong kalayaang pumili. Ano ang ilang partikular na bagay na magagawa natin upang malabanan ang impluwensya ni Satanas?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 2 Nephi 2:25; 9:6–12; Alma 34:31–33; D at T 76:25–32; 101:78; Abraham 3:22–25

Mga Tala

  1. History of the Church, 1:238; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 175, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. History of the Church, 6:57–58; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Okt. 15, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  3. History of the Church, 1:98; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, miscellaneous papers, Church Archives.

  4. History of the Church, 2:23; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Abr. 1834, p. 152.

  5. Binanggit ni William Clayton, sa paguulat tungkol sa isang talumpating walang petsa na ibinigay ni Joseph Smith sa Nauvoo, Illinois; sa “Extracts from William Clayton’s Private Book,” ni L. John Nuttall, p. 7, Journals of L. John Nuttall, 1857–1904, L. Tom Perry Special Collections, Brigham Young University, Provo, Utah; nasa Church Archives ang kopya.

  6. “Baptism,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Set. 1, 1842, p. 905; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagpapalaki ng mga letra; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  7. History of the Church, 6:314; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  8. History of the Church, 6:310–12; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  9. History of the Church, 2:8; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Peb. 1834, p. 135.

  10. History of the Church, 6:50; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Okt. 9, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards at ng Times and Seasons, Set. 15, 1843, p. 331; nahuli ang paglalathala ng isyung ito ng Times and Seasons.

  11. Binanggit ni Martha Jane Knowlton Coray, sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 21, 1843, sa Nauvoo, Illinois; Martha Jane Knowlton Coray, Notebook, Church Archives.

  12. Binanggit ni William Clayton, sa paguulat tungkol sa isang talumpating walang petsa na ibinigay ni Joseph Smith sa Nauvoo, Illinois; sa “Extracts from William Clayton’s Private Book,” ni L. John Nuttall, pp. 7–8, Journals of L. John Nuttall, 1857–1904, L. Tom Perry Special Collections, Brigham Young University, Provo, Utah; nasa Church Archives ang kopya.

  13. History of the Church, 5:403; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 21, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  14. History of the Church, 5:387–88; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 14, 1843, sa Yelrome, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  15. History of the Church, 6:50–51; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Okt. 9, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards at ng Times and Seasons, Set. 15, 1843, p. 331; nahuli ang paglalathala ng isyung ito ng Times and Seasons; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  16. History of the Church, 4:45, talababa; mula sa isang liham ng Unang Panguluhan at mataas na kapulungan sa mga Banal na naninirahan sa kanlurang bahagi ng Kirtland, Ohio, Dis. 8, 1839, Commerce, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Dis. 1839, p. 29.

  17. Binanggit ni William P. McIntire, sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong mga unang buwan ng 1841 sa Nauvoo, Illinois; William Patterson McIntire, Notebook 1840–45, Church Archives.

  18. Binanggit ni William Clayton, sa paguulat tungkol sa isang talumpating walang petsa na ibinigay ni Joseph Smith sa Nauvoo, Illinois; sa “Extracts from William Clayton’s Private Book,” ni L. John Nuttall, p. 8, Journals of L. John Nuttall, 1857–1904, L. Tom Perry Special Collections, Brigham Young University, Provo, Utah; nasa Church Archives ang kopya.

  19. History of the Church, 4:358; nasa orihinal ang mga salitang nakabracket; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 16, 1841, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ng Times and Seasons, Hunyo 1, 1841, p. 429.

  20. History of the Church, 4:605; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

Christ speaking to Moses

“At nangusap ang Panginoong Diyos kay Moises, nagsasabing: … Sapagkat masdan, ito ang aking gawain, at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”

father reading

“Ang plano ng Diyos bago pa itinatag ang daigdig ay magkaroon tayo ng mga tabernakulo [katawan], nang sa pamamagitan ng katapatan ay manaig tayo.”